Chapter 24 - TP: 22

Now playing: Hurts So Good - Astrid S

Felicia POV

Isang malakas na suntok sa tagiliran ang natamo ni Skyler mula sa kanyang Dada Billy noong makalabas ako ng opisina ni Mrs. Rose.

Ngunit pinili ko na lamang na huwag na itong pansinin pa at dire-diretso lamang ako sa aking hakbang pabalik sa aking silid.

Dahil sa nangyari at ginawa ko nalaman ni Mrs. Rose ang itinatago ni Skyler na namamagitan sa aming dalawa. Ngunit anong magagawa ko? Masyadong magulo ang isipan ko ngayon at binabalot ako ng galit para sa kanilang mag-ina dahil sa nangyari sa pamilya ng kaibigan ko.

Pagdating sa loob ng aking kwarto ay wala akong ibang magawa kundi ang mapaupo sa sahig at doon muling naiyak dahil sa magkahalong lungkot at sakit na nararamdaman.

Hindi ko akalain na sa ganoong sitwasyon mawawala ang pamilya nina Beauty at nang dahil pa sa akin.

Hindi.

Nang dahil sa kapabayaan nina Mrs. Rose at Skyler.

Hindi nila tinupad ang pinangako nilang proteksyon para sa akin at sa mga taong malalapit sa akin.

Kahit na anong gawin kong pagkukumbinsi sa sarili kong hindi nila kasalanan ang nangyari, sila pa rin ang nakikita kong rason kung bakit wala na ngayon ang mga taong itinuring ko nang pangalawang pamilya.

Ngunit awtomatiko akong natigilan sa aking paghikbi nang muling maalala ang gabing pumanaw ang aking ama.

Alam ko kasi sa sarili ko na ang gabing namatay ang aking ama ay hindi lamang basta ordinaryong gabi. Alam ko na merong ibang tao noong gabi na iyon sa loob ng aming bahay.

Alam ko rin na ang pag-utos sa akin ng aking ama na bumili sa tindahan noong gabi na iyon ay paraan niya lamang upang ako ay protektahan at ilayo sa mga taong mayroong masamang balak sa kanya.

Marahil na rin, ayaw nitong makita ko ang mga pwedeng mangyari katulad na lamang ng pagpaslang sa kanya.

Pero dahil sa takot sa nangyari kaya mas minabuti ko na lamang na isiping aksidente lang ang pagkamatay ng aking nito at walang may ibang gumawa noon sa kanya.

Ngunit ang totoo, alam ko sa sarili kong mayroong lumapastangan sa buhay niya.

Nasa gitna pa ako ng aking malalim na pag-iisip nang biglang mayroong kumatok sa pintuan ng aking kwarto.

Hindi pa man ako nakakapagsalita nang bumukas na ito at iniluwa noon ang seryosong mukha ni Mrs. Rose.

Ang Dada ni Skyler.

Mabilis na napatayo ako mula sa aking pag-upo sa sahig at tinignan siya ng diretso sa kanyang mga mata.

"A-Anong kailangan niyo sa akin?" Nanginginig ang boses na tanong ko sa kanya.

Ngunit kalmado na tinignan lamang niya ako at hinawakan sa aking magkabilaang balikat.

"Let's talk." Tipid na wika niya bago naupo sa pahabang sofa na madalas higaan ni Skyler kapag nandito sa kwarto ko.

Ngunit dahil sa hindi pa rin kumakalma ang galit na meron sa dibdib ko para sa kanila ng anak niyang si Sky, kaya nagmatigas ako at hindi ko pinakinggan ang utos niya.

"I said, sit down." Maawtoridad na utos nito sa akin. Kitang-kita ko rin kung paano gumalaw ang magkabilaang panga niya. Halatang nagtitimpi lamang ito na huwag akong mapagtaasan ng boses.

"Paano ho kung ayaw ko?" Lakas loob na tanong ko sa kanya.

Ngunit napangisi lamang ito habang napailing.

"Kailangan mong malaman ang totoo. At ako mismo ang magsasabi sa'yo." Titig na titig na wika nito, kaya naging dahilan iyon upang lumambot ako at tuluyan na ngang naupo sa kabilang dulo ng sofa kung saan siya nakaupo.

