Lunes nang makabalik si Rina sa trabaho. Alas kuwatro nang umaga siya bumiyahe para makarating agad sa mansion ng Ledesma.
Nasa asotea siya upang abangan ang paglitaw ng araw. Masarap pagmasdan ang pagsikat nito sa puwesto niya dahil nasa mataas siyang lugar. Bukod sa mga bundok at kalangitan ay natatanaw niya rin sa malayo ang mga maliliit na kabahayan na bukas ang mga ilaw. Parang maliliit na bituin sa lupa ang mga bahay na iyon na may mumunting liwanag.
Hindi kalakihan ang Baranggay San Pascual. Halos maliliit na kabahayan lang ang makikita rito. May mga malalaking bahay rin subalit wala pang tatalo sa laki ng mansion ng Ledesma.
"You're here."
Napalingon si Rina sa nagsalita sa likod niya. Si Theo iyon na naglalakad palapit sa direksyon niya subalit bigla na lamang itong huminto nang malapit na ito sa glass door. Umatras ito nang bahagya.
Ngumiti si Rina at hinatak sa kamay si Theo palabas. Kailangan nitong subukan lumabas. Kung hindi nito gagawin iyon ay paano ito masasanay? Paano nito makakalimutan ang pinagdaanan nito noon kung palagi nitong kinukulong ang sarili?
"Wait," nauutal na pigil nito sa kaniya habang pilit na tinutukod ang isang paa para hindi niya ito magawang hatakin.
"Ano ka ba, okay lang 'yan," pangungumbinsi ni Rina sa lalaki.
Dahan-dahan silang naglakad. Nang makalapit ay nilagay ni Rina ang kamay ni Theo sa harang.
"Ano bang nakakatakot sa paglabas? Ayaw mo bang makita ang ganda ng mundo?"
Umismid si Theo at nanatili lang ang tingin sa isang direksyon. Halos hindi nito ginagalaw ang ulo at katawan.
"Anong nangyari sa 'yo? Naestatwa ka na riyan," natatawang sabi ni Rina habang nakatitig sa lalaki.
"Shut up!"
"Enjoyin mo kaya ang paligid."
"I'm trying. Tinitingnan ko naman kaso wala talagang maganda sa nakikita ko. It is all junk. Mga maliliit na bahay. Iyon lang."
"Aminin mo, kailan ka huling nakalabas ng bahay niyo?"
Napakapit si Theo nang mahigpit sa hawakan sa Asotea. Naalala niya na naman ang nangyari noon dahil sa tanong ni Rina sa kaniya.
Walong taong gulang pa lang siya noon ay palagi na siyang mag-isa dahil palaging wala ang mommy at daddy niya. May mga kasambahay pa sa mansion ng Ledesma noon. Sila rin ang palaging nagbabantay at nag-aalaga sa kaniya. Subalit dahil musmos pa ay hindi maiaalis sa kaniya ang kagustuhan na makita ang mundo. Lumabas siya ng mansion nang mag-isa. Hindi siya nagpaalam dahil alam niyang hindi siya papayagan ng mga masusungit nilang kasambahay.
Noon pa man ay napakahigpit na rin ng ama niya sa kaniya. Lagi siya nitong pinagbabawalang lumabas ng bahay. Elementarya pa lang siya noon at ang tanging napupuntahan niya lang ay ang school at mansion nila.
Dala na rin ng kuryosidad at kasabikan na makita kung ano pa ang nasa labas, pinili niyang umalis ng mansion at hanggang sa may taong humarang sa daraanan niya. Binuhat siya nito at sinabit sa balikat na animo'y nagbubuhat lang ng isang sakong bigas.
Napaatras si Theo at napabalik sa loob ng mansion. Mabilis ang paghinga niya at nanlalaki ang mata na para bang nakakita ng nakakatakot na nilalang. Napatid siya at napaupo sa sahig.
"Theo, okay lang 'yan."
Nakita ni Theo ang imahe ng kaniyang ina na yumakap sa kaniya. Yumakap din siya rito pabalik. "Theo, okay lang. Walang mangyayaring masama."
