Chereads / Falling for my Gay Housemate! / Chapter 22 - Pagpapaalam

Chapter 22 - Pagpapaalam

MABIGAT ang talukap ng mga mata ni Diego. Parang napakahirap idilat at napakasakit ng kanyang katawan. Nakalimutan yata niya uminom ng vitamins kagabi kaya ganito ang kanyang pakiramdam.

Napaungol siya dahil hirap rin siya sa pagsasalita. Gising na ang diwa niya pero ayaw sumunod ng kanyang katawan sa mga gusto niyang gawin.

"Nagkakamalay na siya," sabi ng isang pamilyar na tinig. Kung hindi siya nagkakamali ay si Julius iyon. Muli siyang napaungol lang nang pilitin niyang magsalita.

Bakit ganito siya? Bakit hindi siya makakilos o makadilat? Teka, ano ba ang huling nangyari sa kanya?

.....Si Einar! Itatakas niya si Michelle pagkatapos nilang mag usap ni Ivan. Kinontak siya ng kaibigan na pinuntahan naman niya sa tinutuluyan nitong hotel. Nagpunta ito sa Pilipinas dahil nabalitaan nitong papunta rin dito si Einar na siya ang target. Ito na ang panahon para mahuli ang head syndicate sa bansa nito at smuggler ng pirated products.

Dapat ay ilalayo muna niya si Michelle bago siya gawing pain, kaso nauna ang pagdating ng grupo ni Einar at kung nahuli ng dating sila Ivan ay baka sa punerarya na siya idiniretso.

Dahil sa takot na baka mapahamak ang dalaga, lumaban si Diego sa abot ng kanyang makakaya. Bago siya nawalan ng ulirat ay dumating na ang tulong at nakita niyang ligtas ang babae.

"Halika na, okay na siya kaya puwede na tayong umalis." Sigurado si Diego na kay Mike ang tinig na iyon. Nakabalik na pala ng bansa ang kapatid ni Michelle? Kailan pa? "Let's go." Si Julius lang ba ang kausap nito?

"Kuya, baka puwedeng hintayin ko munang dumilat si Diego. Kailangan ko siyang makausap. Please. Sana ay mapagbigyan mo ako," narinig niyang sabi ni Michelle.

Mas lalong sumidhi ang kagustuhan niyang dumilat. Gusto niyang makita ang babae.

"Gugustuhin mo pa ba kausapin ang tarantadong `yan, eh bukod sa niloko ka na at ginamit, muntik ka pang ipinahamak," sabi ni Michael.

"Mike, hindi sa kinukunsinti ko si Diego, pero kailangan mong hayaan makausap ni Michie si Diego at siya ang mag desisyon para sa sarili niya," pamamagitan ni Julius. Talagang marunong sa katuwiran ang abogado.

Saglit na namagitan ang katahimikan bago may narinig na yabag si Diego at bumukas-sara na pintuan.

"Michie, baka hindi kayanin ni Diego ibukas ang mga mata niya. Namamaga kasi dahil sa bugbog. Sabi ng duktor ay baka mahirapan din siyang magsalita dahil sa pamamaga ng lalamunan niya. Magsalita ka lang, maririnig niya," sabi ni Julius.

Patlang muli bago may lumabas ng silid. Nasa unit ba sila? May nabanggit na duktor si Julius, baka nasa ospital siya.

Naramdaman ni Diego na hinawakan ni Michie ang kaliwang kamay niya. Pinilit niyang pumisil para iparamdam sa babae na may malay siya. Sinubukan niyang ibukas ang mga mata pero bukod sa hirap ay nasisilaw siya sa liwanag.

"Kung hindi mo pa kayang dumilat, huwag mong pilitin. Magang-maga ang mga mata mo," sabi ni Michelle.

Nag-relax si Diego at hindi na sinubukan dumilat. Namagitan ang saglit na katahimikan. Naisip niyang baka nahihirapan din ang dalaga, o kaya ay naaawa sa kalagayan niya.

