Malapad ang ngiti niya habang naglalakad at panay ang bati sa lahat ng taong madaanan. She is now officially an employee in MNA. She can't wait to be friends with people in this hospital. At mas lalong hindi na rin siya makapaghintay na puntahan si V-03.
Habang nakasakay sa elevator pababa ng B1, nakasabay niya ang dalawang babaeng nurse.
"Excuse me," pagkuha niya ng atensyon sa dalawa. "Pwede po magtanong?"
Sabay na lumingon ang dalawa at nginitian siya. "Depende sa tanong," biro ng nasa kanan niya. Mahina silang natawa.
"Uhm, saan po ako pupunta kapag kailangan ko magtanong tungkol sa mga pasyente sa B1? Gusto ko kasing malaman ang pangalan ng na-assign sa akin at kung ilang taon na rin s'ya."
Salitan niyang nginitian ang dalawa.
"Pasensya na, bago lang po kasi ako rito."
"Naku, girl. Top secret 'yon. Kahit saan ka magpunta walang magsasabi sayo ng kahit anong impormasyon tungkol sa kanila. Tatawagin mo lang sila sa codenames nila," sagot ng nurse sa kaniyang kaliwa.
Napawi ang ngiti niya at matamlay na tumango. "Ah, ganoon ba? Sige, salamat."
"Bakit mo pala gusto malaman? Kaninong ward ka ba?" tanong ng nasa kanan niya.
"Kay V-03."
Nabura ang ngiti ng dalawa na nagtinginan sa isa't isa. Nagdilim bigla ang mga mukha nitong napatitig sa kaniya na tila ay ito na ang huling araw niya sa mundo. Itatanong niya sana kung ano ang problema pero sakto naman na bumukas na ang elevator.
"S-sige mauna na kami," anang babae sa kanan.
"G-goodluck!" singit naman ng isa tapos ay nagmamadali ang mga itong lumabas ng elevator.
Napa-iling na lang siya ng ulo paghakbang palabas. Nakasimangot siyang minamasdan ang likod ng dalawang nurse na mabilis na lumalakad palayo. Nagbubulungan pa ang mga ito habang sumusulyap sa kaniya. At kung bilisan ng mga ito ang lakad ay para siyang may nakakahawang sakit.
"Grabe naman yung dalawang 'yon. Ang OA talaga ng mga tao rito pagdating kay V-03. Kung alam lang nila. Behave yata yung alaga kong yun," nakanguso niyang sabi tapos ay nagmamadaling tumungo na siya sa ward ng binata.
Hindi katulad kahapon na nasa isang sulok lang ito, naabutan niya itong nakatayo malapit sa dilaw na linya at tila ay kanina pang may inaabangan. Matamis siyang napa-ngiti rito.
"Hinihintay mo ba ako?"
Mabilis itong tumango na lalong nagpalaki ng ngiti niya. May pagka-malambing din pala ito.
"Umupo ka na muna. Ipagluluto na kita."
Parang bata naman itong sumunod sa kaniya. Ibinuhos niya ang isang bote ng mantika sa kaldero matapos niyang mabalot ng harina ang mga piraso ng karne ng manok. She is going to cook fried chicken for him. Habang hinihintay na kumulo ang mantika, umupo muna siya at nangalumbaba sa lamesa habang tinititigan si V-03.
"V-03, ilang taon ka na?"
Hindi ito sumagot pero inaasahan na niya iyon. Baka nga hindi nito alam ang sarili nitong kaarawan. But she can't help to wonder. Gaano na kaya ito katagal sa ospital na ito? At paano itong napunta rito?
"Naaalala mo ba ang pangalan mo?" sunod niyang tanong.
Umiling ito.
"Bakit hindi?" dismayado siyang bumuntong-hininga tapos ay mariing tinitigan ang mukha nito.
"Kung bibigyan ka ng chance na piliin ang magiging pangalan mo, ano'ng gugustohin mo?"
"Lesley," agad nitong sagot.
Bahagya siyang natawa. "Pambabae naman 'yon e. Saka walang gayahan ng pangalan."
Natigilan siya nang mapagtanto na alam nito ang pangalan niya. Sa kaniyang pagkaka-alala, hindi pa niya ito sinasabi rito. Nanlaki ang mga mata niya sa pagtataka.
"Teka, paano mo nalaman ang pangalan ko?"
Bumaba ang tingin nito sa kaniyang ID na sinundan din ng mga mata niya.
"Marunong kang magbasa?!"
Tipid itong tumango.
"Sino nagturo sa'yo?"
Nagkibit-balikat ito.
"Hindi mo rin alam?" Kumunot na ang noo niya. "Wala ka bang naaalala na kahit ano tungkol sa sarili mo?"
Mabagal nitong iniling ang ulo.
Puno ng awa siyang napatitig dito. "Siguro may amnesia ka."
Tumayo siya at lumapit rito tapos ay umupo sa harap nito upang magpantay sila.
"Hay... Ano ba ang nangyari sa'yo? Bakit ka nagkaganyan?" aniya saka tinignan ang kabuoan nito.
This is not called living.
"Ayos lang," sagot nito habang nakatitig sa mukha niya. "Masaya naman ako ngayon."
Sumikdo ang puso niya sa narinig. She is not supposed to feel this way but this guy's eyes are melting her heart.
"B-bakit naman masaya ka ngayon?"
Hindi ito sumagot ngunit ngumiti ito at mas lalo siyang pinakatitigan. Parang sasabog ang dibdib niya sa makahulugan nitong ngiti. Sinasabi ba nito na siya ang dahilan kung bakit masaya ito ngayon?
Kailan pa natutong mambola ang mga baliw? sabi niya sa isipan.
Naalala niya bigla kung gaano ito kagwapo. Halos mangamatis tuloy ang mukha niya sa pula. To have a crush with a patient in this asylum, she must be losing her mind. Dapat siguro i-confine na rin siya rito.
"Bu-bumalik tayo sa tanong ko kanina," pag-i-iba niya ng usapan. "Ano ang gusto mong pangalan? Ayoko kasi ng V-03. Para kang bagay na nilagyan ng label. Hindi ka naman kung ano lang, tao ka rin naman."
"Lesley," mabilis nitong sagot.
"Hindi nga pwede."
"Lesley," ulit nito.
Pinanliitan niya ito ng mata. "Ikaw talaga! Ako na nga lang ang magpapangalan sa'yo."
Tumaas ang tingin niya sa kisame at saglit na nag-isip tapos ay bumalik ang mga mata niya sa mukha nito.
Ano kaya? Dapat yung may konek sa kan'ya. Hmmm... Ang hirap mag-isip. Puro buhok lang ang nakikita ko e. Ah!
"Alam ko na."
Gumapang siya palapit dito. Ilang pulgada lang ang natirang pagitan nila. Matamis niya itong nginitian at hinawi ang buhok nitong nakaharang sa mukha.
"Itong buhok na 'to laging nakaharang. Natatakpan tuloy yung magandang view."
Inipit niya ang buhok sa likod ng tenga nito at tinitigan ang kagwapohan nito. Mahina siyang natawa sa naisip.
"Bawal magreklamo, okay?"
Tumagilid ang ulo nito na nagtataka sa pag-ngisi niya.
"Simula ngayon, ikaw na si Bangs."