"Magnilay ka tao at linisin ang iyong kalooban, lahat ng iyong kabiguan ay balang araw masusuklian ng kaligayahan. Hindi man ngayon ngunit umasa kang hangga't mabuti ang iyong hangarin, ako ang iyong magiging gabay hanggang sa kahuli-hulian ng iyon buhay." wika ni Adlaw habang tila nawawala ito sa kanyang harapan.
Pagmulat ng kanyang mata ay natagpuan niya ang sariling nakatingin sa dalaga na noo'y nakangiting nakatitig din sa kanya.
"Maligaya akong nagkaharap na kayo ng iyong gabay. Naway ito ang maging simula ng iyong pangalawang buhay bilang tagasunod ng ating maylikha." sambit pa ni Mina.
Pansamantala silang nanatili doon upang kahit papaano ay maibsan ang nararamdamang kalungkutan ni Isagani. Alam ni Mina ang pait at sakit na dinadala nito. Ramdam din niya ang pangangailangan nito ng katahimikan kaya naman ay mas minabuti niya lumayo muna dito. Nilibang na lamang niya ang sarili sa pakikipag-usap sa mga engkantong tubig na nandoon habang hinihintay ang binata.
Hindi nila namalayan ang mabilis na paglipas ng oras, nang mapansin ito ni Isagani ay halos papalubog na ang araw. Agad naman siyang nagpalinga-linga upang hanapin si Mina at natagpuan niya ito malapit sa ilog. Dagli niya itong nilapitan upang ayain itong umuwi nang biglang napatigil siya sa paglalakad nang may mapansin siyang tila nagmamasid sa kanila. Alam niyang kampon iyon ng dilim dahil naaamoy niya ang masama nitong presensya. Marahil ay inaakala ng mga ito na pangkaraniwang tao lamang sila na naglalaro o namamasyal sa kagubatang iyon. Napangisi lang si Isagani at tinungo na ang kinaroroonan ng dalaga.
"Umuwi na tayo Mina." tawag niya sa dalaga. Lumingon naman agad ito at napangiti.
"Mukhang maayos ka na. Tara na paniguradong pagagalitan na tayo nina Tandang Ipo." wika ni Mina at tumayo na ito, habang papalayo sila ay napag-usapan nila ang tungkol sa mga matang nakamasid sa kanila. Hinayaan lamang nila ito at hindi na kinompronta pa dahil nagmamadali na din silang umuwi. Maantala lang sila kung pag-aaksayahan pa nila ito ng oras. Alma din naman nilang mahihinan uri lang ang mga ito at wala itong panganib na maidudulot sa kanila.
Pagdating nila sa tinutuluyan nilang bahay ay hindi nga sila nagkamali, walang humpay ang ginagawang sermon sa kanila ng dalawang ermetanyo at natatawa lang silang nagkatinginan. Kinagabihan ay naatasan silang magmasid sa buong paligid. Hindi naman sila nagreklamo dahil pabor din naman sa kanila ang pinapagawa ng ermetanyo. Una, pareho pa silang nagsasanay gamitin ang mga kakayahan nila . Pangalawa, masusubukan ni Isagani ang nagbago sa kanyang kakayahan buhat nang makipag-isa siya kay Adlaw.
Pareho silang nakaupo noon sa malaking bato sa labas ng kanilang tahanan habang nagmamasid sa kanilang kapaligiran.
"Nararamdaman mo sila?" tanong ni Isagani sa dalaga.
"Oo naman, mukhang minamaliit nila ang ating grupo. Ano sa palagay mo, magagalit ba sina Tandang Ipo at Tandang Karyo kung makikipaglaro tayo sa mga tagamasid ng mga aswang?"
Tawa lamang ang naisagot ni Isagani dahil alam niyang pareho sila ng iniisip ng dalaga. Ilang minuto pa ang lumipas ay tila mga tigre na silang nagmamasid sa kanilang magiging biktima sa kadiliman. Dahil sa parehong matatalas ang kanilang pakiramdam ay agad nilang natunton ang mga kinaroroonan. Kisap-mata lamang iyon nang pareho nilang masukol at mahuli ang tatlong nagmamasid sa kanila. dalawa sa mga ito ay agad na kinitilan ng buhay ni Isagani gamit gamit ang kaniyang matutulis na kuko habang ang isa naman ay iniwan nilang buhay upang makakuha ng ipormasyon dito.
Hawak-hawak ni Isagani ang ulo nito habang pilit itong pinapadapa sa lupa habang nag-uusal naman si Mina sa hawak nitong punyal. Pagkaraan ng ilang segundo ay mabilis niyang itinarak iyon sa kamay ng tagamasid na aswang at hinawakan ang ulo nito. Doon nakita ni Isagani ang pagliwanag ng mga mata ni Mina nang kagaya ng nakita niya kay Adlaw. Pansamantala itong natulala sa kawalan na animoy biglang naglakbay ang diwa nito sa kung saan. Ilang sandali pa any nanumbalik na ang huwesyo ng dalaga sa katawan nito.
