Chereads / Enchanted in Hell (Tagalog) / Chapter 14 - Rina, I Need You

Chapter 14 - Rina, I Need You

Hawak ni Theo ang kaniyang baso habang patuloy na binabasa ang profile ng negosyanteng magtatayo ng park at zoo malapit sa Landtelho. Uminom siya sa baso at binasa ang pangalan ng lalaki.

'Frederick Ellasar'

Base sa nabasa niya, nakatira ang negosyanteng iyon sa Bicol pero madalas itong laman ng resort sa Marikina na isa rin sa negosyong pagmamay-ari nito. Kailangan niya itong makumbinsi at makausap subalit hindi niya magagawa iyon kung nasa loob lang siya ng mansion.

Tumingin siya sa bintana bago huminga nang malalim. Kailangan niyang subukan.

Tumayo siya at naglakad papunta sa asotea. Nakabukas na ang kurtina doon kaya lumiwanag sa loob ng mansion at matapos ang sandaling pagtitig sa loob na ginapangan ng liwanag ay marahan niyang hinakbang ang mga paa hanggang sa makarating siya sa hawakan ng asotea. Tumingin siya sa kaniyang harap at huminga nang malalim dahil sa tensyon na nararamdaman. Iyon kasi ang unang pagkakataon na sinubukan niyang lumabas kaya may takot pa rin siyang nadarama.

Katulad ng sinabi sa kaniya ni Rina, sinubukan niyang enjoyin ang mga nakikita kaya sinulyapan niya ang gatuldok na mga tao sa labas ng mansion at abot-tanaw niya pa rin ang itsura ng labas kahit nasa malayo. Ang mga bubong ng mga maliliit na bahay ay nagkulay brown na dahil sa kalawang. May mga iilang kalat din siyang nakita sa mga bubong ng mga bahay na iyon kaya hindi niya maipagkakaila sa sarili na nakaramdam siya ng kaunting pagkadismaya. Welcome to the real world.

Huminga siya nang malalim at ginawi ang tingin sa kalsada. Kadalasan ng mga dumaraan doon ay mga tricycle, hindi pa siya nakakakita ng mga malalaking sasakyan maliban na lang sa truck na napuno na ng basura.

Subalit mayamaya pa ay naramdaman niya ang unti-unting pandidilim ng kaniyang mga mata bago tuluyang may mabuong eksena sa kaniyang utak. Nasa isang lugar siya. Iyon din ang huling nakita niya nang mapadpad siya sa lugar na iyon. Pinasok siya ng babae sa madilim na kuwarto at paulit-ulit siyang hinampas ng sinturon.

Nagsisisigaw siya at nagmakaawa na itigil na nito ang ginagawa sa kaniya subalit sa halip na tumigil ay mas lalo pa nitong nilakasan ang paghampas sa kaniyang katawan.

Lumiwanag muli ang paligid niya nang maramdaman na may humawak sa kaniya. Si Rina. Hawak-hawak nito ang kamay niya at ngumiti.

"Paano mo mae-enjoy ang paligid kung hindi mo ididilat ang mata mo para tingnan ito?" makahulugang sabi nito sa kaniya. Alam niya naman iyon subalit hindi niya lang talaga napigilan ang sariling mapapikit dahil na naman sa pagpapakita sa kaniya ng masamang alaala.

"Palitan mo ng mga masasayang alaala ang mga malulungkot mong nakaraan," sabi nito sa kaniya.

Sa tuwing magsasalita ang babae sa kaniya ay para bang ang laki ng epekto nito sa pagkatao niya. Sa tingin niya ay lahat ng sinasabi nito ay makakabuti sa kaniya kaya naman wala siyang magawa kundi ang sundin na lang ito.

Naramdaman niya ang pagpisil nito sa palad niya. Kakaiba ang sayang nararamdaman niya kapag kasama niya ang babae. Kapag malapit ito sa kaniya ay napapanatag siya. Para bang nakadepende sa presensya nito ang kaligtasan niya.

"Rina, samahan mo ako," wala sa sarili niyang nasabi sa katabi. Tinitigan niya ito sa mata.

"Saan naman tayo pupunta? Balak mo bang pasyalan ang buong lugar sa mansion niyo?" sabi nito sa kaniya sa natatawang boses.

"Puwede rin," pagsang-ayon niya dito. Sa tinagal-tagal niya kasing nagkukulong sa loob ng mansion ay hindi niya pa talaga nagawang libutin iyon. Tanging ang kusina, sala, asotea, ang silid na pinagtatambayan niya at ang kuwarto pa lang niya ang napupuntahan sa mansion.

"Seryoso ka? Hindi mo pa ba nakikita ang ibang mga silid sa mansion niyo?" Umiling-iling sa kaniya si Rina at para bang kulang na lang ay sabihin nito sa kaniya ang 'nakakaawa ka naman'.

"Oo nga," sabi niya.

"E di sige. Tara! Ako ang tour guide mo sa araw na 'to! Ipapasyal kita sa iyong mansion!

Napangiti siya nang makita kung paano nito ilahad ang kamay upang ituro ang loob ng mansion. Nakangiti pa rin si Rina na para bang punong-puno ng lakas sa katawan. Kaya sa tuwing makikita niya ito ay pati siya nahahawa sa babae. Nabubuhay rin ang pagkatao niya.

