Chereads / Falling for my Gay Housemate! / Chapter 36 - Dealing with exes

Chapter 36 - Dealing with exes

PINIGILAN ni Michelle umuwi ang kanyang bff na si Kristine ng gabing iyon pagkatapos nila mag usap ni Diego. Pinahiram na lang niya ito ng damit at binigyan ng bagong underwear na magagamit. May dala naman itong toiletries sa bag nito.

Ayaw lang niyang mapag isa. Syempre ay kukulitin naman siya nito kung ano ang pinag-usapan nila ni Diego. Wala naman siyang balak ilihim sa kanyang bff kaya nagkuwento siya rito. Kung hindi lang siya seryosong nagkukuwento, matatawa siya sa papalit-palit na emosyon sa mukha ni Kristine. At nang matapos na siya sa pagkukuwento? Kilig na kilig pa ito.

"Bes, pwede pa ang happy ever after ninyo ni fafa Diego," nakabungisngis na sabi nito.

Tumaas ang isang kilay niya. "Gusto mo ihulog kita mula dito sa kama?" banta niya.

Sarado na ang boutique, nakapaghapunan na sila, shower, toothbrush, at parehong naka-pajama at nasa kuwarto niya. Malaki naman ang kama niya kaya kasya sila. Hindi naman ito ang unang pagkakaton na pinatulog niya rito si Kistine. Malakas lang ang loob nitong pumayag kasi sarado nga ang teatro.

"Baka nakakalimutan mo, bes, boyfriend ko pa rin si Julius," sabi niya sabay pangalumbaba. Biglang nanlaki ang mga mata niya nang may maalala. "Ang cellphone ko!" bulalas niya.

Nang dumating nga pala sila ate Chona at Kris ay inilagay niya sa drawer ng kanyang desk sa boutique ang cellphone. Naka silent mode pa naman iyon kaya nawala sa isip niya. Puro chikahan kasi silang mag bff tapos dumating pa si Diego.

Nagpaalam siya sa kaibigan na kukunin muna niya ang cellphone. Na-guilty naman siya nang makita ang maraming text at missed calls ni Julius. Patay!

Pagbalik sa ikalawang palapag ay sinubukan niyang tawagan ang binate, pero out of coverage area na ang cellphone nito. Saka lang niya inisa-isa basahin ang text nito. Napabuntunghininga na lang siya.

"Nawala sa isip ko itong cellphone dahil daldalan tayo ng daldalan. May biglaang out of town trip si Julius dahil sa isang kliyente nila sa Mindanao. Nagpapaalam pala ito kanina, hindi ko nasagot. Baka magtampo iyon," sabi niya kay Kristine pagbalik niya ng silid.

"I-text mo na lang. Kung walang signal, tignan mo kung naka internet siya. Baka nasa messenger o FB naman. May mga hotels kasi na mahina ang signal ng isang telecom provider pero may free na wifi," suhestyon nito.

Ginawa nga niya. Nag iwan na lang siya ng message sa messenger nang makitang hindi naman naka online ang kasintahan at wala itong bagong post sa FB. Baka busy. Huminga siya ng malalim at humiga sa tabi ng kaibigan.

"Pero Michie, ano na balak mo ngayon? Mukhang magiging masalimuot ang magiging paghaharap ninyo ni Diego sa Tribunal. Paano na 'yan?" may pag-aalala sa tinig ni Kristine.

Nagkibit-balikat siya. "Sa totoo lang, hindi ko na alam ang gagawin ko, bes. Ayokong saktan si Julius, pero parang bumabalik talaga ang nararamdaman ko kay Diego." Iyong akapan niyang unan ay itinakip niya sa mukha.

Pinilit naman tanggalin ni Kris ang itinakip niyang unan. "Ano'ng pinagsasabi mo na bumabalik? Sigurado ka bang nawala?" tanong nito habang nakatunghay sa kanya.

Inagaw niya ang unan sa kaibigan bago tumalikod sa pagkakahiga. Niyakap niya ang unan at ipinikit ang mga mata.

