Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 15 - FIGHTING FOR SURVIVAL

Chapter 15 - FIGHTING FOR SURVIVAL

Wala sa hinagap ni Marble na sa unang beses na pagtuntong niya sa Manila, masaklap na agad ang buhay na kanyang yayakapin. Iniwan siya ng t'yahin sa Luneta at nagkaruon pa siya ng aalagaang mas matanda pa ata sa kanyang lolo at lola sa probinsya.

Tapos na silang kumain ng gabing 'yon. Nakaraos din, salamat sa pagiging kwela ng matandang kasama at nagkaruon sila ng perang pinambili ng pagkain.

Nakita niyang humiga sa bermuda ang matanda, walang kahit na ano'ng sapin sa ibabaw ng damo.

"Oy lolo--aww anak," awat niya rito. "'Wag kang humiga d'yan. Marumi r'yan," saway niya ngunit 'di ito sumagot, sa halip ay ipinikit ang mga mata.

Awang binuksan niya ang dalang backpack at kinuha ang naruong duster na gamit niya sa pagligo, pinunit ang gitna ng damit saka niya inilatag sa tabi ng matanda.

Kinalabit niya ito.

"Anak, dito ka humiga sa may sapin. Magagalit ako 'pag 'di ka sumunod," utos niya rito, bahagya pang pinatigas ang boses.

Sumunod naman ito agad at lumipat ng higa sa may sapin saka mabilis na nakatulog.

Umupo rin siya sa tabi nito at pinagmasdan itong mabuti. Humahanga siya sa matandang ito, nakakatulog pa rin sa ganung kalagayan.

Samantalang siya, 'di niya alam kung paano siyang mahihiga at matutulog ruon na kung sino-sino lang ang nagdaraan at tumitingin sa kanila.

Gusto na naman niyang magself pity, pero alam niyang walang mangyayari sa buhay niya pag lagi siyang gano'n. Bakit 'di na lang niya gayahin ang matandang simple lang ang ginagawa para makakain.

Pinagana niya ang utak. Kailangang makahanap siya ng paraan para makahanap siya ng magandang ikabubuhay. Bukas iikutin niya ang buong luneta. Aalamin niya kung ano'ng magandang itinda sa mga tao roon maliban sa pagkain. Kung talagang pagkain lang ang mabenta roon, gagamitin niya ang perang bigay ng knyang ama at ibibili niya ng pagkain saka niya ititinda roon.

Pumilantik siya. Tama! Gano'n nga ang kanyang gagawin bukas. Pero sa ngayon ay kailangan niyang ipahinga ang katawan.

Tinanggal niya sa pagkakasukbit sa magkabilang balikat ang backpack at dinukot mula sa loob ang isang manipis na kumot. Buti na lang nadala niya iyon. Dinukot niya uli sa loob ang isang damit niya, pinunit uli at inalatag sa bermudang kinauupuan saka dun nahiga. Kailangan niyang magtiis sa gantong kalagayan at pagplanuhang maigi ang sunod na gagawin para maka-survive sa lugar na 'yon.

Inilagay niya sa uluhan ang backpack at yun ang ginawang unan. Subalit nang makita ang matandang braso lang ang unan nito'y ibinigay na lang niya ang bag dito at dahan-dahan iyong ipinailalim sa ulo nito at inalis ang braso nito saka ito kinumutan sa halip na gamitin niya.

Bata pa siya, mahaba pa ang buhay niya sa mundong ibabaw. Kung 'di man nakaramdam ng pagmmahal ang matandang kasama sa piling ng pamilya nito, ipaparamdam niya 'yon rito sa abot ng kanyang makakaya. ituturing niya itong parang totoong pamilya.

Nakangiti niyang ipinailalim ang isang braso sa may uluhan at ginawa niyang unan saka pumikit.

Masasanay din siya sa gantong kalagayan.

Pagsisikapan niyang masanay.

Subalit tila malupit ang kapalaran sa kanila ng matanda.

Ang himbing na sana ng kanyang tulog nang maalimpungatan siya sa malalakas na sigawan sa kanyang paligid.

Napabalalikwas siya ng bangon.

"Mamatay ka nang matanda ka! Mamatay ka na!" sigaw ng isang binatilyo habang paulit-ulit na tinatadyakan ang matandang nakabaluktot na lang sa kinahihigaan at tinatakpan ang ulo na wag masipa habang panay ang atungal.

"Hoy! Tigilan niyo yan! Mga animal kayo! Wala kayong respeto sa matanda!" sigaw niya at mabilis na sinaklolohan ang matanda. Saka pinaghahampas niya ng hinubad na sapatos ang lalaking gumugulpi rito.

Subalit siya naman ang sinuntok ng binatilyo sa panga.

Nahilo siya sa natamong suntok at bahagyang napaatras. Subalit nang dahil sa suntok na yun, naalala niyang siya si Boss Jols na leader ng kanilang gang sa school.

