Chereads / Falling for my Gay Housemate! / Chapter 26 - Seryosong usapan

Chapter 26 - Seryosong usapan

NAKAALIS na sila kuya Mike at Julius para sa get together ng mga ito, kasama sila Jonathan at ilang kabarkada pa nila noong high school.

Hindi makapaniwala si Michelle sa mga sinabi ni Julius sa kanya kanina bago siya bumaba ng sasakyan nito. Na-kontak daw ito ni Diego sa pamamagitan ng opisina nito na may website. Kailangang-kailangan daw siya makausap ni ex-housemate. Kung ano ang topic, hindi sinabi basta importante raw.

Tinanong siya ni Julius kung gusto pa niya makausap si Diego, tugon niya ay hindi na. Kahit may nararamdaman siyang kurot sa dibdib, tiniis niya. Nilinaw naman niya sa ospital noon na ayaw na niyang makausap muli ang lalaki.

Hindi lang niya alam kung bakit nangungulit ito ngayon. Pinatawad naman na niya ang paminta, este, ang binata, ayaw lang niya na makita ito muli… kahit masakit para sa kanya.

At sa tanong naman kung pumapayag ba siyang ligawan ni Julius… pumayag na siya. Pero kailangan muna nito magsabi sa kuya niya, at kailangan muna niyang makausap si Kristine…

"AHAHAY! Himala! Ano'ng kinain mo at manlilibre ka rito ngayon? Nilalagnat ka ba?" nanunuyang tanong ni Kristine kay Michelle.

Sinalat pa ng kaibigan ang kanyang noo at leeg upang tignan kung may lagnat siya. Tinabig niya ang kamay nito.

Nagyaya siyang magkita sila ni bff#1 sa isang mall. Natuwa na nagulat ito nang sinabi niyang ililibre niya ito sa isang kilalang eat-all-you can na restaurant. Wala kasing okasyon kaya nagtataka ito.

"Hindi ba puwede na gusto lang kita makita at makausap?" balik-tanong niya.

Bumungisngis si Kristine pero alam niyang may tanong pa rin ito na makikita sa mga mata ng kaibigan. Sa totoo lang, hindi niya alam kung paano sasabihin dito na pumayag na siyang manligaw si Julius.

Naging usual lang ang kuwentuhan nila habang kumakain. Kagaya dati, kapag kumakain sila sa mga eat-all-you-can (kapag may okasyon lang iyon kagaya ng birthday, o nung college graduation) ay hindi sila kumukuha ng kanin. Puro ulam, gulay, soup, at desserts ang mga kinakain nila.

Malakas ang loob niya sa paglibre dahil maganda ang kita ng kanyang negosyo online. Nilalakad na nga niya ang registration ng KMIX dahil mas natutuwa na siya sa pamamalakad niyon.

"Kumusta ang boutique mo?" tanong ni Kristine nung nag-de-dessert na lang sila.

Tumigil siya sa pagkain at sumandal sa upuan. "Alam mo sa totoo lang, nakakapagod."

"Gusto mo na ba itigil?"

"Gusto ko na mag resign sa work. Parang mas gusto ko mag full time sa negosyo. Malapit na matapos ang renovation nung bahay ko. Kapag lumipat na ako doon, masyado na malayo sa work ko.

"Saka mas masaya ako sa buy and sell dahil nga may travel part dun. Sabi nga nila mama, kung sakaling hindi na maganda ang negosyo ko, puwede naman ako mag apply sa ibang BPO na malapit lang sa bahay ko."

Tumango-tango si Kristine at may simpatya ang tingin nito sa kanya. "Kapag wala akong sideline, sasamahan na lang kita sa tindahan mo kung mag full time ka na diyan. O kaya ay puwede ako magbantay kapag nasa ibang bansa ka."

May kumurot sa dibdib niya dahil sa narinig. Nag-aalok pa ng tulong ang bff niya eh heto nga at kumukuha siya ng buwelo kung paano sasabihin dito ang tungkol kay Julius.

