MAGHAHATINGGABI nang sakay sila ng taxi pauwi.
Malagihay si Taryn.
Mapungay ang mga mata niya at palaging may ngiti sa kanyang mga labi.
Gusto niya ang mga mata ni Mic. Malalim. Singdilim ng gabing maraming bituin.
Gusto niya ang mga palad ng lalaki. Makalyo. May lakas ang mga daliri upang hapitin siya palapit sa matipunong katawan.
"What is your wish?" bulong ni Mic. Magkalapit ang kanilang mga labi.
"Um… natupad na… I had a great time. Thank you…"
"Good…" Lalo pang lumapit ang labi. "What about my wish? Hindi mo ba tatanungin kung natupad?"
Tila lalong lumalim ang boses ni Mic.
Nanunuyo ang loob ng bibig ni Taryn. Gusto niya panunukso ng lalaki.
Hindi siya tumugon. Basta inilapat lang niya ang labi sa bibig ng lalaki.
Sansaglit na hindi kumilos si Mic. Tila nabigla.
Nang gumalaw ang lalaki, parang nililindol ang pakiramdam ni Taryn. Kumukulog ang pagdagundong ng dibdib niya.
Sinapo ng dadawang palad ni Mic ang mga pisngi niya habang bihag ng halik ang kanyang bibig.
Malalim. Matagal. Mariin.
Halos mapugto ang hininga niya. Ngunit ayaw niyang huminto.
"We are here, darling…" Paos ang boses ni Mic.
Nasa tapat na nga sila ng matayog na condominium.
Walang lakas ang kanyang mga tuhod nang umibis sa taxi. Hinawakan ni Mic ang isang siko niya para alalayan.
Sumakay sila sa elevator nang magkayapos.
Nang bumukas ang elevator, naghahalikan na sila.
Mabuti na lang, wala nang tao sa paligid.
Nag-angat ng ulo si Mic. "Let me open the door, sweetheart…"
Yumupyop si Taryn sa malapad na dibdib. Pinakinggan niya ang malakas na pagkabog.
Nabuksan ang pinto. Sa isang iglap, nakasandal sila sa kabilang panig at nagniniig.
Nanginginig ang mga daliri sa pagkalas sa bawat butones. Mauulinigan ang mahinang ingay ng napupunit na tela.
Ngunit ang nakakabingi ay ang mga hingal at impit na singhap.
"Taryn?"
"Y-yes, Mic…"
Pinangko siya ng lalaki. Inihiga sa kama. At doon sinimulan uli ang paghalik sa kanya. Sa mga mata, sa buhok, sa pisngi, sa dibdib…
Naglunoy sa kanyang kalambutan. Nilaro ng mga daliri ang kulay rosas na ituktok habang bihag ng bibig ang isa pa.
Bumabaon sa kama ang mga kamay at paa ni Taryn. Gusto niyang magpatuloy ang mga ginagawa ng lalaki. Ayaw niyang matapos ang kabaliwan.
"Oh, Mic, Mic…" Siya ba ang umuungol?
Nagpatuloy ang pagpapaalab sa kanya. Dumako sa tiyan, sa puson, sa pagitan ng mga hita…
Isang sigaw ang inimpit ni Taryn. Tinakpan ng sariling kamay ang bibig. Namilipit siya at kumipit ang mga hita.
Nagbalik ang nagbabagang labi sa kanyang dibdib habang ang isang kamay ay nagtungo sa mga hita.
Magaan. Mabagal. Makulit.
Nang muling humalik ang lalaki sa sentro niya, wala na ang pagtutol. Ipinaubaya na ang buong sarili sa mga sensasyon.
Para siyang nakaranas ng munting kamatayan. Para bang isinilang siya uli.
Nabasa ng luha ang mga pilik kaya kay hirap imulat ang mga mata.
Nakita niyang nasa aktong pinupunit ni Mic ang isang makintab na sisidlan. At nang isusuot na, pumikit siya uli.
Nagsisimula na namang dumagundong ang pagkabog ng dibdib niya.
Nang muling yumapos sa kanya ang lalaki, humagod sa katawan nito ang mga kamay niya. Ipinapahiwatig ang lubos na pagpapaubaya.
