Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 9 - GOODBYE CEBU, GOODBYE...

Chapter 9 - GOODBYE CEBU, GOODBYE...

"Tay! Tatay!" tawag ni Marble sa likod-bahay, baka sakali ando'n ang ama.

Naroon nga ito, nagsisibak ng kahoy gamit ang palakol na kasintanda na yata niya sa kalumaan.

"Tata-" Nahinto siya sa pagtawag dito nang makitang napayuko ito at mabilis na pinunasan ang mata gamit ang palad.

Umiiyak ba ang tatay niya?

"Tay!" an'ya nang tuluyang makalapit, kunwari 'di ito nakitang nagpahid ng luha.

"Tatay, aalis na raw po kami. Sabi ni Nanay ihatid niyo raw po kami ni Tyang Amanda sa Terminal ng bus," wika niya.

Hindi ito lumingon sa, ni 'di sumulyap ngunit narinig niya ang malalim na paghinga.

"Marble, wala akong kwentang ama."

Nagulat siya sa sinambit nito maya-maya.

"Tatay, ano ba'ng drama 'yan? Imbes na si Nanay ang magdadrama eh ikaw pa itong nag-eemote d'yan'" kunwari'y aburido niyang sagot.

"Tara na po tayo, ihatid niyo kami sa terminal ng bus, Tay," yaya niya.

"Nahihiya ako sa'yo, anak. 'Di man lang kita magawang itaguyod sa pag-aaral mo. Lalo na seguro kung marami akong anak. Ikaw nga lang mag-isa, 'di ko man lang mapapag-aral sa kolehiyo," garalgal na nitong wika saka yumugyog ang mga balikat habang nakatukod sa lupa ang hawak nitong palakol at nakatalikod sa kanya.

Sobrang awang hinawakan niya ang balikat nito. Ayaw niyang maging emosyunal nang mga sandaling iyon, pero sa tingin niya, kailangan niyang pagaanin ang loob ng kanyang mahal na ama.

"Tatay, wala po kayong kasalanan. Napakaswerte ko nga po kayo ang naging magulang ko. 'Di naman po ako mapaghangad ng kung anong bagay. Alam ko naman pong ginagawa niyo ang lahat para maibigay sa'min ang aming pangangailangan," paliwanag niya rito.

Lalong bumilis ang pagyugyog ng mga balikat nito habang nakatalikod sa kanya at nakayuko.

"Wala akong silbing ama, Marble. Nakapagkolehiyo nga ako pero wala naman akong mahanap na magandang trabaho, hanggang sa pagtitinda lang ako ng buko juice." lumuluha nitong sagot saka isininga ang naglalabas-masok na sipon.

Nakagat niya ang ibabang labi, pigil ang pagpatak ng luha saka niyakap sa likuran ang ama.

"Balang-araw 'Tay, masasabi ko rin po sa lahat ng tao na ikaw ang tatay ko, ang napakasipag kong tatay na kahit ga'ano kahirap ang buhay ay nagawang maging ulirang ama at itinaguyod ang pamilya ng 'di umaasa sa tulong ng kahit kanino. Proud po ako sa inyo, Tay," pumipiyok niyang saad saka huminga nang malalim.

"Hindi po ako aalis dahil wala kayong kwentang ama. Aalis po ako para makipagsapalaran sa Manila at duon po ipagpatuloy ang pag-aaral ko para po pagdating ng araw, ako naman po ang ipagmalaki niyo. Kaya payapain niyo po ang sarili niyo, Tay. 'Wag niyo pong sisihin ang sarili niyo sa pag-alis ko," dugtong niya.

Humihikbing humarap sa kanya ang ama at mahigpit siyang niyakap.

"Salamat anak. Ang swerte ko talaga kasi ikaw ang naging panganay ko. Pagpalain ka sana ng Diyos Marble at maging maganda ang mapuntahan mo sa Manila," sambit nito nang mahimasmasan saka tinapik-tapik ang kanyang likod.

"O tigil na po ang drama at baka wala na po kaming masakyang bus nito papuntang Manila," awat niya saka kumawala sa pagkakayap nito.

Nahihiya naman itong napangiti at pinahid ang luha sa mga mata gamit ang manggas ng damit.

"O sya, umalis na tayo. Sandali lang at maghuhugas lang ako ng kamay," anito saka nagpunta sa balon sa ,di kalayuan sa kanilang kinaroroonan.

Nang bumalik ay may iniabot din itong limandaang piso sa kanya at para mawala ang pagsi-self pity nito ay agad niyang kinuha ang pera, gano'n uli ang ginawa, ilang beses na tinupi saka inilagay sa bulsa ng jeans.

