Chereads / Rowan's Odyssey / Chapter 13 - Kabanata XII: Sakripisyo

Chapter 13 - Kabanata XII: Sakripisyo

Sa palagay ko'y bahagi lamang ito ng pagmamahal: Kailangan mong isuko ang mga bagay na mayroon ka. At kung minsan, kailangan mo ring ibigay ang mga ito sa iba.Lauren Oliver, Delirium

-----

Rowan...

Mabilis na iminulat ni Rowan ang kaniyang mga mata matapos umulyaw sa tainga niya ang kaniyang pangalan na sinambit ng isang pamilyar na tinig. Boses iyon ng isang babae. Pagkatapos niyang magising ay nakita niya ang kaniyang sarili na nakasubsob sa mamasa-masa at pinong buhangin. Dinig niya ang bawat pagsadsad ng alon sa tabi niya, at maging ang maalat-alat na tubig ay nalalasahan ng kaniyang mga labi.

"D—dagat?"

Kinumpirma ni Rowan ang hinala niya sa pamamagitan ng pagpihit ng kaniyang tingin sa pinagmumulan ng mga alon na kanina pa humahampas sa kaniyang katawan.

"D—dagat nga."

Noong una'y alilito pa si Rowan. Ang naaalala niya'y nasa isang lugar siya na napapalibutan ng mga itim na liryo kung saan may nakita siyang lalaki na tinangka siyang patayin. At ngayon naman ay nasa tabing-dagat na siya, isang totoo at napakagandang dagat na niyayakap ng nag-aagaw na kulay kahel at lila na kalangitan.

Isang pamilyar na tanawin.

Nanggaling na ako rito...

Tama.

Sigurado si Rowan, nanggaling na siya sa lugar na iyon.

Hindi nagtagal ay nakarinig si Rowan ng sunud-sunod na yapag ng mga paa sa makapal na banig ng buhanginan. Lumingon siya't nakita niyang papalapit sa direksyon niya ang isang babae na ang mukha't pangangatawa'y pamilyar sa kaniya. Mayroon itong kulay abong mga mata at masutlang kulay itim na buhok na ang haba ay pantay sa kaniyang mga balikat. Tila malungkot ang babae habang palapit ito sa direksyon ni Rowan, at ang mga mata nito'y hindi nakatutok sa binata kundi tumatagos ito papunta sa malawak na karagatan.

A—ang babaeng 'yon...

At habang palapit sa kaniya ang babae ay kumakabog ng husto ang dibdib ni Rowan na para bang may kung anong mangyayari na hindi maganda. Sinubukan ni Rowan na pigilan ang babae sa paglapit, subalit tumagos lamang ito sa kaniya na parang hangin.

Teka, paanong nangyari 'yon?

Sinubukan muli ni Rowan na muling hawakan ang babae, ngunit tulad ng inaasahan ay hindi manlang lumapat ang mga kamay niya sa kaniya.

Panaginip lang ba ang lahat ng ito?

Iyon ang akala ni Rowan noong una. Ngunit sa gitna ng pag-iisip niya ng malalim ay bigla na lang siyang nilingon ng babae't sinabi nito sa kaniya na...

Gising, Rowan. Kailangan mong tumakas.

Hindi na nakaganti pa ng sagot si Rowan tungkol sa sinabi sa kaniya ng babae. Bigla kasing kinain ng kadiliman ang buong paligid niya hanggang sa wala na siyang makita na anuman sa kaniyang kinatatayuan. Walang mga buhangin, at walang malawak na dagat.

"T—teka, ano na ba talagang nangayayari dito?" naguguluhang tanong ni Rowan sa kaniyang sarili habang iniikot ng paningin niya ang paligid. "Paano ako napunta rito? At sino ba ang gumagawa ng lahat ng ito?"

At lahat ng mga tanong ni Rowan ay nasagot nang magpakita sa harapan niya ang isang lalaking nakaitim na kasuotan. Kasing ganda ng isang anghel ang kaniyang mukha. Bagay na bagay rin sa kaniya ang mahaba't masutla niyang kulay itim na buhok. Maamo siyang ngumiti, ngunit hindi ang kaniyang mga mata na kasing talas ng bagong hasang patalim.

"Sa wakas, nagkita rin tayo, Rowan."

"T—teka, sino ka?"

