"O, heto na pala si Michie," malakas na sabi ni Kristine nang lumihis ang tingin nito mula kay Diego papunta sa kanya.
Nakaharap ang lalaki kay Kristine kaya nakatalikod ito sa kanya. He turned around to look at her, and she wasn't ready to see the longing in his eyes. Lumundag, sumirko, at tumambling ang kanyang puso. Talaga naman!
Mula sa kanyang desk ay humangos si Kristine palapit sa kanya at pabulong nitong sinabi, "Bes, sorry ha, hindi ko siya mataboy eh. Hindi ko masabi na wrong timing siya kasi may lakad ka. Kausapin mo na lang, kailangan na ninyo mag-usap," sabi nito sabay kindat pa sa kanya bago kinuha ang mga supot ng meryenda.
Napamaang siya sa likod ng kaibigan at walang ibang magawa kundi sumunod dito. "Kris, kunin mo na lang ang share mo. Doon ka na lang sa itaas kumain." aniya.
Inilapag nito sa desk ang mga supot bago siya hinarap. Tahimik lang na nakatayo at nakatingin sa kanya si Diego.
"Michie, ganito na lang. Kasi kung dito kayo mag-uusap, baka magulo kayo ng mga papasok na customer. Puwedeng dalhin mo na lang ang mga ito sa itaas, at doon kayo mag-usap at mag meryenda," sabi ni Kristine. Humarap ito kay Diego. "O kaya, kung naaawa kayo sa akin kasi mawawalan ako ng kakainin, ilabas mo na lang si Michie sa may medyo sosyalin na kainan doon sa kabilang kanto. Puwede ninyong lakarin o kaya ay mag pedicab na lang kayo."
Pinandilatan niya ang kaibigan, at kung puwede lang ay kukutusan talaga niya. Ito talagang si Kristeta!
"Ano? Lalabas kayo o lalabas kayo?" tanong nito nang mapansin na nagpapakiramdaman pa sila ng lalaki.
"Sa itaas-"
"Sa labas-"
Nagkasabay pa sila ng lalaki sa pagsasalita. Tumingin si Diego kay Kristine, "Lalabas na lang kami para hindi na kayo maabala pa. Baka hindi rin komportable si Michie na aakyat ako sa itaas."
She shrugged her shoulders. May point naman ang lalaki. Mas maigi na huwag na nga siyang makipagtalo. "Sige, Kris, kung okay ka na rito ay lalabas na lang kami. May milk tea din, kahit maubos mo lahat eh okay lang," pagpayag niya.
Ngumisi ang kaibigan bago lumabi. "Ano akala mo sa akin? PG (patay-gutom)? Grabe ka talaga sa akin. Pero baka nga maubos ko kung masyado kayong matagal sa labas," anito sabay taas-baba ng kilay.
Tinaasan niya ng kilay ang kaibigan bago ngumuso. Pero papalampasin niya sa ngayon ang kakulitan nito. Lagot ito sa kanya mamaya. In fairness naman sa kaibigan niya, babantayan na nga nito ang boutique niya para makapag usap sila ng masinsinan ni Diego. Ito naman kasing lalaking 'to, basta na lang sumusulpot na parang kabute eh!
Tumingin siya sa lalaki at saka nagsabi ng, "Tara na." Nag about face siya at naramdaman niya ang pagsunod nito palabas ng boutique.
"Take your time ha. Wala naman akong balak pang umuwi. Kahit gabihin pa ako rito eh okay lang," makulit na bilin pa sa kanila ni Kristeta.
Gusto na niyang manggigil. Ang cute talaga mang-asar ng bff niya. Bumaling siya rito bago ngumisi na halatang pilit, "Thank you ha. Hayaan mo kapag may nakita akong isaw ay ibibili pa kita kasi paborito mo rin 'yon."
Tinawanan lang siya nito bago sila pinagsarhan ng pintuan. Napa iling na lang siya bago naglakad. Gusto sana niyang haplusin ang buhok niya, sana ay hindi naman nakatikwas kung saan-saan. Gusto rin sana niya sumilip sa salamin ng mga sasakyan para makita kung nangingintab ba ang mukha niya o namumutla ba siya?
Pero hindi naman siya tumatao sa tindahan na hindi maayos ang hitsura at ang damit. Syempre paano siya mangungumbinsi sa mga kostumer na bumili ng damit kung ang suot niya mismo ay mukhang busabos, hindi ba?
