Chereads / Enchanted in Hell (Tagalog) / Chapter 15 - Business Proposal

Chapter 15 - Business Proposal

Hindi mapakali si Rina sa paraan nang pagtitig sa kaniya ni Theo. Sinusuyod siya nito mulo ulo hanggang paa at pakiramdam niya ay hinuhubaran siya ng mga mata Theo. Binaba niya ang suot na dress na hanggang kalahati ng mga hita niya lamang ang haba. Hindi talaga siya sanay na nagsusuot ng ganoong uri ng damit. Binigay lang sa kaniya iyon ng kaibigan na si Lauren pero hindi niya pa iyon nasusuot. Iyon pa lang talaga ang unang beses na nagamit niya ang damit.

Hindi siya mahilig sa mga dress. Hindi kasi siya makagalaw nang maayos. Ang mga tipo niyang damit ay iyong malaya siyang makakakilos lalo pa't ang uri ng gawain niya o trabaho niya ay mabilisan dapat sa paggalaw.

"Okay na ba 'tong ganitong damit?" nag-aalinlangang tanong niya. Mabuti na lang talaga at naisama niya ang damit na iyon sa maleta niya nang dumating sa mansion. Iyon lang kasi ang damit na mayroon siya na naaayon sa pupuntahan nila ni Theo.

"You look great," sabi nito na ikinapanlumo niya dahil hindi naman ito nakatingin sa kaniya kundi sa phone nito.

"Kumusta Rina?"

Napalingon siya kay Dr. Steve na kararating-rating lang sa mansion. Simula nang nangyari ang araw na iyon sa kuwarto ni Theo ay ngayon na lang ito nakabisita muli sa mansion. Pinatong nito ang palad sa ulo niya kaya tumingala siya rito. "Okay lang naman, bakit ngayon ka na lang nakapunta rito?" nahihiyang tanong ni Rina.

Nginitian siya ni Dr. Steve dahilan naman para makaramdam siya nang matinding kaba kaya nagbaba na lamang siya ng ulo upang hindi nito malaman na na-tense siya sa presensya nito. Ramdam din ni Rina ang pag-iinit ng mukha nang ngumiti ito sa kaniya.

"Ahem." Umubo si Theo kaya napatingin silang dalawa rito.

"Theo, how are you? Sigurado ka na ba sa desisyon mo na lalabas ka na rito?" tanong ni Dr. Steve.

"I have no choice, pero hindi ko rin talaga kayo maintindihan. Noong una ay pinipilit niyo akong lumabas sa mansion pero nang nag-decide naman ako na lumabas na rito para makatulong sa business ay hindi kayo makapaniwala," sabi ni Theo saka tinukod ang kamay sa mesa. Nagtataka lang kasi siya dahil isa si Dr. Steve sa nagpu-push sa kaniya na lumabas ng mansion at i-explore ang mundo sa labas. At kahit na pinapakinggan ng doktor ang mga kuwento niya o ang mga dahilan niya kung bakit siya tumatanggi sa paglabas, nangangamba pa rin siya sa tumatakbo sa utak nito.

"Nag-aalala lang naman ako sa 'yo dahil baka binibigla mo lang ang sarili mo kahit hindi ka pa handa," paliwanag naman ni Dr. Steve.

Salit-salitang tinitingnan ni Rina ang dalawang lalaki sa harap niya. Hindi siya makasabay sa usapan ng dalawa kaya wala siyang magawa kundi ang manahimik na lang at ang matiim na makinig.

"Kaya ko na ang sarili ko, don't worry kapag nagawa kong magtagal sa labas ay hindi mo na kailangang magpabalik-balik pa rito," may hinanakit na sabi ni Theo. Naghihinala kasi siya sa doktor dahil maaaring ito ang nag-frame up sa kanila ng ina dahil ito pa lang naman ang napagsasabihan niya ng tungkol sa nararamdaman niya para sa ina.

Samantala, makikita naman ang pagtataka sa mukha ni Dr. Steve sa sinabi ng pasyente. Pansin ng doktor ang hindi maayos na pakikipag-usap ng huli. Hindi naman kasi ito ganoon magsalita dati kaya iyon ang pinagtataka niya lalo.

