MEDYO maaga ang labas niya noon kaya nag-decide siya na huwag ng hintayin si JV at mauna na sa Guildhall. Iyon ang ikapitong araw ng kanilang rehearsal. After ng practice nila ay diretso naman siya sa training niya kay JV. Wala namang kaso sa parents niya ang tungkol doon dahil naipaalam naman niya ng maayos sa mga ito ang tungkol sa play.
Ilang araw narin mula nang una siyang isama ng binata sa bahay ng mga ito. Pero kahit minsan, sa awa ng langit ay hindi pa naman sila nagpapang-abot ng ina nito at maging si Jovic na Papa ni JV. Napabuntong hininga siya. Hindi niya maikakailang medyo ilag siya sa ina ng binata, Siguro kasi iba ang naramdaman niya nang una niya itong makita sa ospital.
Nang marating niya ang Guildhall ay walang anuman niyang pinihit ang knob saka itinulak pabukas ang pinto. Para lang mapatda sa nakita.
Sina Joey at Irene, naghahalikan!
Mabilis na nag-init ang mukha niya.
"S-Sorry!" aniyang kinabig ang pintuan pasara saka nagmamadaling umalis. Para pa siyang wala sa sariling nakayukong naglakad kaya hindi niya napuna ang kasalubong na si JV.
"Miss L!"
"JV!"
"Anong nangyari, parang takot na takot ka?" anitong natawa pa ng mahina.
Magkakasunod siyang umiling. "T-Tara sa canteen kain muna tayo" ang sa halip ay sabi niya.
"May itatanong lang ako" nang pareho na silang kumakain ng binata.
"Ano?"
"Alam mo bang sina Joey at Irene na?" hindi kasi niya maiwasang mag-alalang baka masaktan si JV kapag nalaman nito ang totoo tungkol sa dalawa.
Malapad na napangiti si JV. "Oo naman, bakit ano bang nakita mong eksena doon sa office at putlang-putla ka?"
Napalunok siya kahit wala namang lamang pagkain ang bibig niya. "A-Ano kasi, nakita ko silang naghahalikan. Kaya kita niyaya dito kasi isip ko baka masaktan ka kapag nakita mo ang ginagawa nila" pag-amin niya.
Tumawa ito ng mahina. "Uy, concern siya sakin" ang nanunuksong sabi ng binata bago uminom ng tubig.
Pinigil niya ang mapangiti pero nabigo siya. "Heh! Syempre kaibigan kita no!"
"Ows?" patuloy ni JV sa ginagawang pang-aasar sa kanya.
"Tumigil ka nga, ikaw ah nagiging mapang-asar kana!" kunwari'y galit niyang sabi pero hindi parin niya mapigilan ang matawa.
Nginitian lang siya ng binata. "Alam kong sila na, at okay lang sa akin iyon, kasi ang totoo niyan meron na akong ibang babaeng natitipuhan" may pagmamalaki pang sabi ni JV.
Agad na napalis ang ngiti niya dahil sa narinig. "H-Ha?" hindi niya maikakaila ang tila malaking kamay na pumiga sa puso niya.
Tumango-tango si JV. "Kaya lang hindi ko alam kung paano ko siya didiskartehan. Sa tingin mo baka matulungan mo ako?"
Mabilis na gumana ang isip niya. "I-Iyon naman pala, bakit hindi nalang siya ang samahan mo palagi, baka mamaya masira ang diskarte mo dahil sakin" aniyang hindi tinitingnan ang binata kaya hindi niya nakita ang makahulugang pagngiti nito.
"Sa tingin ko hindi naman. Kasi kung may isang bagay akong gustong-gusto sa kanya, may tiwala siya sakin" titig na titig sa kanya si JV noon.