Noong nasigurado ni Mrs. Rose na handa na akong makinig sa kanya ay nagsimula na nga ito sa pagsisiwalat ng buong katotohanan sa akin.

At habang isa-isa niyang inilalatag sa akin ang buong katotohanan, unti-unti ring nagsi-sink in sa aking isipan na hindi ibang tao ang dahilan kung bakit namatay ang aking ama.

Kundi namatay ito, dahil sa akin.

Para protektahan ako laban sa mga taong gustong ipapaslang ako.

At ang masakit pa roon, hindi ko siya tunay na ama. Isa lamang siyang labis na pinagkakatiwalaan na tauhan ng tunay kong mga magulang. At kaya ako napunta rito sa Pilipinas dahil ito lamang ang lugar kung saan hindi ako mahahanap kaagad.

Isa pa, wala na nga ang aking kinagisnang ama, eh malalaman ko pang matagal na rin palang pumanaw ang aking tunay na mga magulang.

At ang pamilya nina Skyler na lamang ang huling pwedeng tumulong sa akin laban sa mga taong hanggang ngayon, ay pinaghahanap pa rin ako.

Literal na nanginginig ang buong katawan ko, hanggang sa kalamnan ko, habang ninanamnam ang buong katotohanan tungkol sa aking pagkatao.

Hindi ko mapigilang isisi lahat ng mga nangyari sa aking sarili, mula sa pagkamatay ng aking tunay na mga magulang, ng aking kinagisnang ama at hanggang sa pagkamatay ng pamilya nina Beauty.

Lalo akong napahagulhol kahit pa nasa harapan ko pa rin hanggang ngayon si Mrs. Rose.

"Are you okay?"

"M-Mawalang galang na ho pero... pero p-pwede bang iwanan niyo muna ako?" Pakiusap ko kay Mrs. Rose.

Agad namang napatango ito bago tumayo.

"I understand. If you need anything---"

"P-PAKIUSAP LANG LUMABAS NA HO MUNA KAYO!" Bigla na lamang akong napasigaw at pinaghahagis ang mga bagay na mahawakan ko.

Ngunit kalmado pa rin na tinignan ako nito sa aking mukha. At makikita sa kanyang mga mata ang labis pagkaawa sa akin.

Gusto kong magwala.

Magalit.

Magsisigaw.

At paulit-ulit na sisihin ang sarili ko sa mga nangyari.

Ngunit sa paglabas ni Mrs. Rose ng aking kwarto, ay hindi ko inaasahan na sumunod na naman na papasok si Skyler.

Kaya naman muling sinalo nito ang lahat ng galit, puot at hinanakit na nararamdaman ko sa mga sandaling ito.

---

Skyler POV

"Alam mo ang tungkol sa tatay ko." Iyon agad ang bungad sa akin ni Felicia pagpasok ko pa lamang sa kanyang kwarto.

"ALAM NINYONG LAHAT!" Sigaw nito sa akin. "Pero itinago niyo sa akin at ngayon ko lang malalaman ang buong katotohanan?"

Napalunok ako ng mariin. Naiintindihan ko ang galit at frustrations na nararamdaman niya sa mga sandaling ito. At swear, inaasahan ko nang ganito ang mangyayari lalo na ngayon na punong-puno siya ng emosyon.

"Kulot, hindi naman dahil sa gano'n. Please, magpapaliwanag ako. Huminahon ka." Pagpapakalma ko sa kanya at lalapitan ko sana ito para yakapin ngunit siya na mismo ang naglalayo ng kanyang sarili sa akin.

"Magpapaliwanag? Huminahon? BAKIT? Maibabalik ba ng paliwanag mo ang buhay ng kaibigan ko at ng mga magulang niya? Ng tatay kong pumanaw na rin?! 'Yung tatay kong walang kalaban-laban sa kanila para lang maprotektahan ako! Lahat 'yun itinago niyo sa'kin?!"

Sandali akong napatulala sa kanyang mukha. Ibang-iba kasi siya sa Felicia na nakilala ko. Hindi na siya isip bata ngayon, lalo na sa sitwasyon ngayon. Tila ba biglang naglaho ang clingy at childish na Feliciang nakilala ko at napalitan ng galit na galit na version niya.

