Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 56 - Hindi Ako Papayag Na Magkaroon Ka Ng Boyfriend

Chapter 56 - Hindi Ako Papayag Na Magkaroon Ka Ng Boyfriend

Muli ay ninais ni Lin Che na iwasan si Gu Jingze, ngunit naramdaman niya ang isa nitong kamay na itinulak siya papunta sa pader. Napailalim siya sa malaki nitong katawan at ang isa nitong kamay ay nakapasok na sa loob ng kanyang damit.

Nang magdikit ang kanilang mga katawan, naramdaman ni Lin Che ang kakaibang init na nagmumula sa kamay ni Gu Jingze.

Nagsimulang lumambot ang kanyang katawan. Ramdam na ramdam niya ang mga daliri nitong humahaplos sa kanyang balat, na sa bawat segundo ay nagdudulot sa kanya ng kakaibang kiliti.

Halos kalahati na ng damit ni Lin Che ang naitaas nito. Patuloy pa rin ang kamay ni Gu Jingze sa paglalakbay papuntang itaas at sinasabayan ang kurba ng katawan ni Lin Che.

Pero, biglang tumunog ang kanyang cellphone.

Inialis na niya ang labi mula sa labi ni Lin Che. Mabilis ang kanyang hinga at masama ang tingin habang pinakikinggan ang tunog na iyon.

Tahimik na napamura na lang siya sa bwisit na tunog.

Ramdam niya pa rin sa kanyang labi ang lasa ng katawan nito. Binasa niya ang kanyang labi. Hindi siya nakaramdam ng kahit anong pandidiri. Sa halip, pakiramdam niya ay gusto niya pang magpatuloy sa ginagawa.

Halos mangiyak-ngiyak naman ang mga mata ni Lin Che. Ang kanyang pisngi ay pulang-pula at mistulang make-up na sinadyang ilagay sa kanyang mukha.

Maya-maya ay binitiwan na siya ni Gu Jingze. Mainit pa rin ang kamay nito at nang inalis n anito ang kamay, napansin ni Lin Che ang ilang butil ng pawis sa palad nito. Pagkatapos tumingin sa kanya ay tumalikod ito at mabilis na pinulot ang cellphone.

Ang tawag na iyon ay mula sa General Secretary ni Gu Jingming.

Sinagot ni Gu Jingze ang tawag.

"Ano'ng balita?"

"Second Young Master, ngayon lamang po ay nabalitaan namin na may babae nga pong nakapasok dito kanina. Kilala po ba ito ni Second Young Master?"

"Oo, Yu Minmin ang kanyang pangalan."

"Siya nga po ang tinutukoy namin. Pero huwag na po kayong mabahala, Sir. Ayon po sa utos ni Mr. President ay iniuwi na po namin siya. Maayos na po ang lahat ngayon."

"Mabuti kung ganoon. Maraming salamat."

"Sir, walang ano man po. Gusto nga po pala kayong kamustahin ni Mr. President at ni Madam. Sa susunod na araw po ay bibisita ang Pangulo sa Gu Residence. Umaasa po siya na makakaharap niya si Madam."

"Ganoon ba? Okay, sige. Makakaasa siya." Bahagyang ngumiti si Gu Jingze at iniangat ang ulo upang tingnan si Lin Che na kasalukuyang nakatayo sa gilid at gusot ang damit.

Ibinaba na niya ang cellphone at tiningnan si Lin Che. "Nasa maayos na kalagayan na ngayon ang iyong manager."

Tumingin sa kanya si Lin Che.

Walang bakas ng kahit anong nangyari kanina na makikita sa mukha ni Gu Jingze. Para bang walang may nangyari; kinakausap siya nito nang nakatitig sa kanyang mata.

Samantalang siya ay malinaw pa rin sa kanya ang ginawa nito sa kanyang katawan kanina.