Hindi siya sumagot at sa halip ay tinusok-tusok ng hawak niyang tinidor ang hotdog na sahog ng inorder niyang spaghetti. Sa tono ng pananalita ni JV ramdam niyang gustong-gusto nito ang babaing tinutukoy. Hindi pa naman ganoon katagal silang magkasama pero dahil nga crush niya ito hindi niya maiwasan ang magselos. Nawalan tuloy siya ng ganang kumain.
Bakit naman kasi hindi ako naging kasing ganda ni Kristine Hermosa para naman pwede kong isiping pwede mo akong magustuhan.
"O bakit hindi ka kumakain?" nang makalipas ang ilang sandali ay nanatili siyang tahimik.
Magkakasunod siyang napailing at tila naalimpungatan sa tanong na iyon. "W-Wala!"
Magandang ngiti ang pumunit sa mga labi ng binata. Sa totoo lang kapag ngumingiti ito pakiramdam niya nakakakita siya ng rainbow. Pirming bumibilis ang tahip ng dibdib niya at higit sa lahat, ang lahat ng hinanakit at lungkot na nararamdaman niya nahuhugasang bigla.
"Sige na kumain ka na, tuturuan mo pa akong manligaw di ba?" anito pagkuwan.
Tahimik siyang napilitang tumango. "Wala naman akong alam sa ganyan JV eh."
Noon itinuwid ng binata ang upo nito "Ganito nalang, let's pretend na ikaw ang nililigawan ko. Okay ba iyon?"
Napaangat siya ng tingin sa narinig. "Ano? Okay ka lang, at ako pa talaga ang pagpa-practice-an mo ah!"
Nangalatak si JV. "Sige na. Saka di ba ang magkaibigan nagtutulungan?" anito sa nangungusensiyang tinig.
Naiinis niyang inamin sa sariling tinablan siya sa pangungunsensiyang iyon sa kanya ng binata. "O sige na nga! Basta no hitting below the belt ah!"
"SABI ko na nga ba hindi mo ako matitiis eh!" malakas niyang naisatinig sa labis na katuwaan.
"Shhh!" ang nangingiting saway sa kanya ni Vinnie nang magtinginan sa gawi nila ang ibang kumakain sa loob ng canteen.
Malapad ang pagkakangiti niyang ginagap ang kamay ni Vinnie, hindi na niya alintana ang kahit sinong nakatingin sa kanila. Masyado siyang masaya para bigyan ng atensyon ang mga iyon.
"Hindi mo alam kung gaano mo akong napasaya Miss L, promise magiging gentleman ako, igagalang kita at aalagaan. Hindi ko hahayaang may manakit sayo na kahit sino."
Paano ko ba sasabihin sayong ikaw ang babaing iyon? At style ko lang ito para maligawan at mapaibig ka?
Nakita niyang binalot ng kalituhan ang mukha ni Vinnie. Pero gaya ng dati tikom parin ang bibig nito at hindi nagtanong. Nginitian niya ang dalaga nang muli nitong salubungin ang mga titig niya.
Ngayon lang ako nakaramdam ng possessiveness sa isang babae. So, bakit pa kita pakakawalan eh alam kong pag ginawa ko iyon pagsisisihan ko lang. Hindi ka pwedeng mapunta sa iba dahil akin ka lang.
Aware siyang habang tumatagal, lalong lumalalim ang nararamdaman niya para kay Vinnie. Dahil kung noong una niya itong makita ay attracted siya rito. Ngayon ay sobrang special na nito sa kanya.
At paano niya ipaliliwanag ang kagustuhan niyang ipagsigawan sa buong mundo na kanya ito kahit kung tutuusin ay hindi naman niya ito nobya? Strange, pero hindi pa niya naramdaman ang ganito kanino man. Sa kabilang banda, gusto niya ang pakiramdam at masasabi niyang si Vinnie ang pinakamagandang highlight ng buhay niya. Kaya ayaw niyang mawala ang dalaga sa kanya, dahil alam niyang may magandang dahilan kung bakit niya ito nakilala.
