Chapter 10 - PART 10

NATAWA ng mahina doon si JV.

"Effortless talaga ang mga paglalambing mo ano?" aniyang hinaplos -haplos ang pisngi ng dalaga.

"Naglalambing ba? Hindi naman ah!" nakatawang sagot naman ni Vinnie.

Sandali niyang pinakatitigan ang maganda nitong mukha. "Glad to hear that, ibig sabihin natural sayo iyan. Lalo tuloy akong nai-inspire manligaw" masaya niyang turan.

Nakita niya ang lungkot na lumarawan sa mga mata ni Vinnie saka ito lumayo sa kanya at muling binuklat-buklat ang folder kung saan naka-file ang script nito. "O-Oo nga pala, kumusta na ang panliligaw mo?"

"Okay naman, salamat sayo ah" aniyang makahulugan pang nginitian ito nang sulyapan siya sandali.

Tumango lang si Vinnie saka nagbuntong hininga. Sa lalim niyon ay lalong tumibay ang paniniwala niyang nagseselos ito.

"K-Kelan mo ba ako ipapakilala sa kanya?"

"Saka na, makikilala mo rin siya. At paniguradong magugulat ka" aniya pa ulit.

Salubong ang mga kilay siya nitong nilingon. "Magugulat?"

Tumango lang siya bilang tugon. "Tara sa canteen, libre ko" aniya sa kagustuhang ibahin ang usapan.

"Lagi mo namang sagot ang pagkain ko eh, alam mo malapit ko ng mapuno iyong alkansya ko?" anitong tumawa pa ng mahina.

Amused niya itong tinitigan. "Ganyan ang gusto ko sa babae, magaling humawak ng pera. Mabuti nalang talaga at ganyan ka" palipad hangin nanaman niya.

Nagkibit ng balikat si Vinnie. "Tara na, nagugutom nako" anitong nauna ng tumayo.

Nang hawakan niya ang kamay ni Vinnie ay naramdaman niya ang kakaibang init sa damdamin niya na nararamdaman lang niya kapag kasama niya ito. Nakakatuwang isiping parang ginawa ang mga kamay ng dalaga para sa kanya. At may feeling pa siyang hindi na niya gugustuhing humawak ng ibang kamay maliban sa mga kamay ni Vinnie.

MAGKAHALONG excitement at kaba ang nararamdaman ni Vinnie nang mga sandaling iyon. Ilang beses niyang sinipat sa harap ng malaking salamin ang sarili niya para lang matiyak na magandang- maganda siya. At kinikilig siya kapag naiisip kung ano ang pwedeng sabihin ni JV oras na makita siya nito sa kauna-unahang pagkakataon na walang suot na glasses.

"Ang ganda naman ng anak ko!" mula sa may pinto ay nakita niya ang tatay niyang si Melchor na nakatayo doon.

Iyon ang gabi ng birthday party ni Hara. At dahil bestfriend siya nito ay invited siya sa malaking salu-salong gaganapin sa mismong malaking bahay ng mga ito.

"Talaga Tay?" nakangiti niyang nilapitan ang ama.

Kabubukas lang ng klase niya sa kolehiyo nang magpasukat siya ng contact lens. Pero dahil hindi siya sanay, bihira kung gamitin niya ang mga iyon. At madalas kapag may dinadaluhan lang siyang pagtitipon katulad nalang ngayon.

"Oo naman, at bagay na bagay sayo iyang bestida mo" ang tinutukoy nito ay ang kulay lumot niyang bestida.

Natawa siya. "Kanino pa nga ba ako magmamana kundi sa inyo ni Nanay" naglalambing niya bulalas saka na dinampot ang purse na nasa ibabaw ng kanyang tokador.

"Magtext ka nalang kung magpapasundo ka ha?" ang nanay niyang Selma na inihatid siya sa may labasan kasama ang tatay niya.

Tumango siya. "Hindi naman po ako magpapagabi ng husto" paniniyak niya bago sumakay sa traysikel na naghihintay sa kanya.

HINDI maipaliwanag ni JV ang uri ng damdaming dumamba sa dibdib niya nang matanawan ang isang pamilyar na bultong naglalakad sa malawak na parking space ng malaking simbahan ng San Jose.

Miss L!

