"Anak magpapakabait ka do'n. 'Wag kang magpapasaway kay Amanda. Tumulong ka sa mga gawaing bahay ha?" todo bilin ang kanyang ina habang tinutulungan siyang ilagay ang kanyang mga damit sa luma na niyang backpack na ginagamit dati sa school.
"Opo," para naman siyang maamong tutang panay lang tango.
Kunti lang na damit ang pwedeng magkasya sa kanyang bag kaya pinili na niya ang mga medyo hindi pa kumukupas ang kulay niyang mga t-shirt, jogging pants at isang pantalong maong na malapad ang manggas sa laylayan at ang isang fitted jeans ang kanyang isinuot kahit kupas na ang kulay niyon, pero okay pa naman, saka tatlong pirasong panty at bra. Tama na 'yun, magkasya lang sa maliit niyang bag.
"O Manang Linda, 'yong pamasahe niyang si Marble. Alam mo namang wala akong perang dala, eksaktong pamasahe lang pabalik ng Manila ang natitirang pera sakin, baka kapusin kami sa daan niyan," paalala ni Aling Amanda na nakaupo sa nag-iisang silyang buo pa rin ang mga paa, ang iba kasi'y nagkanda-sira na kaya nilagyan na lang ng kahoy na paa ng ama para lang magamit pag may bisita sila. 'Pag taga sa kanila lang tulad ng kanyang ninang at si Ynalyn ay sa lumang bench na lang umuupo, 'di ginagamit ang mga silya.
"Oo na'" anang kanyang ina sabay dukot sa bulsa ng palda nitong suot, may inilabas na dadaaning perang nakatupi pa saka ibinigay sa kapatid.
"O ayan, limanlibo 'yang tig-iisang daan. Bayad na ang pagtira ni Marble sa inyo ng isang buwan niyan, mamaya pahirapan mo ang anak ko do'n kasi walang perang ibinibigay sa'yo. And'yan na ang bayad niya," ani Aling Linda sa babae.
Napangiti nang maluwang ang huli saka hinampas ng kamay ang kapatid.
"Ikaw talaga, Manang. Para namang iba sa'kin 'tong pamangkin ko," anito, itinago agad ang perang ibinigay ni Aling Linda sa secret pocket ng sukbit nitong sling bag.
"O anak, ito ang limandaan. Huwag mong gagastusin 'yan hanggat 'di ka pa nakakahanap ng trabaho sa manila ha?" baling ng ina sa kanya sabay abot sa pera.
"Opo," sagot niya uli, kinuha ang pera, inilang tupi bago ilagay sa kanyang bulsa.
Nang matapos sa ginagawa saka naman niya narinig ang tawag ni Ynalyn sa labas.
"Bakla! Bakla! And'yan ka pa?" tila nagmamadali ito.
Patakbo na siyang tumalikod sa ina at bumaba ng bahay.
Pagkakita lang ng kaibigan sa kanya ay agad itong humikbi at yumakap sa kanya.
"Besty, aalis ka na ba talaga? Kelan uli tayo magkikita? Magkikita pa ba tayo?" tuluyan na itong napaiyak.
Pinigil niyang maluha. Sa totoo lang, 'di siya sanay umiyak. Anong iiyakan niya eh sanay naman siya sa hirap ng buhay. Wala naman siyang problema sa pera at sanay din siyang maghanapbuhay para sa sariling pangangailangan. Pagdating sa ibang bagay, wala siyang dapat iyakan. Noong isang araw lang siya umiyak nang mahalikan ng bastos na lalaking 'yun sa palengke. Pero nang sumagi sa isip na baka matagal pa nga bago sila uli magkita ni Ynalyn, parang gusto na rin niyang umiyak subalit pinigilan niya.
