Chereads / ROSE'S THORN PHR / Chapter 6 - CHAPTER SIX

Chapter 6 - CHAPTER SIX

"ANO NA NAMAN?" angil niya sa mga kaharap. Naroon siya sa hardin, nagmumukmok sa paborito nilang swing chair doon. Kanina pa siya namo-mroblema tungkol sa nagawa niya kaninang umaga makatakas lang sa hambog na Thorn na iyon.

Napabuntong-hininga siya. Labis niyang ipinagtataka kung bakit hindi siya nito hinabol gayong alam naman nito kung saan siya nito matatagpuan. Nasabunutan niya ang kanyang sarili. Bakit ba kung anu-ano'ng gulo ang pinasok niya? Kung nag-sorry na lang sana kasi siya rito, eh di tapos na ang problema niya. Napasimangot siya. Nunca siyang hihingi ng tawad dito.

"Uy Ate, magkwento ka na kasi," ungot ni Daffodil.

Kanina pa siya kinukulit nito tungkol sa nangyari sa kanila ni Thorn. She glared at her younger sister. "Hindi pwede, minor ka pa."

"Grabe lang? FYI Ate, bente na ako," pangungumbinsi nito.

"May minor dito." Inginuso niya si Daisy na nakikinig din sa usapan nila. Kadarating lamang nito mula sa eskwelahan ngunit agad na lumapit sa kanila para maki-tsismis.

"I may only be 17 years old pero hamak na mas matured pa akong mag-isip kesa sa mga mas nakakatanda sa akin," ismid nito. "Tsaka malapit na akong mag-debut!"

Kahit paano'y napatawa siya sa tinuran ng kanilang bunso. It was true. Ito ang pinakamatalino sa kanilang magakapatid. Geek ito at isang certified bookworm. Mas madalas pa nga na tama ang mga sinasabi nito kesa sa kanila ni Daffodil eh. Maliban na lang syempre kapag destiny na ang pinag-uusapan. Isang taal na deboto ng "tadhana" ang bunso nila.

Nawawala ang lahat ng katalinuhan nito kapag tadhana na ang pinag-uusapan. Tumitilamsik ang lahat ng mga nalalaman nito kapag dinedepensahan na nito ang "kapangyarihang" taglay ng tadhana. Na kesyo may mga nakatakda raw mangyari at darating sa buhay ng bawat tayo. Daisy even believed that a certain person was destined to be their partners!

"Takpan mo iyong ears niya," nakakalokong baling niya kay Daffodil.

"Don't bother. Alam ko namang hindi rin kayo makatitiis na ikwento sa akin iyan."

Napailing siya at napangiti. Totoo iyon, wala siyang inililihim sa kanyang mga kapatid. They weren't only her sisters, they were also her bestfriends. Nagsimula siyang ikwento ang lahat ng nangyari sa pagitan nila ni Thorn. Not even a single scene or line was cut.

"Wow, grabe! You did that?" hindi makapaniwalang bulalas ni Daffodil matapos niyang magkwento. Napahagalpak ito ng tawa habang hawak ang nananakit nitong tiyan.

Nahihiyang napatango siya. "Hindi ko rin alam kung paano ko nagawa iyon eh."

"Siguro bilog ang buwan nung nagawa mo iyon," tawa pa rin ni Daffodil.

"Ano'ng sabi mo?" singhal niya rito. Nang sabihin nitong joke lang iyon ay napabuntong-hininga siya. "Feeling ko tuloy, wala na akong ipinagkaiba kay Dracula."

"Gawin mo na lang lamok, Ate. Huwag ng aso. Tapos tatamaan si kuya Thorn ng dengue. Virus ng pag-ibig," natatawang asar ni Daffodil. Mas lalong naningkit ang mata niya.

"O kaya bampira para may sipsipang magaganap, oha!" bilang banat ni Daisy na noon lang nagawang magsalita. Natigilan sila ni Daffodil nang mapansing ni hindi man lang tumatawa si Daisy sa pang-aasar ni Daffodil. Medyo kinabahan siya sa maaaring lumabas sa bibig nito.

