Chapter 9 - PART 9

KINABUKASAN sa university minabuti niyang sadyain si Benjamin sa college building nito. Sakto namang nasa labas corridor ang binata nang marating niya ang second floor ng gusali. Malayo palang ay nakangiti na ito nang makita siya, at lihim siyang kinilig dahil doon.

"May kailangan ka?" ang mabait nitong tanong nang makalapit siya.

"Kukumustahin lang kita" aniyang sinipat ang pasa sa kaliwa nitong pisngi.

"Okay lang ako" anito saka siya tinitigan ng matagal.

"M-May pasok ka ba mamaya sa panciteria?" hindi niya naiwasan ang panginigan ng tinig epekto ng titig sa kanya ni Benjamin.

Noon biglang nalungkot ang mga mata ng binata saka tumingin sa malayo at nagsalita. "Natanggal ako eh" anito saka siya sinulyapan.

"Ano? Ikaw na nga itong sinaktan ikaw pa ang tinanggal?"

"Hayaan mo na iyon, makakahanap naman ako sigurado ng bagong trabaho" si Benjamin na pinatatag ang tinig. "ganoon talaga, customer is always right nga hindi ba?"

Tumango siya saka inilabas ang cellphone na nasa bulsa ng suot niyang uniporme. "Ibigay mo sa akin ang number mo baka sakaling may maitulong ako sa'yo" kahapon pa niya hinihintay na hingin ni Benjamin ang cellphone number niya. Pero bigo siya, naunawaan naman niya ang binata. Baka nahihiya ito.

"Thanks" aniya.

"Ang totoo matagal ko nang gustong hingin ang number mo, naiilang lang ako. Siguro alam mo naman kung bakit hindi ba?"

Maluwang siyang napangiti. "Alam ko, at naiintindihan ko. So ano, may gusto ka pa bang sabihin o ako na ang magsasabi kasi nahihiya ka?" biro niya.

Naiiling siyang pinagmasdan ni Benjamin habang nangingislap ang mga mata sa pagkakangiti. "May sundo ka ba mamaya?"

"Oo, bakit?" hindi niya maintindihan pero ang kilig at pananabik sa puso niya nang mga sandaling iyon ay talagang hindi niya maikakaila.

"Yayayain sana kitang maglakad pauwi, para maiba lang. Mga kulang isa't kalahating oras na lakaran, kaya mo kaya" anito.

"Oo naman, no. Sige payag ako" kulang pa iyon kasi gusto kitang makasama ng matagal alam mo ba? Ang gusto sana niyang idugtong pa pero minabuti niyang huwag nalang.

"Great" ang masayang sambit ni Benjamin.

"Sige sasabihan ko nalang si Tata Turing saka magpapaalam ako kay Lolo" excited niyang turan.

"Okay, sige na baka ma-late ka pa sa klase mo. Ingat ka" ang binata sa kanya.

"See you" aniya bago ito iniwan.

HINAYAAN muna ni Benjamin na makababa ang dalaga bago siya pumasok sa loob ng kanilang classroom. Ilang sandali pa narinig niyang tumunog ang kanyang cellphone. Napangiti siya nang mabasa ang mensahe.

Hi, it's me Sara. Paki-save nalang ng number ko. Thanks. J

Noon napuno ng tuwa ang puso ng binata saka nakangiting nag-reply. Okay, salamat ulit. See you later. J

Ang totoo hindi siya nanghihinayang sa trabahong nawala sa kanya. Dahil alam niya mismo sa sarili niyang mas pagsisisihan niya sakaling hinayaan niyang mapahamak si Sara sa Billy na iyon. Naikwento narin naman niya sa Lolo at Lola niya ang nangyari at nauwaan ng mga ito. Kaninang umaga tinawagan siya ng may-ari mismo ng panciteria at sinabing huwag na siyang pumasok dahil nga sa nangyaring gulo kahapon kung saan siya na-involve.

