Chapter 17 - PART 17

"KUYA? Kuyaaaaaaaaaaaaa!" tili niya nang makababa sa kotse ni JV kinabukasan ng hapon nang mamataan niyang nakatayo sa may terrace si Lloyd.

"Kumusta ka kulet? Aba malaki ka na talaga ah!" si Lloyd na mahigpit siyang niyakap pagkatapos.

"Na-miss kita!" aniya saka nilingon si JV na kabababa lang ng kotse nito.

"Namiss din ki___" nangunot ang noo niya nang makitang tila nakakita ng multo si Lloyd nang mamataan nito si JV na ngumiti naman dito. "a-ano mo siya?" ang naitanong ni Lloyd habang tiim itong nakatitig kay JV.

"Ah, kaibigan ako ni Vinnie. Ako nga pala si JV, madalas kang ikwento sa akin nitong kapatid mo" si JV na iniabot pa ang kamay kay Lloyd pero nakapagtatakang hindi iyon pinansin ng kapatid niya.

"Kilala na kita, taga-SJU rin ako noon. Alam ko rin na apo ka ng isa sa apat na founder, anyway makakalis kana. Salamat sa paghatid mo dito sa kapatid ko" anitong lantaran ang ginawang pagtataboy sa binata.

Hindi niya maitatanggi ang inis na naramdaman sa kapatid. Lalo na nang sulyapan siya ni JV bago ito tumalikod para tunguhin ang kotse nito.

"JV!" hindi niya napigilan ang sariling tawagin ang nobyo na nakangiti namang lumingon sa kanya.

Nagsalubong ang mga kilay niya nang maramdaman ang kamay ni Lloyd sa braso niya. Pero binawi niya iyon saka patakbong nilapitan ang nobyo.

"Pasensya kana, magkita nalang tayo sa school bukas ha? Tapos mamaya tawagan mo ako" aniya sa tinig na alam niyang hindi na aabot sa pandinig ni Lloyd.

Tumango lang ang binata. "I love you" anito bago siya makahulugang nginitian.

Madilim ang mukha ni Lloyd nang harapin niya ito. Alam naman niya kung bakit, may usapan sila at malamang naghihinala na ito. Pero wala sa plano niya ang makipaghiwalay kay JV. Kahit ang kapatid pa niya ang humadlang sa pagmamahalan nila.

KINABUKASAN dahil parehong maaga ang labas, napagkasunduan nila ni JV na manood ng sine. Excited pa siyang lumabas sa huling klase nila dahil alam niyang nasa parking lot na ang nobyo at naghihintay sa kanya. Pero iyon nalang ang pagkadismayang naramdaman niya nang mamataang naglalakad sa mismong corridor ng building nila si Lloyd.

"Oh, bakit parang nakakita ka ng multo?"

"Anong ginagawa mo dito kuya?" inis niyang tanong kahit obvious naman ang dahilan kung bakit pinuntahan siya nito.

"Bakit parang naiinis ka? Hindi mo ba gustong nandito ako? Bakit, kasi may kakatagpuin kang iba?" walang gatol nitong magkakasunod na tanong.

"H-Ha?" hintakot niyang sambit.

"Halika na umuwi na tayo, hindi ko gustong lumalapit sayo ang JV na iyon. Saka di ba may usapan tayong bawal ang boyfriend? Bakit ka niya nilalapitan, anong meron sa inyong dalawa?" seryoso ang tinig ni Lloyd kaya lalo siyang kinilabutan sa takot.

"K-Kaibigan ko lang si JV, kuya" giit niya.

"Iyon naman pala eh, di ibig sabihin wala kang obligasyon sa kanya. Halika na" pagkasabi niyon ay saka siya nito tinapunan ng isang nagbabantang tingin.

Nagpupuyos ang damdamin siyang napasunod. Mula sa nilalakaran nilang corridor sa second floor ng gusaling iyon ay natanaw niya ang parking lot. At nakita niyang nakatayo doon ang nobyo at naghihintay sa kanya. Parang gusto niyang umiyak nang mga sandaling iyon. Gusto niya itong lapitan at sabihing hindi na matutuloy ang date nila pero alam niyang magagalit lang si Lloyd.

