Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 12 - HELLO RIZAL PARK

Chapter 12 - HELLO RIZAL PARK

Hindi alam ni Marble kung ilang beses siyang nakatulog habang nagbibiyahe. Nagigising lamang siya kapag naririnig ang ingay na nagmumula sa loob ng bus at sasakay na uli sila sa panibagong bus papuntang Manila. Sumakay din sila ng ferry boat at muling bumalik sa loob ng bus deretso na sa Manila.

Sa bawat paglipat nila ng bus ay kumakain sila lagi nang 'di raw sila magutom sa daan, anang kanyang Tyang Amanda.

Pagkatapos kumain ay muli siyang nakatulog. 'Di niya alam kung ilang oras siya sa pagkakatulog. Basta naramdaman na lang niyang may kumakapa sa bulsa ng kanyang jeans saka siya nagising.

Agad siyang nagdilat ng mga mata.

"T'yang?" gulat niyang bulalas nang makita itong nakaupo na sa kanyang tabi.

Sandali itong natigilan at awang ang bibig na tumitig sa kanya. Maya-maya'y hindi na mapakali ang mga mata.

"Ano kasi, naubos na ang pera ko kakabili natin ng pagkain mula pa kahapong nagsimula tayong magbiyahe. Baka naman pwedeng pahiramin mo muna ako ng pera d'yan at bibili lang akong pasalubong sa mga anak ko. Andito na kasi tayo sa Manila, malapit na sa terminal ng bus," paliwanag nito sa kanya, alanganing nakangiti.

"Ah gano'n po ba?" an'ya saka kinuha ang nakatuping 500 sa bulsa.

"Ito po," abot niya sa pera.

Biglang lumungkot ang mukha nito pagkakita sa pera.

"Naku, kulang 'to. Baka sabihin ng asawa ko, wala man lang akong nabiling pasalubong sa kanila. Baka merun ka pa d'yan, pwedeng dagdagan mo kahit isang libo lang. Babayaran na lang kita pagdating natin sa bahay," hirit sa kanya.

Sandali siyang nag-isip. Kung ibibigay niya lahat ng perang bigay ng kanyang mga magulang at kaibigan, wala na siyang pambili ng kailangan niyang bilhin sa oras ng kagipitan.

Sinulyapan niya ang tyahin. Nakakaawa naman kung 'di niya ito pagbibigyan tutal eh magbabayad naman daw ito pagdating nila sa bahay nito.

Nanaig ang awa sa tyahin, dinukot niya ang perang binigay ng mga kaibigan sa kanya.

"Sensya na po pero 'yan na lang po ang natitira kong pera," sambit niya.

Mabilis nitong kinuha ang nakatuping tatlong daan at umayos nang upo.

"Sige, sapat na ata 'to. 'Wag ka nang matulog ha at ilang minuto na lang eh hihinto na 'to sa terminal," anito sa kanya.

Tumango lang siya saka idinako ang tingin sa may bintana. Wala siyang ibang nakikita kundi nagtataasang mga gusali at dikit-dikit na mga bahay. Kung merun mang mga puno, kukunti lang ang kanyang nasisilayan. 'Di katulad sa Cebu.

Hindi rin halos umuusad ang kanilang bus sa dami ng mga sasakyang nagpakahilira sa gitna ng daan. Matrapik pala sa Manila. Iyon ang kaibahan sa kanila sa Cebu.

Iniikot naman niya ng tingin ang loob ng bus. Punu-punuan na iyon, merun na ngang mga nagpakatayo sa gitna. Kaya seguro lumipat na ng mauupuan ang kanyang T'yang Amanda sa kanyang tabi.

"T'yang ano na pong lugar 'to?" usisa niya ngunit 'di rito nakatingin, kundi sa labas ng sasakyan.

"Ah, ito ang Pasay," kaswal nitong tugon sabay dukot ang cellphone nito at may tinawagan.

"Andito na ako sa Pasay. Susunduin mo ba ako? Marami akong dala eh," anito sa kausap.

Tahimik lang siyang nakikinig, kunwari ay abala siya sa pagtanaw sa mga nakikita sa labas ng bus. Ngunit nagtataka siya kung bakit sinabi nitong maraming dala gayong isang sukbit na bag lang naman ang dala nito at isa ring backpack.

"Ah ganon ba? O sige sa Luneta," wika na uli nito saka pinatay na ang tawag.

"Sa Luneta tayo dederetso pagkatapos natin bumaba sa terminal ha? Tandaan mo 'yong paligid na dinadaanan natin. 'Wag kang lalayo sa'kin baka maligaw ka," bilin sa kanya. Noon lang siya bumaling rito at nakangiting tumango.