"May hinaing ka ba sa akin Theo? Parang ayaw mo na akong papuntahin dito," pagbibiro ni Dr. Steve na bahagya pang siningkit ang mata upang mabasa ang iniisip ng lalaking nasa harap.

"Wala naman. Nag-aalala rin ako sa 'yo na baka napapagod ka na kakapunta mo rito," sarkastikong sagot ni Theo pero hindi kumbinsido si Dr. Steve sa sinabi nito. Sabagay, wala naman ginawang masama ang doktor sa lalaki kaya wala itong dahilan para magalit sa kaniya.

"O, sige, masaya ako na napagdesisyunan mo nang lumabas," sabi ni Dr. Steve saka huminga nang malalim. Hindi na rin nagtagal pa ang doktor at nagpaalam nang umalis dahil pansin din kasi niya na nagmamadali na si Theo sa lakad sa araw na iyon. Hindi niya na pinatagal ang usapan nilang dalawa, siya na mismo ang pumutol noon.

Hinintay lang muna sandali nina Theo at Rina si Cliff, ito kasi ang maghahatid sa kanila sa Marikina. Unang pagkakataon din kasi ni Theo na lalabas ng mansion kaya wala pa siyang alam sa pagmamaneho. Alam niya ang pagkakasunod-sunod ng hakbang para patakbuhin ang kotse dahil nabasa na niya iyon sa internet subalit hindi pa siya nakakapag-drive ng actual. Kung tutuusin ay halos makabisado niya na rin ang traffic violation at mga patakaran sa pagpapatakbo sa labas. Bukod kasi sa pangongolekta ng mga alcoholic beverages ay inaabala niya rin ang sarili sa pagbabasa ng mga educational blogs. Sa katunayan, above average ang IQ score niya, dahil na rin sa exposure niya sa social media at internet. Kaya nga lang kahit sabihin na matalino siya sa intellect, masasabi niyang kulang na kulang siya sa application at experience.

"Kumusta Insan? Anong nararamdaman mo ngayon?" sumilip si Cliff sa rear-view mirror upang makita si Theo at Rina sa likod. Nag-aalala siya sa pinsan dahil baka naalala na naman nito ang nangyari dito noon.

"I'm all right," sagot ni Theo sa pinsan. Naninikip man ang dibdib niya ay pinipilit niyang pakalmahin ang sarili. Nag-isip na lang siya ng ibang bagay para hindi na naman sumagi sa utak niya ang bangungot na iyon. Pilit niyang iwinawagli sa isip ang nakaraan.

Napatingin si Theo sa mga kamay ni Rina. May kung anong nagtutulak sa kaniya na hawakan ang kamay nito. Kaya naman sinunod niya ang kagustuhan na mahawakan ang kamay ng babae. At nang nahawakan niya na ito, napansin niya ang bahagyang paggalaw ng babaeng katabi niya. Marahil ay nagulat ito sa ginawa niya. Tumingin na lamang siya sa harap at nagpatay-malisya bago pinisil ang kamay ni Rina.

Nakahinga si Theo nang maluwag. Ang kaninang paninikip ng dibdib ay unti-unti nang naglalaho. Pinapakalma siya ng mainit na palad nito. Pakiramdam niya ay ligtas siya na kasama ang babae.

Isang oras mahigit ang tinagal ng kanilang biyahe. Pinapasok naman sila agad ng mga guwardiya nang makarating sila sa lugar dahil matagal nang nagpa-set si Cliff ng appointment sa sadiya nila.

Bumaba sila. Hindi inaalis ni Theo ang tingin kay Rina. Ayaw niyang mawala sa paningin ang dalaga kaya naman ay lumapit siya rito at hinawakan ito ulit sa kamay.

Hindi naman nakaligtas sa paningin ni Cliff ang paghawak ng pinsan sa kamay ni Rina. Lihim siyang napangiti. Masaya na rin siya kahit papano na nagiging okay na ang kaniyang pinsan. Naisip niyang nakakatulong nang malaki si Rina sa pinsan na si Theo.