"So now tell me, paano ang way ng panliligaw na gusto mo?" ngiting-ngiti niyang tanong.
"Huh?"
"Di ba nga kunwari tayong dalawa ang nagliligawan? Anong gusto mong gawin kong style para makuha ko ang puso mo?��
Alanganing napangiti doon ang dalaga saka sandaling tila nag-isip bago sumagot. "Syempre gusto kong makatanggap ng flowers saka chocolate galing sayo, tapos kakantahan mo ako, dadalhin mo'ko sa isang romantic na lugar at higit sa lahat treat me like how you treat your Mom."
Tumango-tango siya. "Flowers and chocolate ba kamo? Teka sandali" pagkasabi niyon ay mabilis niyang tinungo ang counter.
Hindi niya alintana ang mga matang nakasunod sa kanya nang magbalik siyang dala ang isang tangkay ng kulay pulang rosas.
"Flower and chocolate" nakangiti niyang pinakatitigan ang namumulang mukha ni Vinnie nang iabot niya dito ang binili niyang chocolate maging ang hiningi niyang fresh red rose na nakadisplay malapit sa kaha ng kahera.
"Hay nakakahiya tingnan mo lahat sila nakatingin dito" anitong habang nangingislap ang mga matang tinanggap ang bigay niya. "binawasan mo pa iyong bulaklak sa vase ni ate" dugtong pa nito.
"Kahit ano basta magpapasaya sayo" aniya. "so tatlo nalang, siguro kailangan ko ng magpaturo ng kanta kay Raphael. Tapos sasagutin mo na ako?" huli na para bawiin iyon.
"Anong sasagutin?"
Tinawanan niya ito kunwari. "W-Wala, di kana mabiro" alibi pa niya.
"Matanong ko lang, bakit Miss L ang tawag mo sakin?" ang curious na tanong sa kanya ni Vinnie nang ipagpatuloy nitong muli ang pagkain.
Noon niya nakangiting hinawi ang hibla ng buhok na tumabing sa mukha ng dalaga. "Dahil bukod sa tatlong L ang initials mo, you're the loveliest girl na nakilala ko" pagsasabi niya ng totoo.
"Bola" anitong nakangiti pa siyang inirapan.
"Pairap-irap ka pa, halikan kita diyan makita mo ang hinahanap mo" pabulong niyang sabi.
Sa totoo lang tukso sa kanya ang mapupulang labi ng dalaga.
Nanlaki ang mga mata ni Vinnie na tumitig sa kanya. "A-Anong sinabi mo?"
"Wala, sige na kumain kana baka nag-start na ang rehearsal" aniyang nagkamot ng ulo pagkuwan.
"SIGE action."
Ang eksenang pina-practice nila nang araw na iyon ay ang Suyuan sa Asotea.
"Crisostomo" aniyang tumayo sa kinauupuang silya saka ibinaba ang binuburdahang tela.
"Wait, mas maganda siguro kung magyayakap kayong dalawa. Siyempre na miss ninyo ang isa't-isa at dahil magboyfriend kayo normal na iyon, JV ikaw ang unang yayakap sa kanya okay?" ani Reagan, ang baklang director ng dula.
Natilihan siya sa narinig. "H-Ha? Teka, baka naman pwedeng huwag na" protesta pa niya. Mabait naman kasi si Reagan kaya hindi siya nagdalawang isip na sabihin iyon.
"Sige na, si JV naman iyan oh. Gwapo! Saka isa pa, hindi kapa ba naman sanay eh kulang nalang maging kayo sa totong buhay dahil everyday kayo ang nakikita kong magkasama!" anito pang nanunuksong sinulyapan si JV na nakita niyang malapad ang pagkakangiti.
Narinig niyang tumikhim si Joey sa huling tinuran ni Reagan. Pagkatapos ay saka sila inulan ng tukso ng iba pa nilang kasamahan kaya mabilis na nilamon ng matinding hiya ang dibdib niya. Napabuntong hininga siya at wala na ngang nagawa.
