Chereads / Hot Arranged Marriage / Chapter 10 - Chapter Ten

Chapter 10 - Chapter Ten

"BAKIT parang takut na takot ka?" tanong ng lalaki habang pinapaupo si Taryn sa mahabang sopa. "Nanginginig at nanlalamig ka pa." Pinagkiskis ang mga kamay nila upang mapabalik ang init.

"A-ang akala ko kasi'y nandito ang mga parents mo." Minabuti niyang aminin ang tutoo.

Natigilan si Mic habang hinahagod ng mga mata ang mukha ni Taryn. "Alam mo bang wala ka nang dapat ikatakot kay Mama?"

Pinilit niyang ngumiti kahit hindi makatingin nang diretso sa lalaki.

"H-habambuhay na siguro akong matatakot kay Ma'am Sonia," wika niya.

Sinapo ng masusuyong daliri ang baba ni Taryn upang mabihag siya ng mga titig na mapanisid.

"Don't worry, Taryn. Kaya na kitang ipagtanggol ngayon. Malaki na ako--at marunong na akong lumangoy."

"Ano'ng kinalaman ng paglangoy?" maang ni Taryn.

"Daig na daig mo ako nung mga bata pa tayo. Marunong ka ng mga bagay na gustung-gusto kong matutunan pero bawal kong gawin. Malayang-malaya kang sumakay sa kalabaw, sa kabayo, sa traktora, o sa bangka. Magaling kang gumamit ng karit at itak. Nakakaakyat ka sa mga puno ng niyog. Puwede kang magtampisaw sa putikan..." Nakatanaw sa malayo si Mic. Naaalala ang nakaraan.

"Masasakitin ka kasi noon."

"Wrong. Pumapayag pa kasi akong magpa-domina kay Mama." May gumuhit na mapaklang ngiti sa matiim na bibig ni Mic.

"I was a mama's boy then. 'Buti na lang, naging kakampi ko si Papa nung ayaw niyang pumayag na sa Amerika ako mag-aral ng medicine. Nakaalpas ako mula sa ilalim ng saya ni Mama."

"Sobrang laki ang pagmamahal sa 'yo ng Mama mo."

"Yes. Kahit kay Papa. But she's the possessive type. Hindi siya marunong mag-share. Tingnan mo kung paano niya kami ipinagkait kay Lolo Michael."

Nawalan ng imik si Taryn dahil umapaw ang kalungkutan para sa isang matandang lalaking naiwanang mag-isa.

"Pero ngayong mag-asawa na tayo, kailangang matutunan ni Mama ang igalang at mahalin ka."

Kusang napangiti si Taryn, pero mapakla. "Magkukunwari si Ma'am Sonia hanggang sa makakuha na tayo ng annulment."

Napasinghap siya nang dumiin ang pagkakapisil ng mga daliri ni Mic sa mga kamay niya.

Parang may sumulak na isang makapangyarihang emosyon at tinangkang supilin.

"A-aray," daing niya.

"Sorry." Parang napaso, binitawan siya ng lalaki at maliksing tumindig.

"Pupunta tayo sa ospital mamayang after lunch. May isang oras tayo para magpahinga. Halika, ihahatid kita sa kuwarto." Dinampot nito ang knapsack para sumunod si Taryn.

*****

NEGATIBO ang mga x-ray results. Walang ibang damage na natamo si Taryn, maliban sa mga pasa at mga galos na tuluyan nang naglaho makalipas ang ilang araw.

Unti-unting napalagay ang loob niya sa bagong sitwasyon nila ni Mic dahil magkabukod sila ng silid-tulugan.

Wala na rin ang mga sexual innuendoes ng lalaki.

Napayapa si Taryn, bagama't minsan nang inamin sa sariling nahirati na siya sa kapilyuhan ng lalaki.

"So, what do you want to do today?" Ganito ang palaging tanong ni Mic tuwing magkikita sila sa breakfast table. "Saan mo naman gustong mamasyal tayo ngayon?"

