NANGANGATOG ang mga tuhod ni Taryn nang bumalik sa Farmhouse kinabukasan, limang minuto bago mag-alas diyes.
Hindi na niya tinangkang kalimutan ang appointment.
Magmula pa kagabi, ang mga kondisyon sa huling testamento ni Lolo Michael na lamang ang laman ng utak niya.
Paulit-ulit niyang napanaginipan ang butihing matanda dahil ilang ulit siyang nagising sa pagtulog.
"Ang pangako mo, Taryn... Ang pangako mo... Nangako kang tutuparin ang mga kondisyon sa huling testamento ko..."
Pabalik-balik ang parehong panaginip. Para bang sinusumbatan siya.
Para bang hindi matatahimik ang kaluluwa ng matandang yumao hanggang hindi niya tinutupad ang pangakong binitawan.
'Oh, Lolo Michael! Namumuhi na sa akin ang iyong apo! Lalong titindi ang pagkasuklam ni Ma'am Sonia sa akin,' ang padaing na bulong niya sa sarili.
Maaatim ba niyang maging isang mang-aagaw?
Oo, binata pa si Mic Zabala.
Ngunit ang relasyon nito kay Desiree Levito ay tiyak na katulad na sa isang mag-asawa.
Napaka-intimate na ng pagtitinginan ng magnobyo. Hindi siya magugulat kung nagsisiping na ang mga ito...
Gusto tuloy niyang sisihin ang sarili.
Kung nalaman lang agad niyang si Mic Zabala pala ang matangkad na lalaking lihim na hinangaan niya sa sementeryo nung isang araw, disinsana'y nagpakalayu-layo na agad siya.
Ang inakala niyang isa sa mga malalayong kamag-anak na humabol sa pakikiramay sa pamamagitan ng pakikipaglibing ay siya palang kaisa-isang apo ni Lolo Michael.
Sinisi pa ni Taryn ang sarili sa pag-iwas na pag-usapan ang tungkol kay Mic magmula nang biglaang umalis ito matapos ang muntik na pagkalunod--at hindi na muling nagbalik pa sa Santa Maria.
Katulad ng iginiit ni Ma'am Sonia kahapon, si Taryn talaga ang pinagbintangang tanging may sala sa aksidenteng muntik kumitil sa buhay ni Mic Zabala.
Kahit na anong tanggi at pagtatanggol ng binatilyo sa kalarong babae, hindi pa rin napigilan sa pagmumura at pag-aalipusta sa buong pagkatao ni Taryn si Ma'am Sonia.
"Mama, hindi alam ni Taryn na hindi ako marunong lumangoy! Ako ang nagyaya sa kanyang mag-picnic dito sa ilog," pagtatanggol ng trese anyos na binatilyo.
"Leche 'yan! Iresponsable! Niyaya ka talaga dito sa ilog para utuin ka! Gustong makatikim ng mga pagkaing pang-mayaman lang! Patay-gutom kasi, pwe!"
Ang munting aksidenteng iyon ay pinalaki nang husto ni Ma'am Sonia.
Nasunod na ito sa talagang gustong mangyari--ang mailayo na nang tuluyan ang mag-ama sa Santa Maria.
Kahit na sa Zabala Farm nagmumula ang perang pantustos sa lahat ng mga luho sa katawan, namumuhi pa rin si Sonia sa naturang lugar.
Kahit na kinakain nito ang mga pagkaing produkto sa farm, nasusuklam pa rin ang babae sa lupa.
Kaya marahil pati si Taryn ay awtomatikong kinasuklaman, dahil siya ay anak ng mga taong ang pinagmumulan ng ikinabubuhay ay ang paglilinang ng lupa.
Kahit mura pa ang isipan, sampung taong gulang pa lamang si Taryn noon, naunawaan na niya ang mga pang-iinsultong ipinukol sa kanya kaya labis siyang nasaktan.