Kahit yata sa malayo ay kayang-kaya niyang tukuyin ang dalaga. Siguro dahil kabisado niya kahit ang dulo ng buhok nito.

"Hello, kanina ka pa?" masarap ang kilabot na naramdaman niya sa pagkakarinig palang sa malamyos na tinig ng dalaga. Isama mo pa ang sandaling pagkakatulala niya nang makita ito ng malapitan.

"My god, you're gorgeous!" puno ng paghangang hindi niya napigilang sabihin matapos itong suyurin ng tingin mula ulo hanggang paa.

Simple lang ang suot nitong bestida na algae green ang kulay. Hindi iyon sleeveless, V-neckline at ang haba ay lampas ng kaunti sa tuhod ni Vinnie. Pero gaano man iyon kasimple, siguro dahil sa likas ang pang-akit na mayroon ang nagdadala ay lumabas na sophisticated ang suot ng dalaga.

Manipis na make-up at lipstick ang nakapahid sa mukha ni Vinnie. At ang maganda at itiman nitong buhok ay nakalugay lang at malayang nahihipan ng panggabing hangin. Dinadala ng hangin na iyon sa ilong niya ang sweet scent ng gamit nitong cologne na parang gustong magpawala ng katinuan niya.

At sa kauna-unahang pagkakataon, wala itong suot na salamin. Kaya naman nang makalapit ito ng husto sa kanya. Gaano man kalamlam ang ilaw ay malaya niyang napagmasdan ang kakaibang kislap ng mga mata nito.

"Ang ganda mo, ang ganda-ganda mo" ulit niya sa tinig na puno ng paghanga nang makalipas ang ilang sandali ay tila siya natauhan.

"S-Salamat" nahihiyang sagot naman ni Vinnie.

"Parang ayoko ng dalhin ka sa party alam mo ba?" nang pareho na silang nasa loob ng kotse niya at kasalukuyan niyang ikinakabit ang seatbelt ng dalaga.

Simula kasi noong unang beses itong sumakay sa kotse niya at amining hindi ito marunong magkabit ng seatbelt ay siya na ang gumagawa niyon. Sa totoo lang simpleng bagay lang iyon kung tutuusin pero nakakatuwang isiping inaabangan niya iyon, every day.

"H-Ha?"

Hindi nalingid sa kanya ang takot na kalakip ng sinabing iyon ng dalaga. "Okay lang ba buong gabi tayo nalang ang sumayaw? Para hindi ka maisayaw ng iba?" totoo iyon sa loob niya.

Ayaw niyang may ibang makalapit kay Vinnie dahil ang totoo pa gusto niya itong ipagdamot sa iba. Kung pwede lang lalagyan niya ito ng helmet maitago lang ang mukha nito. O kaya tatatakan niya ito sa noo na taken na? Pwede ring iposas nalang niya ang kamay nito sa kanya para hindi na ito maagaw sa kanya.

NAPANGITI siya sa narinig.

"O, ba't ka nangingiti?" narinig niyang tanong ni JV.

Magkakasunod siyang umiling.

"Ah kinikilig ka kaya ka napapa-smile ano?" ngiting-ngiting ginulo pa ni JV ang buhok niya.

Marahas siyang napahugot ng hininga.

Paano niya nalaman na kinikilig ako? Ganoon ba ako ka-obvious?

"Oi hindi ah! Para napangiti lang ako kinikilig na agad?" pagsisinungaling niya.

Noon binuhay ni JV ang makina ng sasakyan. "Okay lang na kiligin ka basta ako ang dahilan, okay?" anitong kinurot pa siya ng bahagya sa pisngi ng may panggigigil.

Inirapan niya ito pero nakangiti.

Itatanong ko sana kung darating ba iyong nililigawan mo pero di bale nalang, ayokong masira ang gabi ko nang dahil sa kanya.

NAGTITILI si Hara nang lapitan niya ito para iabot ang regalo niya.

"Ikaw ba talaga iyan? Ang bongga ng beauty mo, sabi sayo mas maganda ka kapag walang suot na glasses eh" anitong nakangiting sinulyapan ang kapatid na si JV na nakamata lang sa kanila.

"Ikaw naman exaggerated kang masyado!" nahihiyang turan niya saka nginitian si JV na nakatayo sa tabi niya.