Ika-limang araw pa lang nila sa Maynila pero parang nagalugad na nila ang lahat ng sulok ng siyudad.

Walang kapaguran si Mic sa paggampan sa self-imposed role nitong tourist guide kay Taryn.

"Pagod na ako," tugon niya.

Tutoo ang sinabi niya dahil hindi na yata maaalis ang pamamaga ng mga paa at ang pamimitig ng mga binti niya.

"Gusto ko nang umuwi sa farm." Nasasabik na siyang makalanghap ng sariwang simoy ng hangin.

"May dalawang araw pa tayo." Hindi nagbago ang magiliw na ngiti ni Mic pero parang nabawasan ang ningning sa mga mata.

"Hindi natin kailangang magmadali. Marami pa tayong hindi napupuntahan."

"Marami pa ba?" Lalong tumamlay ang pakiramdam ni Taryn. "I don't want to sound ungrateful--pero parang pare-pareho lang ang mga lugar na pinupuntahan natin. Pasensiya ka na, Mic." Pa-buntonghininga ang huling pangungusap.

"Ako ang dapat na humingi ng pasensiya sa 'yo, Taryn," ang masuyong wika ng lalaki. "Pinagod kita nang husto."

"Kung okey lang sa 'yo, mas gusto ko sanang maiwan na lang muna dito." Dahil sa simpatiyang nasa mukha at tono ni Mic, nagkalakas-loob siyang sabihin ang talagang nais. "Ipapahinga ko lang ang mga paa at binti ko."

"Nope. Hindi kita puwedeng iwanan dito. I've a better idea. Pupunta tayo sa isang spa."

Laban sa katinuan ang makadama ng kasiyahan si Taryn ngunit unti-unti na naman siyang nahihibang nitong mga huling araw.

Kaydaling makalimot sa realidad dahil parang napunta sila ni Mic sa isang pribadong mundo.

Hindi na siguro siya tatanggi kapag nagyayang makipagtalik ang lalaki...

Ngunit nagmistulang isang big brother na lang si Mic magmula nang dumating sila sa Maynila. Ang bagay na iyon na lang ang tanging pumipigil sa damdaming nagpupumiglas.

Magkatabi sina Taryn at Mic habang minamasahe ng mga professional masseuse at masseur. Magkasabay rin silang nag-sauna.

Kataka-taka ngunit walang madamang pagkailang si Taryn.

Para bang natural lang na magkasama sila ni Mic sa isang maliit na silid na parang naging eksena sa panaginip dahil sa umaalimbukay na usok sa paligid.

Kapwa sila nakasuot ng puting towelling robe at alam nilang kapwa sila walang saplot sa ilalim.

Parehong walang imik sina Taryn at Mic. Ngunit palaging nag-uusap ang kanilang mga mata.

Para bang ipinaalam sa isa't isa na isang totohanang atraksiyon na ang nagsisimulang magliyab.

Na ang pagkukunwari ay malapit nang magwakas.

Tahimik na tahimik pa rin si Taryn hanggang sa makauwi sa condo.

Si Mic ang unang bumasag sa katahimikan.

Nakaupo siya sa isahang armchair samantalang ito ay tila hindi mapakali dahil patayu-tayo at palakad-lakad.

"Masama pa rin ba ang pakiramdam mo?" tanong nito matapos bumalik sa kinauupuang sopa na kaharap ni Taryn.

"Hindi na."

Bumuntonghininga si Mic. Parang nag-iipon ng lakas ng loob.

Napamaang naman si Taryn. Walang puwang sa malakas na karakter ni Mic ang hesitasyon.

"Bakit?"

Kumibit ang isang eleganteng balikat. Napakagaling magdala ng damit kaya makisig at simpatiko pa rin kahit naka-casual attire lang.

Habang naghihintay ng kasagutan, wala sa loob na nahaplos ng mga kamay ni Taryn ang makinis na tela ng suot na summer dress.

