Chereads / Rowan's Odyssey / Chapter 12 - Kabanata XI: Paghaharap

Chapter 12 - Kabanata XI: Paghaharap

Harapin ang madilim na bahagi ng iyong sarili at alisin ang mga ito sa pamamagitan ng liwanag at pagpapatawad.~ August Wilson ~

-----

"Kung gano'n, sasama ka na sa kaniya?"

"Opo, Lola Elma."

Hindi na sumagot o tumutol pa ang matandang si Elma nang magpaalam sa kaniya ang batang si Fiann kasama ang kakilala nito na si Allan. Kasalukuyan silang nasa maliit na sala habang pinagsasaluhan ang matabang na tsaa at lumamig na sopas na handa ng matanda para sa kapistahan ni San Patricio na patron ng Irlanda.

"Ah, Lola?" Ang nagsalita sa gitna ng usapan ay walang iba kundi si Lorcan na kasalo rin nina Fiann sa hapag. "Kung ayos lang sa inyo, ihahatid ko na po silang dalawa sa estasyon ng Connolly."

"O sige. Walang problema. Basta't paghatid mo sa kanila'y umuwi ka agad, maliwanag?"

"Magtiwala kayo sa akin, Lola! Ako na po ang bahala."

Minabuti nina Fiann at Allan na huwag nang magtagal sa tahanan nina Lola Elma para makabiyahe sila ng maaga papunta sa Donegal. Pormal na nagpasalamat si Fiann sa pagtanggap at pag-aalaga sa kaniya ng matanda, gayundin ang kabutihang ipinakita ng pamilya nito sa kaniya.

"Maraming salamat po sa lahat, Lola Elma. Hinding hindi ko po kayo makakalimutan."

"Walang anuman." Masayang tugon ng matanda. "Bukas ang tahanan namin kung sakali na maisipan mo na dumalaw sa amin."

Pagkatapos ng maikling pamamaalam ay umalis na sina Fiann at Allan kasama si Lorcan na siyang maghahatid sa dalawa sa estasyon ng Connolly. At habang nasa daan sila ay ikinuwento ni Allan ang mga nalalaman niya tungkol sa pagkawala ng nakatatandang kapatid ni Fiann at kung ano na ang nangyari sa kaso nito.

"Nakita ko pa ang Kuya mo noong gabi bago siya nawala. Nagbatian pa nga kaming dalawa, at sinabi niya sa akin ang plano niyang pag-uwi sa Irishtown para kuhanin ka."

"Kuhanin?" biglang sumungit si Lorcan sa usapan. "Bakit? Wala na ba kayong mga magulang, Fiann?"

"Wala na." Sagot ni Fiann kay Lorcan. "Lumaki kami ng Kuya ko na walang Ama. Ang Mama naman namin, namatay noong limang taong gulang pa lang ako. Si Kuya na ang nag-alaga sa akin mula noong maulila kami sa mga magulang. Kaso kinakailangan niyang lumuwas sa siyudad para magtrabaho, kaya ipinaiwan niya ako sa isang malayong kamag-anak. Kaso..."

"Kaso...?"

Nag-aalangan si Fiann na magsalita noong una. Ngunit kalauna'y napakuwento rin siya't sumagot sa mga tanong ng kaibigan.

"Mahirap lang din ang pamilyang pinakisuyuan ng Kuya ko para mag-alaga sa akin. Hindi ako kasama sa pang-araw-araw nilang gastusin, at madalas din akong pag-initan ng Tiyo ko na parating umuuwi na lasing. Nangako sa akin ang Kuya ko na kapag may sapat na siyang ipon, kukunin na niya ako at magsasama na kami. Kaso..."

"Kaso, hindi ka niya nabalikan."

Tumango si Fiann bilang tugon sa kaniyang kausap.

"Nalaman ko mula sa sulat na ipinadala ni Kuya Allan na nawawala ang Kuya ko. Sinabi ko iyon kina Tiyo at Tiya at nakiusap ako sa kanila na baka pwede nila akong samahan sa Donegal para alamin ang nangyari. Pero nagalit sila. Hindi sila pumayag. Dahil doon kaya nagpasiya ako na umalis nang walang paalam."

"Ow, ganoon pala ang nangyari." Ani Lorcan habang nakasabay sa lakad ng dalawa niyang kasama. "Kaya pala noong nakita kita'y pagod na pagod ka't hinang-hina. Halatang hindi naging madali ang pinagdaanan mo para lang makarating dito sa Dublin. Mabuti na lang at nakita mo rito si Ginoong Allan. Mukhang sinusuwerte ka parin."