"Taryn, you're mine, at last!"
Iyon ang huling sinabi ni Mic bago ang unang ulos.
Napasinghap siya nang maramdaman ang kirot. Ngunit saglit lang.
Iniangat niya ang mga hita at iniyakap sa balakang ng lalaki.
Pakiramdam niya ay nagkaroon ng laman ang hungkag na buhay.
Para bang ipinanganak siya para sa sandaling ito…
Narating nila ang kasukdulan. Kapwa huminto ang pag-inog ng mundo.
Nang muling gumalaw, humulagpos sila sa isa't isa.
Gumulong si Taryn, tangay ang kumot na ipinantakip sa kahubdan.
Si Mic naman ay tumayo upang magtungo sa banyo.
Nag-aagaw-tulog na siya nang pangkuin siya ng lalaki.
"Anong—"
"Why didn't you tell me?" Nang-uusig ngunit masuyo ang pagtatanong.
"What—"
Inilapag siya ng lalaki sa bath tub. Kinuha ang bimpo at marahan ipinunas sa mga hita niya.
"Oh…" Naintindihan niya bigla ang ginawa ng lalaki.
"I'm sorry. I was too rough…"
"Ssh… you're perfect…"
Kinawit ng mga braso niya ang leeg ng lalaki. Humantong sila sa maligamgam na tubig ng bath tub.
"You're a witch… Come to the bedroom," ang paungol na wika ni Mic. Hinawakan siya sa isang kamay at iginiya patungo sa kama.
Muli, isang makintab na sisidlan ang pinunit.
At yumapos sa kanya ang lalaki.
Walang nagbago sa mga sensasyon. Tila nadagdagan pa nga.
Naging mas matamis.
Naging mas masidhi.
*****
NAGISING si Taryn na nag-iisa. Luminga siya sa palibot ng silid.
Ipinatong niya ang kamay sa unan na ginamit ni Mic. Malamig na. Ibig sabihin, kanina pa bumangon ang lalaki.
Alas onse na pala!
Bahagyang namula ang mga pisngi niya. Ngayon lang siya tinanghali ng gising.
Pagkatapos maligo at magbihis, inayos niya ang gulu-gulong kama. Namula nang husto ang mukha niya nang makita ang tuyong mantsa. Binalumbon niya ang kubrekama at inilagay sa hamper.
Kumuha siya ng bago at inilatag sa kama. Mag-a-alas dose na nang matapos siya.
Magtitimpla siya ng kape at pagkatapos maghahanap ng lulutuin para sa pananghalian.
Nakapagluto siya ng sopas. Corned beef at broccoli ang sahog. Cream ang nagpalapot sa sabaw.
Bumukas ang pinto. Si Mic. Parang nagulo sa hangin ang buhok.
Natunaw ang mga buto ni Taryn nang magtama ang mga mata nila.
"Hello, wife." Masuyo ang pagbati ni Mic. Gayundin ang halik sa kanyang bibig.
Nakaramdam agad siya ng pagkasabik.
"Um… nagluto ako ng sopas."
"Hmm, iyon pala ang naaamoy ko. Lika, tikman natin."
Pagkatapos maubos ng dalawang mangkok na sopas, pinangko ni Mic si Taryn.
"Let's go back to the bedroom."
Madilim na sa labas nang muling lumabas ang dalawa. Nagbukas ng pantry at ref. Alak at dalawang mansanas lang ang nakuha.
"Would you like to order pizza or something?"
"This is enough. What about you?"
"I'm starving for only one thing—you!"
Kinabukasan, nag-iisa na naman si Taryn. Pero nang lumabas siya sa kusina, meron ng mga grocery supplies.
'Taryn, I'm at the hospital. Mic.'
Pamaya-maya pa, bumukas ang front door at lumantad si Mic.
"I'm sorry, sweetheart. Inaasikaso ko ang resignation ko sa hospital."
Hinahalikan siya sa pagitan ng bawat salita.
"Oh. Nag-resign ka."
"Now, I'm free. Aalis tayo mamayang gabi," ang nakatawang wika ni Mic.
"Uuwi na tayo?"
"No. Hindi pa tapos ang honeymoon natin. Sa Paris tayo pupunta."