"Hindi ba tayo mag-pe-pedi cab?" tanong ni Diego sa kanya.
"Huwag na, malapit lang iyong tinutukoy ni Kris na resto. Paano mo nga pala nalaman ang tungkol sa tindahan ko?" naalala niyang itanong. Mabilis lang niya itong sinulyapan kasi may mga kasalubong silang naglalakad na kailangan niyang iwasan. Oras na ng labasan ng mga estudyante kaya marami na ang mga ito ngayon.
May grupo ng mga lalaking estudyante na naka P.E. uniform na makakasalubong nila. May hawak pa na bola ng basketball iyong isa na inihahagis-hagis pa nito. Kung magkuwentuhan ay akala mong sila-sila lang ang naglalakad doon. Malamang ay naghahanap ng makakainan ang mga ito.
Napangiwi siya at umiwas, baka matamaan siya. Nagulat pa siya nang akbayan ni Diego at iginiya papunta sa harap nito, bago iniharang ang katawan upang i-shield siya. Nag angat siya ng tingin sa lalaki habang dedma lang ang tingin nito sa nakasalubong na grupo ng mga estudyante.
Ayan na ang kilig! Ayaw talaga magpaawat. Kapag nakaharap nga niya ay susuntukin niya ng bonggang-bongga. Pero kailangan ay straight face lang siya. Hindi dapat mahalata ni Diego na apektado siya.
Muli naman nitong ibinalik ang dati nilang puwesto nang makalagpas na ang grupo ng mga lalaking estudyante. Sana ay sunod-sunod na lang ang grupo ng mga estudyante, 'no?
"Hinanap kita sa dati mong trabaho," anito.
"Ano?" tanong niya kasi hindi niya maintindihan ang sinabi nito.
Tinignan siya nito bago sumagot. "Tinatanong mo ako kung paano ko nalaman ang tungkol sa tindahan mo. Nagpunta ako sa work mo dati, sa call center. Nag resign ka na pala doon at ang nakausap ko na lang ay si Lizzie. Sinabi niya ang tungkol dito sa tindahan mo."
Gusto niyang magpapadyak. Ang daya naman ni bff#2, ni hindi man lang siya sinabihan na hinahanap pala siya ni Diego.
"Pinakiusapan ko rin siya na huwag sabihin sa iyo na hinahanap kita, kasi baka magtago ka," dugtong nito.
Gusto niyang mapangiti. Mukhang alam pa rin nito kung paano umandar ang utak niya ah. 'Heart, maghunos-dili ka ha. Huwag ka munang bibigay. Ang gulo-gulo pa ng sitwasyon ngayon kasi hindi ko pa nakakausap si Julius tapos kontrabida pa agad ang nanay. Isa-isa lang muna ang heart ache,' kausap niya sa sarili. Pero sa totoo lang ay hindi niya masisi ang ginang, tama naman ito eh.
"Ano'ng akala mo sa akin, criminal na dapat magtago?" kunwari ay mataray na sagot niya para mapagtakpan ang mga iniisip at nararamdaman.
"Hey, I didn't mean anything like that. Alam ko naman na ayaw mo na akong makausap o makita pa ulit. Kaya ayokong mag take ng chance na maiwasan mo pa. I just want to talk to you."
Tumango-tango siya. Isang liko na lang at nandoon na sila sa restaurant na tinutukoy ni Kristine. Alam niya kung bakit iyon ang sinabi nito, maganda kasi ang ambiance ng lugar.
Pumuwesto sila ni Diego sa pinaka gusto niyang sulok ng resto na iyon, sa balkonaheng may dibisyon ang bawat lamesa, na tanaw ang lugar sa paligid. Parang may pakiramdam kasi ng privacy dahil kung ingay ang gusto mo, sa main hall ka lang at ibaba dahil nandoon ang stage ng mga banda o performers.
Pagkatapos nila umorder, na ang in-order nito ay hindi lang basta meryenda, kundi mukhang hindi na siya makakapag hapunan pa. Mayroong beef noodles, special siopao, mini-turon, at halo-halo. Hindi na siya nag protesta kasi baka nasabik din ito sa mga meryendang pinoy. Saka mabilis din dumating ang order nila kaya nagsimula na silang kumain.