"Mukhang alam ko na iyang iniisip mo. Huwag mo ng ituloy," banta niya kay Daisy.

"Pero Ate, may hula ako kung ano ang nangyayari sa inyong dalawa ni Kuya Thorn."

She irately rolled her eyes. "Daisy, alam ko na—"

"Hindi kaya "destiny" ang tawag diyan?" sawata nito sa sasabihin niya.

Napasimangot siya. "Hindi totoo ang destiny. Our lives depend on the choices we make. Walang mangyayari sa buhay mo kung wala ka namang gagawin para may mangyari. Ilang beses ko ba'ng dapat sabihin iyan sa iyo? Ikaw Daisy, kung anu-ano'ng pinaniniwalaan mo."

"No. Destiny is true. Kahit ano'ng gawin mong pag-iwas, kung para sa iyo ang isang bagay, mapupunta at mapupunta iyon sa iyo," argumento ni Daisy. "Sige, bakit sa tingin mo nakilala mo ang isang katulad ni Thorn?"

"Para mas lalong mabwisit ang buhay ko?" ismid niya. Agad niyang itinaas ang dalawa niyang kamay bago pa man ito makapagsalita. "So, kung sinasabi mong destiny ang dahilan kung bakit nakilala ko si Thorn, ano ang ibig mong sabihin? Na may puwang ang kagaya niyang bwisit sa buhay ko, ganon? Huwag mo nga akong patawanin!"

"Who knows? Baka siya ang lalaking nakatadhana para sa iyo," ngisi ni Daisy.

She rolled her eyes. "I don't believe in destiny. Kung totoo mang siya nga ang nakatadhana para sa akin, pwes, handa akong labanan ang tadhanang iyan para lang layuan ang Thorn na iyon! I have my own choices. I can always choose to stay away from him. Kayang kaya ko rin siyang palayasin sa buhay ko."

"Nagawa mo siyang takasan noong una. Pero paano mo maipaliliwanag ang muli ninyong pagkikita sa ikalawang pagkakataon? Paano mo maipaliliwanag ang kaugnayan ni Thorn kay Kuya Baileys? Can't you see? He is somehow connected to you life!"

"Hindi destiny ang tawag ko roon kundi kamalasan. Pwede ring sabihing isang sumpa! Sa dami ng taong pwedeng maging bestfriend ni Baileys my loves ko, bakit ang manyak na lalaking iyon pa? Pero ayos lang. Lahat naman ng tungkol kay Baileys ay matatanggap ko."

"Bestfriend siya ni Kuya Baileys, ibig sabihin ay may tsansa pang muli kayong magkita."

"Daisy, hindi ko alam kung ano ang ipinaglalaban mo pero pwede ba, tumigil ka na? Que makita ko pa ulit siya o hindi na, gagawa at gagawa pa rin ako ng paraan para lumayo sa kanya. Hindi niya ako mapipilit na lumapit sa kanya. At iyang destiny na sinasabi mo ay walang magagawa kung ayaw kong makita o lumapit sa Thorn na iyan. It's my prerogative."

"But destiny is very powerful. Kahit ano'ng pag-iwas mo, wala kang magagawa kundi ang harapin ang nakatakda para sa iyo," makahulugang wika ni Daisy.

She turned to Daffodil with a helpless look. Daffodil shrugged. "Neutral ako. Bahala kayong mag-away diyan. Basta ako, chill chill lang. Naniniwala lang ako sa destiny kapag pumapabor sa akin ang mga pangyayari. Kapag hindi naman, pwes hindi na ako naniniwala."

"Ewan ko sa inyong dalawa!" asik niya.

Nagtatampong tumayo siya at padabog na pumasok sa bahay nila. Pagdating niya sa kanyang kwarto ay pabagsak siyang napahiga sa kanyang kama. May pakiramdam siyang may mangyayaring masama bukas. Lihim niyang ipinagdasal na sana ay matauhan na si Thorn at huwag ng maisipang maghiganti pa sa kanya.

Destiny? She smirked. Destiny her arse! Hindi totoo ang tadhana.