"WHAT can I say but congratulations. What are your plans now?"
"Start over again," simpleng sagot ni Diego sa tanong ni Ivan na kausap niya sa cellphone. "Just live normally. Do the things I used to do. I'm just glad that it's over, I can finally live like a free bird."
"That's cool, you deserve that. And are you coming home to your wife?" nang iintrigang tanong ni Ivan.
Lumawak ang ngiti niya nang mabanggit ang kanyang asawa. Naramdaman niya ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. "Yeah. I am. That's my next destination," aniya at napatingin sa labas ng bintana ng kotseng sinasakyan na maghahatid sa kanya sa airport.
HINDI maintindihan ni Michelle kung bakit hindi niya makontak pareho sila Julius at kuya Mike. Kung hindi out of coverage area ay unattended ang cellphones. Nakakainis.
Si Julius, alam niyang ino-off lang ang cellphone o kaya ay naka-airplane mode kapag may importanteng meeting o may kausap na kliyente. Si kuya Mike ay bihira gawin iyon.
Nasa bansa na ang kanyang kapatid at may isang linggong bakasyon ito kaya inaasikaso na nila ang pag renew ng kanilang passports. Ito ang promotor sa renewal, pero ngayon naman ay hindi niya ma kontak.
Nanlalamig ang mga kamay at pinagpapawisan si Michelle ng malapot. Kung tutuusin ay blessing in disguise na hindi niya ma-kontak ang kapatid dahil siguradong pagagalitan siya nito.
Paano niya ipapaliwanag na ang dapat na single siya sa CENOMAR (Certificate of no marriage) ay may advisory of marriage siya kay Diego Capalan. Paano nangyari iyon?
Hindi rin niya alam kung paano sasabihin kay Julius na totoong marriage contract pala ang pinirmahan nila ni Diego noong pekeng kasal. Naguguluhan talaga siya.
Noong tina-target pa lang ni kuya Mike ang maipadala sa Singapore, pinakuha na rin siya nito ng passport. Kung sakaling may makitang trabaho para sa kanya ay kukunin siya nito. Iyon ang plano noon, pero nag-iba ang plano niya sa buhay.
Ipinapalakad niya ang renewal ng passport sa suki niyang agency at nagulat na lang siya nang sabihin kailangan kumuha ng NSO certified ng kanyang marriage contract at hinihingi sa kanya ang mga detalye.
At nang linawin niya kung ano ang pinagsasabi nito ay saka inabot sa kanya ang advisory of marriage certificate kung saan nakalagay na rehistradong kasal siya.
Parang nakikipagkarera sa sports car ang takbo ng kanyang isip. Siguradong pagagalitan siya ng mga magulang niya at baka mabatukan ni kuya Mike. At ang higit na ipinag-aalala niya, ano na lang ang sasabihin ng kanyang kasintahan?
Supposed to be ay fake `yong kasal. Talagang ang Diego na `yon! Kapag nakita niya ay susuntukin niya ng bonggang-bongga. Napakasakit sa bangs! Hanggang ngayon ay binibigyan siya ng problema.
Muntik na mabitawan ni Michelle ang hawak na cellphone nang tumunog iyon. Kapatid niya ang tumatawag.
"Kuya," nanlulumong sagot niya.
"Michie, busy ka ba? Kailangan natin mag-usap," may tigas na sabi nito. O imahinasyon lang ba niya iyon dahil sa kanyang kasalanan?
"Nakatao si Kristine sa shop, may nilakad kasi ako. Pero tapos na. Kailangan talaga kita makausap kasi may ilalapit ako sa`yo na legal problem. Saan tayo?"
"Pumunta ka dito ngayon sa dati mong condo unit," utos nito.
"Ha? Bakit diyan?"
"Nandito ang problema." Patlang. "Nandito si Diego."
DÉJÀ VU. Nostalgic. Reminiscent. Iyon ang pakiramdam ni Michelle habang naglalakad sa pasilyo ng condominium kung saan siya dati tumira. Ang una niyang naging bahay… Kung saan niya nakasama si Jamie. Ay mali, si Diego. Na ayon sa registry ay asawa niya.
Ang kanilang pekeng kasal, kaya pala sa pakiramdam niya eh totoo, ay tunay naman pala. Ngayon niya naalala na totoong pangalan nga pala nito ang nakasulat sa marriage license na akala niya ay peke. Na sa pagkakaintindi niya, Diego Capalan ang peke nitong pangalan para sa araw na iyon.
