MAYROON marahil nakahalong chemical relaxant sa gamot na ipinainom ni Mic kay Taryn, dahil bigla na lamang siyang nakaramdam ng matinding antok. Nakatulog agad siya pagkatapos mahiga sa kama.
Lalong tumibay ang suspetsa ni Taryn nang mahuli na naman siya sa dating oras ng paggising kinabukasan. Tanghali na para sa kanya ang pasado alas singko.
Napapatda si Taryn sa aktong pabalikwas na pagbangon nang mapagtantong may katabi siya sa malapad na kama.
Si Mic!
Halos hindi humihinga, dinahan-dahan niya pagkilos upang hindi gaanong gumalaw ang kutson. Nang makaalis sa higaan, patalilis siyang tumakbo patungo sa banyo. Walang ingay ang mga paang walang suot na tsinelas.
Naglaho ang kaba ni Taryn nang maikandado na ang pinto. Ineksamin niya ang mga galos sa salamin.
Halos natutuyo na kaya hindi na niya kailangan ang atensiyon ng asawang manggagamot.
Tinimpla niya sa maligamgam ang temperatura ng tubig bago tumayo sa ilalim ng pinong bugso ng shower.
Maliksing nagsabon ng buong katawan at nag-shampoo ng mahabang buhok.
Nagsipilyo siya matapos itapis sa katawan ang malaking tuwalya.
Makakatawid siya sa dressing room sa pamamagitan ng adjoining door na nasa pader na nakapagitan.
Hindi na rin kailangang bumalik sa kuwarto ni Taryn upang makalabas dahil mayroong pinto ang silid-bihisan na diretso na sa koridor.
Halos lumipad siya sa pagpanaog sa hagdan para makarating agad sa kusina.
"Magandang umaga, Aling Fe," bati niya sa kusinera.
"Ay, buteteng laot! Ay, ano ba naman kayo ni Sir Mic! Palagi n'yo na lang akong ginugulat."
"Sorry ho." Nagtayuan ang mga balahibo ni Taryn nang mabanggit ang pangalan ni Mic pero pilit na itinago sa kaswal na pagsasalita.
"Hihigop lang sana ako ng isang tasang kape, bago ako umalis."
"Nand'on na sa kumedor ang kape n'yo. Inihatid ko na dahil sinabi ni Sir Mic na papababa ka na rin."
Nanlaki ang ulo ni Taryn. "G-gising na rin si, er, Mic?" Hindi siya makapaniwala.
"Magkasunuran lang kayo," wika ni Aling Fe. "Sige na, pumunta ka na sa kumedor. Isusunod ko na 'kamo ang sausages at bacon."
Halos wala pa rin sa sarili si Taryn nang lumakad papunta sa silid-kainan.
Napahinto siya sa may pa-arkong pintuan nang makitang nakaupo sa silya ni Lolo Michael ang matangkad at matipunong lalaki.
Basa-basa rin ang maikling buhok. Nag-shower ito sa banyo ng ibang kuwarto habang naliligo siya.
"Good morning, Taryn."
"Good morning, Mic." Ginagad ni Taryn ang banayad na tono ng lalaki pero hindi ang nanunudyong ngiti.
Nakatago sa suot na pantalong maong ang mga tuhod na nangangatog kaya ang mga kamay na nanginginig na lamang ang kailangan niyang kontrolin.
Naupo siya sa silyang nasa kanan.
"Tulug na tulog ka na kagabi, kaya hindi na kita ginising para maghapunan."
"Nabusog naman ako sa banana cake," tugon niya habang nakatutok ang buong pansin sa pagsasalin ng kape sa coffee cup.
"Wala akong kasalo kagabi, kaya pinilit kong gumising nang maaga ngayon para makasalo kita," patuloy ni Mic.
Natigilan si Taryn. "Wala kang kasalo?" ulit niya. "Nas'an sina Sir Junior at Ma'am Sonia?"
"Kahapon pa sila umalis. Bumalik na sila sa Maynila."
May gusto pa sanang itanong si Taryn pero nag-alangan.
Kinagat na lang niya ang loob ng ibabang labi habang naglalagay ng margarina sa isang piraso ng umuusok na hotcake.