"Paris!" bulalas ni Taryn. Tumawa na rin. "Sa Paris tayo pupunta?"
Tumango ang lalaki. "Tapos sa Hongkong."
Yumapos siya kay Mic. "Pero kahit dito lang tayo, masaya na ako."
Basta kasama ang lalaki, maligaya na siya.
Nangyari na ang kinatatakutan niya. Hindi na kanya ang kaluluwa niya. Ibinigay na niya kay Mic, kasama ang kanyang puso at katawan.
Ngunit saka na niya iisipin ang tungkol doon. Ang mahalaga sa ngayon ay makaamot siya ng ligaya sa piling ng lalaki.
Dahil kapag naubos na ang panahon niya, maiiwan siyang mga alaala lamang ang matitira.
Gagawin niyang ginto ang bawat araw.
Gayon nga ang ginawa ni Taryn. Pawang maliligaya ang mga araw na ginugol nila sa Paris.
Gayundin sa Hongkong.
Ngunit kahit na tuksuhin siya ng lalaki na mag-shopping, mas gusto niya ang magliwaliw sa kungsaan-saan.
Pinakagusto niya ang bawat gabi. Walang kasingtamis ang mga sandali sa mga bisig ni Mic.
Eksaktong ika-dalawang linggo, umuwi sila sa farm. Masiglang sumalubong sa kanila sina Mang Benny at Aling Mely, pati na si Aling Fe at Salve.
"Itay, pasensiya na po. Naging dalawang linggo ang bakasyon ko." Pabulong lang ang paghingi niya ng dispensa sa ama.
"Wala iyon. Na-enjoy ko naman."
"Heto po ang pasalubong namin sa inyo, Itay, Inay," wika ni Mic habang iniaabot ang isang malaking bag.
"Kuu, ba't naman nag-abala ka pa?" ang nahihiyang wika ni Aling Mely. "Salamat ng marami, iho."
"Wala pong anuman, Inay. At eto naman ang sa inyo, Aling Fe at Salve."
Nagkaroon ng maliit ngunit masayang salu-salo. Tila ba matagal nang magkakilala sina Mang Benny at Mic kung mag-usap.
"Balak ko hong magtayo ng klinika dito, Itay."
"Aba, maigi 'yang iniisip mo. Saan mo ba balak itayo?"
Lumakad patungo sa may bintana ang magbiyenan upang ituro ang eksaktong lugar.
"Anak, sana'y huwag kang masaktan nang husto…" Bumulong si Aling Mely kay Taryn. Puno ng pang-unawa.
Lumamlam ang mga mata ni Taryn.
"Mahal ko na po siya, Inay," bulong din niya sa ina.
"Kung anuman ang mangyari, nandito kami ng Itay mo." Pinisil-pisil ni Aling Mely ang mga kamay niya.
*****
MATULING lumipas ang isang taon.
Dumating na ang araw na pinakahihintay ng lahat.
Para kay Taryn, araw ng kamatayan iyon. Pag-asa. Puso. Kaligayahan…
Bisperas pa lang, dumating na sina Ma'am Sonia at Sir Junior.
Si Aling Fe ang nagsabi sa kanya.
"Nandiyan na ang mga magulang ni Sir Mic." Pabulong lang.
Parang binagsakan ng langit ang pakiramdam ni Taryn.
Laluna nang maulinigan niya ang sinabi ng mataray na babae buhat sa sala.
"Huwag mo nang iharap sa amin ang hampaslupang 'yon, Mic. Bukas ay matatapos na ang ugnayan mo sa babaeng iyon!"
Hindi na niya hinintay kung ano ang sagot ni Mic.
Maingat siyang umakyat ng hagdan upang walang ingay na malikha.
Nakaupo siya sa isang silyang nasa sulok ng balkonahe. Nakapaligo na siya at nakalugay ang mahabang buhok.
Hindi na niya sinuklay iyon kaya medyo nakulot habang natutuyo.
Sana man lang, nagkaroon kami ng baby…
"Ano ang gusto mong regalo para sa birthday mo, Taryn?" tanong ni Mic nung isang buwan.
Hindi siya nakasagot. Ang gusto niya ay anak ngunit siguradong tututol ang lalaki.
