"BENJIE" untag niya sa binata. Gaya nang napagkasunduan, naglakad siya pauwi kasama ito. Ang totoo masaya siya, kasi nagkaroon siya ng chance na makasama ito. At kung hihilingin nito, payag siya kahit araw-araw nilang gawin ang ganito.
"Ano iyon?" anitong binalingan siya.
"ARAW-ARAW ba nilalakad mo ito? Dito ka laging dumadaan?" aniya saka humahangang tiningala ang matatandang puno ng akasyang nagmistulang arkong-lilim sa kanilang dinaraanan. Hindi naman simentado ang kalsada pero hindi rin maalikabok kaya walang problema sa kanya.
"Minsan, may bike naman kasi ako kaya iyon ang ginagamit ko" ang binata sa kanya.
"Ako hindi ako marunong mag-bike, ayaw kasi ni Daddy" pagsasabi niya ng totoo.
"Hindi ka marunong? Sige hahanap ako ng pagkakataon para maturuan kita" ang binitang kinindatan pa siya bago nagpatuloy sa iba pa nitong gustong sabihin. "oo nga pala, if you don't mind, mabuti dito ka pinag-college ni sir Roberto?"
"Nakakahiya man pero nabarkada kasi ako noong high school" amin niya. Tumawa lang si Benjamin kaya nagpatuloy siya. "pero ang totoo mas okay iyon, at least nakasama ko si Lolo at nakilala ko si Roxanne, pati narin ikaw" ang huling sinabi niya ay hindi na halos nanulas sa mga labi niya dahil sa hiyang nararamdaman niya.
Wala sa loob na napatingala siya kay Benjamin nang magsalita ito sa masiglang tinig. "Really? Kasama talaga ako sa mga dahilan mo? Hindi ka nagbibiro?"
"I'm not joking! Anyway thank you for the walk. Sana hindi pa ito ang huli?" nang matanawan niya ang malaking gate ng mansyon ay nakaramdam ng pagkabitin si Sara.
"Definitely not, at kung papayag ka pwede nating gawin ang ganito kahit kelan mo gusto, magsabi ka lang. Para naaarawan ka rin, napakaputi mo, para kang gatas" nag-init ng mukha ni Sara nang makita niyang hinagod siya ng tingin ng binata mula ulo hanggang paa.
"B-Bakit ayaw mo ba sa babaeng maputi?" lihim na pinagalitan ni Sara ang sarili dahil doon. At kung pwede lang sana lamunin nalang siya ng lupa dahil sa tindi ng kahihiyang nararamdaman.
RUMEHISTRO noon sa mukha ni Sara ang insecurity kasabay ng tanong na iyon. Pero sa halip na magalit sa sarili ay iba ang naramdaman ng binata dahil talagang natuwa siya. Hindi naman kasi itatanong iyon ng dalaga kung hindi big deal dito ang mga preferances niya.
"You know what; you have the most beautiful face in the world for me. Iyon din ang naramdaman ko noong una kitang nakita, noong burol ng Lola mo. And your smile, so warm na parang kayang haplusin ng mainit na damdamin ang puso ng kahit sino. I think iyon ang pinakadahilan kung bakit ni hindi kita malapitan, binibigyan mo ako ng insecurity sa paraang hindi masama. Kundi sa paraang parang gusto kong magsikap at magpursige para pagdating ng araw maging karapat-dapat ako para sa'yo" ang makahulugan niyang hayag saka maingat na ginagap ang kamay ni Sara na narinig niyang marahas na napasinghap dahil doon.
Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila pagkatapos ng sinabi niyang iyon. Pero sa kabila ng pagkailang na alam niyang nararamdaman ni Sara para sa kanya, wala siyang pinagsisisihang inamin niya iyon. Dahil iyon naman talaga ang totoo niyang nararamdaman para rito. At pinanatili rin niya ang kamay niyang nakahawak sa kamay ng dalaga. Lihim pa siyang nagpasalamat dahil hindi binawi ni Sara ang kamay nito sa kanya. Pinakawalan lang niya iyon nang malapit na sila sa gate ng mansyon.
"So paano, magkita nalang tayo sa school?"
Tumango si Sara. "Thank you Benjie, mag-iingat ka."
"Nag-enjoy ako" pag-amin niya.
"Same here" ang nakangiting tugon ng dalaga. Hinintay muna niya itong makapasok bago siya nagsimulang maglakad pabalik.
Noon akala ko hanggang pangarap ka lang, at hanggang tanaw lang ako sayo kasi matayog ka. Ngayon napatunayan kong posible paring maglapit ang langit at lupa, kung gugustuhin ng pagkakataon. Aniyang sinimulan nang maglakad pauwi.
"PASENSYA kana hijo, gabi na ay ipinasundo pa kita" ang bungad na paumanhin sa kanya ni Don Antonio kinagabihan. Katatapos lang nilang kumain nang hapunan nang dumating sa kanila si Mang Turo at sabihing pinasusundo siya ng matanda.