Matagal niyang ininda ang sakit. Naging sobrang tahimik siya at naging palaiwas sa mga tao.
Mabuti na lang, ang pagbabasa ng mga aklat ang napagbalingan niya. Nahasa nang husto ang kanyang utak habang nagpapagaling sa mga sugat na idinulot ni Ma'am Sonia sa kanyang kaluluwa.
Iniwasang makinig ni Taryn sa mga paksang tungkol sa pamilya ni Lolo Michael upang hindi na manariwa ang mga sugat na inakala niyang gumaling na.
Paano'y natutunaw pa rin siya kapag naaalala ang masasakit na salita ni Ma'am Sonia noon.
"Napaka-ambisyosa mo kasi! Matigas na ang ulo--matigas pa ang mukha! Dikit ka nang dikit sa anak ko, hindi ka naman bagay dumikit! Kahit maligo ka pa ng isandaang beses, hampaslupa ka pa rin! Kahit maligo ka pa sa pabango, amoy-lupa ka pa rin!"
Mabuti na lang, hindi naapektuhan ang pagmamahal ni Taryn sa lupa.
Lumaki pa rin siyang isang mabuting magsasaka. Salamat sa walang sawang pagsuporta ni Lolo Michael...
A, talagang bumabalik ang lahat kay Lolo Michael!
Hinubog ba siya ng mabuting amo upang maging isang mabuting farm manager lang?
O upang maging isang alas na baraha sa isang desperadong sugal?
Kung alinman sa dalawa ang talagang motibo ni Lolo Michael, hindi kayang tumanggi ni Taryn sa lahat ng nais mangyari ng yumaong matanda.
Natulungan siya kaya dapat tumanaw ng utang na loob.
Nangako siya kaya dapat tumupad.
Dahil sa napakalalim na iniisip habang naglalakad, hindi napuna ni Taryn ang dumadaluhong na panganib.
Nasa harapan na niya ang umaatakeng mahahabang kuko ni Desiree nang makita niya.
Nagitla lang kaya naiilag ang mukha ngunit nagurlisan pa rin ang ibabang bahagi ng pisngi bago kumayod sa tagiliran ng kanyang leeg.
"Mang-aagaw ka!" ang pasigaw na akusa ni Desiree.
"Aah!" Napadaing nang malakas si Taryn dahil sa sobrang hapding naramdaman.
"Hindi ako papayag na maagaw mo sa akin si Mic! Ako lang ang babaeng para sa kanya!"
Isang mag-asawang sampal naman ang pinadapo sa magkabilang pisngi ni Taryn.
Napaluha siya sa sakit ngunit hindi sumagi sa isip ang lumaban.
Parang tama lang na maparusahan siya.
Aminado naman siyang magiging mang-aagaw siya, hindi ba?
Dinaklot ng mga poot na daliri ang buhok na nakatali ng goma.
Napatid ang goma kaya umalpas ang mahahabang hibla ng buhok.
"Hindi mo maaaring agawin sa akin si Mic!" angil ni Desiree, sabay tulak nang pasalya kay Taryn.
Pahigang bumagsak sa damuhan ang dalaga.
Agad na sumunod ang tagasalakay. Napaigik siya nang pabagsak na naupo sa tapat ng tiyan niya.
Pinagsasampal na naman ang mukha niya.
Sinabunutan ang buhok at iniumpog nang iniumpog ang ulo ni Taryn sa lupa.
Hinablot ang harapan ng suot niyang blusa.
Nang mapunit ay agad na pinagkakalmot ang kanyang leeg, ang mga balikat, at ang dibdib.
Mistulang isang baliw na wala na sa sarili si Desiree Levito.
Si Taryn naman ay halos wala nang malay-tao. Nakapikit na lamang siya.
Hindi na mapigilan ang pag-ungol.
Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakaranas ng ganito katinding pisikal na sakit.
Habang tumatagal pala ay kusang namamanhid ang katawan.
