Chereads / The Wedding Prophecy (Tagalog) / Chapter 9 - Kabanata 9 - Night Out

Chapter 9 - Kabanata 9 - Night Out

Dalawang araw na ang nakararaan simula nang makitira si Phoebe sa kanyang apartment. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung saang lupalop siya susuot sa tuwing nagkakasalubong sila ng dalaga. Gusto man niyang iwasan ito pero ang problema ay hindi naman niya magawa. Hindi niya ito magawang iwasan dahil kahit pagbalik-baliktarin man niya ang mundo ay nasa iisang bubong lamang sila.

Pero bukod sa kanyang inis dahil nasa apartment niya ang babaeng halos ilang taon din niyang sinubukang iwasan ay nadagdagan pa iyon. At sa pananatili nito ng ilang araw ay walang ibang ginawa ang kanyang mga kasamahan kundi ang gumawa ng paraan upang tuluyan silang magkalapit na dalawa.

Halos araw-araw na umaalis ang mga ito at minsan ay darating pa ng alas-dos ng madaling araw. Kaya naman sa pagkakataong iyon ay tanging sila lamang ni Phoebe ang naiiwan sa apartment. Okay lang sana kung nakabukas ang kwarto ng tatlong iyon ngunit ang problema ay nakakandado pa iyon na tila ba sinisigurado ng mga ito na talagang hindi siya makakaiwas sa dalaga.

Hindi nga niya alam kung bakit pinakinggan pa niya ang sinabi ni Aleman tungkol sa natatanggap na pagmamaltrato ni Phoebe sa mga magulang nito. Kung tutuusin nga ay dapat wala na siyang pakialam tungkol doon pero nang makasalubong niya ang mga mata nito ay doon na nalagot ang lahat. Kaya naman kung pwede lang siyang magdesisyon na lumipat ng ibang apartment ay gagawin niya. Iyon nga lang ay paniguradong hindi siya tatantanan ng kanyang mga kasamahan lalong-lalo na ni Aleman.

"Sa'n na naman ang lakad niyo?" Walang reaksyong anas ni Marco nang mabaling ang kanyang tingin kay Miguel na tila ba sobra kung makaporma. "Wag niyong sabihing iiwan niyo na naman ako rito kasama si Phoebe? Subukan niyo at pagdating niyo ay baka nasa labas na 'yung mga gamit niyo," Dagdag pa niya.

Napailing si Miguel. "Wag ka ngang KJ, Marco," anito sabay ayos ng kanyang buhok. "Ang sweet niyo kayang tingnan kapag magkasama kayong dalawa. Lalo na kapag nandon kayo sa kusina. Kung pwede nga lang kaming lumipat ng-"

Hindi na naipagpatuloy ni Miguel ang kanyang sasabihin nang mapansin niyang kunot-noong nakatitig sa kanya si Marco na tila ba walang balak na kumurap. Kaya naman sa mga sandaling iyon ay muli itong nag-iwas ng tingin at pagkuwan ay humarap sa salamin.

Habang si Marco naman ay panay ang pag-iling sa mga sandaling iyon. Sa sinabi palang ni Miguel ay halatang-halata niya ng may kung anong kabulastugang ginagawa ang mga ito sa kanya. Oo at nabawasan ang kanyang problema dahil sa pag-absent nila ni Aleman ng ilang araw sa trabaho. Pero mas matindi ang kinasangkutan niyang problema ngayon.

"Sa'n kayo pupunta?" Bato niyang muli ng tanong kay Aleman na napaupo sa kanyang tabi.

"Doon sa bagong bukas na club sa Makati," sagot nito na agad niyang ikinahinto sa kanyang pagbabasa. "Ang sabi kasi sa'kin ni Claire-"

Pagak siyang natawa. "Pupunta pa kayo sa Makati para uminom at pumasok sa club?" tanong niya sabay lapag niya ng kanyang hawak na libro sa coffeetable. "Hindi ba pwedeng do'n nalang kayo pumunta sa club na madalas niyong puntahan dito sa QC? Bakit napalayo pa kayo?"

Napakamot ang binata sa batok nito. "Tol, minsan lang naman 'to. At wag kang mag-alala dahil hindi naman kami lalabas ng bansa," anito sabay tapik sa braso ni Marco. "Saka halos ilang linggo na rin kaming hindi nakakatikim ng hard beer. Kahit papano naman ay gusto rin naming malasing, 'yung tipong hihiga na kami sa gitna ng kalsada tapos tatawagan ka namin para sunduin kami," anito at pagkuwan ay napahagalpak.

Natawa rin si Roja. "Oo nga. Hindi naman siguro masama kung minsan ay gumala at magwala rin tayo," Napapailing nitong anas sabay suot ng kanyang sapatos. "We're still young and we have to make it out of our life. Kailan tayo magsasaya? Kung saka maputi na ang mga buhok natin?"

"Tama si Roja," Sang-ayon ni Miguel. "Kung tutuusin ay pwede ka namang sumama sa'min. Ikaw lang kasi 'tong napaka-kill joy at masyadong nag-iisip tungkol sa kung ano-anong bagay. Paano kaya kung kalimutan mo muna ang mga 'yun saglit at sumama ka sa'min?"