"Hindi mo ba itatanong kung kailan umalis si Desiree?" pananadya naman ni Mic.
Panakaw siyang sumulyap sa lalaki. Nakatitig ito sa kanya kaya binawi agad ang paningin at nagkibit ng isang balikat.
"Puwede mo naman siyang sundan kung nami-missed mo na siya."
Tumawa si Mic. Hindi pagak at hindi patuya kaya nagulat si Taryn.
Napilitan siyang tumingin sa lalaki upang matiyak na tama ang pandinig.
Halos masilaw siya sa pangingislap ng mga matang malalalim.
"Nagseselos na ba ang misis ko?"
Namula ang mga pisngi ni Taryn. Nanlaki ang kanyang mga mata. Naumid ang dila dahil sa pagkalito.
"A-are you... flirting...?" Puno ng pag-aalinlangan ang tanong niya.
"Yes."
Lalong nalito si Taryn. "Why?" Siya rin ang sumagot sa tanong. "Because you're bored?"
"On the contrary, things are just getting exciting," salo ni Mic. May bahagya pa ring ngiti sa bibig. "I think, I'm getting attracted to you."
Lalong nanlaki ang mga mata ni Taryn. Napatitig siya sa kausap.
"You're just pulling my leg!" bulalas niya. Pilit na inuyam ang pahayag ng lalaki.
"Please, get serious, Taryn," pakli ni Mic. Unti-unti nang naging seryoso ang ekspresyon.
"Hindi ako sanay magtimpi ng pagnanasa. I always get what I want with women. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako makakapagtimpi."
Napalunok si Taryn. Parang nahulog siya sa isang malalim na dagat.
At nakalimutan niya kung paano lumangoy.
"Ano'ng masasabi mo?" untag ng lalaki nang manatili ang katahimikan.
Umiling siya. "A-ano ba ang dapat kong sabihin?" tanong niya.
"Bakit hindi mo amining attracted ka na rin sa akin?" pananalakab ni Mic.
Namula ang mga teynga ni Taryn, at gumapang sa mga pisngi at leeg. Kuminang din ang balat niya sa paggiti ng pinong pawis.
"L-lilipas rin ito," pagwawalambahala niya.
"Paano kung hindi lumipas? Paano kung sumidhi ang alab hanggang sa kaya na tayong sunugin nang sabay?" panghahamon ni Mic.
Nangatal si Taryn ngunit pinaglabanan niya ang pinupukaw na sensuwalidad ng mga salita ng lalaki.
"Please, stop it," saway niya. "Nakalimutan mo na bang pakunwari lang ang magiging pagsasama natin? After one year, we'll go our separate ways."
"Hindi ko naman sinabing magtuturingan tayong mag-asawa. We'll just be lovers--with no strings attached."
Pilit ang pagtawa ni Taryn. "No strings attached--and yet, we're already married!" Pilit rin ang panunuya sa tono niya.
Gusto sana niyang tutulan nang diretsahan ang ridikulosong suhestiyon ni Mic, katulad ng palagi niyang ginagawa sa mga casual proposals mula sa mga lalaking nakasalamuha nung nag-college siya sa Australia.
Ngunit iba sa lahat ng mga lalaki si Mic Zabala...
"Walang imposible 'pag may pera ka, Taryn," salo ni Mic. "Ang dapat mo lang bigyan ng halaga ay kung paano ka magiging maligaya."
"Sigurado kang magiging maligaya ako 'pag naging mag-lovers tayo?" pananalakab niya. "Hindi mo ba naisip na lalo lang akong magiging agrabyado sa sitwasyong gusto mo?"
"I'll give my best to make you happy as my lover." Napakataimtim ng pangakong iyon at hindi kayang ipagwalambahala ni Taryn.
Nagsimulang gumuho ang moog ng katwiran. Unti-unting kumawala ang kahibangan.
Papilig na umiling si Taryn. Nangunyapit siya sa prinsipyong gabay ng buong pagkatao.
"I'm sorry. I don't play your games, Mr. Zabala," ang pormal na pahayag niya bago tumindig.
Tumalikod siya at tuluy-tuloy na sanang lalabas sa side door na diretso sa hardin, nang magsalita ang lalaki.
"Eat your breakfast, Mrs. Zabala," utos ni Mic. "Hindi na kita kukulitin."
