"ANG engot-engot mo kasi! Sinabi na sa`yo na huwag na huwag kang bibigay. Ayan! Ano'ng nangyari sa'yo ngayon? Wasak ka! Hinayaan mo `yan mangyari sa sarili mo kaya magdusa ka! Hashtag malakingtangasapag-ibig!
"Kung `di ka ba naman overflowing sa kagagahan, aasa ka sa paminta?" malakas at mangiyak-ngiyak na sabi ni Michelle sa sarili habang nakaharap sa kanyang full length mirror.
Pinahid niya ang luhang nalaglag sa kanyang pisngi gamit ang kanang kamay bago pabagsak na umupo sa kama. Mag isa lang siya sa bahay kaya malakas ang kanyang loob na magsalita ng ganoon.
Linggo iyon ng hapon at kagagaling lang niya sa bahay ng parents niya.
Kahapon, Sabado, pagkagaling sa trabaho ay dumiretso na siya sa bahay ng magulang dahil nabalitaan niyang may sakit ang kanyang ina.
Mabuti at trangkaso lang ang sakit. Pagkatapos niyang makapahinga ay sinamahan niya sa duktor ang mama niya kahapon. Nag order ng x-ray at sputum exam and duktor para siguraduhin na hindi pa nauuwi sa pneumonia ang sakit nito.
I-te-text o itatawag na lang daw ng magulang niya sa kanya kung anoman ang magiging resulta ng nga diagnostic test. Umaasa naman siya na hindi malala ang sakit ng mama niya, lalo na at ni-resetahan na ito ng antibiotics.
Nagkasakit dati ng pneumonia ang mama niya, at muntik na nawala sa kanila. Iyon ay noong panahon na nasa high school pa sila ni kuya Mike. Magkaiba ang eskuwelahan nila ng kakambal pagdating sa high school.
Ipinasok kasi siya sa exclusive school for girls na malapit lang sa kanila, walking distance. Habang si Mike ay kinailangan pang bumiyahe para sa pinasukan nitong eskuwelahan. Kung pareho lang silang babae, eh di sana baka naging magkaklase pa sila.
Natigilan siya, gusto nga ba niya na pareho sana silang babae ng kapatid? Baka laging matching clothes and suot nila mula noong mga bata pa sila? Naku, okay na sila na babae at lalaki. Kung ngayon lang nga eh grabe na sila magbangayan, lalo na siguro kung pareho silang babae. Teka, napapalayo ang iniisip niya ah.
Kaya tuwing may tumatagal na ubo at nilagnat ang mama niya ay nababahala na silang lahat. Bihira kasi magkasakit ito, pero matindi naman kapag tinamaan.
Mabalik sa kung bakit siya nag-aalburuto ngayon, ito kasing housemate niya! Nang i-text niya kaninang umaga si Jamie para kumustahin ito, ay may na wrong send na message sa kanya. May ka-meeting itong lalaki sa isang hotel at ang text nito ay didiretso na ito sa room ng katagpo.
O, `di ba? Kung magkaibigan lang ang mga ito ay bakit pa sa hotel magkikita? Sa restaurant o kung saan public place dapat nagkikita ang mga magkaibigan, kahit dito sa kanyang unit ay puwede kung ipagpapaalam lang sa kanya.
Pero sa room ng isang hotel? Isa lang ang ibig sabihin noon…. At gusto niyang magwala…..
Bakit kasi umasa siya na pinili nito maging lalaki? 'Di ba muntik pang may nangyari sa kanila after nung pekeng kasal? Pero heto ngayon, may ka-date ito sa hotel!
Baka naman may nakilala ito sa mga pagkakataon na namamasyal ito mag-isa? Syempre kapag nasa trabaho siya ay puwede rin naman gumigimik ito sa gabi. Hindi naman sila totoong mag-asawa para kailanganin pa nitong magpaalam sa kanya.
