Chereads / Rowan's Odyssey / Chapter 18 - Rowan's Odyssey Side Story: La Tristesse Durera Toujours

Chapter 18 - Rowan's Odyssey Side Story: La Tristesse Durera Toujours

Minsan sa panahon ng tagsibol ay may isang munting ibon na nakakulong sa isang maliit na puting hawla. Alam ng munting ibon kung ano ang mga bagay na kaya niyang gawin at kung ano ang mga bagay na wala sa kaniya. Ngunit isang araw, habang tahimik na pinapanood ng munting ibon ang kaniyang mga kauri na malayang lumilipad sa alapaap, ay bigla na lang niyang naramdaman na may kung anong mahalagang bagay na kulang sa buhay niya. Inisip ng munting ibon kung ano ang bagay na iyon, hanggang sa may narinig siyang isang munting tinig na nagsalita mula sa loob niya na nagwika ng ganito;"Ang mga ibon sa labas ay gumagawa ng kanilang mga pugad at pinapalaki nila roon ang kanilang mga anak, ngunit ikaw ay hindi---sapagkat wala kang kalayaan."

Sinubukan ng munting ibon na sirain ang hawla. Paulit-ulit niyang inihampas doon ang kaniyang ulo ngunit hindi ito natinag. Nagalit ang munting ibon at nagparoo't parito siya sa paglipad.

Nakaramdam siya ng kalungkutan.

Magkaganoon paman, ang munting ibon ay nanatiling buhay sa loob ng kaniyang hawla. Kung ano man ang mayroon sa labas ay wala na siyang pakialam pa.

"Malusog naman ako at masigla. Nakikita ko parin naman ang sikat ng araw, ang mga puno't mga halaman. Wala naman itong pinagkaiba sa labas. Masaya ako rito kahit wala akong kalayaan."

Ngunit dumating ang panahon na ang mga ibon ay humayo't naglakbay sa malayong lugar. At siya, ang munting ibon, ay naiwang mag-isa sa kaniyang hawla; nakikipag-buno sa kalungkutan na hindi naman niya nakikita.

Isang araw ay nakita siyang malungkot ng nangangalaga sa kaniya. Lumapit ito sa kaniya at nagwika;

"Huwag ka nang malungkot. Narito naman ang lahat ng kailangan mo. Magiging masaya ka rito. Hindi mo kailangan na maging malaya na tulad nila."

Pinagmasdan ng munting ibon ang kalangitan na nagbabadyang magpakawala ng kaniyang bangis sa anyo ng isang malakas na unos, at sa loob naman niya ay naroon ang paghihimagsik laban sa kaniyang kapalaran. Batid ng munting ibon na wala sa mga sinabi ng kaniyang amo ang totoo, ngunit pinili parin niyang maniwala sa huwad na panunuyo at pang-uudyok dahil iyon ang mas mabuting piliin para sa kaniyang situwasyon.

"Dito lang ako sa hawla. Tama, sa isang hawla. At hangga't nasa loob ako ng hawla, wala akong kakulangan. Wala na akong kailangan pa na iba. Wala na..."

Ngunit kung iisipin, wala naman talaga ni sinoman sa atin ang makakapag-sabi kung ano nga ba ang nasa sa loob ng munting ibon na nasa kuwento, hindi ba? Gugustuhin ba talaga ng isang ibon na manatili sa loob ng isang hawla habang buhay? O sinabi lang niya iyon sa kaniyang sarili upang hindi siya labis na masaktan ng realidad na kahit na kailan ay hindi siya pwedeng maging malaya?

-----

"Ewan. Hindi ko alam."

Nagkibit-balikat lang ang binatang si Rowan matapos siyang kuwentuhan at tanungin ng lalaking nakilala niya sa hangganan ng Limbo, sa lugar kung saan sinasala't nagtitipun-tipon ang mga kaluluwa't gabay bago magpatuloy ang mga ito sa kani-kanilang paglalakbay.

"Ano ka ba," pabirong tinapik ng estranghero ang balikat ng binata. "Gusto ko lang marinig ang opinyon mo, bata."

Sa tantiya ni Rowan ay naglalaro sa tatlumpu hanggang apat na pung taon ang edad ng ginoo. Mayroon itong makapal na kulay pulang bigote na kakulay ng maalon at manipis nitong buhok. Matangos ang ilong, may malalim na pares ng bughaw na mga mata at agaw-pansin na tapyas na isang tainga. Mapapagkamalan ng kahit na sino na pulubi ang nasabing ginoo sa unang tingin dahil sa suot nitong kupas na kulay luntian na tsaketa, manipis na itim na pantalon at sukbit na isang kustal na naglalaman ng mga pangguhit, lona, sagi at iba pang mga gamit sa pagpipinta.

Tama.

Nakilala ni Rowan ang estrangherong ito nagpakilalang isang pintor. Kabilang siya sa mga kaluluwa na sinala sa Limbo at hindi pinahintulutan na makapaglakbay dahil sa nakabinbin nilang mga kaso tulad ng pagkitil sa sarili nilang buhay, pagpatay at iba pang mabibigat na kasalanan.