"Hayaan mong ipakilala ko sa iyo ang aking sarili." At yumuko ang lalaki bilang tanda ng kaniyang pormal na pagpapakilala sa binata. "Tawagin mo na lang ako sa pangalan na Mephistopheles."

"M—Mephistopheles?"

Napaatras ng isang hakbang si Rowan at nagtanong.

"Ikaw ba ang nagdala sa akin sa lugar na ito?"

Humakbang palapit si Mephistopheles at sumagot sa tanong ng binata.

"Hindi ba't mas magandang itanong kung ako ba ang nagligtas sa iyo mula sa tagatugis kanina?"

Hindi maganda ang pakiramdam ni Rowan habang kausap niya ang lalaking nagpakilala sa pangalan na Mephistopheles. May kung anong banta ng panganib sa matalim at pula nitong mga mata na nag-udyok sa kaniya na tumakbo ng mabilis at takasan ang lalaki. Subalit laking gulat niya nang bigla na lang siyang hindi nakagalaw sa kalagitnaan ng kaniyang pagtakas. May kung anong malakas na puwersa ang nagpahinto sa kaniyang paggalaw at pilit na kinokontra ang kaniyang pisikal na lakas.

Dahil sa pangyayaring iyon kaya lalong nagikla si Rowan at pagdaka'y sumigaw ito ng malakas upang humingi ng saklolo.

"Tulong! Pakiusap! Tulungan ninyo ako!"

Ngunit isang malutong at sunud-sunod na halakhak mula kay Mephistopheles ang narinig ni Rowan bilang tugon sa paghingi niya ng saklolo.

"Naisip mo pa talagang humingi ng saklolo gayong ikaw at ako lang naman ang narito sa lugar na ito?" Nag-anyong usok si Mephistopheles at pagkatapos ay lumitaw ito sa harapan ni Rowan. "Pasensya ka na, pero walang sasaklolo sa iyo rito."

Naroon ang matinding takot na kumakain sa kaloob-looban ng binatang si Rowan. Ngunit sa kabila ng matinding panginginig ay sinubukan parin niyang ilabas ang natitira niyang tapang para sindakin ang lalaking kausap.

"Hindi ko alam kung ano ang kailangan mo sa akin. Pero kung ano man 'yon, hindi ka magtatagumpay!"

Lalong lumapad ang mapanganib na ngiti sa mga labi ni Mephistopheles at nagwika...

"Ang totoo, ikaw ang may kailangan sa akin. Hindi ako."

Nabalot ng pagtataka ang mukha ni Rowan sa sinabi ng kausap.

"Anong ibig mong sabihin?"

Walang babala na kinuha ni Mephistopheles ang tatlong relikya ni Rowan na nakatago sa bulsa nito: ang pakpak na panulat, ang pananda sa aklat at ang laruang parasyut.

"Balita ko'y nawalan ka ng alaala, tama ba? Mukha yatang napasama ng kaunti ang pagpatay ko sa iyo para gawin kang pain sa pinakamamahal kong si Jack."

Tuluyan nang hindi nakaimik si Rowan sa sunud-sunod na isiniwalat sa kaniya ni Mephistopheles.

"I—ikaw...? I—ikaw ang...pumatay sa akin?"

"Ako nga." Inilapit niya ang kaniyang sarili kay Rowan at bumulong sa kanan nitong tainga. "Nakakalungkot nga lang na hindi mo na maalala kung paano kita pinatay noong gabing 'yon, sa mismong karagatan kung saan kita paulit-ulit na tinawag gamit ang tinig ng iyon Ina. Dahan-dahan kong inalis ang iyong kamalayan, at pagkatapos ay saka kita unti-unting pinalusong sa tubig hanggang sa tuluyan ka nitong nilamon at pinaslang. Hindi kasi magiging masaya kung papatayin kita gamit ang tradisyunal na pamamaraan. Kaya naman naisip ko na itago sa pinakamalalim na bahagi ng karagatan ang iyong katawan, sa lugar na walang sinoman ang makakaalam. Gagawin kong memento ang katawan mo bilang bonus kapag nakuha ko na ang pinakapakay ko kay Jack."

Parang babara sa lalamunan ni Rowan ang unti-unting pag-igting ng kaniyang galit habang iniisa-isa sa kaniya ni Mephistopheles ang mga detalye tungkol sa pagpatay nito sa kaniya.