Kung tutuusi'y kayang-kaya niyang patigilin ang pananakit ni Desiree. Mas batak siya sa trabaho kaya mas malakas siya.
Ngunit wala siyang maapuhap na dahilan para lumaban dahil sa isang baluktot na paniniwalang siya pa ang may pagkakamali.
Kundi kaya siya nangako kay Lolo Michael, magkakaroon pa kaya ng mga kondisyon sa huling testamento nito?
Oo. Meron pa ring mga kondisyon. Nang pilitin siyang mangako ng matanda, yari na ang testamento.
Gayunman, guilty pa rin si Taryn. Para kasing naging kasabwat siya sa paglikha ng kaguluhan sa Pamilya Zabala!
Nang muling dumilat si Taryn, nakahiga pa rin siya.
Ngunit hindi na ang asul na langit ang nasa itaas kundi ang isang elaborate ceiling carvings.
Pamilyar ang dalawang kupidong naghahabulan dahil ilang ulit na niyang inalisan ng alikabok ang mga iyon.
Nung bata siya ay naging katu-katulong ng ina sa paglilinis sa palibot ng marangyang tahanan ni Lolo Michael.
At ang naturang disenyong ukit ay matatagpuan sa isa isa sa mga guestrooms ng Zabala Farmhouse.
"Mabuti't gising ka na."
Pasikdong huminto ang pagtibok ng puso ni Taryn bago paragasang nagpatuloy.
Parang mga munting kabayong naghahabulan sa loob ng dibdib niya ang pagpintig ng pulso.
Lumitaw sa linya ng paningin ni Taryn ang matangkad na hugis ni Mic Zabala.
Sarado ang ekspresyon nito habang minamasdan ang kanyang mukha ngunit napuna niya ang isang munting ugat na kumikislot sa gawing ibaba ng kaliwang mata.
Iyon daw ay maaaring pahiwatig ng pinipigil na tensyon.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" Blangko ang tono. "Kaya mo na bang bumangon?"
Tumango si Taryn, sabay nagtangkang bumangon.
Ngunit ang biglang pagtango ay nagdulot ng ibayong sakit ng ulo.
Nakangiwi siya habang bumabagsak pabalik sa higaan ang likod na bahagya lang naiangat.
Kaunti lang ang naikilos niya ngunit liyung-liyo at hapung-hapo na agad siya!
"Hindi mo pa kaya," wika ni Mic.
Naramdaman niyang lumundo ang malambot na kama kaya nahulaang naupo ang lalaki sa gilid.
Pinilit imulat ni Taryn ang mga matang kusang nagluha dahil sa frustration.
Kailanma'y hindi pa siya naratay sa higaan ng karamdaman.
"K-kaya ko na," bawi niya. "N-nabigla lang ako kanina."
"Kaya mo--kung may tutulong sa 'yo," salo ni Mic. Nakatiim-bagang habang tinutulungan si Taryn.
Kahit dumadanas ng iba't ibang klaseng kirot, nailang pa rin ang dalaga sa sobrang lapit ng lalaki sa kanya.
Parang sumagitsit ang bahagi ng balat niyang hinawakan ni Mic habang buong ingat na ibinabangon ang kanyang katawan.
Bumagsak sa kandungan ni Taryn ang manipis na kumot, nang nakasandal na siya sa mga unang pinagpatung-patong sa tabi ng headboard.
Napatigagal siya nang lumantad ang mga pasa at mga galos na may iba't ibang sukat sa kanyang dibdib, mga braso, at mga balikat.
Parang may nagburda ng abstract design sa kanyang balat.
Hanggang sa pipis na tiyan ay may naligaw na matingkad na kulay pulang linya na mataba at namamaga.
May isang ga-mansanas na pasa rin sa kanang tagiliran niya. Doon tumama ang matulis na dulo ng high-heeled shoe ni Desiree kanina.
Isang kamay na may mahahabang daliri ang dumampot sa kumot upang muling itakip sa kahubdan ni Taryn.