Nang makapasok na sila sa loob, sumalubong sa kanila si Frederick Ellasar. Matagal na rin nitong gustong makita ang nasa likod ng LED Hotel. Humanga ang negosyante sa unang performance ng LED Hotel. Madalas na dinadayo ang LED Hotel noong una kaya ganoon na lamang ang pagtataka niya nang manguna na ang ibang mga hotel dito. Ang mas malala pa ay ito na ang pinaka-nangongolelat sa lahat.

Matapos makipagkamay ni Cliff at pagpapakilala nito kay Theo bilang marketing manager ay hinarap naman ni Frederick sina Theo at Rina.

"Good morning, Sir Frederick," bati ni Theo at nakipagkamay. Bahagya siyang nakaramdam ng kaba dahil unang beses niya pa lamang nakita ang lalaki. Inalis niya agad ang kamay at dumistansya nang kaunti rito.

Naupo sila sa loob ng opisina nito. At matapos mai-served ang mga tasa na may lamang kape, nagsimula na sila sa kanilang business talk.

"Ano ang sadiya nang hotel manager ng LED sa akin?" nakangiting tanong ni Frederick. Kahit mukhang palabati at malugod sa pagtanggap ng bisita, hindi maikakaila sa kilos nito ang pagiging business-minded.

"We are here to give you a proposal," simula naman ni Cliff na napasabak sa inglesan para magpa-impress. "Me, and the marketing manager prepared it so we are hoping for your consideration in this proposal."

Binigay ni Cliff ang hawak na folder kay Frederick. Binuklat naman iyon at binasa ng huli. Tumango-tango ito at napahawak sa baba.

"So gusto n'yo pala ng partnership sa akin. Gusto ninyong magtayo ng tourist attraction malapit sa LED Hotel? For what? To gain more customers?" mahinang natawa si Frederick. Sa tagal na niya sa negosyo ay alam niya na ang pasikot-sikot sa utak ng kapwa negosyante. Umubo siya at sinabi, " I'm sorry to tell you this...pero tatanggihan ko kayo. Nakapag-decide na ako ng partnership sa Landtelho."

"But..." sabi ni Cliff at gusto pa sanang magsalita para baguhin ang isip ng kaharap pero wala siyang lakas ng loob.

Napakuyom naman si Theo. Mula sa pagkakayuko habang nakakrus ang kamay at paa, tumingala siya at tumingin nang mata sa mata kay Frederick. "I know na nakapag-decide na kayo and we respect that decision. As a businessman, kung ako ang nasa kalagayan mo ay ganiyan din ang gagawin ko. Bakit ako susugal at papasok sa partnership kung wala naman akong mapapala? But we are really looking forward na sana mabigyan mo ng chance ang LED Hotel na patunayan ang sarili sa inyo. You can trust us. Lahat gagawin namin para lumago ang itatayong tourist attraction na ito. Hindi lang ang hotel namin ang aangat, magkakasabay tayong lahat sa pag-angat," mahabang sabi ni Theo. Sa experience niya sa online business ay marami na rin siyang mga na-encounter na buyer na matitigas. Pero alam niya na ang mga tactics para mapaikot ang mga iyon. Hindi lang dapat papuri ang ibigay mo rito, para magtagumpay sa pakikipag-deal, kailangan rin dapat pag-usapan ang gains and benefits na makukuha ng taong iyon.

Tumango-tango si Frederick sa husay nang pagsasalita ni Theo. Ngumiti ito at tinuro siya, "I really like you...nakumbinsi mo ako na pag-isipan ang desisyon ko." Tumayo si Frederick at humarap sa kanilang tatlo.

"Hayaan n'yo muna akong pag-isipan ang partnership na inaalok ninyo. I will also review again the proposal you gave," sabi ni Frederick.

Lumawak ang pagkakangiti ni Cliff sa narinig. Nangangahulugan lang iyon na may pag-asa pa ang hotel na pinamamahalaan niya. May pag-asa pang maisalba ang LED Hotel Manila branch.

"So I think that's all for today. Pasenya na rin sa abala but we are really glad na napaunlakan ninyo kami," sabi ni Cliff.