"Naku, seguradong yayaman ako nito pagtuntong ko sa Manila. Ang dami ko nang pera eh," biro niya.

Marahan itong tumawa.

"Basta 'pag nakarating ka sa Manila, tawag ka agad sakin, kabisado mo naman ang number dito. Ipaalam mo agad kung nasaan ka na, kung ano ang address mo do'n," bilin na nito, parang magaan na ang pakiramdam, normal na ang pagsasalita.

"Opo. Basta ingat din po kayo rito. Baka magpalipas na naman kayo ng gutom niyan. Bawal na kayong magkasakit, Tay at wala na ako rito," ganti niyang bilin sa ama bago sabay na tumungo sa harap ng bahay kung saan naghihintay ang ina, tyahin at mga kaibigan.

Hindi pumayag ang mga kaibigan niyang 'di siya ihatid sa terminal kaya nag-abang na lang sila ng jeep na papuntang terminal para makamura ng pamasahe. Imbes na 'di sasama ang ina, napasama na rin ito karga ang dalawang kambal, ngunit nang makasakay na sa jeep ay kinuha din ng ama ang isa niyang kapatid mula sa ina.

Kung kelan nasa terminal na sila, saka naman umagaw ng atensyon si Aing Linda, parang batang ngumawa habang panay bilin sa anak.

"Ang anak ko, iiwan na kami ng anak namin,"panaghoy nito na tila namatayan habang ilang beses na yumakap sa kanya.

"Magpapakabait ka do'n anak. 'Wag kang gagawa ng kalokohan. 'Wag kang magbibisyo sa Manila. 'Pag nakapagtrabaho ka na, magpa-enroll ka agad sa kolehiyo nang wala kang masayang na taon, tuloy-tuloy ang pag-aaral mo," bilin nito habang ngumangawa saka naman siya uli niyakap.

"Ang anak ko, aalis na ang anak ko. Mag-iingat kayo sa daan. Seguraduhin mong yumaman tayo pag ando'n ka na sa Manila nang 'di na tayo nilalait ng mga kapitbahay nating mayayaman ha?" bilin na uli.

"Opo," magalang niyang sagot.

"Ang mga sasakay d'yan papuntang Manila, aalis na po tayo! Sumakay na po kayo. 'Wag niyo pong kalilimutan mga gamit niyo! 'Yong malalaking maleta, sa compartment po dapat nakalagay," tawag ng kundoktor.

Pagkarinig lang niyon, halos magsabay-sabay na nagsiyakap ang mga kaibigan at katropa sa kanya, nagsisipag-iyakan.

"Boss Jols! Mamimiss ka namin, Boss Jols."

"Besty ingat ka sa Manila ha?"

"O sige na. Sige na aalis na kami," an'ya at pilit na kumawala sa karamihan saka nagmadaling umakyat sa bus na sasakyan nang 'di makita ng lahat kung pa'nong tumulo ang kanyang mga luha sa halu-halong emosyong nararamdaman.

Sumunod naman ang kanyang Tyang Amanda na katatapos lang bumili ng kanilang ticket.

'Di siya humarap sa may bintana, hinayaan niyang umupo sa bandang 'yon ang tyahin. Kunwari'y may kinuha siya sa kanyang bag at kunwari'y 'di niya napansin ang mga magulang at mga kaibigan na panay kaway sa kanya mula sa labas hanggang sa tumakbo na ang bus at makalayo sa lugar na 'yon.

Nang masegurong malayo na sila ay saka lang siya umayos nang upo at lumipat sa kabilang upuan kung saan walang nakaupo. Yakap ang backpack ay hinayaang pumatak ang mga luhang kanina pa gustong kumawala.

Tila siya nakatingin sa kawalan habang nakaharap sa bintana, 'di pansin ang pulang van na makakasalubong at lalong 'di nakita ang binatang nakaawang ang mga labi at nakakunut ang noong nakatitig sa kanya sa bintana hanggang sa tumapat ang van sa kanilang sinasakyan hanggang sa makalayo na iyon sa kanila.

"Hey dude. Ba't humahaba 'yang leeg mo d'yan?" takang usisa ni Gab sa lalaking nasa hulihan.

'I think I saw that vampire inside the bus,' gusto nitong isagot ngunit nang 'di maseguro ang nakita ay umayos na lang ito ng upo.

"Nothing. Saan ba tayo pupunta?" anito kahit na alam kung saan sila papunta.

"Deretso tayo sa Tabo-an public market," ani Gab.