"Walang hiya ka..." Unti-unting nagbago ang hitsura ni Rowan dahil sa tindi ng kaniyang galit. Nagkabitak-bitak ang kaniyang balat at namula ng husto ang kaniyang mga mata. "Ikaw ang may kagagawan nito sa akin, hayop ka! Anong kasalanan ko sa iyo para gawin mo ang lahat ng ito sa akin!"

"Sa iyo, wala. Pero ang pinaniwalaan mong kakampi na 'di umano'y maghahatid sa iyo sa kabilang buhay, meron."

Muling nanumbalik sa isip ni Rowan ang panlolokong ginawa sa kaniya ni Jack. Lalo tuloy nadagdagan ang galit niya na mas lalo pang pinagdingas ng mga sumunod na isiniwalat ng lalaking kausap niya.

"Alam mo ba na minsan narin akong niloko ng taong 'yon?" pagbubunyag ni Mephistopheles sa binata. "Minsan kong tinangkang kunin ang kaluluwa niya, pero niloko niya ako ng dalawang beses. Alam mo bang isa 'yong malaking insulto para sa akin? Kilala ako ng lahat bilang ang Diyablo, isang eksperto sa panlilinlang. Pero nagawa akong utuin ng isang hamak na tao lang? Kaya naman ginawa ko ang lahat ng ito para makaganti sa kaniya. Hindi ko man nakuha sa una at pangalawang pagkakataon ang kaluluwa niya, sisiguruhin ko na sa pangatlo at huling pagkakataon ay akin na siya. Ipalalasap ko sa kaniya ang walang hanggang pagdurusa sa impyerno kung saan walang puwang ang awa't kamatayan para sa kaniyang kaluluwa."

"Pero bakit ako?!" mariing tanong ni Rowan kay Mephistopheles. "Wala naman akong kinalaman sa kaniya!"

"Hindi mo ba alam?" dinurog ni Mephistopheles ang mga relikya ni Rowan hanggang sa maging alikabok ang mga ito. "Dahil malambot ang puso ni Jack sa mga bata."

At walang anu-ano'y ibinuga ni Mephistopheles ang alikabok ng mga relikya kay Rowan na siyang magbabalik sa binata sa mga nawawala nitong alaala.

"Hayaan mong ipaalala ko sa iyo ang lahat." Ani Mephistopheles sa kaniya. "Bibigyan kita ng rason na tuluyang kamuhian si Jack. At ikaw...ikaw ang gagamitin ko para tuluyan na siyang mapasaakin."

Samantala...

"Rowan!"

Nabulabog ng malakas na boses ni Jack ang mga uwak na nananahan sa naglalakihang mga sanga ng puno sa gitna ng kagubatan kung saan naglaho ang binatang si Rowan.

"Rowan! Pakiusap, nasaan ka!"

Ngunit mukhang malabo pa sa putik ang pag-asa ni Jack na mahanap si Rowan, lalo na't wala siyang ideya kung saan ito eksaktong nagpunta.

Mag-isip ka, Jack! Anong dapat mong gawin!

Isang paraan na lang ang naiisip ni Jack para matunton niya ng mabilis si Rowan. Ngunit nangangailangan ito ng malaking sakripisyo sa parte niya. Magkaganoon paman, handa si Jack na subukan ang paraan na iyon matunton lamang niya ang nawawalang binata bago pa mahuli ang lahat. Kaya naman hindi na siya nagdalawang-isip pa na tawagin ang huli niyang alas, ang nilalang na kilala ng mga tao sa bansag na magnanakaw ng mga kaluluwa at makailang beses nang tumulong sa kaniya—ang payasong si Sluagh.

"Sluagh!"

Isinigaw ni Jack ang pangalan ni Sluagh. Hinayaan niya ang kaniyang tinig na umalingawngaw sa apat na sulok ng kagubatan at pagkatapos ay hinintay niya ang pag-ihip ng malakas at malamig na hangin mula sa kanluran. Hindi nagtagal ay nagpakita sa kalangitan ang isang malaking grupo ng mga itim na ibon. Mabilis itong lumipad sa direksyon ni Jack at nagsama-sama hanggang sa maging anyo ito ni Sluagh.

"Siguraduhin mo lang na maganda ang rason mo para papuntahin ako rito, Jack!" Ito ang naging bungad ni Sluagh nang lumapit siya kay Jack. Hindi narin naman nagpatumpik-tumpik pa si Jack at agad niyang sinabi kay Sluagh ang pakay niya.