Hindi na niya mapigilan pa ang galit at wala ng pakialam sa ibang bagay dahil gustong-gusto niya itong patayin.

Habang nagdadabog ang mga paa, sinigawan niya si Gu Jingze, "Lumabas ka dito! Mapagsamantala ka!!"

". . ."

Bago pa man makakibo si Gu Jingze, nakalapit na sa kanya si Lin Che. Pinagsusuntok siya nito nang paulit-ulit; bagama't hindi masakit ang mga suntok na iyon, nakakainis pa rin iyon sa pakiramdam.

Napapaatras na lang si Gu Jingze habang pinagmamasdan si Lin Che na nagwawala sa sobrang galit. Kahit kaya niya itong patigilin, hindi niya ginawa.

Hinayaan niya lang itong itulak siya palabas ng kwarto.

Sinabi niya kay Lin Che, "Lin Che, ano ba'ng ginagawa mo?" Hinablot niya ang pulso nito at tiningnan ang namumula nitong mukha.

Masama ang tinging ipinukol sa kanya ni Lin Che. "Mapagsamantala ka! Umalis ka dito!"

"Mapagsamantala?" Kaagad na tumaas ang kanyang kilay. "Asawa kita, kaya anomang gawin ko legal, hindi ba?"

". . ." Dahil doon, napatigil si Lin Che.

Kumunot ang noo ni Gu Jingze. "So, ngayon, paano ka pa maghahanap ng boyfriend? Magsisinungaling ka at sasabihin mong wala ka pang asawa?"

"Ano..." Naisip lang naman iyon ni Lin Che. Hindi pa naman siya talagang nagsisimula ah. Pero, paano niya pa maisasagot ang mga ito ngayon?

Madilim at seryoso ang tinging nagsalita muli si Gu Jingze, "Hindi ako papayag na magkaroon ka ng boyfriend ngayon."

Napahinto ang puso ni Lin Che.

Ano ang ibig nitong sabihin?

Tiningnan siya ni Gu Jingze. Ang mga mata nito'y nagtataglay ng kakaibang pakiramdam. "Kaya't kalimutan mo na iyang binabalak mo."

Gusto pang magsalita ni LIn Che, pero bigla na namang lumapit si Gu Jingze. "Kung susubukan mo pa ito ulit, sasabihin ko na lang ngayon sa'yo na huwag mo na akong gagalitin muli."

Kapansin-pansin ang pangungunot ng noo nito. Nang inilapit nito ang mukha kay Lin Che, mararamdaman ang kaseryosohan sa mga sinabi nito, dahilan upang tumibok nang mabilis ang puso ni Lin Che.

Inilibot niya ang tingin sa buong paligid at nang makahanap ng tiyempo, mabilis niyang itinulak si Gu Jingze palabas.

"Huwag mo ng isipin na makakapasok ka ulit dito at kikilos na parang isang hoodlum! Hmph!"

Pagkasabi nito ay buong lakas na isinara niya ang pinto.

Napalabas nang ganoon-ganoon lang si Gu Jingze. Napatingin na lang siya sa nakasaradong pinto at huminga nang malalim.

Pinalabas siya ng kanyang asawa mula sa kwarto nila?

"Lin Che... maghintay ka lang,"

Masama ang tinging nilingon ni Gu Jingze ang pinto.

Nang mapansin niyang may dumaan na isang katulong, sumimangot siya at pumunta sa guest bedroom, at inihanda ang sariling matulog doon sa gabing iyon.

Samantala, habang nakahiga si Lin Che sa kama ay ramdam pa rin ang nag-iinit niyang mukha. Maya-maya ay napapabalikwas siya at hihiga ngunit hindi talaga siya makatulog.

Sa kabilang kwarto naman, bagama't kanina pa nakahiga si Gu Jingze ay nahihirapan pa rin siyang makatulog. May kung anong hindi komportableng pakiramdam na bumabalot sa kanyang katawan.