"Lika, ipapakilala kita sa Mama at Papa at pati narin kay Savana. Sayang nasa States kasi ang lolo Jose, but some other time makikilala mo rin siya. Hindi rin kasi siya dito sa amin nakatira eh" si Hara na hinawakan siya sa braso.

Nilingon niya si JV na tinanguan lang siya.

"Kumusta ka hija? Napakaganda mo" compliment sa kanya ni Jovic.

"Of course Papa, bestfriend ko yata si Vinnie" may pagmamalaking patutsada pa ni Hara.

Nanatiling nakamata lang si Carmela kaya nakaramdam siya ng bahagyang pagkailang. "O hayan na pala ang mga Tita Mayen mo."

Parang isang tao nilang nilingon ang tinitingnan nito. At sa pagkakakita niya kay Irene ay madali niyang naramdaman ang galit para rito. Bakit nga hindi gayong ito ang kauna-unahang taong nagmura sa kanya.

"Hello Tita" ang bati nito sa nakangiting si Carmela na hinalikan pa nito sa pisngi.

Nakita niya ang matalim na sulyap na ipinukol sa kanya ni Irene pero minabuti niyang huwag na itong patulan. Iniwasan nalang niya itong tingnan kahit nang ipakilala siya ni Hara sa ina nitong si Mayen na sa kalaunan ay napag-alaman niyang matalik na kaibigan pala ni Carmela.

Kaya naman pala malakas ang loob niyang ipaglaban si JV, kasi may backer.

Malungkot niyang naisip.

Ang hirap naman ng ganito JV, bukod sa alam kong malabo mo akong magustuhan kasi nga may iba ka ng nililigawan. Sigurado pa akong hindi ako magugustuhan ng Mama mo para sayo. Kasi kung sa gandang pisikal at katayuan sa buhay, si Irene na ang panalo.

"OH kumain ka ng marami ah, alam ko di kapa naghahapunan" si JV na hindi magkandaugaga sa pagaasikaso sa kanya nang kumakain na sila.

Naging busy na kasi noon si Hara sa mga bisita nito kaya si JV at ang tatlo pa nitong mga kaibigan at pati narin si Louise na nobya ni Raphael ang kasama niya.

"Ang dami naman nito, hindi ko 'to mauubos" mahina niyang reklamo saka sinulyapan ng pailalim si JV.

Narinig niyang nangalatak ang binata. "Anong marami, eh ang konti-konti lang niyan. Saka isa pa hindi mo naman kailangang mag-worry sa figure mo dahil kahit tumaba ka maganda ka parin sa paningin ko" anitong ilang beses na itinaas-baba ang makakapal nitong kilay kaya hindi niya napigilan ang matawa.

Nang mga sandaling iyon pakiramdam niya parang walang ibang tao sa mesang iyon maliban sa kanilang dalawa. "Corny mo ah" aniya pa.

"Sige kakainin ko nalang ang tira mo" pagkuwan ay sabi ng binata.

Nagulat siyang binalingan ito sa narinig. "Ano?" hindi makapaniwalang sabi niya.

"O bakit? Sabi ko kakainin ko nalang ang tira mo pag di mo naubos, kung nahihiya kang makita ng ibang may tirang pagkain sa plato mo. Sige sasaluhin ko ang pride mo" buska nito.

Binalot ng matinding kilig ang puso niya sa sinabing iyon ng binata. Ang alam niya mag-asawa at magboyfriend lang ang gumagawa ng ganoon. Kaya iba ang naging dating sa kanya ng sinabing iyon ng binata.

Sana pwede kong ilagay sa frame ang moment na ito para pwede kong idisplay sa side table sa kwarto ko at titigan anytime.

Masayang-masaya siya, kaya nawala na nang tuluyan sa isip niya si Irene na panay ang pukol ng matatalim na sulyap sa kanya nang hindi niya nalalaman.

Nasa kalagitnaan na nang programa nang i-request ni Hara na kumanta si Raphael, nagpaunlak naman ang binata. Bilang lead vocalist ng SJU Rock Band ay hindi na siya nagtaka doon.

Pero ang totoong ikinagulat niya ay ang ginawa ni JV. Dahil ilang sandali pa nang makababa si Raphael, kasama ng ibang band members ay naiwan na sa stage ang binata.

