"Talaga bang may tagas na 'yang ulo mo?" Inis na anas ni Fernando na hindi alam kung saan kakapit sa mga oras na iyon. "Pwede bang dahan-dahanin mo lang ang pagda-drive? Madidisgrasya tayo diyan sa ginagawa mo,"
Si TJ ang nagsalita. "Kung gusto mo nang mamatay, wag mo naman kaming idamay. Gusto ko pang mag-asawa at hindi ko pa tapos ang responsibilidad ko sa pamilya ko. Kaya pwede bang ihinto mo 'tong sasakyan at-"
Naputol ang sasabihin nito nang makita nito ang batang patawid ng pedestrian lane. Kaya naman hindi nagtagal ay agad na nanlaki ang mga mata nito kasabay ng pagkalabit nito kay Marco na tila ba walang balak na magmenor sa mga sandaling iyon.
Sa kabilang banda naman ay natawa nalang si Marco sa kanyang kaloob-looban sa reaksiyong iyon ng kanyang dalawang bodyguards. Parang babae ang mga itong hindi mapakali sa kanilang kinauupuan ganon din ang kanilang mga bunganga na walang tigil sa kadadada. Sa ngayon ay wala siyang ibang naririnig kundi ang boses ng mga ito na tapakan niya ang brake dahil kung hindi ay titilapon ang batang patawid ng pedestrian lane.
Natawa siyang muli at pagkuwan ay bahagyang napangisi.
Ngunit di kalaunan ay agad din naman niyang inapakan ang brake tulad na nga lamang ng utos sa kanya nina TJ at Fernando. Sa mga sandaling iyon ay bahagyang kumalma ang kaluluwa ng dalawa pero matapos makalagpas ng bata ay mas mabilis pa sa alas-kuatrong pinaharurot muli ni Marco ang kotse.
At sa pangalawang pagkakataon ay ilang mga salita at pagmumura ang binitawan ng mga ito na ikinailing at ikinahagalpak na lamang niya.
"Pwede bang maghulos-dili kayong dal'wa diyan?" sambit niya habang tutok na tutok ang tingin sa tinatahak niyang kalsada. "Bakit kaya hindi niyo nalang gayahin 'tong si Elton na komportable sa kinauupuan niya? Para kayong mga babaeng hindi marunong magtago ng takot," aniya at pagkuwan ay muling natawa.
Napatango si Elton. "Oo nga naman, tama si Marco. Enjoy the ride and-"
"Hoy, Elton. Tigilan mo kami," Putol dito ni TJ. "At pwede bang imbes na kinakampihan mo 'yang Silva na 'yan ay mas mabuti pa kung ikaw na ang magpatigil sa kanya sa pagmamaneho?"
Sa sinabing iyon ni TJ ay agad na napatingin si Elton kay Marco. Ngunit imbes na sundin ang utos ng kanyang lider ay napailing nalang siya. Kasabay niyon ay ang ngising-asong agad na sumilay sa mga labi ni Marco. Alam niyang kampi sa kanya si Elton sa mga sandaling ito at bukod doon, kahit papaano ay makakabawi na rin siya sa mga salitang pinagsasasabi ng mga ito na halos hindi niya magawang lunukin.
He want them to feel what he felt whenever they are mocking him. Dahil sobrang pagod na pagod na siya sa mga bagay na palagi niyang naririnig hindi lamang sa kanyang tatlong bodyguards kundi pati na rin sa ibang tao. He wanted to kick that old man's butt a while ago but he's trying to control himself on doing that. He still respects people even though they forgot how to respects him.
Pero hanggang kailan ba niya kayang tiisin ang lahat? Makakaya kaya niyang hilumin ang kanyang buong pagkatao kung ang ibang tao ay hindi siya kayang pagkatiwalaan?