Pero maaari rin na galit na galit ito. Kung gayon man, bakit hinawakan ni Michelle ang kanyang kamay? Kailangan niyang magpaliwanag. Pero ungol lang muli ang nanulas sa kanyang bibig.

"Diego, ipinaliwanag ni Julius sa amin ang lahat. Sinabi mo raw ang ang mga nangyari nung pinuntahan ka niya sa condo. Sinabi rin niya na may intensyon ka naman ipagtapat ang katotohanan sa amin ni kuya Mike kapag naayos mo na ang problema kay Einar.

"Naiintindihan ko ang paliwanag ni Julius, pero ang hindi ko matanggap, iyong paggamit mo sa akin para maipalabas na may asawa ka na, hindi pala para sa mga magulang mo kundi para kay Einar. Ibig sabihin kasi nun ay sinadya mo ang panloloko. Kung noong una pa lang sana ay ipinagtapat mo na lang ang katotohanan, hindi sana ganito ang kinahantungan ng lahat," pumiyok sa huling kataga ang dalaga.

"S-sorry," nagawang sabihin ni Diego. Gusto niyang magpaliwanag, marami siyang dapat sabihin pero kahit lalamunan niya ay masakit. Hayop talaga ang Einar na `yon, kung hindi naagapan ay napatay na siya sa sakal.

"I know. I'm sorry, too," sabi ni Michelle. "Darating ang panahon na siguro ay kakayanin kong pagkatiwalaan kang muli. Pero sa ngayon, masyadong masakit ang ginawa mo," garalgal na dugtong ng dalaga.

His body is broken, but nothing can compare with the pain his heart is experiencing right now. Hindi niya kayang mawala si Michelle sa buhay niya. Matitiis niya ang kahit anong torture o pambubugbog nila Einar, pero ang mawala sa kanya ang babaeng minamahal niya, iyon ang hindi niya kakayanin.

"Gusto sana kitang alagaan, dahil alam kong kailangan mo ako ngayon at ginawa mo rin ang lahat para hindi ako masaktan. Pero tama si kuya Mike, kung hindi dahil sa ginawa mo, hindi ako malalagay sa ganoong sitwasyon.

"Alam mo kung ano ang pinaka-ikinakasama ng loob ko ngayon? Sa lahat ng ikinuwento ni Julius, isa lang doon ang pinakawagas ang sakit sa lahat, sinabi niyang mahal mo ako. At doon din ako pinakananghihinayang kasi mahal din kita.

"Pero hindi puwede, hindi kita dapat mahalin lalo na at nanloko at nanggamit ka. `Di ba, kung tunay na mahal mo ang isang tao, hindi mo dapat gawin iyon sa kanya dahil ayaw mo siyang masaktan?

"Pasensya ka na kung masama ang timing ng sasabihin ko, I have to kick you out of my unit at banned ka na rin sa condo. Hindi na tayo puwede maging housemates. Iyong mga gamit mo, kinuha muna ni Julius."

Hindi alam ni Diego kung ano ang dapat maramdaman sa sinabi ni Michelle. Gusto niyang tumawa at magtatalon sa saya dahil mahal din siya ng babae. Pero hindi niya magagawa iyon dahil bukod sa kanyang kundisyon, isa iyong pag-ibig na walang kahahantungan.

At naiintindihan niya ang sakit na nararamdaman ni Michelle. Kahit nakapikit at hindi siya makapagsalita, nag unahan sa pagpatak ang kanyang mga luha.

May katagalan ang katahimikan bago iyon binasag ng dalaga. The moment she let go of his hand, he knew he lost her. Forever.

"This is my way of saying goodbye, Diego. As much as it pains me, I don't want to see you again. Huwag na huwag ka na magpapakita ulit sa akin kasi magsasampa ng demanda si kuya Mike," pagtatapos ni Michelle sa basag na tinig.

With that said, she walked out of the room and out of his life.

HINDI na napigilan ni Michelle ang pagpatak ng kanyang mga luha pagkasara niya sa pintuan ng silid ng ospital kung saan kasalukuyan naka-confine si Diego.