Huminto si Taryn ngunit hindi agad humarap. Nag-isip pa kung ano ang dapat gawin.
"I've been told that I'm a seductive kisser," ang pa-kaswal na pahayag ng lalaki. "Kapag hindi ka bumalik dito, ang ibig sabihin ay gusto mong matikman ang aking mga halik," pagbabanta pa nito pero magaan ang tono.
"Believe me, I can seduce you with just mere kisses!" pagyayabang pa.
Nagsimulang umandar ang utak ni Taryn. Kapag sumunod siya sa utos ni Mic, tiyak na lalong lolobo ang male ego nito.
Nagpatuloy sa pa-martsang paglalakad si Taryn. Ipapakita niyang hindi siya naniniwala--at hindi natatakot sa banta ni Mic!
Madilim-dilim pa ang paligid sa labas pero kabisado ni Taryn ang pasikut-sikot sa hardin kaya nakarating siya sa pinagparadahan ng owner-type jeep kahapon.
Katatapos lang umulan kagabi, kaya napakaginaw ng umaga. Hinapit niya ang lapels ng suot na maong jacket upang hindi makalusot ang lamig sa kanyang katawan.
Hindi niya agad napaandar ang dyip dahil kailangan pang magpainit ng makina.
Kaya inabutan pa siya ni Mic.
"Don't tell me I didn't warn you!" angil ng lalaki habang nauupo sa passenger's seat ng dyip.
Dahil nasindak, nagtangkang umibis si Taryn. Ngunit mas maagap si Mic. Nahuli nito ang isang kamay niya at hinawakan nang mahigpit.
"Bitiwan mo ako," utos ni Taryn.
Lumipat sa beywang niya ang kamay at bisig ni Mic. "Drive."
"A-ayoko."
"You'll drive--or I'll kiss you senseless?" pananakot ng lalaki.
Hindi natakot si Taryn. Bagkus, na-excite pa siya. Ngunit agad na napagtanto ang hibang na reaksiyon kaya nangibabaw na naman ang katinuan.
Nagmaneho siya.
"S-saan tayo pupunta?" tanong niya nang malayu-layo na ang nararating. Papasok sa pusod ng farm ang direksiyong tinutugpa.
"Sa ilog."
Muntik nang sumubsob ang mga mukha nila sa windshield nang biglang tapakan ni Taryn ang preno.
"B-bakit doon?"
"Gusto kong lumangoy."
"No!"
"Bakit hindi?"
"Gusto mo bang malunod uli?"
"Marunong na akong lumangoy."
Parang sasakyang biglang nagpreno ang bibig ni Taryn. Hindi na siya uli umimik.
Nasa gawing dulo ng farm ang ilog kaya nakasikat na ang araw nang makarating sila.
Umibis si Mic para magmasid-masid sa paligid. "Bihira ka nang magpunta dito?"
Tumango si Taryn. Hindi niya aamining ngayon lang uli siya nagpunta doon matapos ang aksidente.
"Gusto kong maligo," pahayag ni Mic. "Pero ikaw ay hindi pa puwedeng maligo."
"A-at bakit?" Ngayon lang natuklasan ni Taryn na ayaw pala niyang mapangungunahan siya.
"May mga galos ka pa, hindi ba? Gusto mo tingnan natin?"
Sunud-sunod at taranta ang pag-iling ni Taryn. "Manonood na lang ako sa pampang," pangako niya.
"Good girl!" Hinugot ni Mic ang susi sa ignition bago bumaba. Halatang walang tiwala sa kanya.
Buong umagang naglunoy si Mic sa tubig. Siyang-siya.
Samantalang si Taryn ay bagut na bagot sa pagbabantay sa tabing-ilog.
Alam niya ang dahilan ng pagpupumilit ng lalaki na maligo sa ilog.
Nagkaroon ito ng perpektong pagkakataon na ilantad ang perpektong pagka-matipuno ng buong katawan.
Tinutukso si Taryn.
Inaakit ng maskulinong kariktan.
Habang umiinit ang sikat ng araw, nagsisimula nang matunaw ang resolba ni Taryn.
Nagpapakatatag pa rin siya pero hindi na niya alam kung hanggang kailan siya makakapagtimpi!