TWO WEEKS LATER…
"SARA" si Roxanne iyon. Ang kaklase at ngayon ay maituturing narin niya kaibigan niya. Magkatabi ang upuan nila nito kaya sila naging close simula palang noong unang araw niya sa Roswell University. Ayon sa kwento nito ay may kapatid itong lalaki na apat na taong gulang palang, si Alex. Ang Daddy ni Roxanne ay bank manager sa malaking banko sa bayan habang ang Mommy naman nito ay isang plain housewife.
"Yeah?" ang nakangiti niyang baling sa kaibigan saka ibinalik ang tingin sa binabasang libro.
"Nagugutom ako, kain muna tayo baka mamaya andiyan na iyong sundo mo eh" yakag nito sa kanya.
"Sige ba" ayon niya.
Noon nagmamadaling isinukbit ni Roxanne ang strap ng bag sa balikat nito. "Doon tayo sa panciteria diyan sa labas, masarap ang halo-halo nila" anito nang magkaagapay na silang naglalakad palabas ng kanilang college building.
Hindi malayo ang kainan na sinasabi ni Roxanne. Sa loob halos mapuno iyon kaya naisip niyang masarap nga marahil ang pagkain. Ang bakanteng mesa malapit sa entrance ang pinili nila. Si Roxanne na ang nagprisintang oorder ng pagkain nila kaya hinintay nalang niya ito sa kanilang mesa. At noon nga niya napansin ang apat na lalaking katapat mismo ng mesang okupado niya. Lahat nakatingin sa kanya.
Hindi unipormado ang mga ito kaya naisip niyang baka hindi estudyante ng Roswell. Mabilis na umiwas siya ng tingin nang mapuna ang kakaibang titig sa kanya ng isa sa mga ito na sa tingin niya ay siyang leader ng grupo.
Ilang sandaling itinuon niya ang pansin sa labas ng kainan saka pinanood ang pag-park ng isang single na motorsiklo doon na pag-aari na naturang panciteria dahil sa suot na uniporme ng driver. Para lang mapangiti nang hubarin nito ang suot na helmet.
Benjie! Ang kinikilig na hiyaw ng isipan niya saka sinundan ng tingin ang papasok na binata. Sanay siyang makakita ng gwapo. Maraming ganoon sa Norway, pero hindi niya maintindihan kung bakit iba ang dating sa kanya ni Benjamin.
Moreno si Benjamin, matangkad at may magandang pangangatawan. Ang buhok nito itiman at umabot sa ilalim ng magaganda nitong mga mata. Makakapal ang kilay, matangos ang ilong at ang labi manipis at likas na mapula.
Si Benjamin ang para sa kanya ay ang perpektong halimbawa ng isang lalaking parang iginuhit ang mukha kaya wala maipintas sa angkin nitong karisma at kagwapuhan. At sa totoo lang, kahit hindi ito ngumiti talagang napapatalon ng simpleng sulyap nito ang puso niya.
Hindi niya hiniwalayan ng tingin ang binata. Kaya naman nang marahil maramdaman nito ang mga titig niya ay maluwang itong napangiti. Noon nahantad sa kanya ang perpektong set ng ngipin ni Benjamin. Mabilis na kumabog ang dibdib niya nang humakbang ito palapit sa kanya.
"Wala kang pasok?" nang makalapit sa kanya ang binata.
Mabilis niyang nalanghap ang mabangong scent ng cologne ni Benjamin. Sandali niya itong tiningala saka sinalubong ang mga titig pero hindi niya kinaya kaya umiwas siya ng tingin. "W-Wala eh, pauwi na ako niyan mamaya" aniya.
Tumango ang binata. "Kakain ba kayo? Sige libre ko na."
Magkakasunod siyang napailing. Si Aling Norma ang pinagtanungan niya ng maraming bagay tungkol kay Benjamin. Dahil nga crush niya ito, interesado siyang malaman ang buhay ng binata. Kaya alam niyang hindi kalakihan ang sinasahod nito sa pagiging crew doon dahil ayon narin sa kanilang mayordoma, per oras ang bayad. At dahil nga full-scholar at estudyante, sandali lang ang shift na inilalagi doon sa kainan ng binata.
