Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 5 - GRADUATION DAY

Chapter 5 - GRADUATION DAY

"Nanay, bilisan niyo naman po d'yan! Baka ma-late na tayo sa misa!" hiyaw ni Marble sa ina sa loob ng maliit na kwarto ng mga ito, binibihisan ang dalawa niyang kapatid na kambal.

Nasa labas kasi ng bahay ang kanyang ama at naghahanap ng maaarkilang tricycle papunta sa simbahan, mula ruon ay magmamartsa sila papunta sa kanilang school, magkalapit lang kasi ang simbahan at eskwelahang pinapasukan.

"Linda!"

"Besty! And'yan pa kayo? Bakla!" halos magkasabay na tawag ng mag-ina sa labas ng kanilang kubo.

Nagmamadali siyang dumungaw sa di-tukod na bintana ng kanilang bahay at hinanap ng paningin ang mag-ina sa labas.

"Oy Besty, Ninang! 'Andito pa kami. Si nanay kasi'y ang bagal kumilos," sagot niyang hawak sa kamay ang graduation cap.

Matatamis ang ngiting umakyat ang dalawa sa hagdanan ng bahay, dere-deretso sa sala-kusina at hapag kainan nilang loob. Iisa lang kasi ang kanilang sala at hapag kainan. Sa tabi ng hapag kainan ay kanila nang lutuan at lababo.

"Bakla, wala ka man lang bang pulbos sa mukha? Oily na 'yang mukha mo sa pawis o," puna ni Ynalyn.

"Gastos lang 'yan, Besty. 'Yaan mo na, wala namang tutulak sakin sa simbahan. Ang mahalaga maka-graduate ako," kaswal niyang sagot saka nilingon ang pinto ng silid ng mga magulang. 'Di pa rin lumalabas duon ang ina.

"Hay naku, bakla. Kaya ka nabu-bully eh 'di ka nag-aayos ng mukha. Nagmumukha ka tuloy lalaki niyan," anang kaibigan saka may dinukot sa maliit nitong pouch, isang face powder, at lumapit sa kanya, nilagyan siya ng powder sa mukha hanggang leeg.

Nahihiya siyang hinawakan ang kamay nito para pigilan sa ginagawa ngunit nang mapangiti ito ay hinayaan niya na lang.

"'Tamo, bigla ka nang gumanda ngayon," sambit nito sabay hagikhik at ibinalik na ang face powder sa loob ng pouch nitong bitbit.

Tipid lang ang ngiting kanyang pinakawalan.

"Mare, lumabas ka na d'yan. Baka nagsisimula na ang misa ngayon," tawag ni Aling Yna sa babae.

"Mare, sandali lang. Pinapalitan ko pa ng damit itong dalawa," sagot nito mula sa loob.

Pinuntahan na ito ni Aling Yna nang matapos na sa ginagawa para makaalis na sila.

Pagkatalikod lang ng ina, hinawakan agad siya sa braso ni Ynalyn at inilapit ang bibig sa kanyang tenga.

"Sinagot ko na si Aldrick, bakla," kinikilig nitong bulong sa kanya.

'Aray!' gusto niyang isigaw ngunit napilitan pa rin siyang ngumiti.

"Congrats, Besty. Bagay talaga kayo, parehas kayong matalino, gwapo at maganda," agad na lumabas sa kanyang bibig. Pero parang sa kanya niya 'yun sinasabi. Wala na siyang pag-asa pa sa kanyang crush lalo ngayong wala na siyang ipagmamalaki pang first kiss, nakuha na ng estrangherong lalaking 'yun na 'di nga niya alam kung saang lupalop ng mundo nanggaling, ni pangalan 'di man lang niya nalaman.

"After ng graduation, Besty, tulungan mo ako magpaalam kay Nanay na dito ako matutulog. Pero samahan mo ako sa baybayin, do'n kami magkikita ni Aldrick," bulong na uli nito.

