Chereads / Hot Arranged Marriage / Chapter 5 - Chapter Five

Chapter 5 - Chapter Five

KINABUKASAN nga, naganap ang isang pormal at hungkag na kasalan.

Sa loob ng library ginanap ang maikling seremonya. Ang tanging mga saksi ay sina Junior at Sonia Zabala, Benny at Mely Ferrer, at Attorney Layug.

Wala pang dalawang minuto, naibuhol na ang pansamantalang bigkis na gagapos kina Mic at Taryn sa loob ng isang taon.

Halatang alam na ng huwes ang tutoong sitwasyon. Ni hindi ito nagsabi ng tradisyunal na: 'You may now kiss the bride!'

O naawa na lang dahil ang bibig ng bride ay medyo namamaga pa, sanhi ng isang malakas na sampal ni Desiree?

Matapos pirmahan ang marriage contract at inumin ang isang shot na whisky, nagpaalam na ang matandang huwes. Maliksing nakipagkamay sa pitong kaharap bago nagdumaling lumabas sa pintuan.

Alam rin nina Mang Benny at Aling Mely ang katotohanan.

Napilitan siyang magtapat kagabi upang mapaglubag ang mga damdaming-magulang na nasaling ng pambubugbog ni Desiree sa kaisa-isang anak.

Kung hindi niya isasalaysay ang buong kuwento, hindi niya mapipigilan ang mga magulang sa pagsasampa ng demanda laban sa nobya ni Mic Zabala.

Bandang huli, katulad ng inaasahan ni Taryn, nangibabaw pa rin ang simpatiya at pagmamahal ng mga ito kay Lolo Michael.

"Kundi lang sa mabait na amo natin, hindi ko magagawang palampasin ang pang-aapi nila sa 'yo, Taryn," ang naghihimutok na wika ni Mang Benny.

"Sana nama'y 'wag silang mawiling palagi ka na lang nilang sinasaktan," pagbabanta naman ni Aling Mely. "Kung hindi kayo lalabang mag-ama, ako na lang ang mag-isang maghihiganti!"

"Inay naman. Huminahon po kayo ni Itay. Nabigla lang sila sa gustong mangyari ni Lolo Michael."

"Ikaw rin naman, a? Nabigla ka rin, a?" salo ni Mang Benny.

"Oo nga! Ababa! 'Wag nilang isiping habul na habol ka kay Sir Mic!"

"Tama na po, Inay. Baka ma-tsismis pa po ako. Lalo lang po akong mawawalan ng dignidad."

"Oo nga naman, oy. 'Wag mo nang haluan ng intriga," sang-ayon ni Mang Benny. "Itikom mo 'yang bibig mo--laluna bukas, kung gusto mong padaluhin tayo ng anak mo sa kasal niya."

"O, siya, siya! Tatahimik na po." Nagbaba agad ng tono si Aling Mely. "Bukas na ba talaga ang kasal?"

"Opo."

"May isusuot ka na ba?"

"Kuu, kasal-kasalan lang naman 'yon, oy! Hindi na kailangan ang espesyal na kasuotan."

"Tama po si Itay, Inay. Puwede na po siguro 'yung bestidang pansimba ko."

"Kung gayo'y ang mga pansimba na rin lang namin ni Benny ang isusuot namin."

Sa naging desisyon nilang iyon, lalong lumawig ang distansiyang nakapagitan sa Pamilya Zabala at Pamilya Ferrer.

Ang mag-amang Junior at Mic ay parehong nakasuot ng morning suit. Light brown ang sa ama at dark cream ang sa anak.

Ang ina naman ay makinang na makinang sa suot na mga alahas sa leeg, mga teynga at mga daliri.

Parang ito pa nga ang ikakasal dahil sa suot na white gown.

Ang nobyang si Desiree ay tuluyan nang nawala sa eksena.

Hindi nagpahalatang nanliliit sina Taryn.

Mayroon din silang suot na alahas. Magkapareho ang diamond earrings nilang mag-ina at bagum-bago pa dahil bihirang lumabas mula sa taguan.

Gayundin ang gold watch ng ama.

Ngunit hindi bumagay sa kanilang mga balat na pawang sunog sa araw ang mga palamuting makikinang.

Sinaksihan lang nina Mang Benny at Aling Mely ang pirmahan ng ilan pang papeles sa pagitan ng mga bagong kasal, pagkatapos ay nagpaalam na rin.

Hindi na maitago ang pagkailang.

"A-anak, uuwi na kami ng Itay mo," ang pabulong na paalam ni Aling Mely habang kunwari ay humahalik sa pisngi ni Taryn.

"Oo nga, anak. Bahala ka na dito. Tawagin mo lang kami 'pag kailangan mo ng tulong." Bumulong din ng habilin ang ama, habang humahalik sa pisngi niya.

Gustong mapaiyak ni Taryn. Para kasing naulit ang malungkot na paalaman nila noong magtungo siya sa Australia para mag-aral. Apat na taon siyang nawala noon.

