Chereads / The Wedding Prophecy (Tagalog) / Chapter 2 - Kabanata 2 - 14 years of misery

Chapter 2 - Kabanata 2 - 14 years of misery

Isang malakas na kwentuhan at tawanan ang siyang pumapalibot sa loob ng sasakyan habang patungo sina Marco at ang kanyang tatlong bodyguards sa Bulacan Cemetery. Matutuwa pa sana siya kung ang kwentuhan at tawanang iyon ay tungkol sa ibang bagay ngunit sa kasamaang palad ay parang malabo pa sa sikat ng araw na mangyari iyon. Sa ngayon ay wala siyang ibang naririnig kundi ang batuhan ng linya ng mga ito tungkol sa kanya at sa kanyang ginawa noon. Hindi niya matukoy kung bakit hindi matigil ang mga ito sa pagbubungkal ng nakaraan samantalang matagal na panahon na ang nakakalipas.

Sadya ba talagang ganoon katindi ang pangyayaring iyon at hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kanilang isip ang kanyang ginawa? O talagang ito na ang nakatadhanang buhay niya kahit pa sa kanyang pagtanda?

"Uulitin kong tanungin, Mr. Silva?" Maya-maya'y tanong ni TJ sabay lingon sa kanya. "Bakit mo ba kasi pinatay 'yung babaeng 'yun? Ano bang klaseng masamang hangin ang pumasok dyan sa utak mo at nagawa mo 'yun?"

Si Elton ang nagsalita. "Sir, hindi masamang hangin ang pumasok sa utak niya. Ecstasy! Iyon ang dahilan kung bakit napatay niya ang babaeng iyon," anito na muli nilang ikinatawa. "Ganon ka na ba ka-desperado sa pagmamahal ng isang magulang kaya mo nagawang mag-drugs? Naku, Marco! Mabuti nalang at namatay na ang iyong ina dahil kung hindi ay baka pati siya ay napatay mo nang wala ka sa tamang pag-iisip,"

Matapos sabihin iyon ay walang isang salitang nagsihagalpakang muli ang kanyang mga kasamahan. Habang si Marco naman ay walang ibang naging reaksiyon kundi ang mapatitig nalang sa tatlong kalalakihang kasama niya sa loob ng sasakyang iyon.

The truth is they were right.

Kung nabubuhay lang ang kanyang ina ay malamang sa malamang ay mamomroblema lang sa kanya iyon. Kung ang asawa nga ng kanyang ama ay nagawa siyang ipagtabuyan at alisan ng karapatan sa pagiging isang Cervantes, ang kanyang tunay na ina pa kaya na walang ibang ginawa kundi ang mahalin siya at ibigay ang kanyang pangangailangan?

Maya-maya ay naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang maramdaman niya ang pagsiko sa kanya ni Elton. "Papasok na tayo ng Bulacan, boy. Maghanda ka na dahil paniguradong kakaibang tactic na naman ang gagamitin ng pamilya ng babaeng iyon para tuluyan kang mawala sa landas nila," anito at pagkuwan ay napasandal sa kanyang kinauupuan. "Wag mo na ring subukang magsalita pa dahil baka sa susunod na punta mo rito ay hindi ka na makalabas ng buhay,"

Isang buntung-hininga ang kanyang pinawalan matapos niyang marinig iyon kay Elton. Bagamat alam niyang hindi iyon paalala ng isang pag-aalala, nakasisigurado siya na dapat din niyang sundin ang bilin nito.

Labing-apat na taon na siyang dumadalaw sa puntod ng dalaga ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring ibang bukambibig ang pamilya nito kundi ang hiling na sana ay mangyari rin sa kanya ang ginawa niya sa dalaga. Bagamat tapos na at malinis na ang kaso nito ay hindi pa rin magkamayaw ang mga ito na itapon siya papasok sa loob kulungan. Depensa kasi ng mga ito, nasa tamang edad na siya at karapat-dapat lamang na managot siya sa batas dahil sa ginawa niyang karumal-dumal na krimen.

Sa katunayan ay iyon din ang kanyang kagustuhan. Mas pipiliin pa niyang makulong ng panghabang-buhay kaysa manirahan ng malaya na puno naman ng hinagpis at pasakit ang siyang naghihintay sa kanya. Ngunit sa kasamaang palad ay ayaw iyong mangyari ng kanyang ama. Kaya kahit pa malugi ang kumpanya ng mga Cervantes at makulong ito ay gagawin niya, masalba lang ang buhay ni Marco sa loob ng napakalupit na kalaboso.

"Ito na nga ba ang sinasabi ko," Napapailing na anas ni TJ nang tuluyan na nga silang makarating sa labas ng Bulacan Cemetery. "Kailan ka ba titigil sa pagpunta rito? Patay na 'yung tao, iniistorbo mo pa," Maya-maya'y baling nito sa kanya.

Napailing siya. "Kung ayaw niyong kayo ang maistorbo, hayaan niyo nalang akong pumunta rito mag-isa. Tutal kaya ko naman at kung mamatay man ako sa kamay ng pamilya niya, siguradong walang problema. Dahil tulad ng sinabi niyo, marapat lang mangyari sa'kin 'yun," sagot niya na hindi man lang tumitingin sa kanyang mga kausap.

