Chereads / Enchanted in Hell (Tagalog) / Chapter 12 - LED Hotel

Chapter 12 - LED Hotel

"Insan!"

Nilingon ni Theo si Cliff sa pintuan na kararating-rating lang. Lumapit ito sa kaniya at akmang aakbayan siya pero agad naman niyang iniwas ang sarili at lumipat sa ibang direksyon.

"Lumayo ka," pigil niya rito.

"Ang sungit mo talaga, Insan," nakangusong sabi ni Cliff. "Ito na pala ang pinapadala mo sa akin..." Inabot nito ang folder na may lamang files sa kaniya. "Kumusta na pala ang online business mo?" pag-iiba nito ng usapan.

Umismid si Theo bago mapang-asar na ngumisi. "Ayos naman, mas maayos pa sa hotel na mina-manage mo."

"Grabe ka talaga sa akin Insan. Bakit kasi ayaw mo pang lumabas dito nang mapalitan mo na ako. Sawang-sawa na ako sa pagmamando ni Dad sa akin. Mas malala pa siya sa manok kung pagsalitaan ako," pabirong sabi nito subalit hindi nito maitatago sa mukha ang pagrereklamo.

"If you really don't like to manage our family business, ba't hindi mo na lang sila diretsuhin?" nagtatakang tanong naman niya. Matagal na nitong sinasabi sa kaniya na ayaw nitong mag-manage ng negosyo. Iyon nga ang dahilan nito kaya dumadalaw ito paminsan-minsan sa mansion para kausapin at kumbinsihin siya na palitan na niya ang puwesto nito.

"Insan, wala pa kasing papalit sa akin, tiyak na lalo akong mabubulyawan ni Dad. Kaya nga lumabas ka na rito sa doll house mo para mapalitan mo na ako," pagbibiro ni Cliff.

"Soon, darating din 'yon."

"Kailan pa? Kapag brown na ang uwak?"

Sinamaan ni Theo ng tingin ang pinsan niya bago ini-scan ang laman ng folder na binigay nito.

"Nagtataka rin ako kay Tito Armando. Bakit kailangan pa nitong ilagay ka sa Administrative kung puwede namang ikaw na agad ang maging manager ng kumpanya?" reklamo ni Cliff na ikinatingin niya rito.

"Isa lang ibig sabihin no'n, malaki ang tiwala ni Dad sa 'yo," mapang-asar na sabi niya rito.

"Kung alam mo lang Insan. Gustong-gusto ko nang umalis. Bilisan mo na at magpaka-good image ka na sa Dad mo nang ikaw na ang gawin niyang manager at mapalitan mo na ako."

"Mukhang matagal pa kitang mapapalitan," pang-aasar niya muli.

"Hindi 'yan. Tiyagain mo lang. Ang sabi nga kapag may tiyaga, may fried chicken. Mas bagay kang maging manager kumpara sa akin. Mas deserve mo ang high position," sabi nito sa kaniya.

Alam niyang sinasabi iyon sa kaniya ng pinsan upang hikayatin siya sa business. Iyon naman talaga ang balak niya, ang tumaas ang kaniyang posisyon at magagawa niya lang iyon kapag natulungan niya rin si Cliff na palaguin ang branch sa Manila.

Binalik niya ang tingin sa folder. "We have four competitors in Manila—Mariata Hotel, Landtelho, Star Hotel and Carialla." Binaba niya ang folder at nagsimulang mag-mix ng drinks para sa pinsan na si Cliff.

"'Yong Kir Royale ha," hiling ni Cliff habang nakatingin sa kaniya na naglalagay ng champagne at iba pang sangkap sa lalagyan. Iyon kasi ang gusto-gusto nitong inumin sa tuwing pumupunta ito roon.

Inabot niya rito ang ginawa niya at nagpatuloy sa pagsasalita. "Among those competitors, tayo ang lowest ranking. It's embarrassing," sabi niya habang pinipinta sa isipan ang ama na marahil umuusok na rin ang ilong sa galit. Alam niya ang ugali ng ama, ayaw nitong maging pangit ang image ng business nila. Kaya naman ay lahat gagawin nito para maiangat ang negosyo. Iyon ang sikreto nito kung kaya malagong-malago ang branch nila sa Baguio.

"Ano na ang plano mo? Siraan natin ang mga hotel na 'yon?"