"Kinailangang hubaran ka para mas madaling gamutin ang mga sugat," paliwanag ni Mic.
Marahang tumango ang dalaga. Tulala pa rin.
"Puwede kang magsampa ng kasong serious physical injuries sa taong nanakit sa 'yo, Taryn," suhestiyon ng maskulinong boses.
Saka lang nagsimulang humulas ang pagkabigla ni Taryn.
Hindi siya makapaniwalang tama ang narinig, tumingin siya sa mukha ng lalaki para makasiguro.
Ngunit wala siyang mabasa sa ekspresyon ni Mic. Kahit sa mga mata, dahil nakatabing ang makakapal na pilik.
Marahang umiling ang dalaga. "H-hindi ako magrereklamo," pahayag niya. Nanghihina ang boses na medyo paos pa.
"Bakit?" Tila napamaang ang binata. Tinitigan siya. Inarok ang katapatan niya.
Bahagyang umangat ang isang balikat niyang hindi gaanong masakit.
"A-ayokong dagdagan ang gulo."
Bumuntonghininga ang lalaki. Para bang may nagtatalo sa kalooban.
"Natagpuan ka ni Aling Fe sa hardin. Duguan at walang malay-tao. Galit na galit ang nanakit sa 'yo. Hindi ka ba natatakot na baka ulitin niya ang pananakit?"
Si Taryn naman ang napamaang. Gusto ba ni Mic na ireklamo niya ang nobya nito?
Muli siyang umiling habang bumabawi ng tingin. "B-baka naiinip na si Attorney."
Pinilit niyang ibahin ang paksa habang unti-unting ibinabaling ang katawan sa kabilang panig ng kama.
Gusto na niyang tumayo para makalayo na sa nakakabahalang presensiya ni Mic Zabala.
"Kanina pa nakaalis si Attorney," wika ng lalaki. Sumulyap ito sa suot na relong panggalang. "Pagbalik niya bukas, kasama na ang huwes na magkakasal sa atin."
Muli na namang sinakmal ng paralisasyon ang kabuuan ni Taryn. Napapatda siya.
"P-pumapayag ka...?" tanong niya. Walang katinag-tinag.
"Kinumbinsi ako ni Mama. Ayaw niyang maghirap si Papa. Bilang anak, obligasyon ko ang magsakripisyo para sa kapakanan ng mga magulang. Tutal, isang taon lang naman ng buhay ko ang mawawala."
Banayad ang pagsasalita ni Mic. Walang bahid ng kahit na anong emosyon.
Ngunit sigurado si Taryn na may munting pulsong pumipintig sa ilalim ng kaliwang mata ni Mic.
Hindi nga lang siya makalingon para makita iyon.
"M-matutuwa si Lo--er, Sir Michael." Iyon lang ang nagawa niyang sambitin.
"Ikaw? Natutuwa ka ba?"
Nagsimulang magbuhol ang mga daliri ni Taryn sa ibabaw ng kandungan.
"D-dapat lang--dahil matutupad ko na ang aking pangako sa lolo mo."
"Makakatanaw ka na rin ng utang na loob sa kanya," dagdag ni Mic.
Nakababa pa rin ang paningin nang tumango si Taryn. "Oo..."
"Bakit hindi ka lumaban kay Desiree, Taryn?"
Biglang nanigas ang mga daliri ni Taryn. Huminto rin ang kanyang paghinga.
"Talung-talo mo sana siya. Mahahaba lang ang mga kuko niya, pero matitigas naman ang mga biyas mo," patuloy ni Mic. "Para kay Lolo rin ba ang hindi mo paglaban?"
Saka lang nagpatuloy ang paghinga ni Taryn nang mabanggit si Lolo Michael.
"I-iyon marahil ang paraan ko ng paghingi ng tawad kay Miss Levito," pag-amin niya. Mababa at mahina ang boses.
"Bakit? Aagawin mo ba ako sa kanya?"