Matapos ang halos isang oras na pagmamaneho pabalik sa bayan ng Quezon, sa wakas ay nakarating na rin sila. Bagamat mag-aalas-sais pa lang ng umaga ngunit nagpasya na siyang idiretso ang daan patungo sa M.G.C.C. Graphics Monster kung saan ay doon siya nagtatrabaho. Gusto rin kasi niyang maaga ang kanyang pagdating doon para mapabilis ang pagtapos niya ng kanyang trabaho.
Kahapon kasi ay maaga siyang pinauwi sa hindi niya malamang dahilan. Siguro ay nagkaroon ng salo-salo ang kanyang mga co-workers at ayaw siyang imbitahan ng mga ito.
Ano pa ba ang bago sa ganoong klaseng set-up? Sanay na siya. Sanay na sanay na siya sa puntong wala na siyang pakialam. Ang mahalaga lang sa kanya ay mayroon siyang trabaho at sapat na kita para sa kanyang pang-araw-araw na gastusin.
"Bakit dito mo diniretso?" Maya-maya'y basag ng katahimikan ni Elton nang papasok na sila sa parking lot ng kanyang pinagtatrabahuan. "Hindi ba't maaga pa para pumasok ka? Ayaw mo bang mag-almusal muna kasama 'yung mga kaibigan mo?" Sunod-sunod na tanong nito.
Napailing siya sabay tanggal ng kanyang seatbelt. "Hindi na kailangan. Pwede naman akong bumili ng makakain dyan sa labas at sigurado naman akong may magbebenta sa'kin," aniya na hindi man lang tumitingin sa kausap. "Saka marami pa 'kong hindi natapos na trabaho kahapon. Kailangan kong gawin 'yun ngayon para wala na 'kong maraming kailangang intindihin pa,"
Matapos sabihin iyon ay agad niyang isinuot ang kanyang shoulder bag. Kasabay niyon ay ang pagbaling niya kina Fernando at TJ na tila ba kulang nalang ay hambalusin siya sa mga sandaling iyon.
Napangisi siya sa kanila. "Nag-enjoy ba kayo sa mabilisang trip natin? Gusto niyo bukas ay ulitin natin para-"
"Hindi," Dali-daling putol ni TJ. "Wala ka ng karapatan pang mag-drive ng kotseng 'to at wala 'kong pakialam kahit gaano pa kabagal mag-drive 'tong si Fernando. Uupo ka sa backseat at-"
"Makikinig ng mga panglalait at panghuhusga niyo sa'kin," anas niya at kasabay niyon ay ang pagbukas niya ng pinto ng kotse. "Wag kayong mag-alala. Alam kong wala naman akong karapatan na tumanggi. Ang mahalaga ay masaya kayo sa gagawin niyo. At least kahit papano ay nakatulong ako sa napaka-boring na trabaho niyo, hindi ba?" Nakangisi niyang sambit at pagkuwan ay pinagpalit-palit ng tingin ang tatlo na sa mga sandaling iyon ay hindi na nakaimik pa.
Di kalaunan nang mapagtanto niya na wala nang sasabihin pa si TJ o ni isa sa kanila ay mabilis niya ng isinara ang pinto ng kotse. Pabagsak iyon para na rin maramdaman nila na talagang hindi maganda ang timpla niya ngayon.
Matapos ang eksenang iyon ay agad na napailing si Marco at di nagtagal ay nagpatuloy na rin siya patungo papasok sa loob ng gusali ng kanyang pinagtatrabahuan. Bagay na sobra niyang ikinatutuwa dahil kahit papano ay magkakaroon siya ng pagkakataon na masolo ang opisina at magkaroon ng pagkakataon na matahimik ang kanyang isip sa mga bagay na hindi niya na kayang gawan pa ng paraan.
"Kung pwede ko lang talagang ibalik ang panahon, gagawin ko kahit pa buhay ko ang kapalit," Napapailing niyang anas sa kanyang sarili habang papasok siya sa main door ng gusali.