"Thank you, bff. Pero sabi naman ni Mama, pupuntahan na lang niya ako kapag kailangan ko mangibang-bansa. Alam ko naman na super busy ka rin eh. Buti nga at nagka-oras ka na makipagkita sa akin ngayon," she sincerely said.

"Ikaw naman, parang others. Syempre kailangan gumawa ng time para sa beshie ko. Iyan lang ba ihihinga mo sa akin? Kanina ko pa hinihintay kung ano talaga sasabihin mo," seryosong sabi ni Kristine.

Napainom ng juice si Michelle. Ano ba ang inaasahan niya, na madali niya ito mapapaniwala na iyon lang ang sasabihin niya rito? Eh talaga naman kilala siya ng bff niya. Huminga siya ng malalim.

"Sabi ni Julius ay kinontak daw siya ni Diego. Gusto daw na makausap ako. Sabi ko, ayoko. Wala na kaming dapat pang pag-usapan. Nasabi ko na ang lahat nung nasa ospital ako."

Mataman siyang tinignan ng kaibigan. "Ayaw mo na ba talaga siya makausap?"

"Sa totoo lang, hindi ko alam. Feeling ko magiging marupok ako kapag nagkausap o nagkaharap kami muli. Kaya huwag na lang." Natahimik siya saglit, na nakatingin lang sa kaibigan.

Sinabayan siya nito sa paghinto kumain at nakatingin lang din sa kanya. Malamang ay tinitimbang ni Kristine ang lahat ng sinasabi niya.

"At saka," dugtong niya na hindi naman niya ma-ituloy.

"At saka?" udyok nito nang tumagal ang kanyang pananahimik.

Huminga siya ng malalim na hindi inaalis ang tingin kay Kristine. "Nagtatanong si Julius kung puwede ba siyang manligaw. Ilang buwan na ang nakalipas nung tinanong niya ako."

Noong una ay blanko ang mukha ni Kristine hanggang sa kumunot ang noo nito. "Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin?" may pagtatakang tanong nito. "Pumayag ka ba?" tanong nitong muli bago pa siya makasagot. "O sinagot mo na?"

"Oo." Namilog ang mga mata ni Kristine kaya bahagya siyang nataranta. "Hindi! Hindi! Hindi pa kami," natataranta niyang sagot. "Ang ibig kong sabihin, hindi ko kasi alam ang isasagot ko sa kanya kaya dedma lang ako sa tanong niya. Sabi ko kasi ay huwag siyang mangungulit, sasabihin ko na lang kung magpapaligaw ako o hindi. Kaso ilang buwan na ang lumipas na wala akong sinasabi sa kanya.

"Eh nagtanong siya nung huli kaming nagkita, nataranta ako sa pagsagot dahil binanggit niya si Diego. Kaya pumayag na akong manligaw siya," walang preno na paliwanag niya kay Kristine. Malinaw ba ang sagot niya o magulo?

Hindi pa rin inaalis ng kaibigan ang tingin sa kanya. Seryoso pa rin ang hitsura nito kaya kinakabahan tuloy siya. Bihira niyang makita na ganito ang hitsura ng kaibigan, kadalasan ay nakatawa ito.

"Bakit sinasabi mo ngayon sa akin? Obvious naman na kaya ka nakipagkita sa akin ay para sabihin 'yan. Iyan ang talagang pakay mong sabihin sa akin, hindi ba?" tanong nito pagkatapos ng ilang sandali.

Napa inom siya ng tubig dahil pakiramdam niya ay nanlalagkit ang lalamunan niya dahil sa juice. Kahit anoman ang sabihin niya, magiging pagdadahilan lang iyon. Nagbaba siya ng tingin at tumango bilang pagsang-ayon sa sinabi nito.

"Michie."

Nagtaas siya ng tingin, may pang unawa sa mata ni Kristine. "Hindi naman ako nagagalit. Kaya ba hindi mo masagot si Julius agad kung magpapaligaw ka o hindi eh dahil sa akin?"