Ngayon alam ko nang maraming imposible akong kayang gawin lalo na kung para sayo. At tama nga si Derang, walang ibang babaeng babagay sa akin kundi ikaw lang, dahil ikaw lang ang nakapagparamdam sa akin ng ganito. Kaya magsisikap ako, para mabigyan kita ng magandang hinaharap pagdating ng panahon.

"BAKIT parang ang saya mo yata? Saka saan ka nagpunta kanina?" usisa ni Roxanne sa kanya nang datnan niya ang kaibigan sa classroom para sa susunod nilang klase.

Hindi niya napigilan ang kiligin nang magkahugis sa isipan niya mismo ang mukha ni Benjamin. "Wala, kinausap ko lang si Benjie" aniya saka matamis na nginitian ang kausap.

Nakita niyang nagsalubong ang mga kilay ni Roxanne. "Teka nga, umamin ka sa akin" anito sa kanya.

Noon siya nangingiting nagtaas ng kilay. "W-What?"

Amusement ang nasa mga mata ni Roxanne na hindi naitago ng tono at ngiti nito. "Crush mo ba si Benjamin?"

Nahihiya siyang napakagat labi. "Hindi ah, tumigil ka saka huwag kang maingay baka may makarinig sa'yo."

Mahinang tawa lang ang isinagot muna ni Roxanne bago nagsalita. "Umamin kana kasi hindi ka naman nag-iisa, marami dito sa school ang may crush sa kanya. Kasi bukod sa gwapo na, matalino at sobrang sipag pa."

Nagbuntong hininga siya sa sinabing iyon ng kaibigan niya. "Gwapo naman kasi talaga si Benjie, kaya imposibleng walang magkagusto sa kanyang iba" wala sa loob niyang bulong na umabot naman sa pandinig ng kaibigan niya.

"So, inaamin mo nang crush mo siya?" ang ngiting-ngiti na tanong sa kanya ni Roxanne.

Umikot ang mga mata ni Sara sa narinig. "Hay naku, oo na. Basta huwag kang maingay dahil sayo ko lang sinabi ang tungkol diyan" aniya.

Tumawa si Roxanne at inagaw niyon ang atensyon ng ibang kaklase nilang nasa loob ng silid. Noon niya tinapik ng mahina na braso nito. "Kasasabi ko lang ano ka ba" aniya sa mababang tinig.

Kinikilig na humagikhik si Roxanne. "Sorry, hindi ko mapigilan eh. Kasi naman ang swerte mo. Alam mo ba feeling ko may gusto rin siya sa'yo. Kasi kita mo pinagtanggol ka niya kahapon? Para siyang knight in a shinning armour."

Noon siya nalungkot bigla. "Iyon na nga eh, natanggal tuloy siya dahil sa pagtatanggol niya sa akin."

"Ganoon? Alam mo iyan naman ang hindi ko maintindihan sa ibang employer kung minsan. Iyong tao na nga nila ang nasaktan at na-agrabyado siya pa itong inalisan ng trabaho" nasa tono ni Roxanne ang pagkainis. "subukan mo siyang ilapit sa Lolo mo, tutal kahit ikaw aminadong ikaw ang dahilan kung bakit siya nawalan ng trabaho di ba? Kasi pinagtanggol ka niya?" kumbinsi sa kanya ni Roxanne.

Tumango siya. "Ganoon na nga ang gagawin ko, mamaya sabay kaming uuwi. Maglalakad kami. Ang sabi niya para maiba lang daw" noon bumalik ang pananabik at sigla sa kanyang tinig.

"Baka ma-in love ka sa kanya, sa tingin mo matatanggap kaya siya ng pamilya mo kung sakali?"

"Ano ka ba, crush palang wala pang ganoon kalalim na emosyon" aniyang tumatawa.

"Sa nakikita ko kasi doon kana papunta. Kaya pinapaalalahanan lang kita" ang kaibigan niya.

"Thank you, hayaan mo kapag nandoon na ako, ikaw ang unang makakaalam" totoo iyon sa loob niya.