Hinatak siya nito papasok sa loob. May gusto pa sana siyang sabihin dito pero napagdesisyunan niya na ipagpaliban muna iyon dahil gusto niya pang makita ang galak sa mukha ni Rina. Magpapasama rin sana siya sa Marikina kung nasaan ang negosyanteng si Frederick dahil pakiramdam niya ay malaking tulong para sa kaniya kung nasa tabi niya ito. Kailangan niya na ring kumilos dahil kapag nagpatuloy ang pagbaba ng kita ng LED Hotel sa Manila, tuluyan na talaga silang magsasara. Si Frederick na lang ang pag-asa nila para bumuhos ang mga dadayo sa hotel nila. Ang lalaking ito ang magsasalba sa business nila.

Dinala siya ni Rina sa library ng mansion. Ginawi niya ang paningin sa buong paligid noon. Nakakatuwang isipin na para siyang naglalaro dahil sa tinagal-tagal niya nang mag-isa sa bahay ay hindi niya man lang naisip magpunta roon. Kung matagal na sana siyang dumayo roon ay malamang sa malamang nabasa niya na ang lahat ng libro roon.

Inisa-isa niya ang mga libro at binasa ang mga pamagat. Lahat halos ay puro pang-educational na libro subalit may mangilan-ngilan namang mga nobela na ang genre ay Romance.

Nagawi ang tingin niya sa isang pamilyar na story book. Kinuha niya iyon at hinipan ang mga alikabok dahil sa tagal na nitong hindi nagagalaw. 'Beauty and the Beast'. Tama nga siya dahil iyon ang libro na hawak-hawak niya noong kinuhaan siya ng picture ng mommy niya. Binuklat niya iyon at simulang basahin. Para siyang timang na pangiti-ngiti habang tinitingnan ang mga picture sa loob.

"Hindi ba iyan ang story book na hawak mo sa picture?" tanong sa kaniya ni Rina at dahil sa pagkabigla ay bigla niya na lamang sinara ang story book na hawak.

"Oo, ito nga," tipid na sagot niya dahil sa kini-kinita niya ay pagtatawanan siya ng kasama.

"Akala ko ba hindi mo gusto ang mga ganiyang babasahin?" mapanuksong tanong sa kaniya ng babae habang sinusundot-sundot pa siya sa tagiliran. Nang-uuyam ang mga mata ni Rina kaya naihagis niya ang story book na hawak sa mesa na malapit sa kanila.

"Hindi nga, nakita ko lang kasi kaya binuksan ko," mariing tanggi niya na hindi pa rin siya tinitigilan sa panunuya.

Sa hindi malamang dahilan ay naisip niya na hawakan ang magkabilang kamay ng kaharap. Sinandal niya ito sa pader at kinulong sa pinaka-sulok ng silid. Hindi nakaligtas sa paningin niya ang paggalaw ng lalamunan nito at ang pamumula ng pisngi.

"Bakit Theo?" tanong nito na hindi niya pinansin dahil abala siya sa pagsuri ng mukha nito. Abala siya sa pagtingin sa mga inosenteng mata nito pababa sa mapanukso nitong labi. Hindi niya mapigilan ang sarili at ramdam niya ang pag-iinit sa mga oras na iyon. Kahit pangalawang beses niya nang nahalikan ang babae ay tila ba gusto niya na namang angkinin ang mga labi ng babae.

Hindi niya na napigilan ang sarili kundi ang magpatangay sa liyab ng kaniyang damdamin. Binaba niya ang kaniyang mukha upang maabot ang mga labi nito at nang sandaling maglapat na ang kanilang mga labi ay hindi niya maiwasan na makagat ang labi ng babae dahil sa panggigigil sa mga labi nito.

"Theo," sabi ni Rina saka nag-iwas ng tingin sa kaniya.

Gusto niyang suntukin ang sarili para malinawan siya sa nararamdaman. Nag-iinit siya at gusto niya pang tagalan ang paghalik dito subalit sa kabila noon ay ang pag-aalala sa babaeng kaharap. Gusto niya itong halikan subalit nangingibabaw rin sa kaniya ang kagustuhang irespeto ito. Nirerespeto niya ang babae katulad ng pagrespeto niya sa ina.

Ano ba talaga ang nararamdaman niya?

Lumayo siya at tumalikod kay Rina. "Rina, samahan mo akong pumunta sa Marikina," sabi niya rito mabago lang ang atmospera sa pagitan nila.

"Pupunta ako sa Marikina para makausap si Frederick. Kailangan ko kasi siyang kumbinsihin. Bukas na iyon."

Narinig niya ang mahinang pag-oo ng dalaga kaya hinarap niya ito muli.

"Make sure that you wear a formal dress...at saka...make sure na hindi ka aalis sa tabi ko kapag nandoon na tayo."

Tumango ito na ikinangiti niya kaya lumapit siya muli rito at wala sa sariling niyakap ang babae. Hindi niya alam pero gustong-gusto niya iyong gawin sa babae. Gustong-gusto niya ang pakiramdam sa tuwing yakap niya ito. "Huwag kang mawawala sa paningin ko," bilin niya muli para makasigurong hindi talaga siya nito iiwanan bukas kapag umalis na sila.

"Sige Theo," sagot din naman nito sa kaniya. Naramdaman niya ang paghigpit ng yakap nito na ikinagalak lalo ng kaniyang puso.

"Salamat, Rina."