Muli siyang tumango. "Saka hindi ko talaga alam ang isasagot ko. Kapag sinabi kong oo, masasaktan ka. Kapag sinabi kong hindi, siya naman ang masasaktan. Malaki na rin ang utang na loob ko kay Julius, ayoko rin siya masaktan. Kaya ayun, pinatagal ko at iniwasan ang tanong. Kaso nga…"

"Kaso tinanong ka niya kasi kinontak siya ni Diego," pagdugtong nito sa hindi niya masabi. Tumikhim ito. "Alam mo Michie, hindi naman ako magagalit kung may gusto sa iyo si Julius. Sa totoo lang nahalata ko naman na iyon eh, hind mo lang napapansin. Hindi rin naman sasama ang loob ko kung magiging boyfriend mo siya. Long time crush ko lang naman siya.

"Kung pinansin niya ako at niligawan, malamang ay sasagutin ko siya. Titignan ko kung talagang tagos sa buto na ma-i-inlab kami sa isa't isa. O kung mag-wo-work out talaga ang relationship. Minsan kasi hanggat hindi mo nagiging jowa, hindi mo malalaman kung magiging okay kayo nung tao o hindi.

"Pero sa mga ex ko, alam mo naman ang kuwento. Lahat ay failed. Ito ba namang issue kay Julius eh ipagdaramdam ko? You should have more faith in me, bes. Pero ang tanong, since pumayag ka na magpaligaw, naka get over ka na ba talaga kay Diego? Kasi kaya ka pumayag magpaligaw ay dahil nabanggit niya si Diego eh."

Gusto sana niyang pumalakpak ng bonggang-bongga, at ipagsigawan na ang cool talaga ng bff#1 niya. Kaso binigyan naman siya nito ng mahirap na tanong. Hindi sana mahirap kung wala na talaga siyang nararamdaman para kay Diego.

"Kris, alam mo naman na first love ko si Diego, hindi naman ganoon kadali kalimutan iyon." Sumenyas siya ng stop sign sa kamay nang akmang magsasalita ito. "Pero, wala naman kahihinatnan iyon at tanggap ko na. Masyadong masakit ang pangloloko ni Diego kaya ayaw ko na sa kanya.

"Kaya gusto ko sana pagbigyan ang puso ko na lumigaya. Kaya gusto ko bigyan ng chance si Julius kung matututunan ko siyang mahalin. Ewan ko ba. Mali ba, bes? Ginawa ko ba siyang rebound?" Kahit siya ay naririnig niya ang kalituhan at paghihirap ng loob sa kanyang tinig.

Umiling si Kristine at inabot ang kamay niya. Marahan nitong pinisil iyon. "You deserve to be happy, Michie. Tama lang na tignan mo muna at baka makalimutan mo na si Diego kapag natutunan mong mahalin si Julius. Saka sa pagkakakilala ko sa lalaking iyon, mabait naman at matino.

"Well, iyon ang tingin ko ha. Siyempre mas makikilala mo iyong tao kapag mas matagal na kayong nagkakasama." Sumingkit ang mga mata nito. "Pero sana nilakasan mo ang loob mo at hinayaan mo na lang si Diego na kausapin ka. Baka hihingi lang ng sorry sa iyo."

Siya naman ang umiling. "Ayoko na," maigsing tugon niya at mataman na tinignan ang kaibigan. "Marupok ako eh," natatawang sabi niya.

Natawa si Kristine at kunwari ay galit na binitiwan ang kamay niya. "Marupok ka diyan! Tse!" nakatawang sabi nito.

Nagtawanan sila. Nakahinga siya ng maluwang. Tama ang bff niya, sana ay nagkaroon siya ng mas malalim na tiwala dito. Hindi naman ito nagalit sa kanya. Useless naman pala ang pag-aalala niya. Ang tanong, kumusta kaya ang pag-uusap ni Julius at ni kuya Mike? Ang alam niya ay ngayon din kakausapin ng lalaki ang kapatid niya. Bahala na sila sa buhay nila. Basta i-i-enjoy niya ang pagkain kasama ang bff#1 niya.