Chereads / The Wedding Prophecy (Tagalog) / Chapter 3 - Kabanata 3 - The Caretaker

Chapter 3 - Kabanata 3 - The Caretaker

Pagpasok ni Marco sa loob ng grave house kung saan nakalagak ang katawan ni Yella ay agad niyang ipinatong ang mga dala niyang pagkain sa ibabaw ng grave box nito. Bahagya siyang napangiti at pagkuwan ay agad na inilabas mula sa kanyang bag ang dalawang kandila na binili niya kanina sa tapat ng simbahan. Dali-dali niyang sinindihan iyon at hindi naglaon ay itinirik iyon sa ibaba ng lapida nito.

"Nandito na naman ako, Yella," Bungad niyang anas at pagkuwan ay napaupo sa sahig. "Sa totoo lang ay palagi naman. At siguro kapag nandito ka ay paniguradong magsasawa ka na sa pagmumukha ko," Napailing siya. "Kamusta ka? Nakita ko na naman 'yung pamilya mo sa labas. Halos gusto nilang 'kong patayin at magdusa dahil sa ginawa ko sa'yo. Alam mo kung may isa akong hihilingin? Iyon ay 'yung hindi kita nakilala. At least, kahit papano ay nandito ka pa rin at lahat ng mga kasamahan ko ay hindi naghihirap nang dahil sa nangyari noon," Mahaba niyang anas at maya-maya ay humugot ng malalim na hininga.

Bahagya siyang napayuko. Ngunit nang akmang magsasalita na siyang muli ay saka naman siya nahinto nang mapabaling ang kanyang tingin sa matandang lalaking nagwawalis sa loob ng grave house. Kaya naman sa mga sandaling iyon ay agad niyang pinutol ang mga sandaling iyon at pagkuwan ay itinuon ang kanyang pansin sa matanda.

Kung susumahin ni Marco ay tila ba nasa edad 70 na ito dahil na rin sa itsura nito at sa pagkilos nito. Ngunit hindi tulad ng iba ay medyo malakas pa ang matandang nasa kanyang harapan, nagagawa pa nga nitong magwalis at maglinis. Pero ang problema ay hindi siya sigurado kung ito rin ang matandang nakikita niya sa tuwing siya'y dumadalaw sa puntod ni Yella. Medyo masayahin kasi iyon at palakwento. Minsan na nga siyang biniro niyon tungkol sa pagtakas niya mula sa kanyang tatlong bodyguards at ganon din ang pagpapakain ng sili sa mga iyon.

That old man was energetic and approaching. While this one was kind of aloof and moody.

Wag nga lang dumating sa punto na isa rin ito sa mga taong malapit kay Yella na kulang nalang ay patayin siya sa galit. Hindi sana tama ang kanyang hinala na nakapasok ang isang ito mula sa labas at basta nalang siya tagain nang hindi niya namamalayan.

Dahil sa ideyang iyon na pumasok sa kanyang isipan ay agad siyang napatayo mula sa kanyang kinauupuan. Agad din siyang umatras mula sa matanda at pagkuwan ay bahagyang napangiti.

Napatikhim siya. "Kasama ho ba kayo ni Mang Toto? Parang maaga pa ho yata para maglinis kayo," aniya na ikinahinto nito sa pagwawalis at pagkuwan ay sinamaan siya ng tingin. "Pero wag ho kayong mag-alala dahil malapit na ho akong matapos dito at pwedeng-pwede na ho kayong makapaglinis," Dagdag pa niya at bahagyang napangiti sa matanda.

Napailing ito kasabay ng pagpapatuloy nito sa pagwawalis. "Kung ako sa'yo iho, umalis ka na dahil wala ka rin namang mapapala rito," anito na ikinatitig sa kanya ni Marco. "Patay na 'yang binibigyan mo ng pagkain. Hindi na nakakapagsalita at hindi ka na rin mapapasalamatan. Masasayang lang ang pera mo at mas mabuti pa kung sarili mo nalang ang intindihin mo," Mahaba nitong anas.

"Ano naman ho kung patay na siya?" Pagak siyang natawa sabay baling sa puntod ni Yella. "Mas mabuti nga siya dahil sa ngayon ay wala na siyang ibang iniintindi. Di tulad ko na buong buhay ko nang dadalhin ang pasakit na ginawa ko sa kanya,"

Napahinto ang matanda sa pagwawalis at pagkuwan ay nagsalita. "Kung naging maingat ka lang kasi dapat noon, di sana ay hindi ka naghihirap ngayon," anito. "Kung nagtiwala ka lang kasi dapat sa sarili mo at binigyan mo ng pagkakataon ang sarili mong isipin muna ang mga kilos mo bago ka umaksyon, tiyak na wala kang dinaranas na pasakit sa mga sandaling ito,"

Sa narinig na iyon ni Marco ay agad siyang napatitig sa matanda. Agad siyang nakaramdam ng inis at pagkamuhi.