Dahil sa kabilang kwarto lang naman natutulog si Lin Che, naaamoy pa rin ni Gu Jingze ang natural na amoy na nanggagaling sa katawan nito. Bagama't malilinis at mababango ang mga kumot at unan na nandoon sa guestroom, hindi pa rin siya komportable sa kanyang naaamoy.

Muli siyang bumangon at naisip na tingnan ang asawang malikot kung natutulog. Ngunit, ang tanging nakikita niya lang ay ang pader na nakapagitan sa kanilang dalawa. Animo'y hindi na siya sanay sa ganoong kapaligiran. Bumalik siya sa pagkakahiga at hindi niya napansin kung ilang oras ba muna ang itinagal niya bago tuluyang dalawin ng antok.

Kinabukasan.

Dahil natapos na ang filming ng kanyang teleserye, kinailangan ni Lin Che na pumunta sa opisina para dumalo sa isang meeting at para na rin makita ang kaniyang gagawin sa susunod na mga araw.

Maaliwalas ang mukha at maagang dumating si Lin Che sa kompanya. Nakita niya si Yu Minmin na hindi maganda ang hitsura kaya nagmamadali siyang lumapit dito. "Miss Yu, ano'ng ginawa mo kagabi? Bigla ka nalang nawala."

May bakas ng pagkahiya sa mukha ni Yu MInmin. Itinaas nito ang mukha at sumagot sa kanya, "Masiyadong naparami ang aking nainom kagabi."

"May mga inutusan akong tao para hanapin ka at magtanong-tanong kung may nakakita ba sa iyo. Ang sabi nila ay bigla ka nalang daw pumasok sa kinaroroonan ng Presidente. May masama bang nangyari?"

Inayos ni Yu Minmin ang buhok at nagsalita, "Nang pumasok ako doon, hindi pa dumating si Mr. President. Hindi ko na alam kung paanong bigla na lang iyon isinara sa madla. Mabuti na lang at walang may nangyaring masama at iniuwi pa nila ako sa bahay."

"Ganoon ba? Mabuti naman kung ganoon. Mukhang mabait na tao naman pala ang Pangulo," sabi ni Lin Che.

Ikinibit nalang ni Yu Minmin ang balikat. Ngunit, kapansin-pansin pa rin ang panlulumo o kapaguran sa hitsura nito.

Muling nagsalita si Lin Che, "Oo nga pala. Ang susunod na nating gagawin ngayon ay ang promotion ng teleserye."

Sumagot si Yu Minmin, "Oo, gusto nilang maipalabas na ang teleserye ngayong summer. Bagama't natatapos palang ang filming, mas nakakapagod ang pagpo-promote ng isang palabas. Kaya ihanda mo na ang iyong sarili. Tiyak na tatanggap rin ng ibang events ang kompanya para sa iyo upang magkaroon ka ng experience kung paano ba sumagot sa mga interviews. Kung magkataong magkasama kayo ni Gu Jingyu sa isa ninyong promotion events ay tiyak na tatambakan kayo ng tanong ng mga reporters. Kapag dumating ang araw na iyon, hindi pwedeng basta-basta ka na lang sasagot at baka mali ang iyong mga nasabi."

"Kailangan ba talaga na pati ako ay sasagot sa mga interview?"

Naisip niya na isa lang siyang maliit na artista at hindi niya pa naranasang ma-interview dati.

"Oo naman. Isa ka sa mga main characters ng teleserye. Bagama't hindi ikaw ang pangunahing bida, medyo marami din naman ang iyong mga eksena. Bukod pa diyan, mainit ang pangalan mo at ni Gu Jingyu ngayon sa mga balita."

Nang marinig iyon ni Lin Che, nakaramdam siya ng kaunting hiya sa sarili. Pakiramdam niya ay bigla lang siya nadawit sa mga balita nang walang masiyadong ginagawa. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o malulungkot dahil doon.