"Sige action."
"Crisostomo!" masaya niyang bulalas saka mabilis na napatayo.
"Maria, mahal ko!" sa dalawang malalaking hakbang ay natagpuan na lamang niya ang sariling kulong ng malalaking bisig ni JV.
Hindi niya napigilan ang sariling gantihan ng yakap ng binata. Ang bango-bango nito at ang sarap ng pakiramdam na nararamdaman ng pisngi niya ang matigas nitong dibdib. Feeling pa niya iyon ang tamang place sa mundo para sa kanya.
"Cut!" nasisiyahang naisatinig ni Reagan. "di ba ang bongga?" anitong ipinagpatuloy ang pagbibigay ng instruction sa kanila pagkatapos. "now, from the top okay?"
"N-Natutuwa akong makita ka Crisostomo" nanginginig ang tinig niyang sabi habang nanatiling nakapulupot sa katawan niya ang mga bisig ni JV.
Nang ngumiti ang binata ay parang gustong matunaw ng puso niya sa ganda niyon. Melted cheese ika nga nila! Hinagod nito ng tingin ang kanyang mukha at saka nagtagal sa kanyang mga labi. Mabilis siyang kinilabutan dahil sa ginawi nito. At nang maramdaman niya ang banayad na haplos ng malambot nitong kamay sa kanyang pisngi ay hindi niya napigilan ang mapapikit. Feeling pa niya parang gusto na niyang mag-collapse dahil sa pinaghalong kilig at nerbiyos nang mga sandaling iyo.
"Ganoon din ako mahal ko" anito. Ang mabangong hininga ni JV ay humaplos ng husto sa mukha niya kaya mabilis ang ginawa niyang paghugot ng malalim na buntong hininga.
"Lagi mo ba akong naaalala Crisostomo? Hindi mo ba ako nakalimutan kahit minsan?" nang pakawalan siya ni JV ay may bahagi ng puso niya ang tila gustong magprotesta pero natuwa siya nang lihim nang manatiling hawak nito ng mahigpit ang kamay niya.
"Nasa ibang lupain man ako ay hindi ko parin malilimot ang aking pinakamamahal. At ikaw iyon Maria" ani JV saka siya muling hinila palapit rito saka masuyong iniipit ang kanyang buhok sa kanyang tainga.
Nakagat niya ang pang-ibabang labi nang maramdaman ang init ng kamay ni JV nang aksidenteng dumampi sa kanyang punong tainga. Ngunit ganoon pa man ay sinikap niyang huwag mapasinghap. At sa totoo lang, gusto niyang pasalamatan si Mr. Giron sa ibinigay nitong project sa kanya.
Kundi dahil dito ay hindi niya mararanasan ang lahat ng ito. Pakiramdam kasi niya totoo ang lahat ng ikinikilos ni JV. Nararamdaman niya iyon sa mga titig nito, sa mga haplos nito at sa yakap nito kanina, iyon din ang naramdaman niya.
"Ibig mo bang sabihin wala kang nakitang magagandang dilag sa pinuntahan mo?"
Nang umangat ang sulok ng labi ni JV ay pinigil niya ang sariling mapapikit dahil sa kilig na naramdaman. Parang gusto pa niyang mangalumbaba at titigan nalang ito ng titigan.
Napakagwapo mo talaga! My goodness kahit yata sa simpleng paghinga mo lang nawawala na ako sa sarili ko.
"Totoong marami akong nakitang kagandahan, pero bukod tangi parin sa akin ang iyong kariktan" nag-init ang pisngi niya sa sinabing iyon ni JV kahit kung tutuusin hindi niya iyon dapat bigyan ng malisya dahil nasa script iyon.
Maluwang siyang napangiti. Paano naman kasi ay naalala niyang bigla ang sinabi nitong dahilan kung bakit Miss L ang tawag nito sa kanya.
