Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 2 - HER NAME IS MARBLE

Chapter 2 - HER NAME IS MARBLE

Siya si Marble---hindi Marvel, hindi rin Marbel, kundi Marble as in Marble, period. Marble siya sa bahay nila. Pero sa school, kilala siya bilang si Jols.

Jols lang naman, pero ang totoo masaklap ang history ng nickname niya. Jolens ang laging itinutuksong pangalan ng mga kaklase sa kanya noon. Kaya nang masanay siya sa gano'ng tawag ay ginawa na lang niyang Jols para 'di halata na nakasanayan naman ng mga kaibigan niya.

Kung tatanungin niyo siya kung maganda siya, never mind.

Naging subdivision lang naman ng naglalakihang pimples ang kanyang mukha na simula nang datnan siya ng buwanang dalaw ay 'di na mawala-wala.

Pero ang pinakamatindi ay ang kanyang dalawang mahahabang pangil na ngipin kaya minsan lang siyang ngumiti noon, ni tumawa. Pero ngayong ga-graduate na siya ng high school, 'di na siya apektado kahit pinagtatawanan siya sa gano'ng itsura. Ang iba palang nickname sa kanya, "DAYLIGHT VAMPIRE". Siya lang daw kasi ang bampirang kayang lumabas kahit tanghaling-tapat.

Syempre masakit kasi alam niyang normal siyang tao pero anong magagawa niya. Life must go on. Ang mahalaga, masaya siya sa life niya, keber sa kanilang lahat. Proud siya sa sarili niya kasi kahit gano'n siya, love na love siya ng kanyang mga magulang.

Mahirap lang naman sila. Magbubuko lang ang kanyang tatay sa pinakiusapan nitong puwesto sa bayan at ang kanyang ina ay nasa bahay lang at inaalagaan ang dalawa pa niyang mga kapatid na kambal. Wala pang isang taon ang mga 'to.

Ito ang kanyang istorya...

"Boss Jols!" tawag sa kanya ng kaklase at katropa hindi pa man siya nakakapasok sa kanilang silid-aralan.

Sa kanilang eskwelahan, kulilat ka kung walang kang gang at 'di ka kasali sa isang 'gang'. Bugbog-sarado ka sa pambu-bully ng ibang mga mag-aaral na mayayabang at nagyayabang-yabangan.

At dahil nasa top 1 siya sa mga binu-bully dati no'ng 'di pa siya lumalaban pero 'di naman to the point na nabubugbog siya dahil sa totoo lang walang may maglakas-loob na gumawa niyon sa kanya. Bakit 'ka mo? Ilabas lang niya ang mga pangil, takot na silang lahat. Ibang klaseng pambu-bully ang ginagawa nila sa kanya.

Yun nga, kung may gang ng mga magaganda at matatalino, aba, may gang din sila--"THE APPROACHABLES".

May goals ang 'gang' nila. Sila ang pumapangalawa sa guidance counselor-- ang tagapayo sa mga estudyanteng nabubully; tagabugbog sa mga estudyanteng nambubully; at sila ang takbuhan ng walang mga pambili ng papel kapag may exam dahil may sarili silang pondo, nag-aambagan sila sa tuwing simula ng buwan para sa mga mas mahihirap pa sa kanila.

Subalit sa 'gang' nila, may isang requirement. Kailangang chaka ka bago ka tanggapin. In short, disqualified ang mga magaganda.

At dahil siya ang pinakachaka sa kanilang grupo, siya ang pinaka-leader.

At kung bakit 'boss' ang tawag sa kanya...boyish kasi siya, mukhang tomboy na bampira, maikli ang buhok at parang lalaki kung maglakad. Pero hindi siya tomboy, babae siya.

Umasta lang siyang gano'n para walang mambastos sa kanya.

"O ano, nakapangulekta ka na?" tanong niya sa tumawag sa kanya.

Kumamot sa ulo ang kausap na si William.

"Boss Jols, 'yun nga ang problema eh. Lima pa ang di nakakapaghulog. Wala daw talaga silang pera. Pano yan? Sa katapusan na ang graduation natin. Wala pa tayong pang-arkila ng toga," anang kaibigan.