"Besty, magsisinungaling tayo kay Ninang? Ayuko nga. Bad 'yan, Besty," sagot niya, lumungkot ang mukha hindi dahil inuutusan siya nitong magsinungaling kundi dahil magkikita ang dalawa sa baybayin, kalahating kilometro pa ang layo sa kanila, pero dahil maganda ang baybaying 'yun kaya minsan sinasadya talagang puntahan ng mga mag-jowa.

Niyakap siya ni Ynalyn.

"Besty, ngayon lang please. Pumayag ka na," lambing nito.

Ang sakit ng dibdib talaga niya, parang tinutusok ng karayum sa loob. Pero kaibigan niya ang jowa ng kanyang crush kaya pipilitin niyang tanggapin ang lahat--ilang beses na ba niyang sinabi 'yon sa sarili?

"Oo na, sige na. Basta ngayon lang ha? 'Pag naulit pa, isusumbong na kita kay ninang," pagpayag niya na may kahalong pananakot.

Napalukso sa tuwa ang kaibigan.

"Ang bait-bait talaga ng besty ko," wika nito.

Pero 'di nito alam, gusto na niyang maluha sa sakit na nararamdaman.

Napakaswerte talaga ni Ynalyn, maganda na matalino pa, at ito pa ang mahal ng kanyang crush. Pero siya, wala man lang magkagusto sa kanya.

Subalit hindi ito ang oras para magdrama siya. Graduation nila ngayon, kailangan niyang magsaya.

"Hay naku itong si Amanda, uuwi daw samin pero hindi raw pupunta rito. Ayaw na kunin si Marble para sumama sa kanya sa Manila upang do'n mag-aral," reklamo ng ina sa kumare habang kalalabas lang ng silid karga ang isang kambal, karga naman ng kanyang ninang ang isa pa niyang kapatid.

"Naku mahirap 'yan, mare. 'Pano pala makakapagtapos ng pag-aaral itong inaanak ko rito eh ang mahal ng matrikula ngayon sa kolehiyo?" sagot ni Aling Yna.

"Nay, marunong naman na akong maghanapbuhay. Sabihin mo po sa kanya, pwede akong maging working student sa Manila. Magtatrabaho ako sa umaga at mag-aaral sa gabi. Kahit two years lang ang kursong matapos ko, okay na 'yon," suhestyon niya sa ina.

Matagal na kasi nilang pinag-usapang sasama siya sa kanyang tiyahin papuntang manila 'pag umuwi ito sa probinsya ng kanyang Nanay sa Ormoc, dadaan na lang sa Cebu para isama siya sa Manila at duon siya gagawa ng paraan para maipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo.

"'Yun nga ang sinabi ko. Pero 'di ko alam sa babaeng 'yon. Tawagan ko na lang uli pag nasa Ormoc na siya," anang ina.

"Linda, Marble! Magsibaba na kayo at narito na ang Tricycle na inarkila ko papuntang simbahan!" tawag ni Mang Luis sa mag-ina.

"And'yan na po, Tatay!" sagot niya sa malakas na boses at nagpatiuna nang bumaba ng hagdanan, sumunod lang ang tatlo.

*************

"Vendrick! Gab!" nakangiting tawag ni Chelsea habang panay ang kaway sa kanila mula sa kinaroroonan nito sa malapit sa stage.

Agad niya itong nakita at gumanti ng kaway saka bumaling sa kasamang si Gab na noo'y halata sa mukha ang 'di maipaliwanag na lungkot.

Siniko niya ito.

"Hey, Dude. Kinakawayan na tayo ni Chelsea," sambit niya.

Confused itong bumaling sa kanya.

"Dude, tingin mo, bakla ba ako?" biglang bulong nito.

Muntik na siyang humagalpak nang tawa sa tanong nito.

"Of course not! Ba't mo naman naitanong yan?" usal niya.

"Parang tinamaan ako sa tinderong 'yon. Mula nang makita ko siya, 'di na ako makatulog gabi-gabi. Parang gusto ko nang umuwi sa Cebu at hanapin siya," pag-amin nito.