Maging ang lantarang pag-aabot nito ng bulaklak at chocolate sa kanya sa canteen. At ang isiping hiningi lang nito ang bulaklak may maibigay lang sa kanya ay isa sa mga dahilan kung bakit binabalot ng kilig ang puso niya.
Bagay lang sayong maging leading man kasi nasa personality mo ang pagiging romantic!
Maraming magagandang babae sa SJU na nagpapakita ng pagkagusto kay JV, pero ang isang kagaya niya ang pinaglalaanan ng oras at atensyon ng binata. Kinikilig siyang natawa ng mahina. Hindi niya tiyak kung dinadaya lang siya ng ilusyon niya pero sa totoo lang mula nang sabihin ni JV sa kanyang maganda siya ay hindi siya nahirapang paniwalaan iyon.
Siguro dahil nararamdaman niya ang sinabing iyon ng binata sa mga titig nito sa kanya. At maging sa mga nahuhuli niyang panakaw nitong sulyap sa mga pagkakataong silang dalawa lang ang magkasama o kaya ay sa tuwing nasa loob sila ng kotse nito.
Hay sana totoo nalang lahat ito JV. Kaso alam ko namang may iba ka talagang gusto, at hindi ako iyon kaya hindi ko maiwasan ang magselos.
"DAHIL magaling ka ng umarte, ipagluluto kita!" masayang sabi ni JV sa kanya nang matapos ang practice nilang dalawa. Iyon ang last day ng training niya kay JV na inabot ng dalawang linggo.
Umikot ang mga mata niya habang nakangiti. "Bakit marunong ka bang magluto?"
Nangalatak doon ang binata saka inilahad sa harapan niya ang kamay nito. Tinanggap niya iyon. "Oo naman pero iyong mga simple lang, gaya ng pancake!"
Malakas siyang natawa sa narinig. "Pancake! Eh di ba pang-almusal iyon? Sandwich nalang" giit niya.
Noon nagkamot ng ulo nito si JV kaya mabilis niyang nakuha ang ibig sabihin niyon.
"Sige ako nalang ang gagawa ng meryenda natin, pa thank you ko nalang sayo kasi pinag-tiyagaan mo akong turuan" kalaunan ay naisip niya.
"Masarap, ito na ang bago kong paborito!" ani JV habang maganang kinakain ang sandwich na inihanda niya.
"Ngek, bolero ka talaga, wala namang kakaiba diyan di ba?"
Noon inubos ni JV ang sandwich nito, inabot ang baso ng juice saka uminom. "Meron, ang kakaiba dito alam mo kung ano? Ikaw ang naghanda, iyon" sagot nitong kuntentong isinandal pa ang likod sa sandalan ng silya.
Parang hinaplos ng pakpak ng ibon ang puso niya. Gusto niyang magsalita pero wala siyang nahagilap na pwedeng sabihin kaya ngumiti nalang siya. Ilang sandaling nakiraan sa kanila ang katahimikan. Siya nang mga sandaling iyon ay ipinagpatuloy ang tahimik na pagkain habang si JV. As usual, titig na titig parin sa kanyang mukha.
"T-Tumigil ka nga diyan!" nang hindi makatitiis ay sita niya sa binata.
Agad na nagsalubong ang mga kilay ni JV. "Para tinititigan ka lang" anitong umangat pa ang sulok ng labi pagkuwan.
Nanunulis ag nguso niyang ipinagpatuloy ang pagkain. "Nakakailang kasi ang mga titig mo."
"So weakness mo pala ang mga titig ko huh!" may panunuksong sabi ng binata.
Totoo iyon pero ayaw niyang aminin mismo iyon kay JV kaya nakangiti nalang niyang inirapan ang binata. Hindi niya maintindihan kung bakit wala siyang maramdamang pagkainis kapag binibiro siya ng ganoon nito. Siguro kasi sa kabila ng pagbibiro nito, naroroon parin ang masarap na kilig na hatid niyon na siyang kumukumpleto sa araw niya.