Si Elton ang nagsalita. "Pwede bang wag kang magsalita ng ganyan?" Kunot-noo nitong sambit at pagkuwan ay bahagya siyang sinuntok sa braso. "Hindi pwedeng mangyari 'yun dahil kung hindi ay kami ang lagot sa tatay mo. Baka hindi pa siya nakakalabas ay kami naman ang sumunod do'n sa babaeng pinatay mo,"

Hindi nalang nagsalita si Marco sa sinabing iyon ni Elton. Alam niyang wala rin naman siyang panalo sa mga ito at tiyak na hindi siya hahayaan ng mga ito na gumala-gala mag-isa lalo pa sa ganitong mga sitwasyon. Kaya naman imbes na makipagsagutan pa sa tatlong unggoy na kasama niya ay ipinukol nalang niya ang kanyang tingin sa labas.

Mula roon ay tanaw niya ang buong pamilya, mga kaibigan at ka-baryo ng dalaga. Kunot-noong nakatitig ang mga ito sa sasakyang dumaraan sa kanilang harapan patungo sa sementeryo. Halos lahat sila ay tila ba gusto ng sumugod sa pagkakataong iyon. Ang iba ay may dala pang itak habang ang iba naman ay may dala-dalang iba't-ibang klaseng pamukpok na pwedeng ihampas sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay ramdam niya na hindi pa man siya nakakalabas sa sasakyang iyon ngunit parang gusto na nila siyang hilahin palabas upang mabigyan ng leksyon.

Kaya naman sa mga sandaling iyon ay bahagya siyang humugot ng malalim na hininga. Kahit pa halos araw-araw na siyang nagpupunta rito upang bisitahin ang dalaga ay hindi pa rin natitigil ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso sa tuwing napapatitig siya sa galit na galit na mukha ng mga mahal nito sa buhay.

Ganoon ba talaga katindi ang ginawa niyang krimen at kamatayan ang hiling sa kanya ng mga ito?

"You know the drill," Basag ng katahimikan ni TJ sabay baling sa kanya. "Kami na muna ang lalabas ng kotse at susunod ka. At kung maaari lang ay wag kang magpumilit na lumabas kaagad dahil kung hindi ay baka ito na ang katapusan ng buhay mo," Paalala nito at kasabay niyon ay ang pagsenyas niya sa kanyang mga kasamahan na sumunod sa kanya.

Matapos sabihin iyon ay agad na lumabas ang kanyang tatlong bodyguards. At mula roon ay tanaw niya sa labas ang pagpapaalis ng mga ito sa pamilya ng dalaga na panay ang kalabog sa bintana ng kotse kung saan siya nakapwesto. Kitang-kita niya ang galit sa mata ng mga ito at ganoon din ang hinagpis na pinagdaraanan ng mga ito sa pagkawala ng kanilang anak.

Para sa kanya ay masakit din iyon dahil naging malapit sila ng dalaga - itinuring niyang kaibigan at kapamilya. Pero sa huli ay hindi niya alam kung bakit bigla na lamang umikot ang takbo ng tadhana.

Kasabay ng pag-aayos ni Marco ng inorder niyang pagkain sa shop upang dalhin sa puntod ng kanyang kaibigan ay saka naman tuluyan nang bumukas ang pinto ng kotse. Dali-dali siyang lumabas mula roon at mas mabilis pa sa alas-kuatrong pinalibutan siya ng kanyang tatlong bodyguards. Ngunit sa kasagsagan ng paglalakad nilang apat papasok sa looban ng sementeryo ay ang mga sunod-sunod na salitang hindi niya matukoy kung papaano at kailan niya magagawang lunukin.

"Hayop ka, Silva! Bakit hindi nalang ikaw ang namatay?" sigaw ng isa. "Hindi ka na nahiya sa pamilya mo! Kabata-bata mo pa ay nagawa mo nang makapatay ng tao!"

"Lahat ng ginawa mo sa anak ko, babalik at babalik din sa'yo. Tandaan mo 'yan! Hinding-hindi ka makakaligtas sa ginawa mong kahayupan sa kanya. Buhay ka pa, sinusunog na ang kaluluwa mo sa impiyerno," sambit naman ng ama nito at pagkuwan ay dinagdagan pa nito ang sinabi nito ng pagmumura.

Sa paglabas ng mga salitang iyon sa bibig ng mga taong galit na galit kay Marco ay minabuti nalang niyang balewalain ang lahat ng iyon. Gustuhin man niyang magsalita at magpaliwanag tungkol sa nangyari noong araw na iyon ngunit malabo nang mapaliwanagan ang utak ng mga ito dahil nilamon na sila ng galit.

Ang kailangan lang niyang gawin ngayon ay pakinggan sa kabilang tenga at ilabas naman sa kabila.

"Kung bakit pa kasi kailangan mo pang pahirapan ang sarili mo?" Maya-maya'y bulong sa kanya ni Elton. "Ilang taon na ang nakakalipas. Hayaan mo namang magkaroon ng katahimikan ang isip mo. Ano bang mas pipiliin mo? Araw-araw na makaranas ng ganito o-"

"Pinili ko 'tong buhay na 'to, kailangan kong panagutan," Mabilis niyang putol at pagkuwan ay iniwan na rin ang tatlo na agad na isinara ang gate ng sementeryo.