Chereads / Hot Arranged Marriage / Chapter 9 - Chapter Nine

Chapter 9 - Chapter Nine

MADILIM na madilim ang mukha ni Mic nang salubungin ang pagdating ni Taryn. Walang imik nitong hinawakan ang isang braso niya at hinila patungo sa master's bedroom. Halos ipinagtulakan siya papasok sa banyo.

"Maligo ka," ang matigas na utos bago tumalikod.

Nakadama ng pagkapahiya si Taryn nang makita ang sarili sa salamin.

Madungis ang kanyang kabuuan.

Gulu-gulo ang pagkakatirintas ng mahabang buhok.

Nanlalalim ang mga matang kulang sa tulog.

Namumutla ang mukha dahil sa pagod kaya parang naging mantsa ang mga pasang papawala at nagkukulay-dilaw na.

May mga mantsa rin sa suot na jacket at pantalon, sanhi ng damo at pulot na ipinakain sa mga baka.

Naiwan ang mga bota sa dyip kaya wala siyang natangay na dumi ng baka.

Tumalima si Taryn sa utos ni Mic. Nagsabon at nagbanlaw siyang maigi ng buong katawan.

Gayundin ang mahabang buhok. Dalawang beses siyang nagsipilyo upang maalis ang mapait na panlasa sa bibig.

Naka-pantalong maong at kamisetang puti na naman siya nang bumalik sa silid-tulugan.

Parang tinunaw ng maligamgam na tubig ang natitirang lakas niya kaya magpapahinga muna siya.

Ngunit inilipad sa hangin ang lahat ng laman ng utak ni Taryn nang madatnang nakatayo sa tapat ng bintana si Mic.

Katabi nito ang isang lamesang pandalawahan na may nakahaing almusal.

"Dito na ako nagpahain ng pagkain," wika ng lalaki. "Para hindi ka na mapagod sa pagbaba at sa pag-akyat ng hagdan."

"S-salamat." Nakikimi si Taryn habang nauupo sa silyang inialok.

Panakaw na sinulyapan ang mukha ni Mic habang abala ito sa pagsasalin ng umuusok na kape sa dalawang tasa.

Wala nang bakas ng galit sa kalmadong ekspresyon ng lalaki. Para bang sa imahinasyon lang niya ang ipinakitang pagkadisgusto nito kanina.

Sanay na sanay sa paglalagay ng mga pagkain sa kani-kanilang pinggan. Para bang gayon ang ginagawa nito tuwing umaga.

Wala silang imikan habang kumakain. Panakaw-nakaw ang pagsulyap ni Taryn sa kasalo.

Na malimit mahuli ni Mic dahil palaging nakatingin sa kanya.

Naubos ni Taryn ang tatlong pirasong hotcakes, dalawang tasang kape, at isang basong juice, saka lang nagsalita ang lalaki.

"Luluwas tayo sa Maynila ngayon."

Nagulat si Taryn. "N-ngayon?" ulit niya. Hindi makapaniwala.

"Okey na 'yang suot mo. Ang van ang gagamitin natin para kumportable ka."

"Teka muna, hindi ko puwedeng iwanan ang farm." Tarantang nag-apuhap ng idadahilan para makatanggi si Taryn.

"Apat na taon kang nawala dito," paalala ni Mic. "Walang mangyayaring masama sa farm kung iwanan mo man ngayon ng isang linggo."

"Isang linggo?!" bulalas ni Taryn. "A-ano'ng gagawin ko sa Maynila ng isang linggo?"

"Marami. Shopping, stroll, nightlife." Inisa-isa ni Mic sa mga daliri ang bawat sambitin. "Baka makarating pa tayo ng Hongkong at Paris. Depende sa magiging mood natin."

Umiling nang umiling si Taryn. Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatitig kay Mic.

"Hindi ako sasama sa 'yo," tutol niya. "Mas maraming dapat gawin dito--"

"In other words, we're having a honeymoon," pakli ni Mic. Parang hindi narinig ang pagtutol niya.

"H-honeymoon?!" Tuluyan nang napabulalas si Taryn.

