Chereads / Falling for my Gay Housemate! / Chapter 37 - Saying goodbye to my housemate...

Chapter 37 - Saying goodbye to my housemate...

HUMINGA ng malalim si Michelle at kinalma ang sarili bago pinindot ang doorbell. Sa pagkakataon na ito, pagdating niya sa condominium ay nag CR muna siya para makapagsuklay, retouch ng kanyang make-up, pabango, at siguraduhin na presentable ang kanyang hitsura.

Itinawag naman ng customer service ang pagdating niya at pinayagan naman siyang makaakyat. Hindi niya hiningi ang contact number ni Diego at itong pagpunta lang sa condo ang alam niyang tanging paraan upang makausap ito.

Bumukas ang pinto at tumambad ang lalaki.

"Hi!" matipid na bati niya. "Salamat at hinarap mo ako. Pasensya na at hindi ako nakapag-abiso beforehand."

Tumango si Diego. Nakapambahay lang ito na white shirt at maong shorts. Matipid siya nitong nginitian bago ibinukas ng maluwang ang pintuan. Bakit parang hindi ito masaya na makita siya? Matamlay ang mga mata at kilos nito.

"Come in," anito.

Pumasok siya sa loob at napamaang siya sa nakita, puro boxes ang nasa salas na may mga labels kung ano-ano ang mga nasa loob. "Maglilipat ka ba?"

Hindi nito sinagot ang tanong niya at sa halip ay itinuro ang sofa. Tumalima naman siya na umupo doon. Nakatayo pa rin ang lalaki kaya tumingin siya rito.

"I have sodas and pineapple juice, what do you like to have?"

Umiling siya. "Huwag na, okay na ako," tanggi niya. Umupo na ito sa sofa at tila ay hinihintay ang paliwanag niya kung bakit siya nagpunta doon.

"Bakit parang nagliligpit ka yata? Nag-re-redecorate ka ba o ano?" tanong niya. Kailangan sagutin nito ang tanong niya, makulit yata siya.

Muling matipid na ngumiti sa kanya ang lalaki bago umiling. "I have to go back to the US and help my sister. May dumaan kasi na hurricane sa lugar nila at nasalanta ang bahay nila. Unfortunately, nakaligtas man ang ate ko at mga anak niya, namatay ang asawa niya. Nauna nakalikas ang ate ko with the kids, pero si kuya ay inabutan ang sasakyan niya nung hurricane. Kinuha pa kasi niya iyong mga mahahalagang papers nila, pati na iyong documents sa negosyo niya."

Ngayon niya naintindihan kung bakit malungkot ang hitsura nito, may naganap palang trahedya sa pamilya. Hindi muna siya umimik kasi mukhang hindi pa naman ito tapos magkuwento.

"Kinausap ako ng parents ko if I can be of assistance sa ate ko. Iyong isa kong ate, hindi kayang iwan ang trabaho niya kasi bago pa lang siya. Lumipat kasi ng kompanya kaya under probation pa, makakasira sa evaluation niya kung kukuha siya agad ng leave.

"Ang parents ko naman, kagagaling lang sa surgery ng father ko kaya hindi rin puwede iwan ng mother ko. Kaya wala ibang puwede kundi ako. Ako kasi ang pinaka flexible ang trabaho at puwede pumunta kung saan-saan," mahabang paliwanag nito. "That's why I'm packing up."

Bumigat ang kalooban ni Michie, paalis na pala ang lalaki. "Kailan ang alis mo?"

"Next week na. Iyon na kasi ang earliest flight na puwede ko i-book. Everything happened just the other day, kaya medyo taranta ako ngayon. Pasensya ka na at magulo ang bahay," anito.

Umiling siya. "Kailan next week ang alis mo?" Buti at nakakapagtanong pa siya kahit halo-halo na ang emosyon na nararamdaman niya ngayon.

"Monday."

Muntik na siya mapasinghap, buti na lang at napiglan niya ang sarili. Biyernes na ng gabi eh! Gusto niya magreklamo pero wala naman siyang karapatan 'di ba? Tumango-tango na lamang siya.

