Chapter 15 - PART 15

TATLONG magkakasunod na katok sa pinto at iniluwa niyon si JV. Maluwang siyang napangiti sa pagkakakita sa nobyong pumasok sa loob ng dressing room.

"Hello, na miss kita alam mo ba?" anitong nilapitan siya saka mabilis na hinalikan sa mga labi kaya siya malakas na napasinghap. "isang linggo na kitang nahahalikan pero hanggang ngayon hindi ka parin sanay?" anitong ang tinutukoy ay ang naging reaksyon niya. Hinila nito ang isang silya sa harap ng salamin saka lumapit ng husto sa kanya.

"N-Namiss mo ako eh di ba late naring natapos ang usapan natin kagabi sa phone?" ang sa halip ay isinagot niya habang nag-iinit ang magkabilang pisngi.

Noon nangungusap ang mga mata siyang pinagmasdan ng nobyo. "Alam mo ba ang totoo, na kung pwede lang itatanan na kita para sa umaga mukha mo ang una kong nakikita. Tapos sa gabi nahahalikan kita bago matulog?" naglalambing nitong turan.

Napangiti siya saka hinaplos ang mukha ng binata. "I love you, sige na baka abutan ka pa nina nanay at tatay" pagtataboy niya sa nobyo.

"I love you too" anitong hinalikan siya sa pisngi pagkatapos. "teka, may ibibigay pa kasi ako sayo" anitong iniabot sa kanya ang isang maliit na kahon.

"Ang ganda naman" aniyang pinaglipat-lipat ang tingin sa mukha ni JV at sa simple ngunit magandang ankle bracelet na kanya ng hawak ngayon.

"Nagustuhan mo?" anito.

Magkakasunod siyang tumango. "Thank you ah, sorry wala akong regalo sayo. One week pa naman na tayo ngayon" paumanhin pa niya.

"Okay lang, actually good luck charm yan. Bukod pa ang regalo ko sayo for our first week" anitong nakangiting kinuha ang ankle bracelet sa kanya. "ako nalang ang magsusuot sayo" anitong itinaas ang laylayan ng suot niyang saya.

Why I feel so blessed dahil minahal mo ako. At wala akong kahit kaunting pagsisisi na minahal kita, at kung sakaling lumabas man ang totoo at malaman ito ng kuya ko o ng kahit sino. Pangako ipaglalaban kita.

Mabilis siyang nagpahid ng mga luha nang itaas ni JV ang mukha nito. Pero huli na nakita na nito ang pag-iyak niya.

"Hey" nakangiti nitong sabi.

"Sorry, hindi lang kasi ako makapaniwalang nangyayari ito" pagsasabi niya ng totoo.

Tumawa ng mahina ang binata. "Ang alin, itong atin ngayon?" anitong sinimulang tuyuin ng sarili nitong panyo ang kanyang mga luha.

Tumango siya. "B-Bakit ankle bracelet?"

"To remind you how we first met. Our first dance, The Last Waltz" madamdaming hayag ng binata.

"Ang romantic mo alam mo ba? Kaya mahal na mahal kita eh" hindi niya napigilang ibulalas iyon habang kinikilig na nakangiti.

"Ows? Talaga mahal mo ako?"

"Sobra! Kaya nga selos na selos ako dun sa nililigawan mo eh!" aniyang tumawa pa pagkasabi niyon.

Napabungisngis ang binata. "I'm sorry, iyon lang ang nakita kong option para makuha ka. And baby kita mo naman, you're mine now" anitong kinindatan siya pagkatapos.

Namumula ang mukha siyang nagyuko ng ulo. Hindi siya nakapagsalita dahil ang totoo wala siyang mahagilap na anumang salita para ihayag ang tuwang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

"Listen" anitong ginagap ang kamay niya saka hinalikan. "ang sabi nila true love brings out the best. Before you, hindi ko talagang kilala ang sarili ko, kung hanggang saan ang kaya kong gawin para sa taong minamahal ko. Pero mula nang ma-realized ko kung gaano kita kamahal at naramdaman kong ayaw na kita pakawalan. Kaya kong ibigay ang buhay ko, mabuhay ka lang."

MASIGABONG palakpakan at malakas na hiyawan. Kasabay iyon ng pagsasara ng malaki at kulay berdeng telon. Matamis siyang nginitian ni Vinnie, at kahit gustong-gustong niya itong yakapin ng mahigpit nang mga sandaling iyon ay nagpigil siya. Nakuntento nalang siya sa mahigpit na pagpisil sa kamay nitong hawak parin niya.

"JV, pare!" tinig ni Joey ang narinig niya. "congratulations" anitong iniabot ang kamay sa kanya.

Wala sa loob niyang sinulyapan ang nobya na noon ay nakamata lang. "Thank you din" aniyang kinamayan ang binata saka nakangiting tinapik ang balikat.

"Magkaibigan tayo pare, sana maniwala kang wala akong kinalaman sa mga flyers. Anyway, wala na kami ni Irene" malungkot pa nitong amin sa kanya.