Tumango si Mic. Inosenteng-inosente ang mukha. Para bang walang sinabing nakakagimbal.

"It's better late than never, hindi ba? Nagkaroon ka ng kaunting aksidente kaya medyo naantala ang pulot-gata natin."

"I don't believe this!" Tumindig si Taryn nang hindi na makontrol ang agitasyon. "I can't believe this!" Nagpalakad-lakad siya upang maibsan ang tensiyon.

"You'd better believe, my dear Taryn. We'll be leaving in ten minutes. Be ready." Tumindig rin si Mic. Idinampi muna ang table napkin sa bibig bago inilapag sa tabi ng pinggan.

"'Wag ka nang magdala ng kahit na ano. Bibilhin natin ang anumang kailangan sa Maynila," habilin pa habang patungo sa pintuan.

"S-sino'ng titingin sa farm?" pahabol ni Taryn.

Tinapunan siya ng nagtatakang sulyap ni Mic. "Nakalimutan mo na ba si Itay Benny? Siya ang orihinal na katiwala ni Lolo Michael, hindi ba?"

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Taryn nang umalon ang pagkapahiya sa kabuuan. Oo nga pala...

"Natawagan ko na siya," dugtong ni Mic. "Alam na niyang paalis tayo ngayon."

"A-alam din ba ni Attorney Layug--?" Kusang naglaho ang boses ni Taryn nang muling tumutok ang mga matang madidilim.

"Mabuti't ipinaalala mo siya, my dear Taryn," pang-uuyam ng lalaki. "Dahil siguradong matutuwa si Attorney kapag nalaman niyang susundin ko ang mga pribadong payo ni Lolo Michael sa akin."

"A-anong mga pribadong payo?" Aywan kung bakit nagtanong pa siya.

May kumislap na kung ano sa mga mata ni Mic bago tumabing ang makakapal na pilikmata. "Saka ko na sasabihin sa 'yo, my dear Taryn."

"Puwede bang tigilan mo na'ng katatawag mo sa akin ng ganyan?"

"Ano'ng gusto mong itawag ko sa 'yo? Wife? Bride? O lover?"

Kinagat ni Taryn ang ibabang labi nang mapagtantong sinususot talaga siya ni Mic para mawala ang kanyang kontrol.

"M-may kukunin lang ako," wika niya habang tumatalikod para magtungo naman sa banyo.

Napapitlag siya nang pabagsak na sumarado ang pinto ng master's bedroom.

Saglit lang ang pagkagulat niya. Maya-maya'y kusang napangiti ang bibig.

Paano'y si Mic ang napikon sa sariling laro nito sa kanya!

Parang gumaan ang pakiramdam ni Taryn sa natuklasang kahinaan ng lalaki.

Masigla siyang naghilamos at nagsipilyo. Pinalitan niya ng bagong t-shirt at jeans ang mga pambahay na kasuotan bago kinuha ang pay envelope sa ilalim ng mga nakatiklop na damit.

Inilipat niya ang ilang salaping papel sa brown leather wallet at awtomatikong kinuha ang passport mula sa maliit na box.

Nagtaka siya nang walang makapa ang mga daliri.

Baka naiwan niya sa cottage ng mga magulang?

Kahit kontra sa utos ni Mic, nagdala pa rin ng ilang personal na gamit si Taryn.

Naglagay siya ilang underwears, isang pares ng padyama, isang kamiseta at pantalon sa knapsack.

"You're quick," papuri ni Mic nang mamataan si Taryn. Nakatayo ito sa paanan ng hagdanan. Tila inaabangan siya.

"Dadaan pala ako sa cottage nina Itay," wika niya.

Tumitig sandali ang lalaki sa kanya bago ngumiti ng may bahid paghingi ng dispensa.

"Nasa akin na ang passport mo--kung 'yon ang gusto mong daanan sa cottage," pagtatapat nito.

"H-ha?" Na-blangko si Taryn.

"Gusto ko kasing masigurong makakasama ka sa Hongkong at Paris," dagdag pa. Mas masuyo ang tono.