Nawala ang utal-utal nitong pananalita at maging ang baby expression nito sa tuwing nagsasalita. Sa isang iglap ay ibang Felicia na ang nasa harapan ko ngayon.

"Hindi mo sinabi sa akin dahil ba mangmang ako? Wala akong pinag-aralan? Isip bata? Ignorante? Na hindi ko maiintindihan? Gano'n ba?!!" Pagpapatuloy na sigaw nito. Ang kanyang boses lamang ang bumabalot sa apat na sulok ng kanyang silid.

Nagugulat ako sa mga binibitiwang salita niya. Dahil alam kong hindi siya gano'n manalita.

"Hindi sa ganon----"

"Eh bakit nga?! Bakit? Bakit?!!" Ngumangawa na paulit-ulit nitong tanong sa akin.

Kitang-kita ko kung paano siya nasasaktan sa mga sandaling ito. At hindi ko kaya na nakikita siyang nadudurog ng ganito.

I wanna hug her so bad. I wanna say that everything will be okay. Na hindi niya kailangang sisihin ang sarili niya sa mga nangyari.

And it's okay to scream and be mad at me. Because I won't mind as long as gumaan lang ang pakiramdam niya. At maramdaman niyang nandito pa rin ako. Nandito lang ako.

At mananatili lang akong nandito para sa kanya, bilang kakampi niya.

"Sina Beauty na lang 'yung meron ako, Skyler. Alam mo yun! Pamilya ko na sila eh!" Pagpapatuloy nito.

"Akala ko ba mahal mo ako---"

"Yes! I love you!" Napiyok pa ako sa dulo. "I love you so much!" Sinasabi ko ang mga iyon habang diretsong nakatingin sa mga mata niya. "Kwestyunin mo na ang lahat sa akin, 'wag lang ang pagmamahal ko sa'yo. Kasi hinding-hindi mo 'yun masusukat."

"Pero bakit hindi mo sila prinotektahan? Bakit?!" Nahihirapan na siya sa paghinga sa sobrang pag-iyak.

Pilit na nilalapitan ko ito para yakapin ngunit ganoon pa rin ang kanyang ginagawa, siya mismo ang naglalayo ng kanyang sarili sa akin. Wala akong magawa kundi ang magtimpi at maiyak na lamang din dahil nasasaktan ng sobra 'yung babaeng mahal ko.

"I'm sorry." Bigla na lamang iyong lumabas sa mga labi ko habang isa-isang naglalaglagan ang mga luha sa pisngi ko.

"I'm so sorry, Kulot." Paulit-ulit na paghingi ko sa kanya ng tawad.

Kung ang paulit-ulit na paghingi ko ng tawad ang isa sa makakapagpagaan sa loob niya, gagawin ko.

Kung ang pagsalo sa mga galit at sigaw niya ang isa sa magiging dahilan para mapatawad niya ako, sasaluhin ko lahat.

At kung ang pag-stay ko sa tabi niya ang magpapatunay na hindi talaga ako ang kaaway niya rito kundi kakampi niya, igagapos ko pa ang sarili ko sa kanya.

Napapailing na lamang ito bago ako muling tinalikuran. Hindi na siya muling nagsalita pa ngunit maririnig pa rin sa buong silid ang mga hikbi at pag-iyak niya. Kaya hinayaan ko na lamang ito hanggang sa tuluyan siyang kumalma.

Basta hindi ako umalis sa loob ng apat na sulok ng kwarto niya dahil gusto ko nasa tabi lamang niya ako at hindi mawawala sa paningin niya.

Hanggang sa sobrang kaiiyak nito ay nakatulog na lamang siya sa sofa kung saan siya naupo kanina. Maingat naman na nilapitan ko ito at marahan na binuhat para mailipat sa kanyang higaan.

"I'm sorry. But I will make them pay for you. I promise." Bulong ko sa kanya at pagkatapos ay hinalikan ito sa kanyang noo bago tinabihan siya sa kanyang paghiga.

Sinigurado ko muna ang mas mahimbing niyang pagtulog bago ako tuluyang umalis ng kanyang silid.