Nang damputin niya ang baso ay hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari. Nadulas iyon sa kamay niya kaya nahulog at nabasag sa marmol na sahig. Mabilis siyang yumuko para pulutin iyon pero dahil sa pagkataranta, namali siya ng dampot. Naramdaman nalang niya ang hapding nilikha ng sugat niyon sa kanyang daliri.
"A-Anong?" si JV na nag-aalalang tumayo saka siya dinaluhan.
"M-masakit" nangingilid ang luha niyang turan saka tiningala ang binata noon ay hawak ang kamay niya. Hindi naman malalim ang sugat. Pero dahil bihira siya kung masugatan, ininda niya iyon ng husto.
"Teka kukunin ko iyong gamot" ang binatang umakmang tatalikod pero mabilis ring nahinto nang magsalita siya.
"H-Huwag, mahapdi. Hayaan mo na hindi naman malalim" giit niya sa pagitan ng pagpipigil na impit na mapaiyak.
"I-Ikaw talaga" mabait na sabi ng binata. "teka, alam ko na" ang sumunod na ginawa ni JV ay hindi niya inasahan.
Marahas siyang napasinghap nang isubo nito ang dulo ng daliri niyang nasugatan. Alam niyang paraan din iyon para mapaampat ang pagdurugo ng isang maliit lang na sugat. Pero dahil yata si JV ang gumawa niyon sa kanya, may pakiramdam siyang para siyang hihimatayin sa anumang sandali.
Ang init ng labi niya...
Daliri palang niya ang ikinulong ng mga labi nito. What more pa kaya kung? Noon niya mabilis na iwinala sa isip ang isiping iyon.
Nakahinga siya ng maluwag nang itigil ni JV ang ginagawa. Pero siya, nanatili paring nakatitig sa binata. May ilang sandali rin silang nanatili sa ganoong ayos. Ang dibdib niya abnormal parin ang tibok. At lalong sumidhi iyon nang makita niyang umangat ang isang kamay ni JV saka masuyong humaplos sa kanyang pisngi.
Napapikit siya. Mayamaya pa ay naramdaman naman niya ang hinlalaki nitong dumama sa kanyang pang-ibabang labi. Doon napigil niya ang sariling paghinga. Nakita niyang kumilos ito, yumuko. Pakiramdam niya, alam na niya ang susunod na mangyayari.
Hahalikan siya ni JV. Nalito siya, tatanggi ba siya o papayag? Magkapanabay pa silang tila natauhan nang makarinig ng tikhim sa kanilang likuran. Noon siya mabilis na binitiwan ng binata.
"Ma!" anito kay Carmela nang marahil makabawi sa pagkabigla. Gaya noong una sa ospital ay sa kanya na naman napako ang paningin ng ginang.
Tumango lang ito saka muling ibinalik ang titig sa kanya. "May bisita ka pala" malamig nitong turan na malamang ay dahil sa eksenang inabutan nito na mukhang hindi nito nagustuhan.
"K-Kumusta po?" nahihiya niyang bati.
"Mabuti naman, magbibihis lang ako" tila napilitan nitong sagot saka mabilis na tumalikod.
"M-Miss L?" mayamaya ay narinig niyang untag sa kanya ng binata.
Alanganin niya itong tiningala.
Nakita niyang nagtaas-baba ang dibdib ni JV. "I-I'm sorry, hindi ko dapat ginawa iyon. I know nangako ako sayong igagalang kita at magiging gentleman ako sayo. Sana mapatawad mo ako" ramdam niya ang sincerity sa tinig nito.
Napangiti siya. "H-Hayaan mo na iyon. Lika na, hatid mo na ako sa sakayan" totoong hindi naman siya nakaramdam ng kahit anong kabastusan o pananamantala sa ginawing iyon ng binata. Ang totoo pa niyan ay parang nanghihinayang siyang hindi iyon natuloy, bagay na ayaw din naman niyang aminin sa sarili niya.