"Dalawang araw mula ngayon , magsisismula nang kikilos ang mga aswang. Ang iba sa kanila any nanggaling pa sa norte at dumayo pa sila rito para makisali sa malawakang anihan ng mga aswang." wika ni Mina na lubhang ikinagulat ng bihag nilang aswang. nagwala ito at nag-angil sa kanila. Hindi nito matanggap na dalwang bata lamang ang nakasukol sa grupo nila at ang mas malala pa dito ay nalaman ng mga ito ang eksaktong plano nilang pasalakay sa mga baryo.
Tinadyakan naman ni Isagani ang nagwawalang aswang na ikinangudngod nito sa lupa. Ilang sandali pa ay kinitilan na niya ito ng buhay nang walang pag-aalinlangan.
"Ilang uri ng aswang ang makikisali, nakita mo ba?"
"Ayon sa pangitaing nakita ko, may limang uri ang sigurado, ngunit meron pang paparating at iyon ang hinihintay nila." Sagot naman ni Mina habang malalim na nag-iisip. Bumalik na sila sa kanilang orihinal na pwesto at muling nagmasid doon. Lumipas na ang hating -gabi at nang mapagtanto nilang wala nang sasalakay na nilalang ay pumasok na sila sa bahay upang magpahinga.
Kinaumagahan ay kaagaran nilang inilahad sa mga kasamahan nila ang nalaman nilang impormasyon galing sa aswang.
"Mukhang may ideya na ako kung anong klaseng nilalang ang kanilang hinihintay." sambit ni Tandang Karyo. "Kung hindi ako nakakamali ay isa ito sa mga pinakamatandang uri ng mga aswang, Maranhig kung sila ay tawagin. Isa silang uri ng aswang na nanggaling pa sa ilalim ng lupa." Wika ni Tandang Karyo habang nananabako.
"Mga maranhig? Bakit sila makikisali sa anihan gayong ang buong akala ko ay isa din sila sa mga matatakaw na mga uri ng aswang." Naguguluhang tanong ni Obet na ikinatawa lamang ni Tandang Ipo.
"Ang maranhig kapag walang pinuno ay parang hayok sa laman, ngunit kapag bumangon na sa lupa ang kanilang itinuturing na hari ay isa sila sa pinakamaayos na uri ng mga aswang. Mapanlinlang ang mga maranhig dahil lahat ng iyong kahinaan ay gagamitin nila upang ikaw ay magapi." Paliwanag naman ni Tandang Ipo.
"Kung tama ang hinala ni Karyo, kailangan natin mapaghandaan ang mga maranhig dahil isa sila sa magpapahirap sa atin sa laban. " Dagdag pa ni Tandang Ipo.
Isa-isang inilihad ng dalawang ermetanyo ang mga pangunahing pangontra sa mga maranhig na maari nilang gawin. Kanya-kanya naman sila sa pagtatalaga ng mga parte na kailangang gampanan ng bawat isa. Dahil si Mina at Isagani lamang ang mas malakas ang pakiramdam sa kanila ay ang mga iti ang naatasang maging tagamasid nila sa buong baryo. Hindi na din kasi iba sa kanila ang kakayahan ni Mina na pagalawin o utusan ang mga nilalang ng kalikasan upang makapaghatid sa kanila ng mga balita, impormasyon at tulong. Si Isagani naman ay malaki din ang naitutulong sa kanila dahil sa talas ng pang-amoy nito lalo na sa mga nilalang na may bahid ng kasamaan. Naging pangunahing tagapag-ulat din nila ang dalawa na halos sa bawat araw ay mas nagiging bihasa ang mga ito lalo na si Isagani na noo'y napakalaki ng ipinagbago sa loob lamang ng maikling panahon.
Sumapit na nga ang araw na kanilang pinaghahandaan. Halos umaga pa lamang ay may mga nilalang na silang nakikkitang nagmamasid at paikot-ikot sa baryo. Hinahayaan lang nila iyon at patuloy din silang nagmamasid at nakikiramdam sa kanilang paligid.
Puspusan na ang paghahanda ng iba pang mga kasama ni Mina. Taimtim nang nag aayuno ang mga ito habang inihahanda ang mga dasal at usal nilang gagamitin sa laban. Panay na rin ang pagpapakain nila ng mga dasal sa kani-kanilang mga tangang agimat at mutya upang hindi sila magawang iwang nito sa oras ng digmaan.
Si Sinag naman noon ay nagninilay sa isang malaking puno upang kausapin ang gabay niyang diwata. Bukod kay Mapulon na siyang nagsugo sa kanya upang protektahan at gabayan si Mina ay nariyan din ang kanyang pangunahing gabay na si Diwatang Malandok na siya ring kilala bilang diyos ng digmaan. Batid ni Sinag na mas kakailanganin niya ang gabay ng diyos ng digmaan noong panahong iyon. Malaki din ang maitutulong nito sa kanya kaya mas pinag-igihan niya ang pagkonekta dito.
Dahan-dahan na ngang sumapit ang takip-silim. Kasabay ng paglubog ng araw ang unti-unting pagsakop ng makapal na hamog sa kalupaan hudyat para sa mga nilalang na isa-isang magsulputan. Hindi lingid sa mga ito ang grupo ng mga antinggero na matiyagang naghihintay upang salakayin sila. Ang buong akala nila ay walang kaalam-alam ang mga ito sa kanilang gagawin pagsalakay dahil nag-abiso ang mga ito na ipakalat sa lugar ang maling impormasyon patungkol sa kanilang gagawin.