Ngunit paano nga ba napunta sa sitwasyong iyon ang kaluluwang si Rowan?

"Si Jack kasi eh..."

Ang totoo, naroon lang naman si Rowan sa barikan dahil sinabi sa kaniya ng gabay niyang si Jack na doon maghintay habang kinakausap nito ang nilalang na tutulong sa kanila na makatawid sa mundo ng mga buhay. Wala sa plano niya ang makipag-usap sa hindi niya kakilala, lalo na sa isang kaluluwa na ngayon pa lang niya nakausap. Kaya naman ganoon na lang ang pagkailang niya nang bigla na lang siyang nilapitan at kinausap ng estrangherong iyon na nagpakilalang isang pintor. Hindi niya alam kung ano ang kailangan nito sa kaniya. Ngunit kung ano man iyon? Hindi siya enteresado na malaman.

Kumawala sa bibig ng binata ang isang mabigat na buntong-hininga habang inaaliw niya ang kaniyang sarili sa mga kaganapan sa loob ng barikan. Kumakain, umiinom, nakikipag-kuwentuhan sa kapwa kaluluwa at nagsasaya na parang mga buhay na nilalang. Tila ba nakalimutan na ng mga kaluluwang ito na sila ay patay na, na ang lahat ng bagay na nakikita, nakakain, nahahawakan at nararamdaman nila'y maaaring mga ilusyon na lang.

"Wala sa mga ito ang totoo."

Iyon ang malinaw para sa binatang si Rowan. Malayung-malayo ang lahat ng ito sa kuwento ng mga matatanda patungkol sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Para kay Rowan, ang lahat ng kasiyahan sa mukha mga kaluluwang naroon sa barikan ay pawang huwad lamang.

"Niloloko lang nila ang mga sarili nila"

At dahil sa malungkot na hitsurang iyon ni Rowan kaya biglang nagtanong ang estrangherong pintor kung ano ang iniisip niya sa mga kaluluwang naroon sa barikan. Sinabi naman ni Rowan ang totoo at nagwikang, "Pakiramdam ko niloloko lang ng mga kaluluwang narito ang mga sarili nila. Patay na sila, hindi ba? Bakit kailangan nilang umasta na parang buhay parin sila?"

At doon na nga nagpasiya ang estrangherong pintor na ibahagi sa binata ang isang kuwentong alam niya, isang kuwento tungkol sa isang munting ibon na piniling tanggapin ang huwad na realidad.

"Isang halimbawa lang ang ibinahagi kong kuwento sa iyo tungkol sa ibon, bata." Muling ipinagpatuloy ng estrangherong pintor ang pakikipag-usap niya sa binata. Sumenyas siya sa barista ng barikan at humingi ng dalawang maiinom para sa kaniya at sa bago niyang kaibigan. "Sinabi mo kanina sa akin na niloloko lang ng mga kaluluwang ito ang mga sarili nila, tama?"

Tumango naman si Rowan kasabay ng kaniyang maikli ngunit naiilang na tugon.

"Oo…"

"Kung gano'n, masasabi mo parin ba na peke ang mga ngiti sa labi nila?"

Pinagmasdan naman ni Rowan ang mga kaluluwa na naroon sa barikan. Karamihan sa kanila ay masaya na nakikisalamuha sa iba pang mga kaluluwa. Nagpapalitan sila ng mga kuwento tungkol sa mga pinagdaanan nila sa buhay, nagtatawanan at kung anu-ano pa. Hindi masabi ni Rowan sa kaniyang sarili na hindi totoo ang mga ngiti. Nakikita niya na masaya ang mga ito, pero siya naman itong hindi masaya para sa kanila.

Sinamantala ng estrangherong pintor ang pananahimik ng kakuwentuhan niyang binata. Walang anu-ano'y kinuha niya mula sa dala niyang kustal ang isang kulay kremang papel at isang piraso ng uling na pangguhit. Pagkatapos ay nagsimula nang kumilos ang kamay niya para gumuhit ng isang larawan habang ibinabahagi niya sa tahimik na binata ang isa pang kuwento na alam niya.

"May kilala akong isang lalaki na buong buhay ang iginugol para sa pagpipinta. Pero isang larawan lang ang nagawa niyang ibenta sa mahigit sanlibong obra na ginawa niya. Dahil doon kaya itinuring siyang kahihiyan sa kanilang pamilya. Nabigo rin siya sa pag-ibig, at bigo rin sa pinili niyang karera. Hindi nagtagal, pati ang nag-iisa nitong kapatid na inakala niyang makakaramay niya habang buhay ay biglang nagpakasal. Dahil doon kaya lalo siyang ginupo ng matinding kalungkutan, tulad na lang nang nangyari sa ibon na nasa hawla."

Matapos ang maikling pananahimik ay muling nagpatuloy ang estrangherong pintor sa pagkukuwento at nagwika...

"Ipinakita't ipinaintindi ng mundo sa pintor na ang kamatayan ay nagpahiwatig ng pag-ibig at pagtanggap, habang ang buhay ay katumbas naman ng pagtanggi at kabiguan. Kaya naman naniwala ang pintor sa pag-asang ipinangako ng kamatayan sa kaniya. Naniwala siya, kahit alam niyang hindi iyon tama, dahil doon siya nakatagpo ng karamay at kapayapaan."