"Huwag na nakakahiya naman" protesta niya.
"Alam ko kung ano ang iniisip mo, pero hayaan mo na ako. Okay?" hindi parin inaalis ng binata ang mga mata nito sa kanya kaya tila wala sa sarili siyang napatango.
"O-Okay" aniya.
Ngumiti ito."Good girl" bago siya tinalikuran.
Ilang sandali mula nang iwan siya ng binata ay noon niya tinapunan ng tingin si Roxanne. nakita niyang susunod na ito sa babaeng kausap ng kahera. Nangalumbaba siyang ibinalik ang paningin sa labas ng kainan. Dahilan kaya hindi niya napuna ang lalaki sa kabilang mesa na tumayo. Napansin lang niya ito nang maupo sa silyang katapat ng kanya.
"Miss" untag nito kaya siya natigilang napatuwid ng upo. "Billy, ikaw anong pangalan mo?" may kayabangan nitong pakilala sabay lahad ng kamay sa kanya.
Hindi niya ito pinansin at sa halip ay walang imik na ibinaling muli sa labas ang paningin. Noon nagtawanan ang tatlo pa nitong kasama na iniwan nito sa kabilang mesa.
"Wala Billy, daig ka pala ng delivery boy na iyon oh?" ang isa sa tatlong kasama ni Billy na sinundan pa ang sinabi ng malakas na tawa kaya nagtawanan narin ang dalawa pa nitong kasama.
Sumikdo ang matinding takot sa dibdib ni Sara dahil doon. Wala sa loob niyang sinulyapan ang lalaking nakaupo parin sa kanyang harapan. "Pinapahiya mo ako Miss" anitong tumayo. "ano iaabot mo ba ang kamay mo o hindi?" nasa tono nito ang babala.
Sunod-sunod siyang nagpakawala ng buntong hininga. Mayamaya pa ay nasa likuran na ni Billy si Roxanne na kusang umalis sa pila nito para daluhan siya. "Halika na Sara sa canteen nalang tayo kumain."
Tumayo siya pero mabilis na nahawakan ni Billy ang braso niya. Napahumindig siya saka mabilis na umigkas ang kanan niyang kamay at malakas itong sinampal. "Bastos!" aniyang galit na galit.
Nang magpalakpakan ang tatlong kasama ni Billy ay galit itong hinarap ng lalaki saka pinagmumura. Pagkatapos ay itinaas nito ang kanang kamay at akmang sasampalin siya. Napapikit doon si Sara at hinintay ang pagdapo ng malakas na sampal sa kanyang pisngi pero hindi iyon nangyari. Sa halip ay boses ni Benjamin ang narinig niya.
"Sir babae iyan" si Benjamin hawak ang kamay ni Billy.
"Hindi kita kilala kaya bitiwan mo ako!" nanlilisik ang mga matang banta ni Billy.
Dahil sa tagpong iyon ay mabilis na naglabasan ng panciteria ang mga kumakain. "Sige na Sara umalis na kayo" mayamaya ay taboy sa kanila ni Benjamin.
"Tangina ka, ano bang pakealam mo ah!" ang galit na galit na bulyaw ni Billy kay Benjamin saka nito malakas na sinapak ang binata kaya ito nabuwal sa sahig.
"B-Benjie!" aniyang nag-aalala itong nilapitan.
"Okay lang ako" anitong ngumiti sa kanya saka pinahid ng tila walang anuman ang dugo sa gilid ng labi nito saka tumayo. Habang si Billy noon ay hawak na ng mga kaibigan nito at iginiya palabas ng kainan.
Nag-aalalang hinawakan niya ang mukha nitong ngayon ay nagsisimula ng mangitim. "O-Okay ka lang ba talaga? Are you sure?"
Nang yukuin siya ni Benjamin saka tinitigan ay mabilis niyang inialis ang kamay sa mukha nito. "Sinabi ko naman sa'yo di ba? Okay lang ako" anitong sinundan pa ang sinabi ng mahinang tawa.