Halo-halo ang emosyon na nararamdaman niya ngayon. Naroon ang sakit, hinanakit, galit, panghihinayang, at pagmamahal para sa lalaki. Kahit na dapat ay puno ng poot ang kanyang dibdib dahil sa panggagamit nito sa kanya, nag-aalala pa rin siya sa kalagayan nito.

Sino ang mag-aalaga rito? Sino ang mag-aasikaso sa mga pangangailangan nito habang nagpapagaling dito sa ospital?

Gustong sumakit ng ulo niya. Nagtatalo ang kanyang puso at utak. Ang sinasabi ng kanyang isip, dapat ay kamuhian niya ng husto si Diego sa lahat ng ginawa nitong panloloko at panggagamit.

Pero ang tanga niyang puso, gustong manatili sa tabi nito. Naniniwala ang kanyang damdamin na totoo ang ipinakita ng lalaki sa kanya na pakikisama, pag-aasikaso, at pagmamahal. Sige na nga, malaking engot talaga ang puso niya.

Ang dapat niya pairalin sa ngayon ay ang kanyang utak. Dahil nagpadala siya sa kanyang puso, nasasaktan tuloy siya ngayon. Tama lang na hindi na muli mag-krus ang landas nila ni Diego.

"Okay ka lang ba?"

Bumaling siya sa pinanggalingan ng tinig. Hindi pala siya tumitinag mula sa pagkakatayo niya sa labas ng pintuan. Hindi niya naramdaman ang paglapit sa kanya ni Julius.

Mabilis niyang pinahid ng kamay ang kanyang mga luha. Umiling siya. She's not really okay, hindi niya kailangan magsinungaling pa.

Tinignan niya ang lalaki na nakatayo ng isang metro ang layo sa kanya. Nakapamulsa ito ng dalawang kamay. Malamang ay naka-abang ito sa hindi kalayuan kaya nakita ang kanyang paglabas.

"Si kuya Mike?" tanong niya pagkatapos niyang huminga ng malalim.

"Nasa lobby nitong ospital. Doon daw siya maghihintay kasi kapag hindi niya napigilan ang sarili ay baka kung ano pa ang magawa niya kay Diego," anito.

Tumango lamang siya. Naiintindihan niya ang galit ng kapatid. Very protective na ito sa kanya mula noon pa man. Gusto na nito na mag-demanda ng patong-patong na kaso kay Diego, kaya lang ang sabi ni Julius ay siya lamang ang may karapatang gumawa noon. Tinakot lang niya kanina si Diego na kuya niya ang mag-de-demanda kapag nilapitan pa siya.

"Nakapag-desisyon ka na ba sa gustong mangyari ng kapatid mo?" untag ni Julius sa kanyang pananahimik.

Nagsimula siyang lumakad papunta sa lobby ng ospital. Naramdaman niya ang pagsunod ng lalaki.

Umiling siya. "Hindi pa."

Huminto sa paglalakad ang lalaki. "Michie."

Huminto rin siya sa paglalakad at nilingon si Julius.

"Ikaw lang ang makakapagsampa ng kaso laban kay Diego. Pag-isipan mong mabuti. Fraud at falsification of documents ang mga puwede mong ikaso sa kanya. Sigurado akong mahahatulan siya ng guilty, lalo na at na-notarize ko ang kontrata ninyo bilang mag-housemate. Taon ang bibilangin ng pagkakakulong niya kung hindi man umabot ng dekada."

Sinubukan niya basahin kung ano ang umaandar sa isipan ni Julius. Inilalahad nito ang puwedeng mangyari kay Diego kung sakaling magsampa siya ng kaso. Hindi tuloy niya malaman kung gusto nga nito na magsampa siya ng kaso, o huwag na kasi magdurusa ng husto si Diego, na ang tanging gusto lamang ay makapagtago kay Einar.

Huminga siya ng malalim. "Bigyan na lang ninyo ako ng panahon para makapag-isip," tugon niya. Tumango ang lalaki at sinabayan na siya nito sa paglalakad.