"Hehe, oo nga."

Hindi nagtagal ay nakarating din silang tatlo sa estasyon ng Connolly. Minabuti nina Fiann at Allan na maghintay sa isang bakanteng upuan sa loob ng estasyon habang inaabangan nila ang pagbabalik ni Lorcan na nagboluntaryong kumuha ng kanilang gagamiting ticket sa tren. Nilibang muna ni Allan ang kaniyang sarili sa pagmamasid sa mga taong labas-pasok sa estasyon. Habang si Fiann naman ay inaaliw ang kaniyang sarili sa pagguhit ng isang larawan sa kaniyang dala na kuwaderno.

Napansin ni Allan ang iginuguhit ni Fiann, kaya sinita niya ito at nagtanong.

"Anong ginuguhit mo?"

Mabilis naman na tinakluban ni Fiann ang iginuguhit niya at nahihiyang sumagot.

"W-wala ito, Kuya."

"Anong wala? Nakita ko eh."

"H-hindi, wala lang 'to."

Napatawa tuloy ng hindi niya sinasadya si Allan. Bigla kasi niyang naalala ang nawawalang kapatid ni Fiann na malapit din niyang kaibigan sa pinagtatrabahuan nilang pantalan.

"Parehong pareho kayo ng Kuya mo. Sa tuwing may ginagawa siya na ayaw niyang ipaalam sa akin, ganiyan na ganiyan siya kumilos."

Namula naman ng bahagya si Fiann sa ginawang pagsita sa kaniya ni Allan. Dahil doon kaya nagpasiya siya na ipakita ang kaniyang iginuguhit sa binata. Dahan-dahan niyang binuklat ang kaniyang kuwaderno at ipinakita ang pinagkakaabalahan niya kanina. Isa iyong larawan ng dalawang batang lalaki kasama ang kanilang ina sa isang bakuran na puno ng mga puno at mga bulaklak. Masayang naglalaro ng laruang parasyut ang dalawang batang lalaki sa larawan, habang ang ina naman ay nakaupo sa isang duyan na nakatali sa pagitan ng dalawang puno ng rowan. May hawak itong puting liryo at nakasuot ng magandang kulay pulang bestida.

"Wow..." May paghangang sambit ni Allan pagkakita niya sa larawan. "Ang ganda naman nitong iginuhit mo. At may kulay pa!"

"S—salamat."

Biglang niyakap ng nakakailang na katahimikan ang dalawa pagkatapos ng nauna nilang pag-uusap, hanggang sa tuluyan na ngang binasag ni Fiann ang kaniyang pananahimik sa pamamagitan ng isang tanong.

"Ano ba talaga ang nangyari sa Kuya Rowan ko noong gabi bago siya nawala?" ipinihit ni Fiann ang kaniyang tingin kay Allan at muling nagwika. "Nabanggit mo rin iyon sa sulat na ipinadala mo sa akin, pero hindi ko iyon gaanong maintindihan."

Halata sa nababahalang hitsura ni Allan ang kalituhan kung saan ito mag-uumpisang magpaliwanag tungkol sa pagkawala ng nakatatandang kapatid ni Fiann na walang iba kundi si Rowan.

"Ang totoo, hindi ko rin maipaliwanag." Sagot ni Allan habang napapakamot siya sa kaniyang ulo nang hindi niya namamalayan. "Ilang linggo bago siya nawala ay madalas siyang magpunta sa dalampasigan ng Fintra. Nakatingin lang siya sa dagat, minsan tulala. Sinita ko siya ng isang beses, pero ang sabi niya ay ayos lang siya. Huli ko siyang nakita sa dagat na iyon. Tapos kinabukasan, hindi na siya nakapasok sa trabaho. Nawawala na siya. Hindi na namin siya makita."

Matagal ang naging pananahimik ni Fiann habang kinakain ng pangamba ang kaniyang mukha.

"Kuya..." Sinubukan ni Fiann na pigilan ang mga luha niya sa paglabas. "Baka may masama nang nangyari sa Kuya Rowan ko. Anong gagawin ko, Kuya Allan?"

"Huwag kang mag-alala..." Hinaplos ni Allan ang ulo ng batang si Fiann para ipakita ang kaniyang pagdamay. "Hahanapin natin ang kapatid mo. Huwag kang mag-alala."

Samantala...

Sa isang 'di tiyak na lugar sa Hantungan ng mga Kaluluwa kung saan matatagpuan ang isang malawak na lupain ng mga itim na liryo natagpuan ni Rowan ang kaniyang sarili. Hindi niya tiyak kung paano siya napunta sa lugar na iyon, ngunit isang bagay lang ang malinaw...