"Ehem!" ani Dave saka siya makahulugang nginitian nang sulyapan niya ito.

Ngumiti lang si Lemuel at saka nasisiyahang pinagmasdan si JV. Nang simulan nang tugtugin ng banda ang introduction ng kantang Basta't Kasama Kita na version ni Josh Santana ay noon tumahip ng matinding ang kaba sa dibdib niya. Paborito niya ang kantang iyon at sa totoo lang iyon ang theme song niya sa lihim niyang nararamdaman para kay JV. Nakakatawang isipin pero wala siyang pinagsabihan na kahit sino tungkol sa kantang iyon.

Pareho lang ba tayo ng nararamdaman ha JV?

"Alam mo bang dalawang araw niyang inaral ang kantang iyan para sayo?" nakangiting pagbibigay alam ni Raphael sa kanya.

Napalunok siya sa narinig. Sinulyapan niya si Raphael pero mabilis din niyang ibinalik ang paningin kay JV nang simulan nitong awitin ang kanta.

Nag-init ng husto ang mga mata niya. Hindi man kasing ganda ng boses ni Raphael ang boses ni JV, para sa kanya walang sinabi ang sinumang singer sa tinig ng binata. At dahil nasa harapan lang ng stage ang mesa nila ay hindi nalingid sa kanya na nanatili itong nakatitig sa kanya habang seryosong umaawit.

Basta't kasama kita, lahat magagawa, lahat ay maiaalay sayo. Basta't kasama kita walang kailangan pa, wala ng hahanapin pa, basta't kasama kita.

Hindi niya maintindihan pero nararamdaman niyang ang bawat mensahe ng kantang iyon ay ang totoong gustong iparating sa kanya ng binata. Ang totoong nararamdaman nito sa kanya. Isama pang inamin sa kanya ni Raphael na dalawang araw na inaral ni JV ang kantang iyon para sa kanya.

siguro kailangan ko ng magpaturo ng kanta kay Raphael, naalala pa niyang sinabi ng binata.

Pinigil niya ang maiyak at nagtagumpay naman siya doon. Masigabong palakpakan ang sumunod niyang narinig. At nang lapitan siya ni JV, napuna niya ang kakaibang lagkit ng mga titig nito sa kanya.

"Two down, and two to go" anito nang maupo ulit sa tabi niya na nakuha naman niya ang ibig sabihin.

Noon niya inabot ang baso ng tubig saka ibinigay sa binata. "Maganda, ang galing mo" totoo iyon sa loob niya at mula sa rim ng baso ay nakita niyang kumislap ang mga mata ni JV sa sinabi niyang iyon.

"Favorite ko ang kantang iyon alam mo ba?" pagsasabi niya ng totoo nang hindi siya makatiis.

Tumaas ang sulok ng labi ni JV. "Ows, hindi nga?"

Magkakasunod siyang tumango. "Oo nga, kaya nga ang saya-saya ko kasi kinanta mo ang favorite song ko" pabulong niyang sabi.

Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas ng loob na aminin iyon pero wala siyang pinagsisisihan lalo at nakita niyang ang kakaibang kasiyahan sa mga mata ng binata.

Ngayon naniniwala na siya sa sinabi noon ni JV sa kanya na ang mga palad, parang labi rin kapag naglapat, kahit hindi parin naman niya naranasan ang mahalikan. Dahil nang hawakan ni JV ang kamay niyang nasa ilalim ng mesa ay mabilis niyang naramdaman ang masarap na kuryenteng nanulay doon. Hindi iyon ang unang pagkakataong naglapat ang mga palad nila. Pero parang may kakaiba. Mas sumidhi ang nararamdaman niyang kaba. At nang pisilin iyon ng binata habang matamang nakatitig sa kanya ay nag-iinit ang mukhang nagyuko siya ng ulo.

Hindi niya kayang tagalan ang mga titig nito kahit gusto niyang pagmasdan ang kakaibang kislap ng mga mata nito. Pero gaano man ka-weird ang lahat ng nararamdaman niya, isa lang ang tiyak niya. At iyon ay ang kakaibang tuwang nasa puso niya nang mga sandaling iyon.

Sana pwedeng ganito tayo forever!