"That's the most stupid idea I ever heard," seryosong sabi niya. Kahit pumangit pa ang image ng ibang hotel kung hindi rin naman maganda ang image ng hotel nila ay wala rin.

Uminom siya sa baso niya. "Kailangan natin pagandahin pa lalo ang service ng LED Hotel," rekomendasyon niya. Iyon ang pinakamagandang paraan para makahatak ng marami pang customer. Kung kailangan nilang magdagdag ng pakulo ay dapat nilang gawin para humakot lang ng tao at para mas makilala pa sila lalo.

"Paano natin uumpisahan?"

"Let's start in our employees. Make sure na nagagawa nila nang maayos ang responsibilidad nila. Dalawa lang naman ang pagpipilian nila, 'leave' or 'stay'. Kung kailangang magtanggal, magtanggal. Kung kailangan magbawas, magbawas. We do not need toxic people inside the LED Hotel."

Muntik nang mabuga ni Cliff ang alkohol na nasa kaniyang bibig. Hindi siya makapaniwala sa pinsan niya. Walang duda na business-minded din ito.

"Ang harsh mo naman Insan. May pinagmanahan ka talaga," natatawang sabi niya. Naalala niya ang tito niya na si Armando. Kaya napakalago ng Hotel branch nila sa Baguio dahil sa pagiging istrikto nito. Kung pagkukumparahin ang magkapatid na Armando at Eduardo, mas lamang ang nakababatang kapatid na si Armando sa skills nito sa business world.

Binuksan ni Theo ang laptop at nagsimulang kalikutin iyon. Mayroon itong hinahanap sa internet.

"Oo nga pala Insan, nabalitaan mo na ba? Magtatayo ng park at zoo malapit sa Landtelho. Kapag nangyari 'yon ay mas makikilala pa ito dahil dadayuhin ang park at madadaanan ang Landtelho."

Tumikhim si Theo nang marinig ang sinabi ng pinsan. "Is that true?" paniniguro niya.

"Yes Insan. Nais pa raw ng partnership ng negosyante sa Landtelho. Kapag nangyari yon ay katapusan na talaga ng business natin."

"Ibigay mo sa akin ang profile ng negosyanteng tinutukoy mo."

"Ha? Bakit?" takang tanong nito sa kaniya.

"Kailangan nating makipaglapit sa negosyanteng 'yon para sa atin siya makipag-partner. Kailangan natin siyang makumbinsi na dito sa lugar natin magtayo ng tourist attraction para mas lalong makilala ang LED Hotel."

Mayroong apat na naglalaban-laban na hotel sa Manila. Ang pinakanangunguna sa lahat ay ang Landtelho, pangalawa ang Mariata, sunod ang Carialla at Star Hotel. Noong una ay pumapangalawa ang LED sa ranking noong si Armando pa ang namamahala rito. Subalit patuloy iyong bumababa nang si Cliff na ang nag-manage ng hotel. Kapag nagtayo ng malaking park at zoo malapit sa Landtelho, mas lalong masasapawan ang LED dahil dadayuhin ang lugar na iyon ng mga tao. Kailangan nilang kaibiganin ang negosyante na magtatayo ng business na iyon para makumbinsi na magpatayo ito ng malaking park at zoo malapit sa kanila.

Inubos ni Theo ang natitira pang laman sa kaniyang baso. Iyon ang mundo ng business. Paunahan sa karera. Kailangan maging practical para hindi mahuli sa pagtakbo. Kung hindi marunong ang isang tao na dumiskarte, malulugi ang negosyo nito.

Nang matapos magluto ng pananghalian si Rina ay umakyat na siya sa taas upang alukin na si Theo na kumain. Katulad ng lagi niyang naaabutan ay abala na naman si Theo sa paborito nitong lugar sa mansion. Kung hindi magpunas ng mga alak o kaya gumawa ng drinks, abala ito sa laptop.

Tutok na tutok si Theo sa laptop nang abutan niya ito.

"Theo, kain na," yaya niya.

"Later," sagot nito at hindi pa rin inaalis ang tingin sa harap.

Dahil sa kuryosidad ay lumapit siya kay Theo at tumingin sa screen ng laptop nito.

"Para saan 'yan?" natanong niya. Nagawi ang mga mata niya sa daliri nito na mabilis na pumipindot sa keyboard.

"I'm promoting the LED Hotel in online para mas lalo pa itong makilala."