Maangas niyang pinahid ng kamay ang dugong namuo sa gilid ng kanyang bibig at tila nag-aapoy ang tinging ipinukol sa binatilyo.

"Boss, lalaban ang baklang bampira o. Ang sama ng tingin sayo," anang isa pa nitong kasama, mas mataba kesa pinaka-leader pero parang bahag ang buntot.

Pinagmasdan niyang mabuti ang pinuno ng mga kabataang iyon. 'Di nalalayo marahil ang edad niya rito ngunit mas matangkad ito sa kanya pero kasing payat din yata ng kanyang katawan.

Nililis niya ang mga manggas ng damit pataas saka kinuyom ang mga kamao. Pangalawang araw pa lang niya rito sa Manila pero gulo agad ang sumalubong sa kanya.

"Gusto mo pala ng suntukan ha? Halika rito," anya saka seninyasan itong lumapit sa kanya at siya nama'y umatras sa may mga puno upang malayo ang atensyon ng mga ito sa matandang nakabaluktot pa rin ang katawan at dinig na dinig niya ang parang batang pag-iyak.

Sumunod naman sa kanya ang binatilyo at ang lima nitong mga alipores.

Ngumisi ito sa kanya.

"Ang tapang mo, bata. Tingnan natin kung saan ka pupulutin pagkatapos nito," panunuya nitong wika.

Ngumisi rin siya at itinuong mabuti ang atensyon sa gagawin nitong pag-atake. Pauunahin niya itong umatake bago siya mag counter-attack.

"Tignan natin kung sino ang hahandusay sa lupa sating dalawa, huh!" mayabang niyang sagot at inihanda ang mga kamao para sa pag-atake nito.

Totoo nga ang hula niya, una itong sumugod sa kanya at nagbigay ng isang suntok ngunit mabilis siyang nakailag saka umatras.

' Gano'n pala ha? Sugod ka nang sugod,' hiyaw niya sa isip.

Sa pangalawang sugod at suntok nito'y umilag siya uli saka umisquat nang bahagya at iniunat ang isang kamao para sumuntok pailalim sa mukha nito. Sapol ang baba nito at agad na bumagsak sa lupa.

"Boss! Boss!" sumaklolo agad ang matabang binatilyo sa pinuno at tinulungan itong makatayo saka tumakbo palayo sa kanya. Ang apat nama'y sumunod na nagtakbuhan hnggang sa wala na ni isa siyang nakita sa mga ito.

"Mga animal! 'Wag na kayong magpapakita sakin hangga't narito ako sa lugar na to!" mayabang niyang sigaw sa mga ito khit nagtakbuhan na.

Nang maalala ang matanda ay nagmamadali siyang lumapit sa kinaruruuna nito.

"Lolo, awww anak. Ano'ng masakit sa'yo?" nag-aalala niyang tanong rito habang inaalalayan niyang makabangon.

Noon niya lang napansing wala na ang kanyang backpack at kumot pati kanilang sapin sa pagtulog.

Mga walanghiya talaga ang mga 'yon.

"Nanay, masakit po ang likod ko," sumbong ng matanda habang 'di tumitigil sa paghikbi at nanatiling nakabaluktot ang katawan, hawak pa rin ang ulo kahit nakaupo na sa bermuda.

"'Wag kang mag-alala, wala na sila," anya rito.

Duon lang ito umayos ng upo at tumingin sa kanya.

Nakahinga siya nang maluwang nang walang makitang pasa sa mukha nito.

"Ito lang ba ang masakit sa'yo?" muli niyang tanong habang hinihimas ang nasaktan nitong likod.

Tumango ito, tumigil na sa paghikbi.

"Nanay, wala po akong nagawa. Kinuha nila ang mga damit mo," sumbong na uli nito.

"Ayos lang 'yan. Ang mahalaga ay ligtas ka," nakangiti niyang sagot upang hindi na ito mag-isip sa mga nawala niyang gamit.

"'Yong pera ko rin na sobra kagabi, kinuha rin nila," sumbong na uli nitong parang bata kung magsalita saka muling humikbi.

"Ssshhhh, ayos lang 'yon. 'Di na naman babalik ang mga 'yon rito. 'Wag kang mag-alala, ako na ang magkakaroling mamayang gabi para marami na uli tayong pera," pampalubag-loob na sagot niya.

Saka lang ito napangiti at yumakap sa kanya.

"I love you Nanay," anito.

Kinagat niya ang ibabang labi upang 'di mapaiyak. Mabuti pa ang matandang 'to na 'di niya kaano-ano, marunong mag-i love you. 'Yong tiyahin niyang kapatid mismo ng kanyang ina, basta na lang siyang iniwan na 'di man lang inisip na magkamag-anak sila at wala siyang mapupuntahang iba sa lugar na 'yon.