Chapter 5 - PART 5

KINAHAPUNAN gaya ng napag-usapan nila ni Vinnie ay hinintay niya ang dalaga sa parking lot. Sa Friday pa naman ang simula ng rehearsal nila para sa dulang Noli Me Tangere kaya pwede pa nilang dalawin si Hara ng magkasama.

Napangiti pa siya nang maalala ang naging usapan nilang apat nang ikuwento niya sa mga ito sa unang pagkakataon si Vinnie. Ang nag-iisang babaeng nagpaligalig ng puso niya.

"Sinabi niya iyon? Na hindi siya kumportable sayo?" parang hindi makapaniwalang bulalas ni Dave.

"Mukha ka sigurong manyak sa paningin niya pare!" ani Lemuel saka tumawa ng mahina. Nasa loob sila noon ng kanilang classroom at kasalukuyang hinihintay ang kanilang guro.

"Anong manyak? Mahiyain lang talaga siya, saka hindi ko alam baka kung anu-anong pinagsasabi sa kanya ng madaldal kong kapatid" hindi niya maiwasan ang ma-amused ng husto kay Vinnie lalo at sa kabila ng pagiging mahiyain ng dalaga ay nagawa nitong amining hindi ito kumportable sa kanya.

"Sa tingin ko nararamdaman niyang gusto mo siya" ani Raphael.

Natahimik siya doon. Totoo naman ang sinabi ng kaibigan niya, gusto niya si Vinnie. Pero hindi niya alam kung paano ito didiskartehan.

"Isa pa, huwag ka kasing obvious, alam mo ng mahiyain baka mamaya panay ang banat mo ng cheesy lines sa kanya. Lalong maiilang 'yun and worst baka hindi ka na lapitan" paalala pa ni Raphael.

Nasa ganoong ayos siya nang marinig ang isang pamilyar na tinig kaya nag-angat siya ng tingin.

"Tinawagan ako ni Tita Carmela, ang sabi niya gusto mo raw akong makausap?" si Irene na nang makalapit ay awtomatikong pumulupot sa kanya na tila sawa.

Nagsalubong ang mga kilay niya saka naiiling na inalis ang kamay ng dalaga na nakayakap sa katawan niya. "Stop, hindi ko gusto ang ginagawa mo" aniyang ang tinutukoy ay ang paghalik-halik nito sa kaniyang mukha.

Tumawa ito ng mahina. "Bakit, hindi mo ba kayang sabihin ng harapan na gusto mong makipagbalikan sa 'kin?" puno ng kumpiyansa ang tinig nito.

"Irene, please?" nagtitimpi niyang sabi. At totoong nakadagdag sa inis niya ay ang ginawang pakekealam ng kaniyang ina.

"Ano ka ba naman JV ginagawa ko na nga ang lahat ikaw pa itong matigas!" inis nang sabi sa kanya ng dalaga pagkuwan sa may kataasang tinig.

Napapikit siya nang mapunang nakatawag ng pansin sa ibang naroroon ang pagtataas ng tinig ni Irene. "Hinaan mo naman ang boses mo please?"

Noon ngumiti si Irene saka siya muling niyakap. "Can't we give it a try?" anito sa nagsusumamong tinig.

Isang malalim na buntong hininga ang hinugot at pinakawalan niya. "We can be friends" ang sa halip ay sinabi niya.

Dahil doon ay nanlilisik ang mga siyang tiningala ng dating nobya. Sa totoo lang parang ibig niyang matawa sa pagbabago ng moods nito. "No! Alam mong mahal kita di ba?"

"Tama na Irene, this is going nowhere. At isa pa, tigilan mo na ang pag-e-eskandalo nakakahiya" pakiusap pa niya sa mababang tinig.

"Akala mo ba mapapasuko mo ako? Makakarating ito sa Tita" humihingal sa galit nitong sabi.

Napailing siya saka namataan si Vinnie sa di kalayuan.

Kunot ang noo namang nilingon ni Irene ang tinitingnan niya. "So, ipinagpalit mo ako sa isang cheap-nerd?" anitong nakakaloko pang tumawa.

Mabilis na nilamon pagkapikon ang dibdib niya dahil doon. "Ano bang sinasabi mo? Bestfriend siya ni Hara, huwag mo siyang insultuhin okay? Dahil hindi mo siya kilala!" galit niyang sabi.

Tumaas ang kilay ni Irene. "Really? Siguraduhin mo lang, dahil baka hindi kayanin ng babaeng iyan ang pwede kong gawin sa kanya!" nagbabanta pang sabi ng dalaga.

Sa narinig ay hindi na niya nagawang pigilin ang galit na naramdaman. "Listen, insultuhin mo na ako at hiyain sa harap ng maraming tao. Pero huwag na huwag kang magkakamali na gawan ng masama si Vinnie. Ibang usapan na kapag siya ang kinanti mo."

"Hindi ako natatakot sayo! Kaya mas maganda huwag mong iwawala sa paningin mo ang babaeng iyan" pagkasabi niyon ay nanlilisik ang mga mata siya nitong tinalikuran.

Noon naman malalaki ang mga hakbang niyang nilapitan si Vinnie.

"Hello" aniya sa dalaga.

Ngumiti ito. "Nag-away kayo ng girlfriend mo? Sige sundan mo na siya baka lalong magalit iyon pag pinabayaan mo."

Magkakasunod siyang napailing. "Si Irene iyon, saka hindi ko na siya girlfriend, hindi na kasi kami magkasundo" pagsasabi niya ng totoo.

"Ganoon ba? Maganda pa naman siya, bagay kayo" anitong matapos sundan ng tingin si Irene ay saka siya tiningala.

"Oo maganda siya, pero di ba para kay Crisostomo Ibarra si Maria Clara lang ang pinakamaganda?" hindi niya napigilang sabihin.

Nagsalubong ang mga kilay ni Vinnie. "Huh?"

Maluwang siyang napangiti. ��I mean, para sakin ikaw ang pinakamaganda."

Mabilis na namula ang mukha ni Vinnie dahil sa sinabi niyang iyon. Naku-cute-an siya sa ugaling iyon ng dalaga. Sa paniniwala kasi niya ang isang babae kapag tinatalaban sa compliment ng isang lalaki, nag-ba-blush. At masaya siya dahil ganoon si Vinnie.

Kahit papaano naman siguro may chance?

"Pa'no, tara na?"

Sandaling natigilan si Vinnie saka tinitigan ang kotse niya. "Di ba nalalagyan naman ng bubong iyan? May pipindutin ka lang?" ang mga mata ng dalaga, walang muwang na tumitig sa kanya.

Natawa siya ng malakas dahil doon. "O sige ilalagay natin ang bubong. And I think kailangan ko ng i-practice iyon simula ngayon" aniyang tuwang-tuwang pinakatitigan ang magandang mukha ng kaharap.

Sa totoo lang habang tumatagal parang mas nagugustuhan na niya itong kasama. At ang pakiramdam na parang kumpleto siya sa simpleng pagtatama lang ng kanilang mga mata. Hindi niya kayang ipaliwanag.