'Yon kasing buwanan nilang ambag ay inilaan na nila para sa graduation nang 'di na sila nanghihingi sa mga magulang, manghingi man kunti na lang, kaya nang ibigay ng mga 'yun dahil maliit lang na halaga.

"O siya magmeeting tayo mamayang hapon pagkatapos ng klase. Sampu tayong ga-graduate 'di ba? So, lima na ang nakapaghulog. Dumiskarte tayo sa Sabado't Linggo. Day off ni Tatay sa Linggo, tayo ang papalit magtinda ng buko juice para matapalan natin ang kulang sa pera. Sabihin mo sa mga katropang 'di pa nakapaghulog," utos niya sa kaklase.

"Yes, boss."

"Bakla!" may tumawag na naman sa kanya, ang kanyang kapitbahay na si Ynalyn, ang anak ng ninang niyang si Yna. Mag-bestfriend ang mga magulang nila kaya mag-bestfriend din sila. Subalit dahil maganda ito, hindi chaka, kaya 'di ito napasali sa 'gang' nila ngunit protektado ng kanilang grupo. Walang pwedeng makapam-bully rito at sila ang makakalaban ng mga 'yun.

Ilang beses itong kumaway sa kanya.

"Bakla, halika ka rito dali. May itsi-tsismis ako sa,yo." Salungat sa ina nito, matalino si Ynalyn at maganda. Katunayan, ito ang kanilang muse sa eskwelahan. Andami na nitong sinalihang beauty contest at kadalasan ay ito ang nananalo. Kung 'yung iba'y nandidiri sa pagmumukha niya, ito nama'y sobrang lambing sa kanya na madalas pa silang napagkakamalang mag-jowa na hindi naman totoo dahil sa sobrang close nila sa isa't isa.

Magkatabi sila ng kaibigan sa upuan. Pagkaupo lang niya'y agad itong pumulupot sa kanyang braso.

"Bakla, nanligaw na sakin si Aldrick," kinikilig na bulong nito sa kanya.

"Ah gano'n ba? So, kayo na?" kaswal niyang sambit.

Speaking of Aldrick. Ito lang naman ang pinakagwapo at pinakamatalinong estudyante sa kanilang paaralan at nasa kabilang section, fourth year high school din. Ito lang din naman ang kanyang crush kaso dahil bestfriend niya si Ynalyn at crush din nito si Aldrick, nagparaya na siya. Pero nang mga sandaling 'yun, ayaw niyang ipahalatang parang may sumuntok sa kanyang dibdib pagkarinig sa balita nito.

Pinaikot nito ang mga mata saka umirap sa kanya.

"Syempre hindi pa noh! Pahihirapan ko muna 'yun. Ano siya sinuswerte, porke crush ko siya eh bigay agad itong besty mo? No way! Maghintay siya hanggang makapagtapos akong pag-aaral bago ko siya sagutin."

Napatawa siya sa sinabi ng kaibigan at natutuwa itong inakbayan.

"Yan ang besty ko. 'Wag kang gagaya sa mga iba d'yan na porke crush ang nanliligaw, bigay agad pati kaluluwa," aniya.

Humagikhik naman ito't isinandig ang ulo sa kanyang balikat.

Gusto na niyang maluha ng mga sandaling 'yun pero masaya na rin siya para sa kaibigan. Susuportahan na lang niya ito.

"Besty, sinabi na ba sayo ni Nanay mo na 'pag nakatapos ka raw ng pag-aaral ay ipapakuha ka sa kapatid niya para magtrabaho sa Manila?" tanong nito maya-maya.

"Huh?" Umiling siya agad.

"Wala namang sinasabi si Nanay tungkol do'n. Sino may sabi sa'yo?" balik-tanong niyang nakakunut-noo.

"Si Nanay. Naikwento raw sa kanya ng nanay mo," sagot nito.

"Mamaya, Besty itanong ko kay nanay," aniya na lang.

Tumahimik sila agad nang pumasok ang kanilang teacher sa English.