Kailangan niya si Kristine. Baka maloka na siya kung wala siyang pagsasabihan ng kanyang sama ng loob. Ayaw niyang istorbohin si Lizzie. May ka-date daw ito ngayong Linggo. Natutuwa siya na luma-lablyf na ang kanyang bff#2.
Luminga-linga siya upang hanapin ang cellphone. Oo nga pala, hindi pa niya nailalabas sa kanyang bag ang cellphone na naka-vibrate mode lang. Mi-nu-mute talaga niya kapag nasa biyahe siya.
Napakunot ang noo ni Michie nang makita ang 30 missed calls at sampung text messages sa kanya ni Jamie. Inumpisahan niyang basahin ang message nito. Mas lalo siyang nagtaka sa mga nakasulat doon:
Don't go home yet. Stay at your parents' home. I'll explain later.
Where are you? Call me back, please.
Michie, this is urgent. Contact me, please.
Don't go home to the condo, yet. I will explain.
If you're already there, go out. Stay at the mall or somewhere. But don't stay there.
Please pick up the phone.
Kinabahan siya sa mga nababasa niya. Ano nangyari? Hindi naman siya bibiruin ni Jamie ng ganito. Saka bakit ayaw nitong umuwi muna siya? Para ba ma-i-uwi nito ang jowa sa unit? Pero naka hotel na nga ang mga ito eh.
Tatawagan na sana niya si Jamie nang may kumatok ng malakas sa pintuan ng kanyang kuwarto. Nilukob siya ng kaba. Naiwan ba niyang bukas ang main door? Alam niya ay na-lock naman niya iyon.
Kinuha niya ang upuan ng kanyang tokador bago pumuwesto sa gilid ng pader na malapit sa pintuan. "Sino `yan?" sigaw niya.
"Ako `to, si Jamie ! Buksan mo ang pinto, dali!"
May panic at urgency sa tinig ng lalaki na sigurado siyang kararating lang doon. Mabilis niyang pinihit ang seradura ng pintuan at pagkabukas niyon ay mabilis siyang hinaltak palabas ni Jamie.
"Ano ba, Jamie? Nasasaktan ako!" singhal ni Michie sabay bawi sa kanyang braso. Ano ba 'to, sinaniban ng masamang espiritu?
Binitiwan naman siya ni Jamie at tumingin sa kanya na humihingi ng paumanhin.
"I'm sorry. Pero kailangan nating umalis, ngayon din. Wala na tayong oras para magdala ng kahit ano. I'll explain on the road," sabi ni Jamie habang mataman na nakatingin sa kanya.
"Ano ba pinagsasabi mo? Ano-ano ba itong tinext mo? Ano ba ang emergency?" sunod-sunod na tanong niya.
"Look, there's no time for me to explain. We have to go," kalmado na sabi ng lalaki pero halata sa tinig nito ang pagmamadaling umalis.
Humalukipkip siya. "Hindi ako aalis hanggang hindi ka nagpapaliwanag. Malay ko ba na pinagloloko mo lang ako," pagmamatigas niya.
Huminga ng malalim si Jamie. Tinitigan siya kaya sinalubong din niya ng tingin ang mga mata nito. Alam niya na sa tingin niya ay nandoon ang paghahamon. Hindi talaga siya aalis hanggat hindi nito sinasabi kung bakit niya kailangan sumama rito.
"Kung gusto mo umalis, umalis ka. Bahay ko ito kaya mananatili ako rito. Kung mapapaniwala mo ako sa kung anoman na dahilan mo, saka pa lang ako sasama," pagmamatigas niya.
Pinagloloko siya nitong lalaking ito eh! Halos naniwala siyang lalaki ito, tapos iyon pala ay lalaki talaga ang gusto! Siya naman itong napakalaking tanga na umaasa na magugustuhan nito. Grabe na ang kagagahan niya kung basta-basta pa siya maniniwala sa pamintang ito!
Dahan-dahan tumango si Jamie na hindi pa rin inaalis ang pagkakatitig sa kanya. Siguro ay naisip nito na hindi siya magpapatinag. Talaga lang!
