Hindi naman nakaligtas sa mga mata ng mga reporters ang pagpoprotekta ni Gu Jingyu kay Lin Che.
Nilingon siya ng isang reporter. "Nagsisimula palang si Lin Che sa kanyang filming career pero nakatagpo kaagad siya ng napakabait na katrabaho katulad ni Gu Jingyu. Hindi ba't napakaswerte niya?"
Imposibleng maiba pa ni Gu Jingyu ang topic na ito.
Ngumiti si Lin Che at nahihiyang nagsalita, "Oo. Napakabuti talaga ni Senior Gu JIngyu sa akin. Marami na siyang naibahagi sa akin na mga experience siya sa pag-arte."
Si Gu Jingyu naman ang nagtanong ngayon. "Kung ganoon, paano mo naman ako gagantihan niyan?"
"Huh? Gagantihan?" Hindi inaasahan ni Lin Che na babaguhin na naman nito ang usapan. "Paano kita mababayaran?"
Sumagot si Gu Jingyu, "Hindi ba't dapat ay ilibre mo ako sa isang masarap na dinner?"
". . ."
Sa gilid naman ay lalong nagkagulo ang mga reporters. "Kakain kayong dalawa nang magkasama?"
"Dapat lang talaga na ilibre niya ako sa isang dinner."
Lumapit nang kaunti ang mga reporters sa kanila. Sa loob ni Lin Che ay gusto niyang kurutin si Gu JIngyu pero ang tanging nagagawa niya lang ay ang ngumiti sa harap ng mga ito at pinilit ang sariling sabihin, "Oo, siyempre naman. Ililibre kita."
Tumawa naman si Gu Jingyu. "Huwag na. Kalimutan mo na iyan. Maliit pa lang ang sweldo mo. Kung ililibre mo ako, baka kinabukasan ay kakain ka na lang ng damo. Nagbibiro lang ako sa'yo, ano. Hindi mo kailangang sumang-ayon sa lahat ng sinasabi ko."
". . ." Bumagsak ang mukha ni Lin Che sa narinig. Nagtawanan naman ang mga reporters.
Sa wakas ay natapos na ang interview. Bumaba na si Lin Che at tinapik ni Gu Jingyu ang kaniyang balikat. Ngumiti ito sa kanya at sinabi, "Baguhan ka pa nga talaga. Pagbutihan mo pa sa susunod!"
Tahimik namang iniisip ni Lin Che sa sarili na kung hindi lang sana ito nanggulo, eh di sana ay hindi siya naging katawa-tawa sa harap ng mga reporters.
Maya-maya ay lumapit na si Yu Minmin. Ngumiti siya at sinabi kay Lin Che, "Hindi naman masiyadong masama ang iyong performance. Inalagaan ka talagang mabuti ngayon ni Gu Jingyu, nakipag-usap siya sa'yo nang ganoon kahaba at nagawa pa nitong makipagbiruan sa'yo sa harap ng mga reporters."
Na-curious naman si Lin Che, "Bakit? Hindi ba siya pwedeng makipagbiruan sa akin?"
"Siyempre, pwede naman. Pero, kahit kailan ay hindi pa nagpakita si Gu Jingyu ng pagiging ganoon sa katrabahong artista lalo na kung babae. Okay naman talaga siya sa ibang artistang lalaki pero wala talaga siyang pakialam sa mga babae. Iyan ang dahilan kung bakit pinaghihinalaan siya ng ilan na bakla raw siya."
"Ah..."
Kinabukasan pagkatapos ng interview, hindi inaasahan ni Lin Che na makikita niya uli ang sarili sa mga headlines na kasama na naman si Gu Jingyu.
Sa ngayon dahil sa pagpoprotekta sa kanya ni Gu Jingyu ay puro papuri ang mga balitang lumalabas tungkol sa kanya.
Samantala, galit na galit si Lin Li habang binabasa ang mga report tungkol sa kanya.
Napakalaki ng larawan nina Gu Jingyu at Lin Che samantalang ang larawan niya ay napakaliit lamang ang espasyong nakuha sa magazine na hawak niya.
Sinadya niya pa talagang magsuot kahapon ng mamahalin at branded na dress para maging kapansin-pansin siya sa lahat. Ngunit, mas malaki ang atensiyong ibinibigay ng media ngayon kay Lin Che. Sa report na iyon ay nabanggit lang ang kanyang pangalan bilang isa sa mga starring sa kanilang palabas.
Iyon lang?
Punong-puno ng galit ang mukha ni Lin Li. Mula sa mesa ay buong lakas niyang itinapon sa sahig ang binabasang magazine.
Sa tabi niya ay hindi rin makapaniwala si Han Caiying na hahantong sa ganito ang sitwasyon. "Ano ba talaga'ng nangyayari? Si Lin Che ay may ganito na kalakas na kapangyarihan?" Galit na galit rin si Han Caiying habang nakikita ang anak na napahiya sa balitang iyon. "Tiyak na sinasadya talaga ng Lin Cheng iyan na iitsa-pwera ka!"
Namumula sa galit ang mukha ni Lin Li, "Lin Che... Maghintay ka lang! Hmph!"
Samantala sa bahay nina Gu JIngze, biglang napa-hatsing si Lin Che.
Nagmamadaling lumapit sa kanya ang isa sa mga katulong, "Madam, ano pong nangyari? Masiyado po bang malamig ang air-con?"