"Condolence nga pala. Sorry nakalimutan ko sabihin kanina. Naiintindihan ko kung kailangan ka ng ate mo ngayon. Nawalan na nga sila ng bahay, namatay pa asawa niya. Kailangan talaga niya ng aalalay sa kanya," sabi niya.

"Thanks. Pero bakit ka nga pala nagpunta dito? Wala pa naman akong natatanggap na sulat mula sa abogado mo," sabi ni Diego.

Tumikhim muna siya bago sumagot. Hindi niya inaalis ang tingin sa lalaki, at kailangan lakasan niya ang kanyang loob. "Wala ka nang matatanggap na sulat mula sa abogado ko. Julius and I broke up amicably."

Sabay na tumaas ang dalawang kilay nito. Pero bukod doon ay diretso pa rin ang mukha nito. Baka hinihintay pa rin nito na magsalita pa siya. Umaasa sana siya sa reaction nito na matutuwa o magtatanong, pero wala eh.

Akala niya ay magiging masaya ito sa ibinalita niya… O wrong timing ba siya?

"Ahm, wala na rin akong balak na magpalit ng abogado." Patlang. Hindi pa rin ito nag-re-react. "Hindi rin ako kukuha pa ng bago kasi wala na akong balak mag-contest pa doon sa validity ng kasal natin."

Noon sumilay ang ngiti sa mga labi ni Diego. Pero makikita pa rin na nagpipigil itong magbunyi. "And why is that?"

Saglit lang siya nakatitig sa mga mata nito bago muling nakapagsalita. "K-kasi, na realize ko na hanggang ngayon ay in love pa rin ako sa'yo. Akala ko talaga nakapag move on na ako. Pero nitong dumating ka at nagpipilit bumalik sa buhay ko, iyong nakalibing na pagmamahal ko sa'yo ay bumangon muli."

Lumawak na ang ngiti ni Diego, that smile she quietly swooned on before. Lumapit ito ng upo sa kanya na hindi inaalis ang tingin sa kanya.

"Are you certain?" paninigurado nito.

Bakit ba ayaw maniwala nito? Baka naman kailangan na niyang diretsahin kasi ilang beses na nga naman niya itong sinabihan na ayaw na niyang makita.

"I love you, Diego. I still love you. Hindi pala nawala, naibaon ko lang nung akala ko ay nag move on na ako. Deny to death lang ako, at iba pang mga tao ang nagpa-realize sa akin na in love pa rin ako sa'yo at-"

Hindi na niya natapos ang sinasabi kasi tinanggal na nito ang anomang distansya na nakapagitan sa kanila, at sa kanilang mga labi. Mahigpit siyang kumapit sa batok nito at buong puso niyang tinugon ang halik nito. Hinayaan niya ang sarili malunod sa pagmamahal na nararamdaman niya para sa kanyang asawa.

Yes, he's not just her ex-housemate, he's her husband. At sigurado siyang hindi paminta ang kanyang ex-housemate. Babay na rin talaga sa term na housemate.

NATULOY na bumalik ng Amerika si Diego. Hindi nito masabi kung gaano katagal ito mananatili roon kasi hihintayin nitong makatayo muli sa paa ang ate nito. Sa panahon na iyon ay si Mrs. Michelle Dimapalad-Capalan na siya.

Ni-respeto naman ng kanyang pamilya ng desisyon niya. Mahirap daw kalaban ang puso. Nung una ay hindi nagustuhan iyon ng magulang niya, pero ipinagtanggol siya ni kuya Mike. Kaya ayun, nakumbinsi rin nila. Saka mas mahirap ang pagdadaanan niya sa Tribunal kung itutuloy pa niya ang pagpapa null and void ng kasal nila ni Diego.

Regular na pinupuntahan niya ang condo unit "nila" para malinis niya iyon o ipalinis. Kung minsan ay sinasamahan siya mag overnight doon ni Lizzie o kaya ni Kristine, kung sinoman ang libre sa mga ito.

Si Kristine, hindi na siya artista ngayon sa teatro, writer na siya! Ang galing, ano? Nadiskubre nito noong panahon na ni-re-renovate ang teatro na may talent pala ito sa pagsusulat na nagustuhan ng director nito. Tuloy pa rin ang sideline nito sa pag-me-make up at may tina-target na rin itong bilhin na property.