Parang may humaplos na mainit sa damdamin ni Taryn. Kusang ngumiti ang mga labi niya.

Muling napatitig si Mic habang marahang hinahaplos ng isang daliri ang isang pisngi niya.

"Masakit pa ba ito?" Ang tinukoy ay ang pinakamalaking pasa.

Nang maalala si Desiree, ang nobya ni Mic, parang nagising mula sa malalim na pagtulog si Taryn.

Umatras siya upang maputol ang kuneksiyon ng kanilang mga balat.

"R-ready na ako," wika niya. Sa suot na puting rubber shoes nakatutok ang mga mata.

"Halika na." Inilahad ni Mic ang isang kamay pero nagkunwaring hindi nakita ni Taryn.

Nilampasan niya iyon at nagpaunang lumakad patungo sa front door, kungsaan natatanaw na niya ang naghihintay na van.

Sa pinakalikod na pinto pumasok si Taryn. Inilagay niya sa tabi ang knapsack at pabalagbag na naupo upang ipahiwatig na gusto niyang solohin ang buong ispasyo doon.

Sa tabi ng drayber naupo si Mic.

Nang umaandar na ang sasakyan, saka lang nahiga si Taryn sa upholstered backseat.

Ginawa niyang unan ang knapsack. Nasa bukana na sila ng Maynila, nang magising siya.

"You look rested," puna ni Mic nang mapasulyap si Taryn sa gawing harapan ng sasakyan. Kanina pa pala ito nakatingin sa kanya.

Aywan kung bakit namula ang mga pisngi niya sa simpleng obserbasyon.

Ngumiti siya nang matipid bago yumuko upang kunin ang nahulog na panyo sa sahig.

Itinali niya iyon sa mahabang buhok na sinuklay ng mga daliri.

"Saan tayo pupunta?" tanong niya nang makalampas na sa huling tollgate.

"Sa bahay ko muna, para makapagpahinga ka," tugon ni Mic. "Then, sa clinic ko sa hospital, para makunan ka ng x-ray tests."

Nabahala si Taryn sa unang pahayag. Hindi pa siyang handang makaharap si Ma'am Sonia ngayon. Tiyak na kumukulo pa rin sa galit sa kanya ang ina ni Mic.

Nagtaka naman siya sa ikalawa. "Magaling na ako. Bakit kailangan pa akong ma-x-rayed?"

"Para makasiguro tayo," ang maikling tugon ni Mic. Parang may ikinayamot, tumalikod na ito matapos magsalita.

Bumuntonghininga si Taryn upang hindi gaanong maapektuhan sa biglang paglamig ni Mic.

Dinukot niya sa bulsa ng knapsack ang maliit na suklay at salamin. Sinuklay at itinirintas niya nang maayos ang mahabang buhok. Maging presentable man lang siya habang inaalipusta ni Ma'am Sonia.

Inibsan ni Taryn ang pagkainip sa panonood sa mga tao, mga gusali at mga sasakyang dinadaanan.

Nananakit na ang buong katawan niya dahil hindi gaanong makagalaw sa masikip na ispasyo pero nagtiis lang siya.

Ayaw niyang ipahalata kay Mic ang dinaranas na discomfort.

Makalipas ang kalahating oras, pumasok sa ilalim ng isang mataas na gusali ang van.

"Sundan mo kami sa room 401," wika ni Mic sa drayber bago umibis upang ipagbukas ng pinto si Taryn. "Ako na ang magdadala n'yan." Ang tinukoy ay ang nag-iisang abubot niya.

"Kaya ko na 'to," tanggi niya, sabay sukbit sa isang balikat ng matabang strap.

"Tsk! Stubborn woman!" bulong ng lalaki bago hinawakan ang isang kamay niya at hinila patungo sa di-kalayuang elevator.

Habang papalapit sa destinasyon, sumisikip nang sumisikip ang dibdib ni Taryn.

Kaya gayon na lang ang panlalambot niya nang matuklasang walang Sonia Zabala na handang umatake sa kanya, pagpasok sa loob ng elegante at modernong condominium unit ni Mic.