"No problem," sagot naman ni Frederick bago tumingin kay Theo. "Pasalamat ka rin sa kasama mo," pabirong sabi nito.

Hindi na sila nagtagal pa. Matapos iyon ay dumiretso na agad sila sa mansion. Mula sa loob ng kotse hanggang mansion ay hindi binibitawan ni Theo ang kamay ni Rina. Nabitiwan niya lang iyon noong nasa loob sila ng opisina ni Frederick.

Habang nagsasalita si Theo sa harap ni Frederick kanina ay aminado siyang nakaramdam ng kaba pero pinilit niyang alisin iyon para maging matagumpay ang lakad nila.

"Ang galing mo Theo, nagawa mong baguhin ang desisyon ni Sir Ellesar," sabi ni Theo nang tuluyan silang makapasok sa loob ng mansion.

"Huwag ka munang magpakasaya. Hindi pa tayo sigurado na tayo ang pipiliin ni Mr. Frederick Ellesar na maging business partner niya. Huwag muna tayong papakasiguro," seryosong sabi ni Theo.

Nang nakarating at nakapasok sila sa mansion ay umupo agad si Cliff sa sofa at tinaas ang dalawang paa sa mesa. "Tama ka naman diyan. Pero tama ba itong ginagawa natin? Nalulugi na ang hotel natin tapos maglalabas tayo ng malaking pera para business project na 'yon."

"Well, we have to take a risk. Hindi natin malalaman kung hindi natin susubukan. Kailangan natin mag-invest para makahatak pa tayo ng mga taong dadayo sa lugar."

Dumiretso silang tatlo sa favorite spot ni Theo sa mansion dahil balak niyang uminom ng drinks na paborito niya. Pinaghalo rin niya ang pinsan na prenteng-prenteng nakaupo sa sofa ng paborito nitong inumin. Silang dalawa na lamang kasi ang nasa silid dahil nagpaalam na si Rina para magluto ng tanghalian. Sandaling-sandali lang kasi sila sa Marikina kaya alas onse pa lang ay nakauwi na sila sa mansion.

"Insan, ano ang palagay mo kay Rina?" tanong ni Cliff saka kinuha ang baso na bigay ng pinsan. Kunot-noo namang tumingin sa kaniya si Theo.

"What about her?"

"Kumusta siya kasama? Is she attractive for you? May namumuo bang sensasyon diyan sa dibdib mo?" natatawang tanong ni Cliff. Ang dami niyang tanong kaya hindi niya alam kung masasagot ba lahat iyon ni Theo.

Tumungga si Theo sa baso at huminga nang malalim. "Nothing special," pagsisinungaling niya pero ang totoo ay masaya siyang kasama ang babae dahil napapanatag siya. Subalit hindi pa rin siya sigurado kung ano ba talaga ang nararamdaman niya para rito.

Ngumiti-ngiti si Cliff sa kaniya at saka nagbiro, "Ows, wala ba talaga? E, ano 'yong pahawak-hawak mo sa kamay niya? Wala lang ba 'yon? Hinangin lang ang kamay then out of knowing ay nagdikit na lang bigla ang kamay n'yo." Napahalakhak si Cliff sa sinabi. Gusto niya talaga ang tintukso ang pinsan lalo na kapag naiinis na ito sa kaniya.

"Hindi ko alam kung ano ba talaga ang nararamdaman ko, basta panatag ako kapag nandiyan siya," sinserong sagot naman ni Theo na bago para kay Cliff. Kadalasan kasi kapag binibiro niya ang pinsan ay nag-iinit ang ulo nito o kaya naman ay palalayasin siya sa mansion. May pagkakataon rin na sasagutin siya nito at pagsasalitaan ng hindi maganda. Ayaw rin kasi nito ang hindi nasusunod. Hindi mo ito mapipilit sa isang bagay na ayaw nitong gawin. Katulad na lang ng paglabas ng mansion. Maiksi lang ang temper at pasensya ni Theo kaya namamangha siya na nakikita ang unti-unting pagbabago rito. Marahil si Rina ang isa sa mga dahilan ng pagbabago nito.

Tumungga siya sa baso at ngumiti sa pinsan. "Mabuti naman," nasagot na lang niya.