Sa tanong na iyon ni Miguel ay saglit na napaisip si Marco.

Kung tutuusin ay gusto rin talaga niyang sumama. Halos ilang taon na rin simula nang magpasya siyang kalimutan ang buhay sa labas at manatili na lamang sa loob ng apat na sulok ng kanyang apartment. Sa katunayan ay nami-miss niya na ang amoy ng usok ng sigarilyo na humahaplos sa kanyang mukha. Ang lasa ng alak na kung hindi mapait ay sobrang hapdi naman sa lalamunan.

Ang pagsasayaw sa gitna ng club kasama ang mga hindi kilalang tao. Ang mga babaeng nagsasayaw sa ibabaw ng stage na kulang nalang ay hilahin nila pababa upang hubaran at tikman. At higit sa lahat ay ang pakikipag-away nila sa loob ng club sa hindi nila matukoy na dahilan.

Habang inaalala ang mga iyon ay bahagya siyang napangiti sa kanyang kaloob-looban. Pero saglit lang iyon at agad din namang naglaho ang kanyang mga ngiti. Noong huling beses kasi silang gumawa ng ganoon ay nasangkot sila sa isang gulo na hindi niya akalaing pagsisisihan niya. And that was the last time, he decided to put an end to his own happiness.

Para sa kanya ay mas mabuti nang humiwalay siya sa kanyang mga kasamahan dahil baka sa huli ay mapahamak lang ang mga ito nang dahil sa kanya.

Humugot siya ng malalim na hininga. "Hindi na bale. Mas mabuti ng dito nalang ako sa apartment para kahit magkaron kayo ng problema ay matawagan ko kaagad 'yung mga bodyguards niyo," Pilit siyang napangiti. "Besides, mas maganda na 'yung maranasan ko naman ang mag-isa rito para magkaron din ng katahimikan 'tong utak ko," aniya sabay tayo mula sa kanyang kinauupuan.

Ngunit akmang tutungo na siya sa kusina upang kumuha ng makakain ay saka naman siya muling nahinto. Kasabay niyon ay ang pagbaling niya sa tatlo na sa mga sandaling iyon ay tila ba hindi tutol sa kanyang desisyon.

"Sige ba, walang problema kung 'yan ang gusto mo," Maya-maya'y basag ng katahimikan ni Roja. "Saka hindi ka naman namin pipilitin kung ayaw mo. Naiintindihan ka naman namin,"

Napatango siya sa sinabing iyon ng kanyang kapatid. Ngunit kahit ganoon pa man ay hindi pa rin siya mapakali sa inaasta ng mga ito. Ramdam niya na may mali. At kapag may naramdaman siyang mali ay tiyak na siguradong-sigurado siya.

Naptikhim siya. "Sasama ba si Phoebe sa inyo? O iiwan niyo na naman kaming dal'wa rito tulad ng palagi niyong ginagawa?" Ngisi niyang sambit.

Si Aleman ang sumagot. "Tol, wag kang mag-alala dahil sasama sa'min si Phoebe ngayong gabi," anito na agad namang ikinatango ng dalawa. "Tinawagan niya kami kanina at ang sabi niya daanan nalang daw namin siya sa coffeeshop do'n sa kabilang kanto. Medyo iba raw kasi ang mood niya at kung makakaharap ka pa niya ay baka sumabog na siya. Kilala mo naman 'yun, magkaparehong-magkapareho kayo," Mahaba nitong paliwanag.

"Sigurado ka?" Naniningkit ang mga mata niyang tanong.

Napatango ito. "Oo naman-"

"Talaga? Paano ka nakakasigurado?" tanong niyang muli at pagkuwan ay napahalukipkip. "How can you be so sure that Phoebe will be coming with you this time? Naku, sinasabi ko sa inyo. Wag niyong hintayin na pagbalik niyo ay nasa kabilang building na ang mga gamit niyo,"

Bago pa man magsalita ay mataman munang napatitig sa kanya si Aleman at pagkuwan ay bahagyang napailing.

He took a deep breath. "Kailan ka ba magtitiwala sa'min? Kapag ba pumuti na ang uwak o kapag umitim na ang kalapati?" anito na ikinailing lang niya. "Come on, Marco. This is getting out of hand. Phoebe's coming with us and that's true - nothing more, nothing less,"

Sumabat si Roja. "Nagtataka nga rin kami kung bakit gustong sumama ni Phoebe gayong alam naman naming gustong-gusto niyang maiwan dito kasama ka," anito na agad niyang ikinatitig sa kanyang kapatid. "Pero ayos na rin 'yun dahil kahit papano ay magkakaroon ka ng pagkakataon na makapagsarili. Hindi ba't 'yun ang gusto mo noon pa man?"

Matapos sabihin iyon ng kanyang kapatid ay napatango nalang siya. Sana nga lang ay totoo ang sinasabi ng mga ito at sana ay siya ang nagkakamali sa hula niya tungkol sa kanilang inaasta.

Halos ilang taon na silang nagsasama sa iisang bubong at kung tutuusin ay kilalang-kilala niya na sila. Wag nga lang umabot sa punto na tuluyan niya nang talikuran at kalimutan ang mga ito dahil sa katarantaduhang binabalak nila.

Kung meron man.