Chapter 7 - PART 7

IYON ang unang pagkakataong dadalaw siya sa bahay ng mga De Vera. First day kasi ng training niya kay JV.

"O bakit ang tahimik mo naman? Kinakabahan ka ano?" nakangiti siyang sinulyapan ng binata saka pagkatapos ay ibinalik rin nito agad ang paningin sa daan.

"S-Sino ba ang mga nasa bahay ninyo ngayon? Para kasing naiilang akong pumunta sa inyo, ano kasi eh hindi naman ako sanay makihalubilo sa mga mayayaman" pagsasabi niya ng totoo kaya natawa ng mahina doon ang binata.

"Mga katulong, hardinero at driver. Dipende kung maagang umuwi ang Mama. Saka ano ka ba, wala namang dapat sanayin pagdating sa ganoon. As long as you're true to yourself, iyon ang mahalaga. Kaya mo ngang pakisamahan ang kapatid kong saksakan ng arte di ba?" pabirong sabi ni JV pagkuwan.

Natatawa siyang nagyuko ng ulo. "Mabait si Hara, parang ikaw. Kaya nga hindi ako naiilang sa inyong dalawa" pagsasabi niya ng totoo pagkuwan.

Maaliwalas ang mukhang binalingan siya ng binata. "Touch naman ako sa sinabi mo, kung gayon palang nababaitan ka sakin. Meaning may tiwala ka sakin?"

Noon niya naitakip ang kamay sa sarili niyang bibig saka natawa ng mahina. "Oo naman, package na iyon kapag sinabi kong mabait ka."

"Ahhh package pala ha? Ibig sabihin magkakasama na dun ang lahat ng pwede mong maramdaman sa isang tao. Pati na iyong crush, like at love?" anitong nanunukso pa siyang sinulyapan.

Nabigla niyang nilingon ang binata. "Oy wala akong sinabing ganoon ah!" namumula ang mukha niyang tanggi.

Noon magkakasunod na tumango si JV saka siya sinulyapan ng nakangiti parin. Halatang hindi ito kumbinsido sa sinabi niya.

"Nakakainis ka ah! Iyang ngiti mo bakit ganyan?" hindi niya napigilan ang mapabungisngis dahil sa tindi ng pinaghalong kilig at hiyang nararamdaman.

Noon umangat ang dalawang kilay ng binata. "Oh, anong problema sa ngiti ko? Pangit ba?" amuse nitong tanong.

Sa totoo lang ikaw na yata ang may pinakamagandang smile sa lahat ng lalaking nakilala ko!

"Tell me Miss L, hindi ka pa rin ba kumportable sakin?" mayamaya ay mabait ng tanong sa kanya ng binata.

Nakagat niya ang pang-ibabang labi sa tanong na iyon. "Kumportable na. Kasi nga di ba sabi ko mabait ka kaya hindi na ako naiilang sayo" pagsasabi niya ng totoo.

Kaya lang naman siya naiilang noon kay JV ay dahil nga crush niya ito. Pero dahil nararamdaman niyang may respeto ito sa kanya ay nawala narin ang discomfort niya para sa binata.

Tumango-tango ang binata sa sinabi niya saka pagkatapos ay mabilis na ginagap ang isang kamay niya. Marahas siyang napasinghap. "That's good to hear, ibig sabihin pwede ko ng hawakan ang kamay mo anytime" anitong makahulugan ang tinging ipinukol sa kanya pagkatapos.

Magkakasunod ang hiningang pinakawalan niya habang nakatitig sa kamay niyang hawak ng binata. Hindi niya maikakaila ang napakasap na kilabot na nararamdaman niya ng mga sandaling iyon.

"Ang mga palad, parang mga labi din yan kapag naglapat. Nararamdaman ang init, ang damdamin, at higit sa lahat ang pagmamahalan ng dalawang taong nagkakaintindihan kahit hindi sila mag-usap" anito. At nang magtama ang kanilang mga mata noon niya napunang nakatingin rin pala sa kanya si JV. Lalong nag-init ang mukha niya dahil doon.

"Masanay kana, kasi ako mula ng unang beses na nahawakan ko ang kamay mo hinanap hanap ko na ang lambot at init ng palad mo" anito nang marahil mabasa ang iniisip niya. "sana okay lang sayo?" dugtong pa ng binata.

Napangiti siya sa sinabing iyon ng binata dahil ganoon din naman siya. Pakiramdam pa niya kahit sa simpleng gesture lang na iyon kahit sobrang down siya ay magagawang pawiin ng masarap na damdaming hatid niyon ang lahat ng kalungkutang nararamdaman niya.

Ilang sandali pagkatapos ay nagkibit siya ng balikat saka nginitian si JV. "Okay" aniya.

"Right, that's my girl" anitong nangingislap ang mga mata siyang kinindatan pagkatapos.

"ANG laki naman ng bahay ninyo, mansyon! Malaki pa ito sa kabuuan ng poultry namin" pagbibigay alam sa kanya ni Vinnie. Naglalakad na sila noon papunta sa likurang bahagi ng bahay nila kung saan naroon ang isang land scaped garden, ang paborito niyang spot sa bahay nila.

"Gusto mo ba dito sa amin?" nakangiti niyang tanong sa dalaga saka niya ito iginiya paupo sa naroong bakal na swing.

Sandaling natigilan si Vinnie at nagtatanong ang mga mata siyang tinitigan.

"Ano ba namang klaseng tanong iyan?" nakatawa nitong tanong-sagot.

Nagkibit siya ng balikat saka iniabot kay Vinnie ang isang folder kung saan naka-file ang script nito para sa dula. "Kasi kung sakaling hindi mo gusto dito, willing naman akong magtayo ng bahay para sating dalawa someday!" aniyang sinundan ang sinabi ng isang mahinang tawa.

Namula ng husto ang mukha ni Vinnie sa sinabi niyang iyon. Malapad pa siyang napangiti nang makita ang muli nanamang pagkailap ng mga mata ng dalaga sa kanya.

"Joke lang" pagkuwan ay bawi niya sa sinabi kahit iyon naman talaga sa loob niya.

Narinig niya ang isang malalim na buntong hininga pinakawalan ng dalaga. "Ikaw naman kasi kung anu-ano ang sinasabi mo!" anitong mahina pang hinampas ang balikat niya.

Marami pa sana siyang gustong sabihin kay Vinnie gaya nalang ng gusto niya ito. Pero minabuti niyang huwag nalang. Mahirap na, baka kapag ginawa niya iyon iwasan siya ng dalaga.

Timing, perfect timing. Sana makisama sa nararamdaman kong ito para sayo ang pagkakataon.

"So paano, let's start?" pagkatapos ng ilang sandali ay sabi niya.

Tumango-tango ang dalaga. "Sige, para sa grade ko sa Filipino."

Napakamot siya ng ulo. "Pwede bang idamay mo narin ako?" aniyang nangingiti.

Nagsalubong ang mga kilay ng dalaga. "Idamay?"

Magkakasunod siyang umiling saka tumayong binuklat ang sariling folder. "Wala, sige na start na tayo."

"Oo na, inspirasyon din kita, kung iyon ang gusto mong marinig" nagulat siya sa sinabing iyon ni Vinnie.

Awtomatikong humaplos sa puso niya ang kakaibang pakiramdam na hatid ng matamis nitong ngiti. Nang mapupula nitong mga labi, ng napaka-amo nitong mukha. Kaya naman hindi niya napigilan ang sariling hawakan ang kamay nito saka bahagyang pinisil pagkatapos.

This is magic.