"T-Thank you, promise hindi na talaga mauulit. Maliban nalang kung tayo na" si JV ulit na nang mga sandaling iyon ay malapad na ang pagkakangiti.
Noon niya kinurot ang tagiliran ng binata. "Puro ka talaga kalokohan ano?" natatawa pa niyang saad.
Hindi na nagsalita pa ang binata pagkatapos. Pero sa nakikita niyang ganda ng kislap ng mga mata nito, parang bigla ay nakaramdam siya ng nag-uumapaw na kaligayahan sa puso niya.
Hindi naman tayo magkapatid kaya hindi isa ang pusod natin. Pero bakit ganun, kung ano ang nararamdaman mo, parang nararamdaman ko rin? Ang isang bahagi ng isip niya.
Hindi nga isa ang pusod ninyo pero isa naman ang itinitibok ng puso ninyo! Ganoon din iyon! Ang kabilang bahagi naman.
Wala sa loob siyang napangiti dahil doon. Kaya naman nang pareho na silang nasa loob ng kotse ni JV at maramdaman ang kamay nito sa kamay niya ay hindi siya tumanggi. Sa halip gaya ng dati ay in-enjoy nalang niya ang masarap na damdaming hatid ng init ng palad ng binata.
"BAKA sa isang buwan umuwi ako, nag-file ako ng leave para mapasimulan ko na ang pagpapaayos ng bahay natin" si Lloyd iyon nang isang gabing kausap niya ang kapatid sa web.
Nakaramdam siya ng tuwa saka itinigil ang ginawang pagsusulat sa kanyang diary. "T-Talaga? Wow siguro ang dami mo ng pera ano kuya? Mag-asawa ka na kaya, para magkaroon nako ng pamangkin!"
Natawa doon si Lloyd. "Ano kaba twenty five palang ako, teka ano ba yang sinusulat mo? Mamaya na iyan magkwentuhan muna tayo" anito nang ipagpatuloy niya ang pagsusulat sa kanyang talaarawan.
"Diary ko ito kuya" aniyang tinapos na ng tuluyan ang sinusulat. "hayan tapos na."
"Para kang high school, baka naman may boyfriend kana at diyan mo sinusulat sa diary mo ang tungkol sa kanya kasi ayaw kitang payagan?" naghihinalang turan ng kapatid.
"Wala! Crush lang iyon, at alam mo ba kuya ang gwapo-gwapo niya!" aniyang kinilig pa nang maalala si JV. Dahil doon ay wala sa loob niyang niyakap ang hawak na diary.
"Crush lang ba talaga?" hindi kumbinsidong tanong ni Lloyd na halatang naaliw sa naging reaksyon niya.
"Ano kaba kuya, oo naman no!"
"Anong pangalan, baka kilala ko?"
Mabilis siyang nag-isip kung sasabihin ba sa kapatid ang pangalan ng binatang nagpapangiti sa kanya at nagbigay ng dahilan para pumasok sa school araw-araw. "Secret! Akin nalang iyon! Saka isa pa hindi naman ako magugustuhan nun, kasi pang-Hollywood ang karisma niya!"
Tumaas ang mga kilay ni Lloyd. "Ows? Sinong mas gwapo saming dalawa?"
Naiiling siyang natawa ng mahina. "Pareho, kasi kung ako ang tatanungin kasing gwapo mo si Justin Timberlake!"
Well, totoo iyon. Talagang gwapo ang kuya niya, kaya nga hindi siya makapaniwalang iniwan ito ni Cassandra at ipinagpalit lang sa iba.
"Sige basta crush lang okay? Anyway aalis na ko, matulog kana gabi na."
"I love you kuya!" pagkasabi niyon ay nakangiti niyang hinalikan ang screen ng kanyang laptop.