May simpatyang tinitigan niya ito. "Magkaibigan tayo, pasensiya kana rin kung napag-isipan kita ng hindi maganda. Masyado lang kasing mahalaga sakin ang taong ito kaya ayokong nakikita siyang nasasaktan" pagkasabi niyon ay hindi niya napigilan ang sariling sulyapan ng may affection si Vinnie.

"Masaya ako para sayo. Anyway, may outing ang tayo sa Sabado. Kung ako sayo ipagpapaalam ko na siya sa parents niya, sige" ani Joey na nakangiting tinapunan ng sulyap si Vinnie na noon ay kasama sina Melchor at Selma bago siya tinapik sa balikat at tinalikuran.

Gusto niya ang ideyang iyon ni Joey. Pero hindi niya maikakaila ang masidhing kabang naramdaman niya. Well kung gusto niyang makasama sa araw na iyon si Vinnie kailangan niyang harapin ang takot niya.

Kundi lang talaga kita mahal Lavinia.

"NATATANDAAN niyo pa ba si JV, nay, tay?" si Vinnie nang lapitan sila ng binata.

"Oo naman. Anong akala mo sa amin ng nanay mo ganoon na katanda?" si Melchor na tumawa pa ng mahina.

"Sa bahay ka na kaya kumain hijo? Hindi pa nga pala kami nakakabawi sayo sa paghatid dito kay Vinnie noong party ng kapatid mo" alok naman ni Selma.

Lihim siyang nagpasalamat sa ginawang iyon ni Selma at nang sang-ayunan iyon ng binata ay parang ibig niyang magtatalon sa katuwaan.

Ang tatay niya mismo ang nagsabing sa kotse ni JV na siya sumakay sa halip na sa jeep nilang dala ng mga ito. Nabigla pa siya nang kabigin siya ni JV para siilin ng halik nang pareho na silang nasa loob ng kotse nito.

"I'm sorry, kanina pa kita gustong halikan" anitong sinuyod ng tingin ang mukha niya saka pagkatapos ay muling inangkin ang awang parin niyang mga labi.

Napapikit siya. Ganoon din naman siya madalas. Pero dahil nahihiya siyang magsabi ay hinihintay nalang niyang ang binatang gumawa ng first move.

"T-Tara na, baka makahalata sila nanay" hinihingal niyang sabi nang pakawalan ng binata ang mga labi niya.

Noon nakangiting binuhay ng binata ang makina. "May outing daw sa Sabado, sama tayo?" anito.

"T-Talaga?" nasa tinig niya ang excitement.

Tumango-tango si JV. "Ipagpapaalam kita sa nanay at tatay mo."

"Gagawin mo talaga iyon?" overwhelmed niyang naisatinig.

Tinanguan lang siya ni JV bilang pagsang-ayon.

"Excited nako" hindi niya napigilang sabihin.

Amused siyang sinulyapan ng nobyo. "Talaga? Sige nga bakit?" nanunudyo nitong sabi.

Mabilis na nag-init ang mukha niya nang makuha ang ibig sabihin ng sinabing iyong ng binata. "Ikaw ah! Siguro kung anu-ano nanaman ang tumatakbo diyan sa isipan mo ano?"

"Wala naman, maliban sa mas matagal na halikan at mas mahigpit na yakapan. Iyon lang, bakit gusto mo bang dagdagan ko pa?"

Nahihiya siyang nagyuko ng ulo. "Ang pilyo mo talaga!" aniya pang natawa ng mahina.

"Ba't ayaw mo ba?"

Nang lingunin niya ang nobyo ay nakita niyang umangat ang sulok ng labi nito.

"Siguro hindi ka nasasarapan sa halik ko ano?" nagkuwari pa itong humimig na tila nagtatampo.

"Tumigil ka nga" saway niya sa binata bagaman nakangiti.

"Sige nga, anong comment mo sakin. Good kisser ba ako?" biro ulit nito.

Hindi niya napigilan ang matawa ng mahina dahil sa tanong na iyon. "Oo naman, at hindi lang good kisser kundi outstanding kisser! Hindi mo ba alam kapag hinahalikan mo ako para akong nalalasing?" pabiro pero totoo naman talaga iyon.

Natawa ng malakas doon ang binata saka nangingislap ang mga matang sinulyapan siya nito. Hindi na ito nagsalita pero nakita niya sa mukha nitong nasiyahan ito ng husto sa sinabi niya. "Hay sana Sabado na, promise lalasingin talaga kita!"

Napangiti siya pero deep inside ay ramdam niya ang kakaibang excitement na mahagkan ng mas matagal ni JV.

Parang gusto na niyang maniwala sa sinasabi ng iba na mas masarap ang patagong relasyon. Iyong sa kabila ng tila malaking pader na naka-gitna sa kanilang dalawa ay nagagawa parin nilang gumawa ng paraan para magkasama. At iyon ang tanging pinanghahawakan niya para isiping totoo ang nararamdaman nila para sa isa't-isa.

BIYERNES ng gabi, pinayagan siya ng parents niya na sa bahay nina Hara siya matulog dahil maaga ang biyahe nila ni JV kinabukasan pa-Pangasinan. Sa komedor ay nakasabay niya sa hapunan ang buong pamilya ng binata.