Nasapo niya ang noo. Talagang ang sarap suntukin ng lalaking iyon, bukod sa sakit sa damdamin ay sakit sa ulo ang ibinigay at ibinibigay sa kanya hanggang ngayon.
Bago pindutin ang doorbell sa unit ay inayos ni Michelle ang damit na wala namang gusot, at hinaplos ang buhok. Pagtunog ng doorbell ay agad naman bumukas ang pinto.
"Nandito ka?" nagtatakang tanong niya kay Julius. Bumilis ang pagtibok ng puso niya nang makita ang kasintahan. Ano na kaya ang alam nito? Kinakabahan tuloy siya. Napahawak siya sa dibdib nang makita na may galos ito sa pisngi at putok ang labi.
Ibinukas nito ng maluwang ang pintuan upang makapasok siya. "Kami ni Mike ang kinontak ni Diego," maigsing paliwanag nito.
Napamaang siya at agad na napatingin sa dalawang lalaking nakaupo sa sofa, na may parehong bolsa de yelo sa mukha. Si Diego ay sa bandang labi ang hawak, habang ang kuya niya ay sa kaliwang mata.
Muli siyang napatingin sa kasintahan at noon lang niya napansin na may hawak din itong bolsa de yelo. Isinara na nito ang pintuan pagkapasok niya.
Sisitahin sana niya ang mga ito kung bakit nagsuntukan pero napatingin siya sa loob ng unit. Malapit ang ayos sa arrangement niya dati. As if the designer tried to imitate her furniture and its arrangement.
Naiba lang ng kaunti ang kulay, mas gumamit ng earth tone at warm colors. Bumalik ang tingin niya sa tatlong lalaki. Iginiya siya ni Julius paupo sa single seat sofa.
Asar ang hitsura pareho nila Julius at kuya Mike, habang si Diego ay titig na titig naman sa kanya. Naramdaman niya sa tingin ng lalaki na na-miss siya nito. Mukhang maayos naman ang kalagayan ni Diego, medyo nangayayat lang at ramdam sa aura ang pagod.
Gusto niyang manggigil sa galit kasi totoong kasal pala sila nang hindi niya alam? Hanggang kailan ba pasasamain ang loob niya ng lalaking ito?
"Kung magsusuntukan kayo, dapat nagdala kayo ng referee," basag ni Michelle sa katahimikan habang nakatingin kay Julius na nakaupo rin sa katapat niyang single seat sofa. Nakalagay na rin sa mukha nito ang bolsa de yelo na hawak.
"Hindi mo naman kami masisisi. Ako ang boyfriend mo tapos sasabihin ni Diego na asawa mo siya? Na totoo pala iyong wedding rites at marriage contract ninyo? Buti nga at kusa kaming tumigil nang magkatamaan na," pangangatuwiran ni Julius.
"Buti walang nabasag," komento ni Michelle. "Nakaayos pa naman ang lahat ng mga gamit."
"Iyon pa talaga ang pinansin mo. Bakit parang hindi ka nabigla sa sinabi ni Julius?" tanong ni kuya Mike.
"Paano, kanina tinawagan ako nung agency. Tinatanong iyong details ng wedding ko kasi imbes na CENOMAR ang ibinigay sa kanila, advisory of marriage. Muntik na 'kong atakihin sa puso," aniya.
Matalim niyang tinignan si Diego. "Ang kapal ng mukha mo! Grabe naman ang panlolokong ginawa mo sa akin."
"Iyan nga ang dahilan kaya nagkasuntukan kami," sabad ng kanyang kapatid.
"Look," umpisa ni Diego, "Hindi ko rin alam na totoo pala ang kasal natin. I swear I'm telling the truth. May mga kakilala kasi ako na gumagawa ng mga pekeng dokumento at nang tanungin ko kung may kilala siyang nag-aayos ng kasal, ni-refer niya ang isang opisina.
"I only transacted with them through emails. Puwede na kasing ayusin nila ang lahat, mula sa mga kailangang documents basta na settle lang ang fees lalo na at rush iyon. I also thought everything was fake, kasi to follow ang documents at puwedeng unahin ang ceremony dahil magiging valid lang iyon kapag sinubmit ang marriage contract sa registry."
"Dapat inalam mo muna kung peke ang inaayos nilang kasal," may tigas sa tono na sabi ni Julius.
Nakita niya ang pagkuyom ng kamao ng kasintahan at nang mapatingin ito sa kanya ay umiling siya. Matagal siya tinignan nito bago tumango.