"Tahan na Besty. Magkikita rin tayo. Taon-taon ako uuwi. 'Pag 'di ako makauwi, tatawagan kita. Ibigay mo na lang ang number mo para pagdating ko sa Manila, matawagan kita." Ilang-beses muna siyang huminga nang malalim bago nagsalita nang 'di nito mapansing gusto na rin niyang maiyak.
Humihikbi itong kumawala sa pagkakayakap sa kanya at may inilabas sa bulsa ng short.
"Talagang pinaghandaan ko na 'tong ibigay sa'yo nang malaman ko kay nanay na paalis ka na," anito saka iniabot sa kanya ang papel kung saan nakasulat ang number nito. Inilang tupi niya rin 'yon saka inilagay sa bulsa ng kanyang jeans.
Yayakap na sana uli ito nang mabilis siyang tumalikod para 'di nito makita ang pagpapahid niya ng luha sa mata.
"Besty, may ibibigay akong gift sa'yo sa birthday mo sana," anya at nagtungo sa likod bahay, kinuha ang isang flower vase na may tanim na aloevera at binitbit 'yon pabalik kay Ynalyn.
"Itong aloevera. Ingatan mo 'yan nang 'di mamatay. Maganda daw 'yan panglagay sa mukha nang 'di ka magkatagyawat," sambit niya.
Kahit panay ang hikbi, bahagya itong napangiti.
"Boss Jols! Boss Jols!" Takbuhan sina William sa kanilang bakuran kasama ang buo niyang tropa.
"Boss Jols, aalis ka na agad? 'Di mo man lang pinaabot ng isang linggo pagkatapos ng graduation bago ka umalis?" malungkot na saad ni William.
"'Di pwede eh, andito na kasi si T'yang Amanda. Siya ang titirhan ko sa Manila." paliwanag niya, 'di pinahalatang malungkot na aalis.
"Pagdating mo do'n, magtext ka sa'min, ha? Ito number namin," ani Charry at iniabot ang one-fourth na yellow pad kung saan nakasulat ang lahat ng mga number ng mga itong nakalakip na ang pangalan.
Kinuha na uli niya 'yon, ilang beses na tinupi at ibinulsa.
Mababakas sa mukha ng mga tropa niya ang lungkot, ang iba'y umiiyak na habang sabay-sabay na yumakap sa kanya.
"Boss Jols, tatawag ka sa'min palagi ha?" anang isa niyang tropa.
"Para naman akong pinaglalamayan nito. Tumigil na nga kayo sa kadramahan. Parang luluwas lang akong Manila eh," naiinis niyang sambit ngunit ang totoo, dalang-dala na siya sa iyakan ng lahat.
"'Wag mo kaming kalilimutan, Boss Jols ha?" ani William na kung hindi lang lalaki ay baka nakiiyak na rin kasama ng ilan pa.
"Oo. 'Pag nakapagtrabaho na ako taon-taon ako uuwi dito," may katiyakan niyang sagot, saka lang nagsitahan ang mga 'to.
Humugot si William ng pera sa bulsa ng short nito at ibinigay sa kanya ang tatlong tig-iisandaan.
"Pasensya ka na, Boss Jols. Ito lang talaga ang kaya ng mga bulsa namin. Tig-bebente kami n'yan lahat. Basta pagdating mo sa Manila, tawagan mo agad kami," anito.
Nahihiya ma'y tinanggap niya 'yon. 'Di man niya magastos, gagawin na lang niyang souvenir para 'pag nakikita ang mga 'yun ay maaalala niya ang kanyang mga katropa.
"Maraming salamat sa inyo. Hayaan niyo, tatawagan ko kayo lahat pag nando'n na ako sa Manila," pangako niya.
"Marble. Asan na ang tatay mo nang maihatid na kayo sa Terminal ng bus?" tawag ng ina. Nakababa na ito sa hagdanan ng bahay bitbit ang kanyang backpack.
Hinanap niya sa paligid ang ama ngunit wala ito ro'n.
Asan ang tatay niya?