Naramdaman niya ang pagyakap ni Kris mula sa kanyang likuran. "Hayaan mo bes, alam naman ng puso mo ang tamang desisyon. Magiging maayos din ang lahat."

Hinawakan niya ang kamay ng bff at pinisil iyon. Nagpasalamat siya sa kaibigan bago nag-goodnight dito.

NAGKASUNDO sila Michelle at Julius na magkikita ng Biyernes ng gabi. Pupuntahan siya nito sa kanyang boutique at mag-di-dinner sila sa labas pagkasara niya. May mga dala itong pasalubong, at gusto nitong pag-usapan nila ang tungkol sa preliminary hearing ng pagpapa null and void ng kasal nila ni Diego.

Unang pagkikita nila iyon mula nung nabangga ang sasakyan nito at pinuntahan niya sa ospital. Mahigit isang linggo itong nanatili sa Mindanao. Sa totoo lang, na miss naman niya ito, pero hindi rin siya sabik sa kanilang pag uusap ng harapan.

May time na nag video call naman sila pero puro kumustahan lang iyon at balita sa kung ano ang nangyari sa kanilang araw. Hindi pa rin niya nasasabi rito ang naging pag uusap nila ni Diego. Mas gusto kasi niya na personal sabihin, hindi sa videocall lamang.

Dumating si Julius sa boutique, thirty minutes bago siya magsara. Ang dami nitong dalang pasalubong na mga durian candy, uraro cookies, danggit, tableas, at iba-ibang klase ng malong. Iyong iba roon ay para sa magulang niya.

Pinaakyat muna niya ito sa second floor para makapagpahinga. Pagkatapos niya magsara ay umakyat siya sa second floor. Nakita niya itong nakahiga sa sofa at nakapikit. Nang haplusin niya ang buhok nito ay mabilis itong nagmulat ng mga mata at nginitian siya.

Mabilis itong umupo bago hinawakan ang kanyang kamay. Bahagya siya nitong hinila paupo sa tabi nito. "Halika muna. Mukhang pagod ka na rin. Gusto mo ba magpa deliver na lang tayo?" tanong ni Julius sa kanya.

Napaisip siya. Mas maigi nga siguro kung take-out na lang, kasi mukhang pagod na pagod talaga si Julius. Tumango siya. "Sige, take out na lang. Ano ba ang gusto mo?"

"Ako na ang bahala. May app ako dito sa cellphone, pili na lang tayo," anito. Pagkatapos nilang um-order ay sinabi nito na thirty minutes pa bago dumating ang pagkain. Kapag oras na ay saka sila maghihintay sa ibaba.

Inakbayan siya ni Julius at ibinaling ang mukha niya paharap dito. Nakahawak ang isang kamay nito sa kanyang pisngi. Nagsimulang bumilis ang tibok ng puso niya nang makita ang marubdob na damdamin sa mga mata nito. Nakita na niya iyon noon…

Bago pa siya makapagsalita ay hinalikan na siya ng kasintahan. May kasabikan at mapusok ang halik nito. Gusto sana niyang magsalita pero nagmukha lang iyon na ungol. Mas lalo pa tuloy nitong pinalalim ang halik. Hindi na ito ang banayad na halik nang sagutin niya sa Hong Kong.

Napakislot siya nang bumaba ang kamay nito sa kanyang leeg hanggang sa sinapo ang kanyang isang dibdib. Napaungol siyang muli at hinawakan ang braso nito upang itulak. Subalit imbes na mapigilan ay inilusot pa nito ang kamay sa laylayan ng kanyang blouse.

Alam naman niya ang gusto nitong gawin nang pinipilit nitong maabot ang kanyang dibdib pero pinpigilan pa rin ng kanyang kamay. Bumitiw siya rito at gamit ang dalawang kamay ay itinulak niya ito palayo. Naputol ang paghalik nito at pagtangkang hawakan ang kanyang dibdib.

"Ano ba?!" galit na sita niya rito. "Bakit ka ba ganiyan?" Lumayo siya ng upo habang inaayos ang sarili.