Napangiwi ito nang makita ang mahahaba niyang pangil.

"Nakakatakot naman 'yang mga pangil mo, para kang totoong bampira."

Agad niyang pinagdikit ang mga labi at ,di na nagsalita.

Sanay naman na siyang ganun ang sinasabi sa kanya kaya 'di na siya nasaktan sa komento nito at tumahimik sa kinauupuan hanggang sa huminto ang bus sa terminal niyon.

Hinintay muna nilang magsilabasan ang ibang mga pasahero hanggang sa lumuwang ang daanan at saka lang sila bumabang magtyahin.

Pagkababa lang ay inaya na siya nitong lumabas ng terminal at maglakad papunta pa sa unahan. Sumunod lang siya saka sila sumakay ng jeep pero 'di niya alam kung saan papunta 'yon, baka sa sinasabi nitong Luneta.

Naexcite siya agad sa naisip. Sa wakas, makikita na niya ang tanyag na Luneta Park na sa libro niya lang nasisilayan ang itsura.

Habang nasa loob ng jeep, 'di niya maiwasang mapatitig sa naggagandahang mga dalagang nakasakay din. Ang kakapal ng make-up ng mga ito at halos lumuwa na ang mga dibdib sa suot na mga damit pero wala man lang pakialam ang lahat sa bawat isa. Siya lang seguro iyong pakialamerang naruon.

Kahit ang mga lalaki'y kapansin-pansin ang kaputian ng mga mukha, ang gugwapo ng mga ito, napapanganga tuloy siya sa paghanga, ngunit nang makitang napangiwi ang isang lalaking napasulyap sa kanya'y agad niyang itinikom ang bibig. Nakita na naman seguro ang kanyang mga pangil.

Kinalabit siya ng kasama pagkaraan ng halos kalahating oras na pag-upo nila sa loob ng jeep.

"Baba na tayo," wika nito saka naunang tumayo at bumaba ng jeep.

Sumunod na uli siya, mahigpit pa rin ang pagkakayakap sa kanyang backpack na tila may kayamanang ando'n at takot siyang manakaw.

Agad niyang pinagmasdan ang paligid. Una niyang nakita ang naglalakihang mga puno sa gilid ng kalsada.

Hinawakan siya ng tyahin sa kamay at naglakad sila sa unahan hanggang sa makita niya ang isang matayog na flagpole sa unahan. Sumunod sila sa mga taong naglalakad papasok sa isang park na sa unahan ay may munumento ni Rizal.

Namangha siya sa nakita habang binabalikan sa isip ang itsura ng Rizal park sa libro.

Ito na nga 'yon. Ito na ang Luneta na sinasabi ng kanyang Tyang Amanda. Ang ganda pala, ang daming tao sa buong paligid.

Tuloy-tuloy silang naglakad sa sementadong daan palapit sa munumento ni Rizal. Kahit nalapamsan nila 'yon ay nakalingon pa rin siya ruon.

"Dito muna tayo sa lilim umupo," pukaw ng tyahin, nauna na uling umupo sa sementadong upuan sa tabi ng isang malaking puno.

Nakangiti siyang umupo rin saka muling tinignan ang buong paligid. Naaliw siyang pagmasdan lalo na 'yong mag-amang tumutugtog ng gitara at sabay na kumakanta.

Gusto niyang lumapit sa mga ito pero baka naman maligaw nga siya at 'di na makita ang tyahin kaya nagkasya na lang siyang umupo at tanawin ang dalawa.

Maya-maya'y tumayo ang kasama.

"Marble, dito ka lang muna ha? Bibili lang ako ng pagkain natin sa dako ruon. Duon din ako bibili ng pasalubong sa bahay," paalam nito.

Tiningala niya ang tyahin ngunit walang reaksyon sa kanyang mukha.

"Dito ka lang ha? 'Wag kang aalis dito baka maligaw ka. Dito ka lang maghintay." bilin nito sa kanya.

Duon lang siya tumango pero 'di na ngumiti nang 'di nito makita ang kanyang mga pangil.

Umalis na ito pagkuwan. Siya nama'y nagkasya na lang na habulin ito nang tingin habang papalayo at pabalik sa pinasukan nila kanina. Baka do'n ito bibili ng pagkain. Lumingon siya sa paligid. Merun naman do'n nagtitinda ng mga biscuit at tubig saka mga pagkain sa di kalayuan, bakit sa labas pa ng park ito nagpunta?

Bigla siyang kinahaban sa naisip at napatayo sa kinauupuan.