Wala palya ang paggamit ng proteksiyon. Ibig sabihin, walang planong palawigin pa ang isang taon na palugit.
Isang kuwintas na yari sa diamante ang iniregalo ni Mic sa kanya.
Nagpasalamat siya. Ang inialay naman niya bilang kapalit ay pag-ibig.
'Lolo Michael, tapos na ang pangako ko. Magiging malaya na ako…'
Hindi niya namamalayan na namamalisbis na ang luha sa kanyang mga mata.
Sinubsob niya ang ulo sa mga tuhod na nakatiklop at yapus-yapos. Nanatili siya sa gayong ayos nang matagal.
Nakatulog marahil siya dahil yakap na siya ni Mic nang sumunod na namalayan niya.
"Ssh… everything will be alright, sweetheart. Don't worry."
"Kiss me…" hiling niya.
"Yes…"
Marahan ang naging pagtatalik nila nang gabing iyon. Waring pilit na pinahahaba ang bawat oras.
Ngunit ang sidhi ay lalo pang tumindi. Tila ba ang bawat halik, ang bawat haplos ay mag-iiwan ng marka.
At sa unang pagkakataon, nakalimot si Mic. Hindi ito gumamit ng proteksiyon.
Nagising si Taryn na may ngiti sa labi. Ilang sandali siyang natigilan habang iniisip kung ano ang araw na iyon.
Nang maalala, dagling nawala ang kanyang ngiti.
Babangon na sana siya ngunit may pumigil. Ang mga bisig ni Mic!
Luminga siya. Nakita niyang gising na rin ang lalaki.
"Good morning, wife."
"N-ngayon darating si Attorney Layug, hindi ba?"
"Tinawagan ko kagabi. Sa isang linggo na raw siya paparito."
Napamaang siya. "Pero nandito na ang mga magulang mo—"
"Umalis sila kagabi. Kasama si Desiree."
"S-si Desiree?"
"Humingi ako ng paumanhin kay Papa—bago ko sinabihan si Mama na hindi siya welcome dito."
Bumangon na siya. Hindi makapaniwala sa narinig.
"Mic!" Bumuka at sumarado uli ang bibig niya. Wala siyang masabi.
"Binigyan ko ng ultimatum si Mama—na kapag hindi ka niya maigagalang man lang, hindi na niya ako makikita."
Itiniklop ni Mic sa likod ng ulo ang mga braso. Minasdan siya. Enigmatiko ang mga mata.
"Bakit umiiyak ka sa sulok ng balkonahe?"
"H-ha?"
"Hinanap kita kung saan-saan. Sa cottage ng mga magulang mo. Sa opisina. Sa swine house, cattle house… at kung anu-anong house, pero nandito ka lang pala."
Nagbaba ng tingin si Taryn. Pinanood ang mga daliri.
"N-nagpapaalam ako kay Lolo Michael," pag-amin niya.
"Bakit?"
"D-dahil tapos na ang isang taon." Suminghot siya. Pinahi ng mga daliri ang luhang dumaloy sa pisngi niya.
Hinuli ni Mic ang mga daliring nabasa ng luha. Isa-isang hinagkan.
"I love you, Taryn." Taimtim ang pagkasambit sa mga kataga.
"Mic…"
"Bata pa ako, ikaw na ang crush ko. Ikaw na ang pag-ibig ko. Naaalala ko na. Sinabi ko kay lolo na ikaw ang babaeng pakakasalan ko, paglaki ko."
"Oh, Mic!"
Yumapos na siya sa lalaki. Yumupyop sa malapad na dibdib nito.
"I know it's a positive response… but I want to hear your feelings."
"I love you, I love you, I love you…"
Tumawa ang lalaki. "I want to hear that every day for the rest of our lives, Taryn."
"I love you, Mic… Ang akala ko'y ngayon na ang katapusan…" Hindi niya natapos ang sasabihin dahil sa pagluha. Luha ng kaligayahan.
"Oh, Taryn, ngayon pa lamang magsisimula ang buhay natin."
At bumulong ang lalaki sa teynga ni Taryn.
Namula ang mga pisngi niya pero tumatango. Sikreto ang ngiti.
WAKAS