Kulay dilaw dahil sa naka-disenyong malalaking mukha ng sunflowers. Maluwang ang laylayan pero hapit sa beywang at dibdib, at makikitid na tirante ang nakabuhol sa mga balikat.

Isa lang iyon sa mga damit na pinili at binili ni Mic para sa kanya. Halos ibang babae na nga ang palagi niyang nakikita tuwing haharap siya sa salamin.

Bagama't wala namang gaanong nagbago dahil ang kanyang buhok ay kaunting-kaunti lamang ang nabawas.

At ang kanyang mukha ay palagi lang nalalagyan ng manipis na pulbo at lipstick na proteksiyon din daw sa masamang epekto ng mainit na sikat ng araw sa balat.

Naglalagay na rin siya ng sunblock lotion sa mga bahagi ng balat na nakalantad.

Ano pa ba ang nagbago sa 'yo, Taryn Ferrer?

Mas maningning ba ang mga mata mo ngayon?

Mas madalas ka bang ngumiti?

Mas magaan ba ang iyong mga hakbang?

"Papayag ka bang mag-dinner tayo sa labas mamayang gabi?"

Pinutol ng seryosong imbitasyon ang pakikipag-usap ni Taryn sa sarili.

"D-dinner?" ulit niya. Para bang ngayon lang niya narinig ang kataga.

Tumango si Mic. Seryosong-seryoso ang ekspresyon habang nakatitig sa kanya.

"We'll go somewhere quiet and romantic," dugtong nito. "We'll just talk while listening to soft music."

"Okey." Kusang bumuka ang bibig ni Taryn.

Kaya pareho pa silang nagulat sa walang abug-abog na pagsang-ayon.

"Thank you!" Hinagkan ni Mic ang dalawang kamay niya bago nagdumaling tumindig at pumunta sa sariling kuwarto.

Hindi na siya binigyan ng pagkakataong mabawi ang nabiglang pagpayag.

Eksaktong alas siyete ng gabi nang kumatok si Mic sa pinto ni Taryn.

"You look so beautiful, wife," ang paanas na papuri habang marahang hinahagod ng mga matang humahanga ang kabuuan ni Taryn.

"Thank you." Parang binalot ng malambot na init ang puso niya.

Hindi nasayang ang halos tatlong oras na pag-aayos niya!

Suot niya ang isa sa mga evening gowns na bagong bili at ang mga katernong accessories.

Lapis lazuli earrings at bracelet ang mga mamahaling costume jewelries ng black sleeveless gown. Dahil malalim ang uka sa likod, may kasamang shawl na kulay itim rin.

"You are very handsome yourself." Pinalakpakan niya ang sarili dahil nagka-lakas ng loob na ibalik ang papuri ng lalaki.

Makisig na makisig ito sa suot na black evening suit. Hakab na hakab sa matipunong katawan ang mamahaling kasuotan.

"Shall we go now?" Inialok ni Mic ang isang braso.

"Yes."

Napatitig si Mic sa bibig na nakangiti. "I fervently hope that you would say 'yes' to all my wishes tonight."

Ni hindi naalarma si Taryn kahit napakalagkit na ng pagtitig ni Mic sa mga labing simpula ng mansanas ni Eba.

Nakipagtitigan rin siya sa lalaki.

"I would--if you'd also grant my own wish tonight," ang pabulong na sambit niya.

"Your wish is my command, my lovely bride. Always remember that." Hinagkan ni Mic ang likod ng isang kamay ni Taryn.

Parang isang prinsipeng humalik sa kamay ng isang prinsesa.

Noon nagsimulang bumukal ang saya sa puso ni Taryn kaya umaapaw na ang kaligayahan sa dibdib niya bago pa man sumapit ang hatinggabi.

Tinupad ni Mic ang lahat ng mga ipinangako. Good food and sweet wine. Private conversation and romantic music.

Kanyang-kanya lang talaga ang buong atensiyon ng lalaking one-in-a-million.

Latest chapters

Related Books

Popular novel hashtag