"Nawawala si Rowan, at kailangan ko ng tulong mo."

"Ha?" Inikutan ni Sluagh si Jack. "Bakit? Anong nangyari? Ang akala ko ba..."

"Alam na niya ang totoo." Pag-amin ni Jack. "Alam na niyang hindi ako isang gabay. Ang buong akala niya'y niloko ko siya. Hindi na niya ako binigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang lahat."

Napailing si Sluagh sa kaniyang narinig at imbis na kampihan si Jack ay lalo pa niya itong sinisi.

"Sinabi ko naman sa iyo noon, hindi ba? Hindi magandang ideya na ilihim mo pa sa kaniya ang balak mo. Hindi mo masasagip ang kaluluwa niya sa gano'ng paraan. Nakatali ka sa isang kasunduan na alam mong matatalo ka sa huli. Hindi ito tulad ng dati mong buhay, Jack the Smith. Kaya mong linlangin noon ang kahit na sino, kahit ang Diyablo, pero sa pagkakataong 'to, hinding hindi ka na niya bibigyan pa ng pagkakataon. Hindi mo ba nakikita? Plinano niya itong lahat, Jack! Isa lang itong malaking patibong para makuha niya ang nais niya sa iyo!"

"Alam ko." Giit naman ni Jack sa kaniya. "Kaya nga kita tinawag, dahil ikaw na lang ang pag-asa ko."

Sandaling nagkatitigan ang dalawa. At pagkatapos...

"Hindi, hindi." Umatras bigla si Sluagh habang hawak niya ang pulang sombrero na nakasaklob sa kaniyang ulo. "Alam ko ang iniisip mo, Jack. Idadamay mo ako sa gagawin mo!"

"Hindi ka madadamay." Pagtitiyak naman ni Jack sa kaniya. "Sa katunayan, handa akong magbayad ng malaki sa iyo."

Inilabas ni Jack ang kaniyang lampara na may nagliliyab na bato sa loob.

"Ibibigay ko sa iyo ito."

Nanlaki ang mga mata ni Sluagh habang nakatitig sa seryosong mga mata ni Jack.

"Nagbibiro ka lang, tama?"

"Hindi. Seryoso ako." Sagot ni Jack sa kaniya. "Tama ka sa sinabi mo. Sa umpisa pa lang, alam ko na isang patibong lang ang lahat. Pero pumayag parin ako na ibigay sa kaniya ang gusto niya dahil wala akong ibang pagpipilian. Desperado ako noong mga panahon na iyon, Sluagh. At alam kong nagkamali ako sa parteng iyon. Kaya nga gusto kong itama ang lahat. Handa akong gawin ang lahat para itama sa huling pagkakataon ang mga pagkakamali ko."

Hindi makapaniwala si Sluagh habang dahan-dahan niyang kinukuha mula kay Jack ang maalamat nitong lampara na ayon sa kasaysayan ay may kakayahan na magliwanag sa pinakamadilim na lugar at kayang ihayag ang anumang bagay na nagtatago sa likod ng kadiliman at palayasin ito ng walang kahirap-hirap.

"Nalalaman mo ba ang bigat ng pasya mong ito, Jack?" Tila ba sinusubukan ni Sluagh na alamin kung gaano kaseryoso si Jack sa pasya nito na ibigay sa kaniya ang buong lampara. "Kapag ibinigay mo ito sa akin, ikaw ay..."

Ngunit ngumiti lang si Jack at nagwika...

"Handa na ako." Ang sabi niya. "Paglubog ng araw sa mundo ng mga buhay, dapat ay naitawid ko na si Rowan sa liwanag. Pero para magawa ko iyon, kailangan ko ng tulong mo."

Alam ni Sluagh kung ano ang dapat niyang gawin. Walang pagdadalawang-isip niyang isinabit ang lampara sa kaniyang tagiliran at pagkatapos ay inalok niya ang kaniyang kamay kay Jack upang isara ang kanilang kasunduan.

"Isang karangalan na makilala't makatransaksyon ang isang alamat na tulad mo, Jack the Smith."

"Masyado pang maaga para magpaalam ka sa akin." Ang sabi ni Jack kay Sluagh. "Nag-uumpisa pa lang tayo. Pero sisiguruhin ko na tatapusin ko ang lahat ng ito sa lalong madaling panahon."