Napanganga si Rina. Hindi niya alam na pagmamay-ari pala ng Ledesma ang hotel na iyon.

"Sa inyo pala 'yon?" nauutal na tanong niya.

"Yes, LED Hotel from our surname 'Ledesma'," kunot-noong paliwanag ni Theo. Sa reaksyon ng lalaki ay kulang na lang na sabihin nito sa kaniya na gamitin niya ang kaniyang common sense.

"Sobrang yaman niyo talaga," papuri niya pero bigla siyang napayuko nang may maalala. "Pero anong nangyari sa LED Hotel? Hindi na ito katulad ng dati. Bali-balita na magsasara na raw kayo?"

"Don't believe in that gossip. Malamang sa malamang ay pinapakalat lang 'yan ng mga competitors namin." Lumingon si Theo sa kaniya. "Saan mo naman pala narinig ang mga 'yan?"

Natawa si Rina at sinabi, "A, kinuwento lang ng kaibigan ko. Nagtatrabaho kasi siya sa Carilla."

"Okay, akala ko nakapunta ka na sa LED Hotel."

Tumawa muli si Rina. "Bibihira lang akong pumunta sa Manila. Napako na ata ang paa ko rito sa San Pascual," sabi niya. Dalawang oras kasi ang tagal ng biyahe mula sa San Pascual para makarating sa Manila. Nakakapunta lang siya roon kapag nagkikita sila ng kaibigan para mag-bonding. Narinig niya lang talaga ang LED Hotel mula sa kaibigan pero hindi niya pa iyon napupuntahan.

Sinara na ni Theo ang laptop at tumayo. "Tara na. Nagugutom na pala ako."

Nabigla si Rina nang hawakan siya sa kamay ni Theo. Hinila siya nito pababa kaya wala siyang nagawa kundi ang sumunod na lamang dito. Ang bilis ng tibok ng puso niya habang nakatitig sa likod ng lalaki. Ano itong nararamdaman niya? Posible ba na attracted na siya sa lalaking kasama sa mansion? Subalit hindi puwede...hindi puwede dahil isa itong...

'Ledesma.'

Bukod pa doon ay amo niya ito at tauhan lang siya ng pamilya nito. Hindi kailanman pagtatagpuin si Cinderella at ang Beast. Kailangan ng lalaking kaharap niya si 'Belle' ang taong makakatanggal sa sumpa ng prinsipe na naging halimaw kaya nagtago na lamang sa palasyo na walang buhay.

Umupo si Theo kaya naman ay nagsandok na siya ng kanin at ulam. Nagluto siya ng sinigang na bangus pero hindi niya alam kung magugustuhan iyon ni Theo. Bahala na. Kung ayaw nito ay huwag itong kumain. Iyon ang pinakamadaling solusyon.

Nilapag niya ang plato sa harap nito pagkatapos ay naglagay rin siya ng kutsara at tinidor dito. Bakas ang pagtataka sa mukha ng lalaki na napansin niya agad kaya kinunutan niya rin ito ng noo.

"Nasa'n ang plato mo?" tanong nito.

"Mauna na kayong kumain kamahalan," pabirong sabi niya.

"Get your plate and let's eat together," awtorisadong utos nito.

"Pero—"

"One, two—"

Mabilis siyang kumuha ng plato nang bilangan siya ni Theo. Sige, kung gusto nitong makasabay siya sa pagkain. 'Fine!' Ito naman ang boss kaya dapat niya itong sundin.

Wala na siyang nagawa kundi ang mapabuntong-hininga na lamang. Nilapag niya ang plato niya sa mesa na nilagyan naman ni Theo ng kanin.

"Sandali, ako na," sabi niya dahil nakakahiya naman na pinagsandukan pa ng amo ang katulong nito.

"Bahala ka, basta kumain ka na." Binaba ni Theo ang sandok at nagsimula nang kumain.

Tumitig siya kay Theo habang kumakain. Kahit na ganoon ang ugali nito ay marunong din naman pala itong mag-asikaso ng iba. Hindi lang halata pero sinusubukan nitong magpakabait na para bang isang bata. Mabait ang lalaki, huwag lang talagang gagalitin dahil kung hindi ay baka maulit na naman ang nangyari noong nakaraan. Hindi niya gustong magpaka-beast na naman ito sa loob ng mansion.