"It was really an honest mistake. Akala ko talaga ay peke dahil peke rin ang ginagawang documents nung pinagtanungan ko eh," sabi ni Diego. "Kinailangan ko sabihin ang totoo kong pangalan at mga kailangang details. Hindi ko puwedeng gamitin ang mga fake documents ko dahil office na daw nila ang mag-aayos ng lahat. Akala ko ay sila na ang bahala na gagawing fake ang lahat. Birth certificate at CENOMAR lang daw ang kailangan."
"If the wedding was supposed to be fake, bakit kailangan pa na ipaayos mo sa opisina? 'Di ba dapat mag ha-hire ka lang ng artistang gaganap na judge at bibili ng pekeng marriage contract sa Recto?" asar na tanong ni Julius.
Huminga ng malalim si Diego bago tumingin sa kanilang tatlo. "I thought mas magiging madali kung may mag aasikaso na noon para sa akin. Kagaya ng events coordinator na kinontrata ko para siya na ang bahala sa pag-aayos nitong unit, caterer, photo-video, at quartet. Wala na akong time para sa mga ganoong detalye, kaya nag-hire na lang ako ng gagawa."
'Well, that makes sense,' naisip ni Michie. "Naiintindihan ko," sagot niya. Napatingin sa kanya ang tatlo. "Kahit peke at maliit lang ang ceremony, kapag inisa-isa mo ang detalye, mabusisi pa rin asikasuhin. At dahil nagtatago nga siya, mahirap na lagi siyang aalis kasi makukunan siya ng mga CCTV. Siya lang naman ang puwedeng mag asikaso dahil tulog ako sa araw."
Tumango-tango si Diego. Mukha naman naintindihan ni Mike at Julius ang paliwanag niya.
Nagpatuloy sa pagpapaliwanag si Diego. "Nang kontakin nila ako pagkalabas ko ng ospital noon ay saka ko lang nalaman na legal office pala talaga iyon at totoong judge ang nagkasal sa atin. Bago ko pa maayos ang problemang `yon, kinailangan kong magsampa ng kaso kay Einar para maungkat ang illegal activities, at maisampa rin ang ibang kaso sa kanya. It was a more pressing matter.
"I have to leave this country. Until an email was sent to me and told me that our marriage was already registered. Look, I'm not that well versed sa legalities kaya alam kong kasalanan ko talaga na nagkabuhol-buhol ang problema."
"Talagang kasalanan mo! Kung hindi mo dinamay ang kapatid ko sa kalokohan mo, wala sana siyang problema ngayon," sabad ni kuya Mike.
Agad niyang inabot ang braso ng kapatid at napatingin ito sa kanya. Sa pamamagitan ng tingin ay ipinaparating niya rito na kumalma muna. Mukhang naintindihan naman nito nang tumango ito.
"Ituloy mo na, Diego," sabi niya. May pagpapasalamat ang tingin sa kanya ng lalaki.
"Tapos na ang problema ko kay Einar kaya umuwi na ako ngayon dito. Kinailangan ko kasi manatili roon habang hindi pa natatapos ang hearing sa trial niya dahil ako ang nagsampa ng unang kaso.
"Nang bumaba ang hatol na guilty ay saka pa lang ako pinayagan makabalik dito sa Pilipinas kaya heto ako ngayon sa harapan n`yo. Tinawag ko sila Julius at Mike dahil una, abogado si Julius at alam kong alam niyang madali ipa-null and void ang kasal natin, hindi pa nga annulment."
Tumitig sa kanya si Diego bago muling nagsalita, "Kung papayag sana sila Mike at Julius, gusto sana kita makausap in private."
Napatingin siya nang magsalita ang kasintahan, "Wala na kayong dapat pang pag-usapan!"
Kinabahan siya nang napatayo si Julius at ganoon din si Diego. Tumayo na rin siya at si kuya Mike.
"Look, Julius, naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Naiinis din ako sa nangyari at sa sitwasyon. Pero dapat magtiwala tayo kay Michelle na kakayanin niya ang sarili niya. May mga bagay talaga na dapat nilang pag-usapan. Kasi sa paningin ng batas, kasal sila at mag-asawa," pamamagitna ni Mike.
Nagulat man siya sa ginawa ng kapatid, nagpapasalamat pa rin siya. "Tama si kuya, Julius," aniya.
Matagal na tinignan siya ng kasintahan bago ito pumayag. Tahimik itong lumabas kasunod ang kapatid niya. Nang sumara na ang pintuan ay saka niya hinarap si Diego. Oras na para magtuos silang dalawa!