Ngayon naman ay isang taon lang...

"P-palagi po akong pupunta sa bahay," pangako ni Taryn.

Umabrisiyete sa mga braso ng dalawang magulang at inakay patungo sa kinaroroonan nina Sir Junior at Ma'am Sonia.

Sina Mic at Attorney Layug ay mayroong pribadong diskusyon sa isang sulok.

"M-magpapaalam na po sina Itay at Inay, Sir Junior, Ma'am," pahayag ni Taryn.

"Aalis na po kami, Sir, Ma'am," segunda ng mag-asawang Benny at Mely.

"Bakit naman 'sir' at 'ma'am' pa? Magbabalae na tayo, a?" ang nakatawang tugon naman ni Sir Junior.

"Hmp! Hindi sa habampanahon, 'no?" ang pabulong na ingos naman ni Ma'am Sonia.

Nanatiling nakatikom ang palad. Hindi ginaya ang pakikipagkamay ng asawa sa mga magulang ni Taryn.

"'Wag naman kayong magdumaling umalis. Magsasalu-salo pa tayo sa pananghalian, mga balae. Kahit paano'y kailangan nating mag-celebrate," pahayag ni Sir Junior. Inignora ang pagtataray ng kabiyak.

"May mga trabaho po kaming kailangang balikan, sir. Pasensiya na po," wika ni Mang Benny.

"Kung gayo'y magpaalam na rin kayo sa anak natin." Inakbayan ni Sir Junior ang ama ni Taryn para igiya patungo sa kinaroroonan ni Mic.

"Anak, ayaw magpapigil ng bagong Itay at Inay mo. Aalis na raw sila."

"Nagpahain na ho ako ng lunch. Kumain na ho muna tayo." Parang sinseryo ang imbitasyon ng nakababatang lalaki.

Ngunit hindi pa rin nagpapigil si Mang Benny. Talagang hindi kumportable sa pakikiharap sa mga taong mayayaman.

Kung katulad sana ni Tata Michael ang mga ito...

Inggit na inggit si Taryn habang inihahatid ng tanaw ang mga magulang na nakasakay sa loob ng pick-up truck na panghakot ng mga kinumpay na damo.

Kung puwede lang na sumama na rin siya sa pag-alis.

"Dito ka na titira sa Farmhouse--hanggang sa isang taon," wika ng isang baritonong tinig.

Hindi namalayan ni Taryn ang paglapit ni Mic sa likuran niya, ngunit hindi niya ipinahalata ang pagkagitla.

"O-oo," ang maikling tugon niya.

"Pakunwari lang ang pagsasama natin," patuloy ng lalaki. "Pagkatapos ng isang taon, ipapa-annul na natin agad ang ating kasal. Maliwanag ba?"

"Oo." Mas matatag na ang tono ni Taryn. Gayundin ang ekspresyon niya nang luminga sa kausap. "Maliwanag. Hinding-hindi ko kakalimutang kasal-kasalan at bahay-bahayan lang ang namamagitan sa ating dalawa."

Tinitigan siya ni Mic. "Good." Tumalikod ito at humakbang pabalik sa library. "Sasalo ka ba sa lunch?" Parang napilitan lang na alukin si Taryn. Ni hindi huminto sa paglakad.

"Hindi. Salamat na lang." Tulak lang ng kagandahang-asal kaya tumugon si Taryn.

Alam niyang hindi mahalaga kay Mic ang sagot niya.

Humakbang rin siya, patungo naman sa kabilang direksiyon.

Tutoo ang idinahilan ng kanyang ama. Marami silang trabahong kailangang balikan.

Dahil masasakit pa ang ilang bahagi ng katawan, hindi pa niya puwedeng sakyan si Batik.

Ang service na ginagamit niya ay ang lumang owner-type jeep, na ginagamit na pambili ng mga abono sa bayan.

Gulat na gulat si Salve nang makita si Taryn.

"Ate! Ang akala ko'y may sakit ka pa?" bulalas nito habang minamasdan ang kanyang mukha.

Nakalantad ang mga pasa at mga galos dahil hindi niya tinangkang itago sa ilalim ng meyk-ap.

"N-nap'ano ang mukha mo?"

Pilit na ngumiti si Taryn para hindi gaanong masaktan si Salve sa paiwas na tugon niya.

"Alam kong marami pa tayong naiwanang trabaho kaya nagbalik ako kahit hindi pa gaanong magaling. Maaari na ba tayong magpatuloy, Salve?"

Bahagyang namula ang mga pisngi ng nakakabatang babae. "S-sori, Ate Taryn. Pasensiya na sa katabilan ko. Teka't kukunin ko lang ang stenopad at lapis ko."

"Thank you very much, Salve," pahabol ni Taryn.

Huminto ang sekretarya nang makarating sa pintuan. Luminga ito at ngumiti rin.

"Suportado kita palagi, Ate," wika nito bago tuluyang lumabas.