Hindi nagtagal ay natapos din ng estrangherong pintor ang iginuguhit niyang obra; isang larawan ng dalawang tao na nagkukuwentuhan sa isang mesa. Pagkatapos niyang linisin ang larawan ay saka niya ito ibinigay kay Rowan kalakip ng kaniyang huling pananalita.

"May sikreto akong sasabihin sa iyo, bata." Ang sabi ng estrangherong pintor kay Rowan, "Alam ng mga kaluluwang narito sa lugar na ito ang totoo nilang situwasyon, at marahil ay hindi narin nila mabilang kung ilang beses na silang nakasumpong ng galak sa isang huwad pag-asa. Pero tulad ng nakikita mo, payapa't masaya sila dahil pinili nilang maniwala na walang pinagkaiba ang buhay nila ngayon sa buhay nila noong sila ay nabubuhay pa. Para sa akin, iyon ang pinakamabuti. Hindi ibig sabihin na hindi nila tinanggap ang realidad na patay na sila ay mali na. Kung minsan, mas mabuting maniwala sa isang pantasya na nakapagbibigay sa iyo ng pag-asa. Sa ganoong paraan, makakapagpatuloy parin sila sa buhay na hindi sila labis na nasasaktan. Dahil kung hindi nila iyon gagawin, gugupuin sila ng matinding kalungkutan, pag-iisa at pangungulila hanggang sa wala nang matira sa kanilang mga kaluluwa."

Hindi halos naikurap ni Rowan ang kaniyang mga mata dulot ng pagkamangha dahil sa pambihirang payo na ibinigay sa kaniya ng kausap.

"Tama nga siya."

Nakita ng estrangherong pintor na napaisip ng malalim ang kakuwentuhan niyang binata. Natuwa naman siya dahil alam niyang nauunawaan na ngayon ng binata ang nais niyang ipabatid sa kaniya.

"O, paano?" Tinapik ng ginoo ang balikat ng binata upang magpaalam. "Maiwan na kita, bata. Mayroon pa kasi akong kailangan na gawin. Palarin ka sana sa paglalakbay mo. Mahanap mo sana agad ang liwanag."

Ngiti na may pasasalamat naman ang ibinigay na tugon ni Rowan sa pintor.

"Hindi ko inakala na sasabihin ko ito sa inyo pero...maraming salamat sa mga sinabi ninyo, ginoo."

Pagkatapos niyon ay umalis na ang ginoo sa barikan bitbit ang kaniyang mga gamit sa pagpipinta para pumunta sa isang lugar na malapit sa puso niya.

"Ah, napakaganda!"

Umupo ang pintor sa malambot na banig ng berdeng damo. Sa harapan niya ay makikita ang isang malawak na kabukiran na puno ng mga puting liryo na nagsisilbi rin na palaruan ng mga nagliliwanag na paru-paro.

"Ang ganda ng lugar na ito hindi ba, Theo?"

Inilabas ng pintor ang isang malaking lona na may nauna nang nakapinta na larawan; isang kabukiran na puno ng mga liryo at may dalawang batang lalaki na naghahabulan habang nakapaligid sa kanila ang makukulay na mga alitaptap.

"Bigla kitang naalala sa binatang nakausap ko kanina sa barikan. Naalala ko tuloy ang mga sulatan nating dalawa, at kung paano ako nakipagbuno noon sa aking karamdaman na inubos ako mula sa loob palabas. Ngunit parati kong sinasabi sa iyo noon na 'ayos lang ako' kahit alam mo na hindi iyon totoo. Pero naniwala ka parin sa akin, kahit alam mong ito ang sasapitin ko."

Hindi nagtagal ay natapos din ng pintor ang larawan—isang panibagong obra na nagpapakita ng iba't-ibang emosyon tulad ng parati niyang ginagawa noong siya ay nabubuhay pa. Natuwa siya sa kinalabasan ng kaniyang obra, at tinawag niya itong "La Tristesse Durera Toujours" na nangangahulugang, "Ang kalungkutan ay mananatili habang buhay".

At sa ibaba ng kaniyang obra ay inilagay niya ang kaniyang pangalan.

"Vincent Van Gogh"

Tama.

Halos apatnapu't tatlong taon narin ang nakalipas, sa kaparehong senaryo sa harapan ng isang maganda at malawak na bukid, ay minsang kinitil ng pintor ang kaniyang sarili gamit ang isang baril. At ang mga salitang iyon na nangangahulugang "Ang kalungkutan ay mananatili habang buhay" ay ang huling mga salita na kaniyang sinambit.

"Kung nasaan ka man ngayon kapatid ko, umasa ka na magkikita pa tayong muli."

Humiga ang pintor sa malambot na banig ng berdeng damo at ipinikit ang kaniyang mga mata habang pinakikinggan ang hiyaw ng mga bulaklak na sumasayaw sa tugtog ng malayang hangin.