"First of all, thank you Michie, for giving me this chance to talk to you," umpisa ni Diego nang malapit na maubos ang mga pagkain nila.
Unang linya pa lang ay nag stop sign na siya. "May itatanong lang din ako, I hope you don't mind," aniya.
Tumango-tango ito. "It's okay. Go ahead."
"Hindi naman alam ni Lizzie ang eksaktong address ng KMIX, paano mo natunton?" curious niyang tanong. Pina-imbestigahan ba siya nito? Wala lang, gusto lang niya malaman.
Pinagsiklop muna nito ang mga kamay sa ibabaw ng lamesa bago sumagot. "Nung nalaman ko ang tungkol sa KMIX, sinubukan ko hanapin sa Facebook at nakita ko ang FB page. Nakiusap ako sa pinsan ko na i-chat ka at umorder sa iyo ng damit na ako ang magbabayad. She did.
"At doon sa sender details ko nakuha ang address mo. Kahapon niya nakuha sa iyo iyong details, pagkatapos ko mag deposit sa bank account mo. Buti na lang kahit Sunday ay bukas sa malls iyong banko mo."
Napamaang na naman siya. "Teka, iyan ba si Allyza? Ang kulit ng batang iyan ah, at nakaabot ng five thousand ang order kaya hinabaan ko to the max ang pasensya sa kanya! Grabe iyon, sinamantala talaga ang pagpapabili sa'yo?" hindi niya makapaniwalang tanong.
Napangisi ang lalaki. "You never changed a bit, Michie. Sana hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman ng puso mo para sa akin."
Umirap siya at tumingin sa malayo. Gusto sana niya magtago sa ilalim ng lamesa kasi kinikilig siya. Kaso baka magmukha naman siyang eng-eng kapag ginawa niya iyon. Ayan, naubos na nila ang kanilang meryenda. Grabe, busog na busog siya.
"Hindi naman ako manghihinayang sa ginastos ko, kasi alam ko naman na sa'yo rin mapupunta iyon," sabi nito na nakapagpabalik sa kanyang tingin dito.
"Talagang puma-paraan ka, 'no, eh?"
"Of course. 'Di ba kapag mahal mo ang isang tao ay gagawin mo muna ang lahat para ipaglaban siya? Na hindi ka basta-basta susuko? Julius may be your boyfriend, but I'm still your husband," sabi nito habang nakatitig sa kanyang mga mata.
Muli siyang tumingin sa malayo. Ano ba 'yan? Talaga naman ang kilig, ang sarap barilin! Kainis! Oo nga masarap patayin si kilig, pero masarap din siya maramdaman.
"Iyon nga ang problema natin eh, naging asawa kita nang hindi ko nalalaman. At isang malaking kalokohan ito," aniya with matching pilantik ng kamay at mga daliri.
"That's the second thing, Michie," sabi ni Diego habang seryoso ang mukha.
Dumiretso siya ng upo. "Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong niya sabay kunot ng noo.
Hindi inaalis ni Diego ang tingin sa kanyang mga mata. Pero seryoso pa rin ang hitsura nito. "Lalaban ako sa pagpapa null and void ng kasal natin. I want to stay married to you. Iyong mga nasa condo noon kagaya ng mga nag photo-video, caterer, at iyong judge mismo, ang alam nila ay totoo ang kasal natin. At hindi mo ako mapipilit na baguhin pa ang isip ko. I am your husband, and I still love you. Paulit-ulit kong sasabihin na mahal kita hanggang sa maniwala ka. Ipaglalaban kita, Michie."
Muntik na naman malaglag ang panga niya. Pero buong pagkatao niya yata ang nagimbal sa sinabi nito. Mabuti na lang at wala siyang iniinom na tubig o juice, kung hindi ay baka naibuga niya iyon sa lalaki.
Alam niya dapat ay flattered siya, pero nag-init ang ulo niya. "Diego, kung pahihirapan mo lang din ako, mas mabuti pa na ito na ang huli nating pagkikita. Huwag mo na ako ulit pupuntahan dito. Sa korte na lang tayo magkita."
Tumayo na siya at nagsimulang maglakad nang may maalala siya. Humarap siya sa lalaki na nakatingin pa rin sa kanya. "Salamat nga pala sa meryenda." Iyon lang at umalis na siya.