Noon niya kinuha ang kanyang cellphone. Pero bago pa man niya nasimulan ang paggawa ng mensahe ay maanghang na salita nanaman ng kuya niya ang narinig niya.

"Akala ko ba kaibigan mo lang? Bakit kailangan mo pang itext na uuwi ka na?"

Napapikit siya saka isinandal ang ulo sa head rest ng jeep. Napipikon na siya pero hangga't kaya niya, kailangan niyang magpasensiya. Hindi niya pinansin ang sinabing iyon ni Lloyd saka itinuloy ang paggawa ng mensahe.

Habang daan ay nanatili siyang walang imik. Hindi niya maikakaila ang pag-asam na sana ay hindi nalang umuwi ng Pilipinas ang kuya niya. Ayaw niyang mamuhi rito pero hindi niya maiwasan lalo at nararamdaman niyang bukod sa usapan nila ay parang may personal itong galit kay JV na hindi niya maunawaan.

"ANONG ginagawa mo dito Kuya?" kunot-noo niyang tanong kay Lloyd nang matapos niyang maghugas ng plato kinagabihan at napasukan niya ang kapatid sa loob ng kanyang kwarto.

Nagulat itong pilit na ngumiti. "H-Ha? W-wala naman, tinitingnan ko lang kung anong magandang paint ang pwede dito sa kwarto mo" anito.

Hindi kumbinsido siyang nagtuloy sa loob saka naupo sa gilid ng kanyang kama. "Alam mo namang green ang favorite color ko di ba?" saka niya ito sinulyapan. Sa totoo lang kasi ay masama parin ang loob niya rito kaya medyo wala siya sa mood na kausapin ito.

Nakita niyang ngumiti ulit si Lloyd saka siya tinabihan at inakbayan. "Galit ka ba sakin ha?" sa dating mabait na nitong tinig kaya hindi niya naiwasan ang mapangiti.

"Bakit ba hindi mo gusto si JV kuya? Mabait naman iyong tao, kahit sina nanay at tatay nga ganoon ang tingin sa kanya eh" naisatinig niya. Gusto kasi niyang maging maayos sina JV at ang kapatid niya, lalo na at parehong matimbang ang mga ito sa kanya.

Sa sinabi niyang iyon ay agad na tumayo ang kapatid niya saka namaywang pang nagpakawala ng malalim na hininga. "Kailangan ko pa bang sabihin sayo ang dahilan?" madilim ang mukha siya nitong sinulyapan.

Nagyuko siya ng ulo saka malungkot na nagsalita. "K-Kaibigan ko kasi si JV kuya, kaya hindi ko gustong nakikitang galit ka sa kanya" totoo iyon maliban nalang sa salitang kaibigan na ginamit niya.

"Sige kung gusto mong malaman ang totoo sasabihin ko sayo" mayamaya ay malamig ang tinig na sagot ni Lloyd. "alam mong kilalang playboy ang lalaking iyon, at wala siyang sineseryosong babae. Lahat binobola niya at iniiwan kapag nakuha na niya ang gusto rito. Ngayon, wala ba akong dahilan para utusan kang layuan siya?"

"Hindi siya ganoon sakin" pagtatanggol niya sa binata na siya naman talagang totoo. "alam ko ang sinasabi mo, pero mabait siya sakin. Nirerespeto ako at iniingatan. At kaya alam kong mabait siya kasi pinaparamdam niya sakin, sa totoo lang kuya, magkapareho kayo" mababa ang tono ng boses niya niyang para maiparamdam niya kay Lloyd na totoo ang sinasabi niya.

"Hindi! Malaki ang pinagkaiba namin! Basta ayoko sa kanya, layuan mo siya kundi magkakaproblema tayong dalawa!" iyon lang at mabilis na itong tumalikod saka lumabas ng kanyang silid.

Nag-init ang mga mata niya pero sinikap niyang huwag umiyak at nagtagumpay siya doon. Alam niyang hindi lang iyon ang dahilan ni Lloyd, dahil ramdam niyang may personal itong galit kay JV. Dahil doon ay naramdaman niya ang tila kutsilyong humihiwa sa puso niya.