Tumango lang siya ng nakangiti saka hinagod ng tingin ang kabahayan, umaasang makikita doon si Sara pero nabigo siya. "Maupo ka, nasabi sa akin ni Sara na may cellphone number ka sa kanya. Pero dahil alam niyang gabi na, iginiit niyang ipasundo ka nalang namin kay Turo. Malaki ang kutob kong gusto ka ng apo ko" ang prangkang sabi ng matanda.
Nabigla doon si Benjamin saka naiilang na naupo nang ituro ng matanda ng sofa na katapat ng okupado nito. "M-Magkaibigan lang po kami ni S-Sara" pagsasabi niya ng totoo.
Tumawa ng mahina si Don Antonio saka siya pinakatitigan. "Kapag nakikita kita para kong nakikita ang sarili ko noon. Pero kailangan kong amining mas magandang lalake ka kaysa sa akin" anitong tumawa ulit pagkuwan.
Napangiti siya sa nakitang reaksyon sa mukha ng matanda. "Salamat po."
"Hindi ko na patatagalin pa" pagkuwan ay nagseryoso ang matanda pero nasa mabait parin nitong mukha ang kasiyahan kaya mabilis na nawala ang kaba sa dibdib niya. "gusto kitang pasalamatan ng personal, sa ginawa mong pagtatanggol sa apo ko. Nasabi niyang natanggal ka raw sa trabaho dahil doon?" alanganin siyang napatango."Gusto kitang tulungan, bukod sa ito rin ang gustong mangyari ni Sara."
"Ano pong ibig ninyong sabihin?" naitanong niya sa wakas.
"Gusto kitang gawing personal na driver ng apo ko. Kapalit ng malaking sweldo, alam ko ligtas siya kapag kasama ka niya kaya ko narin ginagawa ito."
Matagal niyang pinakatitigan si Don Antonio. Sinusukat kung nagbibiro ba ito o seryoso. "T-Talaga ho?" sa kabila ng lahat iyon lang ang nasabi niya.
"Nasa sa iyo kung tatanggapin mo, pero matutuwa ako kung pauunlakan mo ang alok ko. Ang totoo niyan malaki ang tiwala ko sa'yo, alam kong hindi mo sasamantalahin iyon" makahulugan ang huling sinabi ng matanda na nakuha naman niya ang ibig sabihin.
Hindi siya nakaimik at biglang nalito. Alam niya ang gustong sabihin ni Don Antonio. May tiwala ito sa kanya, ibig sabihin kung anuman ang nararamdaman niya para kay Sara ay magkokontrol siya, dahil sa tiwalang ibinigay nito sa kanya na kailangan niyang ingatan at alagaan.
"Minsan may mga nararamdaman tayong mas mainam na itago, o kontrolin na muna pansamantala lalo na kung alam mo sa sarili mong makapaghihintay naman iyon, o kaya'y lumipas man ang maraming taon mananatiling hindi nagbabago at nasa iyo paring puso" ang matanda nang manatili siyang hindi nagsasalita. "matutulog na ako hijo, si Turo na ang maghahatid muli sayo. Pag-isipan mo ang alok ko at bukas kailangan ko ng sagot mo" nasa tono ni Don Antonio ang pinalidad.
Nang maihatid siya ni Mang Turo ay hindi muna siya pumasok at minabuting maglagi sa upuang kawayan na nasa ilalim ng punong mangga sa harapan ng kanilang bahay. Iniisip niya kung tatanggapin niya ang alok ni Don Antonio, kailangang pigilan niya ang anumang nararamdaman niya para kay Sara.
Maganda naman ang alok ng matanda. Pero wala siyang tiwala sa sarili niya. Alam niyang matindi ang atraksyong nararamdaman niya para kay Sara at kung araw-araw niya itong makakasama hindi malayong mahulog siya ng tuluyan sa dalaga.
Pero kailangan niya ng trabaho. Kailangan niyang tulungan ang Lolo at Lola niya, tutal graduating narin naman siya. Noon niya naisip na tama nga si Don Antonio, may mga damdaming mas mainam na kontrolin at itago na muna. At ngayon, sa sitwasyon niya, alam niyang iyon ang kailangan niyang gawin. Para sa mas magandang hinaharap, dahil kung tutuusin bata pa naman talaga si Sara. At may palagay siyang hindi siya papaboran kung hindi man ni Don Antonio ay ng mga magulang nitong sina Roberto at Betty.
Ano ba ang gusto mo iyong magpipigil ka ng nararamdaman mo pero kasama mo siya? O magmamadali ka tapos bukas wala na siya? Ang kabilang bahagi ng isipan ni Benjamin na nagbigay kalinawan sa kung ano ang dapat niyang gawin.