Napakurap si Theo nang marinig ang boses ni Rina sa halip ang kaniyang ina. Doon ay napagtanto niya na si Rina ang yumakap sa kaniya at hindi ang kaniyang ina.
"Rina," mahinang sabi niya at inalis ang kamay sa likod ng babae.
"Okay ka na?" tanong nito.
Tumango siya at saka tumayo. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw na niyang lumabas ng mansion, alam niyang maaalala na naman niya ang nangyari noon. Kaya dati pa lang ay tumatanggi na siyang lumabas dahil sigurado siyang babangungutin na naman siya ng nakaraan.
Sumikat ang kulay kahel na araw kaya lumiwag sa direksyon nila. Magkaharap sina Theo at Rina habang tinititigan ang isa't isa. Nag-aawitan ang mga ibon at nagpapalakasan sa pagbati ang mga manok mula sa maliliit na kabahayan. Paunti-unting namamatay ang ilaw sa mga poste at ilaw sa mga bahay dahil napalitan na iyon ng liwanag mula sa araw.
Nakangiting tumingin si Rina sa labas habang dinadama ang dampi ng init sa kaniyang balat. Huminga siya nang malalim at tinaas ang dalawa niyang kamay.
"Theo, tingnan mo ang araw oh, ang ganda!" Tinuro ni Rina ang araw.
Napailing si Theo at tiningnan din ang tinuro ni Rina. Hindi niya namalayan na kanina pa pala siya nakatitig sa babae. Lumabas pa lalo si Rina kaya nakita niya kung paano nito iunat ang mga kamay at paa.
Inalis niya ang tingin sa babae at tumingin din nang mabuti sa araw. Tama nga si Rina dahil magandang pagmasdan ang paglitaw ng araw at masarap din sa pakiramdam ang init na binibigay nito sa kaniyang balat. Para siyang nabuhayan ng dugo. Pakiramdam niya ay ang sigla-sigla niya.
Lumingon si Rina sa kaniya. "Oh diba? Sabi ko sa 'yo ay magugustuhan mo rin ang sunrise eh," ngiting-ngiti na sabi Rina.
"Rina, nasa'n na pala ang pasalubong ko?" Kunot ang noo ni Theo habang pinapaalala kay Rina ang pasalubong na pinangako nito.
"Ay oo nga pala!"
Mabuti na lang talaga ay naalala ni Rina ang tungkol sa pasalubong na iyon bago pa siya makabalik ng mansion. Kanina habang pauwi siya ay saka pa lamang siya bumili ng ipapasalubong dito.
Nagmadaling siyang bumaba at nagtungo sa kusina. Lumapit siya sa mesa at kinuha ang isang box doon. Tatakbo sana siya paakyat ng hagdan ngunit huminto siya nang makitang pababa na rin si Theo.
"Theo!" Kumaway siya habang binabandera sa lalaki ang dala niyang kahon.
"What's that?" tanong ni Theo nang tuluyan itong makababa sa hagdan.
"Pandesal," pagmamalaki niya sa dala.
"What? Pandesal?" Kunot-noong tanong ni Theo. Hindi siya makapaniwala na ang pasalubong na hinintay niya ng dalawang araw at dalawang gabi ay isa lamang pandesal.
"Ano ka ba, espesyal na pandesal kaya ito. May malunggay. Tingnan mo nga maganda pa ang kahon na lagayan, parang doughnut lang."
Binasa ni Theo ang nakasulat sa kahon. 'Special na pandesal para sa special na minamahal.' Napahawak siya sa sintido at nagpatuloy sa pagbabasa. 'Mata's Hot Pandesal'
"Wait, hindi lang ito, may binili rin akong pansit."
Binuksan ni Rina ang nakatakip sa mesa upang ipakita ang isang bilao ng pansit.
"Magpapakulo lang ako ng tsokolate, masarap iyan ipares dito," sabi ni Rina habang inaamoy ang usok mula sa pandesal. Mainit-init pa iyon dahil sa malapit lang siya bumili. Sinabay niya na rin bilhan ang mga guwardiya sa labas para makapag-almusal na rin ang mga ito. Kahit naging masungit sa kaniya ang mga guwardiya noong unang kita nila ay wala naman siyang galit sa mga ito. Sinusunod lang ng mga ito ang inutos sa kanila ng amo.