Umiling ang lalaki. "Michelle, you're really not in love with me, 'di ba?" may pait sa tinig na tanong nito.

Natigilan siya. Nakita niya ang sakit sa mga mata nito.

"T-teka, intimacy lang ba ang basehan mo kung in love nga ang isang tao?" inis na balik-tanong niya.

Muli itong umiling. "Kung si Diego ba ang humalik sa iyo at humawak, pipigilan mo rin ba kagaya ng ginawa mo sa akin?"

Natigilan siya. Naalala niya noong gabi ng pekeng kasal nila ni Diego, muntik na may mangyari sa kanila kung hindi lang dahil sa nabasag na kopita. Naiintindihan na niya kung ano ang ibig sabihin ni Julius.

Nag-unahan ang mga luha niya sa pagpatak habang nakatingin sa kasintahan. "I'm sorry," she weakly said.

Malungkot na tumango-tango ito. "Sinabi mo naman sa akin noon na you're getting there. Pero nakarating ka na nga ba, Michie? Ilang buwan na tayong magkasintahan, and a few more ay mag-se-celebrate na tayo ng first anniversary. But you're not still in love with me, right? You love me pero hindi sapat para pakasalan ako, 'di ba? If I ask you now to marry me, will you?"

Mas lalong naumid ang dila niya. Na-gi-guilty siya sa nadarama ngayon, kasi alam niya ay totoo lahat ng sinasabi ni Julius.

"Paano kita pakakasalan, eh kasal pa kami ni Diego?" pagdadahilan niya.

Isinubsob ni Julius ang mukha sa mga palad saglit bago tumingin sa kanya. "Can't you see, Michie, hindi mo lang ako tinatanggihan ng diretso. Alam mo, simula nung nabangga ako at na-ospital, napaisip ako talaga kung may patutunguhan ang relasyon natin. Matagal na kita gustong kausapin, kaso biglaan iyong assignment ko sa Mindanao at kailangan ko talagang asiksuhin.

"I can't wait forever for you to fall in love with me. Kasi baka in love ka pa rin kay Diego, kaya hindi ko makukuha ng buong-buo ang puso mo."

Mas lalong napa iyak si Michie nang makita ang pagpatak ng luha ni Julius. Gusto niya itong aluin pero paano? "I'm so sorry, Julius. Sorry talaga. I swear minahal kita… Pero-"

Tumango-tango ang lalaki. "I believe you, Michie. Minahal mo ako, pero hindi sapat iyon para mapalitan ko si Diego sa puso mo. At mas lalong hindi sapat para pakasalan mo ako."

Pagpatak lang ng luha ang isinagot niya rito.

Nang tumindig ito ay tumayo na rin siya. Tinuyo nito ang mga luha at inayos ang sarili bago siya tinignan sa mga mata. "I have to go, Michelle. Sabihin mo na lang sa iba na maayos ang paghihiwalay natin."

Pinahid din niya ang mga mata at siya naman ang tumango-tango ngayon. Sumunod siya sa lalaki nang naglakad na ito pababa sa tindahan. Nang palabas na ito sa pintuan ay saka humarap muli sa kanya.

"I can't represent you anymore sa Tribunal kung itutuloy mo ang pag file for nullity of marriage. Pero ang maipapayo ko lang ay kung mahal pa ninyo ang isa't isa, wala ng silbi ang pagpapa walang bisa ng kasal ninyo."

Naiintindihan niya ang sinabi nito. Tumango-tango siya. "Julius, pwede ba akong humiling sa iyo?"

Tinitigan siya nito bago tumango.

"Puwede ba kitang yakapin?" tanong niya.

Ngumiti ang lalaki bago ibinukas ang mga bisig sa kanya. Yumakap siya rito, humingi ng tawad, at nagpasalamat. Nang makaalis na ito, kahit nasaktan man siya, mas nakahinga naman siya ng maluwang, at pakiramdam niya ay natanggalan na siya ng isang malaking alalahanin.

May nakalimutan pala siya itanong kay Julius, magkano kaya ang inorder nito na ilang saglit na lang ay parating na?