Ang kaninang masayang mukha'y napalitan ng pagkatigagal. Hindi siya agad nakapagsalita, napatitig sa matalik na kaibigan. Ang pagkakaalam talaga nito'y lalaki ang babaeng 'yon. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nakaramdam ng inis at kung para kanino ang inis na 'yon, dahilan upang magsalubong ang kanyang mga kilay.

"He was a scary creature, Dude. Baka nagkakamali ka lang ng nararamdaman," kumbinsi rito.

Umiwas ito ng tingin, hinimas ang baba, maya-maya'y umiling at bumaling sa kanya.

"I know you'll never believe me. But I can't explain this feeling right now, Dude. Maybe I really have to see him soon, baka mawala 'to pag nakita ko uli siya," anito.

Gusto niyang batukan ang kaibigan para matauhan pero mas naiinis siya sa sarili sa dahilang hindi rin niya maintindihan.

Iniiwas na lang din niya ang tingin at 'di pinansin ang sinabi nito saka hinanap ng mga mata si Chelsea na noo'y naghihintay sa kanilang lumapit.

"Chelsea is a a talented girl, Dude. Alam mo namang crush ka niya. Bakit 'di na lang siya ang ligawan mo?" wala sa sariling nasambit niya.

"Hey, what did you feel when you kissed him?" biglang lumabas sa bibig nito.

Nakuyom niya ang kamao sa narinig. Sa lahat ng pinakaayaw niyang maalala ngayon ay ang nangyaring 'yon sa Cebu. 'Di na niya matandaan kung ilang beses siyang nagsipilyo at ilang beses nagmumog ng mouthwash para lang matanggal ang lasa ng labi nito na tila pinturang dumikit sa kanyang mga labi.

Sa inis ay iniwan niya ang kaibigan at pinuntahan si Chelsea.

'Shit! Sa dinami-dami ng itatanong niya, 'yon pa ang naitanong sakin!' hiyaw ng kanyang isip.

Gigil na gigil siya sa tomboy na 'yun. Malibang mukha na itong bampira, magaspang pa ang mg labi, ito pa ang kanyang naging first kiss imbes na ang kababatang si Chelsea na si Gab naman ang gusto.

Ilang taon na niyang pinagpapantasyahang maging gf si Chelsea na ngayo'y salutatorian sa school nila. Si Gab naman ang Valedictorian, at siya, with honors. Crush niya talaga ang dalaga mula pa noon kaso si Gab naman ang gusto nito. Pero itong torpe niyang kaibigan, hindi niya alam kung anong nakita sa bampirang 'yon, bakit do'n pa tinamaan?

"Where's Gab?" usisa agad ni Chelsea nang makalapit siya rito, ang haba ng leeg nito kakatanaw kay Gab sa malayo.

"Bakit siya ang hinahanap mo, andito naman ako?" 'di niya mapigilang mailabas ang nararamdaman.

Nagulat ang dalaga sa narinig sa kanya, pagkuwa'y napahagikhik.

"Hey, are you jealous?" pabiro nitong tanong.

Napatitig siya rito.

"I just can't help fallin' for you though I know 'di naman ako ang gusto mo," sa wakas ay nasabi niya rin ang nararamdaman.

Sandali itong natahimik, saka lang nagsalita nang palapit na si Gab sa kanila, sabay pulupot sa braso niya.

"I can feel you, really. Pero hindi talaga ikaw ang gusto ko kundi si Gab," pagpaparinig nito kay Gab.

Biglang umusok ang kanyang bumbunan sa narinig. Alam niyang sinadya nitong lakasan ang boses para marinig ng kaibigan.

Pero ang manhid na si Gab, para lang walang narinig at nakangiti nang lumapit sa kanila.

"Ano, mag-i start na ba ang graduation march?"

Eksaktong katatapos lang nitong magsalita nang magsalita na rin ang Emcee para simulan na ang program para sa graduation.