"Hindi, wala lang ito." Ngumiti si Lin Che at tumayo habang hawak ang diyaryo sa kanyang kamay. Noon di'y dumating si Gu Jingze. Masaya ang kanyang mukhang tiningnan si Gu Jingze, "Nasa balita na naman ako dahil sa promotion ng aming palabas!"
Napansin naman ni Gu Jingze ang malapad niyang ngiti. Humakbang ito palapit sa kanya at kinuha ang diyaryo. Tumambad sa kanyang mga mata ang larawan ni Lin Che at ni Gu Jingyu na magkasama.
Nagpatuloy si Lin Che, "Hindi ko talaga lubos akalain na mailalagay sa headlines ang aking pangalan!"
Bahagyang dumiin ang pagkakahawak ni Gu Jingze sa diyaryo at mahinang sumagot sa kanya, "Para namang first time mo ito ngayon..."
Alam ni Lin Che na ang tinutukoy nito ay ang mga isyu noong nakaraan. "Magkaiba naman ito eh. Gawa-gawa lang ang tungkol sa una. Sa ngayon, ito ay dahil na sa aking pagsusumikap. Nasa balita na ako ngayon bilang isang artista. Kaya siyempre, magkaiba talaga ang mga iyan."
Makahulugan ang tingin ni Gu Jingze. "Mukhang inalagaan kang mabuti ni Gu Jingyu ah."
Mabilis namang tumango si Lin Che nang marinig ang sinabing iyon ni Gu Jingze. "Oo. Oo, talagang prinotektahan ako ni Gu Jingyu. Ang sabi sa akin ni Yu Minmin ay hindi raw talaga ganiyan si Gu Jingyu. Sino bang mag-aakala na mabait naman pala siya? At isa pa, sanay na sanay siya sa pagsagot sa mga tanong ng mga reporters. Walang kahit isang tanong ang dumaig sa kanya. Hindi ko alam na hindi lang pala siya magaling sa pag-arte, pati rin pala sa paghandle ng mga reporters. Hindi na ako magtataka kung bakit sobrang sikat niya."
". . ." Nagdilim naman ang mukha ni Gu Jingze.
Hindi iyon napansin ni Lin Che at patuloy na nagsayaw-sayaw doon nang puno ng kagalakan at paghanga ang kanyang mukha.
Tumayo si Gu Jingze at itinapon ang diyaryo sa ibabaw ng mesa.
"Hoy, bakit mo itinapon ang article ko?" Naiinis na tanong ni Lin Che.
Tumigil sa paglalakad si Gu Jingze at sinabi sa katulong, "Simula bukas ay ipa-cancel mo na ang pagpapadala dito ng mga basurang showbiz news na katulad nito."
"Opo, Sir."
"Ano?" Biglang tumayo si Lin Che. "Gu Jingze, bakit?"
Sumagot si Gu Jingze nang hindi lumilingon sa kanya, "Hindi ko gusto iyang pagiging malandi mo."
Biglang nagdilim ang mukha ni Lin Che sa narinig. "Ano... Gu Jingze, ang sama mo talaga! Ang pag-arte ay hindi pagiging malandi. Isa itong art! Wala kang alam tungkol dito!"
Huminga lang nang malalim si Gu Jingze bago nagpatuloy sa paglalakad. Malamig ang boses na nilingon niya si Lin Che, "Iyang art na sinasabi mo ay isa ring paraan ng pagbebenta ng iyong pagka-babae."
"Ano... Kapitalista, mukhang-pera, masungit, walang modo, bastos! Nangangamoy pera iyang buo mong pagkatao!" Galit na sabi ni Lin Che
Bahagyang napataas ang labi ni Gu Jingze. Habang malamig ang boses na tumatawa, tinitigan niya ito sa mata, "Baka nakakalimutan mo na kumakain ka't gumagamit ng aking pera."
Nakatulala lang doon si Lin che nang tinawag ni Gu Jingze mula sa labas si Qin Hao gamit ang isang kamay.
Walang emosyon na sinabi nito, "Kolektahin mo lahat ng mga balita na may kinalaman sa entertainment. Napapariwara ang buhay ng mga kabataan dahil sa mga basurang balita na iyan. Makakadagdag lang ng gulo kung hahayaan mo lang ang mga ito. Kapag natapos ka na, palitan mo ang mga iyon ng economic news."
"Yes, sir." Tiningnan ni Qin Hao ang walang ekspresyong mukha ni Gu Jingze at maya-maya ay nilingon si Lin Che bago tuluyang umalis doon.
Nanginginig ang mga daliri ni Lin Che habang itinuturo ang mga ito kay Gu Jingze, "Ikaw... sumusobra ka na talaga!"
Hindi siya pinansin ni Gu Jingze. Malalaki ang hakbang na pumasok na ito sa loob.
Habang sinusundan ng tingin ang likod ni Gu Jingze, naiinis na napaupo na lang si Lin Che. Umuusok sa galit ang kanyang ilong habang tinitingnan ang diyaryo na itinapon nito sa sahig.
Nakakainis talaga iyang Gu Jingze na iyan!
Tinawag pa talaga siya nitong malandi at dahilan ng pagkapariwara ng mga kabataan.
Sabagay, kadalasan naman talaga ay nami-misunderstood ang mga artista, lalo na ng mga kapitalistang katulad nito na iniisip na walang kabuluhan ang ginagawa nila.
Oo, minsan ay pasikat talaga ang mga artista at dahil diyan ay marami na siyang natanggap na mga pangba-bash mula sa mga tao.
Pero, hindi niya inaasahan na ganoon din ang pag-iisip ni Gu Jingze.
Napakasama talaga ng ugali ng lalaking ito!