Niloko ako ni Jack.

Hindi malaman ni Rowan kung saan niya ilalagay ang sobra-sobrang galit na nararamdaman niya sa panlolokong ginawa sa kaniya ni Jack. Bigla tuloy siyang nainis sa kaniyang sarili. Hindi na dapat ako naniwala sa kaniya, iyon ang sabi niya sa kaniyang sarili. Ngunit hindi niya masisi ang kaniyang sarili dahil umasa siya't naniwala sa pangako ni Jack na tutulungan siya nito na makatawid sa tinatawag nilang liwanag.

Liwanag?

Nabuo ang isang malaking tanong sa isip ng binata.

Totoo nga bang may 'liwanag' o isa rin 'yong malaking kasinungalingan na ginawa lang ni Jack?

Hindi rin masagot ni Rowan ang sarili niyang tanong. Sa sobrang inis niya'y bigla siyang bumangon mula sa pagkakahiga niya't pinagbubunot niya ang mga itim na liryong nakapalibot sa kaniya.

Sumigaw siya ng malakas...

Ngunit ang nakarinig lang sa sigaw niya'y ang mga itim na liryo sa paligid niya at isang lalaking nakasuot ng purong puti na biglang sumulpot sa likuran niya sakay ng isang itim na paru-paro.

"Natagpuan din kita sa wakas."

Nagulat si Rowan at agad siyang lumingon kung saan ang humarap sa kaniya'y isang lalaki na may matikas na tindig, may makapal na salamin sa mata, seryoso't matalim na mga mata at may bitbit na panulat at aklat.

"S—sino ka?" kasabay ng tanong ay humakbang ng isa si Rowan paatras.

"Tawagin mo na lang ako sa pangalan na Zephiel. Opisyal na tagalupig ng mga ligaw at mapaghiganting kaluluwa. At narito ako para sa iyo, Rowan."

Hindi gusto ni Rowan ang awrang inilalabas ng lalaking nagpakilalang si Zephiel. May kung anong boses na nagdidikta sa kaniya na tumakbo na palayo at huwag papahuli sa lalaking kaharap niya.

Subalit hindi niya magawa. Hindi niya lubusang maihakbang ang kaniyang mga paa na para bang nakadikit ito sa lupa.

"Walang saysay na tumakas ka." Saad ni Zephiel pagkatapos niyang pagpalitin ng anyo ang kaniyang panulat sa isang mapaminsalang espada. "Dahil kahit saan ka magpunta, mahahanap at mahahanap kita."

"T—teka, ano ba ang ginawa ko sa iyo?!" protesta ni Rowan kay Zephiel.

"Sa akin, wala. Ngunit sa balanse ng buhay at kamatayan, meron."

Hindi lubos na maunawaan ni Rowan ang ibig sabihin ng lalaking si Zephiel. Ngunit kung mayroon mang isang bagay na malinaw sa mga nangyayari, iyon ay walang iba kundi ang balak na masama sa kaniya ng nagpakilalang tagalupig.

Kailangan kong makatakas sa kaniya...

Matinding desperasyon ang nanaig kay Rowan noong mga oras na iyon.

Kahit sino, ialis ninyo ako rito, pakiusap!

At sa isang iglap, isang malaking butas ang nabuo sa kalangitan. Binulabog nito ang mga ulap at nagpamalas ito ng napakalakas na puwersa na humigop kay Rowan. Nagulat si Zephiel sa bilis ng mga pangyayari. Ni hindi niya nagawang pigilan ang pagsasara ng lagusan sa kalangitan na mas kilala rin bilang ang ipinagbabawal na lagusan patungo sa mundo ng mga mortal. Hindi makapaniwala si Zephiel na nabuksan ang nasabing lagusan na ang nakakagawa lamang ay ang mga nilalang na hindi kabilang sa mga patay at nilalang ng kalangitan.

Isang demonyo ang may gawa nito.

Sigurado si Zephiel sa kaniyang hinala. Walang iba na nakakagawa ng pagbubukas ng lagusan kundi ang mga nilalang na kung tawagin nila'y demonyo.

Dahil sa nangyari kaya hindi na nag-aksaya pa ng oras si Zephiel. Agad niyang binuksan ang lagusan na ginagamit ng mga tagalupig upang sundan si Rowan sa mundo ng mga buhay.

Hindi mo ako matatakasan, Rowan. Sa oras na mahuli kita, sisiguruhin ko na katapusan mo na!