Agad din niyang napuna ang biglang pagbabago ng pakikitungo sa kanya ni Carmela. Hindi na pailalim ang mga sulyap nito sa kanya. At higit sa lahat nginingitian at inaasikaso na siya ng ginang. Bagay na ikinatuwa at lihim naman niyang ipinagpasalamat.

Matapos ang hapunan ay minabuti niyang sa pool side na muna maglagi. Maaga pa naman at hindi pa siya inaantok. Nagulat pa siya nang mula sa kanyang likuran ay tinig ni Carmela ang narinig niya.

"Hindi ka ba nilalamok dito hija?" ang ginang saka iniabot sa kanya ang isang baso ng maligamgam na gatas.

Humaplos ng husto sa puso niya ang ginawing iyon ni Carmela. "Okay lang po, w-wala naman pong lamok" nakangiti niyang sabi.

Ngumiti ito saka naupo sa bakanteng garden set. "Sinabi sa'kin ni JV ang ginawa sayo ni Irene. I really am sorry hija."

Nagulat siya sa narinig pero minabuti niyang huwag nalang magpahalata. At nang manatili siyang tahimik ay muling nagsalita ang ginang.

"Tama nga si JV sa madalas niyang sabihin sakin, na hindi ko totoong kilala si Irene. Alam mo kasi bilang isang ina madalas iniisip kong ako ang nakakaalam ng mas makabubuti para sa mga anak ko. Mula sa isusuot nilang damit, pati pagkain na dapat nilang kainin. Pero hindi ko narealized na lumalaki na sila, na kaya na nilang magdesisyon at alam na nila ang makabubuti para sa mga sarili nila."

Hindi niya alam kung saan patungo ang sinasabing iyon ni Carmela pero sigurado siyang may ibubunga iyong maganda kaya nakinig siya.

"Mabait na anak si JV, malambing at mapagmahal hindi lang sa akin kundi pati sa Papa niya. At mabuting kapatid kina Hara at Savana. Noon nga madalas pa akong i-date niyan. Iyong kaming dalawa lang, kakain sa labas tapos nanonood kami ng sine, binibilhan niya ako ng flowers" kwento pa sa kanya ni Carmela. "alam mo hija kahit hindi nagsasalita ang anak ko, alam kong espesyal ka sa kanya. Nakikita ko iyon sa mga sulyap niya sayo, parang kung paano ako titigan ng Papa niya."

"T-Tita?"

"Pasensiya kana kung naging malamig ang pakikitungo ko noon sayo. Well I believe hindi pa naman huli ang lahat. At sa totoo lang, noon pa man ramdam ko ng mabuti kang bata, nabubulagan lang siguro ako sa kagustuhan ko noon na si Irene ang mapangasawa ni JV" pagpapakumbaba ang nasa tinig ng ginang.

"Sinasabi ko ito sayo dahil mahal na mahal ko si JV. Alam ko mahal mo rin siya, at kung anuman ang mayroon kayo ngayon igagalang ko iyon. But please alagaan mo ang anak ko, hindi ko siya gustong pakawalan pero kailangan dahil alam kong darating rin ang panahong iyon."

Tumango siya saka matamis na ngumiti. Ang isiping tanggap siya ng pamilya ni JV para sa binata ay isang napakagandang regalo.

"Few years from now dito ka na titira, so make yourself at home. Matutulog na ako hija, good night" anitong hinalikan pa siya sa pisngi pagkatapos.

"S-Salamat po" ang tanging nasambit niya.

"Oh, bakit ka umiiyak?" amused na tanong sa kanya ni JV nang maupo ito sa kaninang kinauupuan ni Carmela ilang sandali makaraan itong pumasok sa loob ng bahay.

Nakangiti siyang suminghot. "W-Wala, ganito pala ang pakiramdam kapag alam mong tanggap ka ng pamilya ng taong mahal na mahal mo."

Tumango si JV. "So kinausap kana pala ni Mama? I'm glad to hear that. Paano lika na? Maaga pa tayo bukas" anitong tumayo saka inilahad ang kamay sa kanya.

Nangingiti niyang tiningala ang binata. Naalala kasi niya nang una silang magkita, nang yayain siya nitong magsayaw. Tinanggap niya iyon saka na tumayo. "I love you so much JV" anas niya.

Lumapad ang pagkakangiti ng binata saka siya niyuko at hinalikan. "I love you more" madamdamin nitong hayag saka siya inakbayan nang papasok na sila sa kabahayan. "sa kwarto ko nalang ikaw matulog gusto mo?"

Nanlaki ang mga mata niya. "Hindi pwede! Ikaw talaga, saka di ba ang sabi ng Papa mo sa guest room ako?"

"Nagbabaka-sakali lang naman" si JV na nagkamot ng ulo pagkatapos.

Inirapan niya si JV pero nakangiti.

"Gigisingin nalang kita, sleep well" anitong hinalikan siya sa noo bago hinila pasara ang pinto ng guest room.