"Alright. Sasabihin ko kung ano ang nangyayari pero huwag na munang maraming tanong. Okay? Nagsasayang kasi tayo ng oras. Kailangan na natin makaalis," sabi ni Jamie.
Sigurado si Michelle na hindi ito nagbibiro. Gusto man niyang mapabuntunghininga sa kakisigan ng lalaki sa suot nitong pulang collar shirt at khaki pants, na magsasabi sa lahat ng makakakita rito na tunay itong lalaki at hindi paminta, ay pinilit niya ang sarili na basahin ang iniisip nito.
Tumango siya bilang pagpayag. Hinawakan siya nto sa magkabilang balikat.
"Michie, may mga taong naghahanap sa akin. Alam na nilang dito ako sa iyo nakatira. Papunta na sila dito kaya kailangan na nating umalis. Promise, sasabihin ko sa iyo ang lahat basta sumama ka muna sa akin.
"Delikado kung magtatagal pa tayo rito. Ako lang naman ang kailangan nila, pero natatakot ako na baka may gawin silang masama sa iyo kaya kailangan kitang ilayo. Please, maniwala ka sa akin."
Napakaseryoso ng tinig, hitsura at pananalita ni Jamie. Kahit mangulit siya ngayon, hindi siya sasagutin ng lalaki kaya kailangan muna niyang sumama at hintayin ang paliwanag nito.
Hindi masamang tao si Jamie, napatunayan niya iyon sa ilang buwang magkasama sila. At lalong hindi siya nito ipapahamak. Kahit marami pa siyang katanungan, naniniwala siya sa sinabi nito. Napatango na lang siya ulit.
"Kukunin ko lang ang bag ko," aniya. Pumayag si Jamie kaya dali-dali niyang dinampot ang bag at isinara ang ilaw sa kanyang kuwarto. Nakita niyang tsine-tsek ng lalaki ang gas ng stove at isinasara din ang ilaw ng unit.
Kakaiba ang nararamdaman niyang kaba ngayon. Parang may mangyayaring hindi maganda. Parang gusto niyang maglaho na lang sila ni Jamie sa oras na iyon at pumunta sa kung saan man siya nito dadalhin.
Pumasok si Jamie sa silid nito, at paglabas ay nakita niyag may dala itong isang bungkos ng pera, peso at dolyares. Napakunot ang noo niya.
"A-ano 'yan?" nag-aalalang tanong niya.
"Kailangan natin ng pera para makapagtago," sabi nito bago inabot sa kanya iyon. "Ikaw ang magdala, ikaw ang may bag."
Kahit naguguluhan ay tumalima naman siya. Inilagay niya iyon sa isa sa mga compartment na may zipper sa loob ng bag niya.
"Saan ba tayo pupunta? Puwede tayo sa parents ko o kaya kila Kristine," suhestyon niya.
Umiling si Jamie. "Hindi puwede doon. Sigurado ako na pati ikaw ay napa-imbestigahan na nila. I'm sorry, Michie. Hindi kita dapat na-i-sangkot dito. Hindi ko akalain na pupunta sila ng Pilipinas."
"Ha?" Talaga naman mas masakit pa sa pag-solve ng crosswords puzzle, sodoku, at Wordscapes ang mga sinasabi ng lalaking ito. "Eh saan tayo pupunta?"
Tinitigan siya sa mga mata ni Jamie bago nito hinaplos ang isang pisngi ng mukha niya. "I really don't know. I just have to keep you safe," he said in a soft voice.
She felt warm inside. Kung hindi lang sa napakarami niyang tanong, at naguguluhan siya sa mga nangyayari, iisipin pa niyang napaka-romantic ng sinabi nito.
Malungkot at may takot ang mga mata ni Jamie. Totoo nga na nag-aalala ito para sa kaligtasan niya. Muli siyang tumango.
Hinawakan nito ang isang kamay niya at humarap sila sa pintuan. Bahala na nga siguro si Batman kung saan man sila mapadpad. Pero mamaya ay maghihintay siya ng bonggang paliwanag mula sa pamintang ito.