Ang sinabi nito ay katunayan na mabilis kumalat ang balita sa farm.

Maghapong isinubsob ni Taryn ang sarili sa pagtatrabaho.

Matapos masimot ang mga paperworks na nakatambak sa kanyang lamesa, ang pag-a-update naman ng mga records sa computer ang inatupag niya.

Namalayan lang niyang sumapit na ang alas singko nang sumungaw ang ulo ni Salve sa pintuan.

"Ate, mag-o-overtime ba tayo?"

"Hindi, pero gusto ko lang tapusin 'to." Awtomatiko ang pagsagot ni Taryn. Nakatutok pa rin ang atensiyon sa mga numerong nasa monitor.

"Sasabay ako sa dyip mo, Ate. Biyernes ngayon, kaya uuwi ako sa amin."

Sa bayan nakatira ang pamilya ni Salve dahil nagtatrabaho sa munisipyo ang ama. Katulad ng ibang mga empleyado, may libreng tirahan din ang dalaga.

"Suweldo nga pala ngayon, ano?" Nawala na sa isip ni Taryn ang pagdaraan ng mga araw magmula nang mamatay si Lolo Michael.

"Kung matatagalan ka pa d'yan, puwede nating ipahatid sa messenger ang pay envelope mo dito," suhestiyon ni Salve.

"Sige. Salamat sa reminder." Ang talagang nais ni Taryn ay umalis muna ang kausap upang mabuo uli ang konsentrasyon niya.

Ilang minuto pa nga, pinapatay na niya ang computer. Dinatnan siya ni Salve sa aktong nagtataktak ng mga papel na ipapasok sa filing envelope.

"Ako na ang maglalagay n'yan sa filing cabinet," prisinta ng sekretarya. "Heto na nga pala ang pay envelope mo."

"Salamat uli." Isinuksok ni Taryn ang makitid na sisidlan sa bulsa ng puting palda.

"Pupunta lang ako sandali sa comfort room, ha?" sambit niya habang papalabas sa pintuan ng opisina. "Maghintay ka na lang sa dyip para 'di ka mainip."

"Okey, Ate Taryn."

Sinipat ni Taryn ang sarili sa salamin ng banyo. Mapusyaw na ang mga pasa.

Ang mga galos naman ay papatuyo na kaya lalong nahalata. Naging itim na kasi ang mga kulay pulang linya.

Gusto pa sana niyang magtrabaho pero parang binibiyak na ang ulo niya.

Walang imik si Taryn habang nagmamaneho ng dyip.

Si Salve naman ay tila walang napapansin. Palibhasa sanay na sa likas na katahimikan niya.

Panay ang kuwento nito tungkol sa mga bagong pangyayari sa buhay ng ilang ka-trabaho nila hanggang sa makarating sa malaking tarangkahan, kungsaan mayroong waiting shed.

"Salamat, Ate Taryn!" Masiglang kumaway si Salve habang nagmamaniobra si Taryn ng dyip.

Abot-tanaw na ang Farmhouse. Habang papalapit siya, parang bumibigat ang mga gulong ng sasakyan. Parang bumabagal ang takbo.

Ngunit hindi na niya maaaring ipagpaliban ang pag-uwi sa bagong bahay. Kumikirot na ang ilang malalalim na galos na nananatiling sariwa pa. Ipinahihiwatig ng katawan na kailangan na talaga niyang uminom ng mga gamot.

Ang mga personal na gamit at damit ay dala na niya kaninang umaga.

Ipinaiwan ni Attorney Layug sa foyer ang malaking maleta. Inutusan nito ang isang katulong na babae upang dalhin sa itaas ang kanyang bagahe.

Sa gawing likuran ipinarada ni Taryn ang dyip. Sa backdoor siya palaging nagdaraan upang ipaalam kay Aling Fe na dumating na siya.

Ganito ang mga nakagawian niya nung nabubuhay pa si Lolo Michael. Wala naman sigurong masama kaya hindi na niya dapat baguhin.

"Ay, Taryn! Mabuti't nandito ka na! Kanina pa hinahanap ni Sir Mic!" Tila natataranta ang kusinera.

Sumikdo naman ang dibdib ni Taryn. "Bakit daw ho?"

"Naku, e, kailangan mo na 'atang uminom ng mga gamot kanina pa."

"Iinom na nga ho ako ngayon, kaya lang hihingi ho muna ako ng kahit na anong makakain."

"Nagluto ako ng banana cake kanina. Teka't ipagtitimpla kita ng kape."

"Salamat po."

"Sa wakas, natagpuan ko na ang pasyenteng nawawala."

"Ay, kabayong bundat!" Nagulantang ang kusinera. Muntik nang mabitawan ang hawak na cake tray.

Napatayo si Taryn kahit kauupo lang sa silya.

"Saang sulok ng farm ka ba nagtago, Taryn?" pang-uusig ni Mic. Madilim ang anyo habang papalapit sa kanya. "Bakit hindi kita makita?"