Hindi niya alam kung saang lupalop nagmula ang matandang iyon at kung bakit bigla na lamang itong nagbibigay ng walang kasiguraduhang opinyon tungkol sa kanya. Oo at nakagawa siya ng krimen na sumira sa kanyang buhay at ganon din sa kanyang mga kasamahan. Ngunit ano ba ang alam nito sa nangyari noon? Hindi siya nito kilala at lalong-lalo na wala itong alam sa kung anong klaseng delubyo ang pinagdaanan niya noon at pinagdaraanan niya ngayon.

Akmang magsasalita na sana siya ay agad iyong natigil nang madagdagan pa ang mga salitang binitawan ng matanda na tila ba mas lalong nagpatindi ng init ng ulo ni Marco.

"Kung tutuusin ay kasalanan mo kung bakit nangyayari ang lahat ng ito sa'yo ngayon. Ikaw ang nagdala ng delubyo sa sarili mong buhay at ang matindi ay idinamay mo pa ang mga kaibigan mo," Napapailing nitong anas at pagkuwan ay itinuro ang mga pagkaing nasa ibaba ng lapida. "Itong ginagawa mong pagbibigay ng paboritong pagkain ng kaibigan mo ay hindi ito para sa kanya. Kundi ito ay para sa'yo. Ito ay simbolo na hanggang ngayon ay hindi ka pa rin makatakas sa bangungot na ginawa ng sarili mong multo sa nakaraan," Dagdag pa nito at hindi naglaon ay mabilis na iwinalis ang mga pagkaing inayos ni Marco para kay Yella kani-kanina lamang.

Sa puntong iyon ay agad na nagtangis ang kanyang mga bagang. Kung maaari lang niyang hambalusin ang matandang nasa kanyang harapan ngayon ay gagawin niya. Ngunit mabuti nalang at nakontrol pa niya ang kanyang sarili. Kahit pa kasi nakapatay siya noon ay hindi naman siya ganoon kasama upang ulitin pa iyon sa pangalawang pagkakataon.

Kaya imbes na ipagpatuloy pa niya ang pananatili sa loob ng grave house ni Yella ay agad na siyang nagpasyang lumabas doon. Padabog niyang isinara ang pinto at pagkuwan ay dali-daling tinungo ang tatlong bodyguards na matamang nagkukuwentuhan sa may tarangkahan ng sementeryo.

"Nag-away ba kayo ni Yella? Nagsawa na ba siya sa pagmumukha mo na palaging nagpupunta dyan?" Maya-maya'y sarkastikong bungad ni Fernando. "Di mo man lang ba kami ikinamusta sa kanya?" Dagdag pa nito na agad na ikinatawa ng iba pa nitong kasamahan.

Pero sa kalagitnaan ng tawanang iyon ay mabilis din naman silang nahinto lalo na nang mabaling ang kanilang tingin kay Marco na walang reaksiyong nakatitig sa kanila. Nakakunot-noo pa rin ito at halatang walang balak na makipagbiruan. Hanggang ngayon kasi ay mukha pa rin ng matandang iyon ang nakikita niya sa tatlong unggoy na nasa kanyang harapan ngayon.

Kaya naman dahil sa kanyang inis ay agad siyang pinulot ang nakakalat na bato sa kanyang paanan at mabilis iyong ibinato sa malayo. Di naglaon matapos niyon ay gigil niyang sinipa ang isang nitso at pagkuwan ay ibinalibag ang kanyang bag.

"Hoy, Marco. Magdahan-dahan ka naman. Baka nakakalimutan mo na nandito tayo sa loob ng sementeryo? Magbigay ka naman ng respeto sa mga patay," Tila ba nag-aalalang anas ni TJ sabay tayo sa kanyang kinauupuan. "Baka mamaya niyan ay hindi lang tao ang humarang sa daraanan natin at pati mga bangkay ay bigla nalang lumitaw pagpasok natin dito,"

Napailing siya at muli ay bumaling sa tatlo. "Wala 'kong pakialam," anas niya na bahagya nilang ikinaatras. "Mas mabuti na 'yung ganito kaysa naman sa ibang tao ko pa ibuhos ang inis ko sa matandang nakausap ko sa loob kanina,"

"Pero-"

"Pwede bang ako muna ang mag-drive ng kotse?" Mabilis niyang putol kay Elton at pagkuwan ay bumaling kay Fernando.

Si TJ ang nagsalita. "Hindi pwede dahil baka-"

"Alam kong wala kayong tiwala sa'kin," Putol niyang muli. "Pero dahil ako lang din naman ang pag-uusapan niyo sa loob ng kotse ay mas mabuti nang bigyan ko naman ang sarili ko ng mapagkakaabalahan," Ngisi niya sabay dampot niya ng kanyang bag mula sa kanyang paanan.

Ngunit bago pa man magsalita si TJ ay hindi na nito naituloy pa ang kanyang sasabihin nang agad na hinugot ni Marco ang susi sa kamay nito. At kasabay ng pagbukas nito ng tarangkahan ng sementeryo ay ang pagtitinginan ng tatlong bodyguards lalo na nang kamuntikanan nang mahagip ng itak ang binata na sa kasamaang palad ay wala man lang naging reaksiyon sa mga sandaling iyon.