Si Lizzie naman ay team leader na sa call center kung saan siya nagtrabaho dati. Matipid pa rin ito kagaya niya, pero malapit na nito mapa graduate sa college ang bunsong kapatid kaya ang susunod naman nitong pag-iipunan ay ang pagpapakasal sa boyfriend nito. Iyong nabanggit niyang dine-date nito noon, ayun naging boyfriend at mukhang nagbabalak na rin ang mga ito na lumagay sa tahimik… o maaari rin na mas magulong buhay? Hahaha!

Si kuya Mike naman ay masaya sa promotion nito kasi magkakaroon ng partnership ang kompanya nito sa isang kompanya naman sa Japan, at ito ang napipisil na ipapadala doon. Okay lang dito na nauna na siyang ikinasal, pero dapat daw ay sundin niya ang pamahiin na bayaran niya dahil inunahan nga niya sa pag-aasawa. Nek-nek niya.

At si Julius… Well… naging magkaibigan pa rin sila pagkatapos ng ilang buwan na walang balitaan. Umuwi kasi si Kuya Mike nung mag-bi-birthday sila, at siyempre hindi puwedeng hindi imbitahan ng kapatid ang bestfriend nito.

Hindi lang niya alam kung nakahalata ang mga ito na sobra ang pag-bi-build up niya dito at kay Kristine. Puwede eh! Parehong single, guwapo at maganda, parehong matalino, ayaw lang nga niya sa matapobreng nanay ni Julius. Pero kung totoo naman na nagmamahalan ang dalawa, alam niyang matatanggap din ng ginang ang kanyang bff#1 para sa anak nito. Ang advance niya mag-isip ano? Basta siya, humo-hopia na magkakatuluyan ang dalawa.

Bagay na bagay kasi ang mga ito. Si bff, virgin na maharot. Iyong lalaki, gentleman na medyo bastos. Sila ang dalawang tao na malapit sa puso niya, na pareho niyang mahal, at umaasa siya na magiging masaya ang mga ito balang araw.

"Hoy, Michie! Hindi ka pa ba tapos maligo diyan? Mag-i-isang oras ka na ah!" sabi ni Kristine. Speaking of the devil.

"Patapos na po!" tugon niya. Ang sarap-sarap ng pag e-e-emote niya habang nakababad sa bath tub eh iistorbohin naman siya. Pero teka, mag-i-isang oras na nga ba siya roon? Baka nga ma late na sila! Tinanggal niya ang cork sa drainage para mawala na ang tubig sa bath tub.

"Nag text ang photo-video, malapit na daw," sigaw ni Lizzie.

Muntik na siya mapasigaw dahil sa narinig. Ibinukas niya ang shower para makapagbanlaw. "Bibilisan na!" sigaw din niya.

Araw ng kasal nila ni Diego sa simbahan. Habang nasa Amerika ito ay kasal nila ang isa sa pinagkakaabalahan niyang asikasuhin. At nang umuwi ito, kasama na ang magulang nito para makilala siya at mamanhikan sa kanyang magulang. Mabuti na lang ay lagi niyang napapalinis ang condo unit dahil doon nakatira ang mga ito ngayon.

Ilang kuwarto din ang inupahan nila sa hotel. Ang kasama niya sa suite ay sila Lizzie at Kristine. Ang pamilya naman niya ay sa isang suite din naka check in, ganun din ang pamilya ni Diego.

Kagaya nung unang "pekeng" kasal nila ni Diego, everything seems perfect and surreal. At mamaya, sa isang VIP suite na sila tutuloy… At sisiguraduhin niyang matutuloy na ang kanilang honeymoon! Aba, ilang buwan na lang ay two years na silang ikinasal sa civil ni Diego, virgin pa rin siya, no!

Nagtutuyo na siya ng katawan gamit ang isang white towel nang may mapansin siya, at napakalakas ng kanyang tili.

"Hoy Michie! Ano'ng nangyayari sa'yo?" nag-aalalang tanong ni Kristine habang kinakalmpag na ang pintuan ng banyo.

Gusto niya umiyak! "May regla ako! Dinatnan ako!!! Bakit ngayon pa!?!"

Wakas