Alas singko pa lang ng umaga at ang madalas na oras ng almusal ni Theo ay alas nuwebe.
"Kumain na tayo ngayon kasi hindi na ito masarap kainin kapag 'di na mainit," sabi ni Rina. Kumuha siya ng isang pandesal at sinubo iyon kay Theo. Muntik pa iyon mahulog dahil nabigla si Theo sa ginawa niya.
Tinanggal ni Theo ang pandesal sa bibig matapos kumagat doon.
"Ano? Masarap diba?" Malapit ang mukha ni Rina kay Theo dahil naghihintay siya nang magiging komento ng lalaki sa lasa ng pandesal.
"Nothing special, ordinary," komento ni Theo. Halos hindi na maintindihan ang sinabi nito dahil puno ang bibig nito habang nagsasalita.
"We? Di nga. Mukhang sarap na sarap ka eh."
Umismid si Theo. Ang totoo ay nagustuhan niya talaga ang lasa ng pandesal. Ngayon pa lang siya nakakain noon dahil ang madalas na laman ng refrigerator nila ay tasty bread na binili sa grocery. Hindi sila bumibili ng tinapay sa maliliit na bakery.
Pinagmasdan ni Theo si Rina. Nilalagay nito ang pandesal sa malaking plato. Naglabas din ito ng dalawang babasagin na plato at dalawang tinidor. Nilagyan siya nito ng pansit sa plato niya bago naglagay ng para sa sarili. Nangalumbaba siya. Naalala niya na naman ang ina sa babaeng kaharap. Ganoon din siya asikasuhin ng ina noon.
"Rina, hindi ka ba natatakot na kasama mo ang isang tulad ko sa mansion na 'to?" tanong niya.
"Hindi, bakit naman ako matatakot sa 'yo? Hindi ka naman masamang tao," sagot nito habang nagsasalin ng tsokolate sa tasa niya.
"Aren't you afraid in my condition?"
"Bakit naman ako matatakot? As long as hindi ka nananakit ay hindi ako matatakot."
"Pero noong araw na ano...na nangyari iyon..."
"Kalimutan mo na 'yon. Sabi ko nga na naiintindihan ko na nadala ka lang ng galit mo. Oo, noong una aaminin ko na natakot talaga ako pero unti-unti na kitang naiintindihan." Sumubo si Rina ng pansit at nginuya iyon.
"Gulat na gulat ka nang makita kami ni Mom na parehong nakahubad. Don't you believe na magagawa ko 'yon sa sarili kong ina?"
Napansin niya ang paglunok ng laway ni Rina. "Hindi."
"What if I told you that I'm attracted to my mother?"
Napanganga si Rina. "Ha?"
"Nothing. Kalimutan mo na ang sinabi ko," pagbawi ni Theo sa sinabi.
Huminga si Rina nang malalim at sinabi, "Siguro nalilito ka lang sa nararamdaman mo. Iba ang pagmamahal na nararamdaman mo sa mommy mo. Hindi 'yon katulad ng inaakala mo," paliwanag ni Rina. Sigurado siyang nalilito lang si Theo dahil hindi pa nito nararanasan na umibig ng babae. Paano nga naman nito mararanasan iyon kung nagkukulong ito sa mansion? Wala itong makikilalang ibang babae.
Nilapit ni Theo ang mukha sa kaniya kaya napahinto siya sa pag-nguya. Sobrang lapit na ng mukha nito sa kaniya at hindi niya alam ang gagawin.
"Then show me the love you are talking about..."
Nanlaki ang mata niya nang ilapat ni Theo ang labi nito sa kaniya. Naramdaman niya pa kung paano nito kagating ang labi niya. Ginagamit nito ang labi upang alisin ang nakabitin na pansit sa bibig niya. Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan. Hindi niya rin alam kung anong magiging reaksiyon niya sa ginagawa nito. Nagpatuloy ito sa pagkagat hanggang sa tuluyan nang maalis ang mga nakabitin na pansit sa kaniyang labi. "Help me to understand it."