"Mommy, really? Hanggang ngayon ay ipinagpipilitan pa rin ninyo si Clarisse sa akin? Girlfriend ko na po si Michie," sabi ni Julius sa medyo mataas na tono.
Alam naman ni Michelle na pangit ang ugaling makinig sa usapan ng iba. Pero ano ang gagawin niya? Hindi naman niya sinasadya eh. Nagkataon na naka-awang ang pintuan sa silid, at hindi na niya nagawang kumatok kasi interesting ang pinag-uusapan ng mga ito.
"But you once loved Clarisse!" matigas na dahilan ng ginang.
"Mom, it was a long time ago, high school pa lang kami noon. 'Di ba kinausap mo pa nga ang mommy niya para mapaghiwalay kaming dalawa kasi bata pa kami that time? Bakit ngayon eh ipinagduduldulan mo pa siya sa akin?" tanong ng lalaki.
"Dahil kayo ang bagay! Kailan mo ba maiintindihan iyon? You're a lawyer and she's a doctor, that's a good pair. Talagang hindi pa kayo dapat magkaroon ng relasyon noon kasi mga bata pa kayo. Pero ngayon, pareho na kayong established.
"Resident doctor na siya sa isang prestigious hospital habang ikaw ay junior associate sa isang kilalang law firm. Kaya dapat si Clarisse ang i-pursue mo! Not some ex-call center agent turned into tindera ng RTW's!" may panggigigil na sabi ng ginang.
Wow ha, grabe lang manlait. Kaya pala parang napaka init ng dugo sa kanya, may manok itong gusto para sa anak. Asarin pa kaya niya, 'no? Sabihin kaya niya na may asawa rin siya? Huwag na, baka atakihin pa ito sa puso.
"Why are you being like that, mom? Akala ko ba sabi mo basta mahal ko eh okay lang sa'yo?" Si Julius ulit.
"I don't think she's really in love with you, hijo. When I called her nung nasa E.R. tayo, ni hindi niya tinanong kung ano ang kalagayan mo. If she really loves you, dapat medyo nag freak out siya nung sinabi kong binangga ka. But she was so calm. A woman in love with you would not be that calm if she learned you were involved in an accident," mas kalmadong sabi ng ginang.
"Dapat halata ang pag-aalala sa tinig at kilos niya. Pero hindi ko iyon nakita o narinig sa kanya, hanggang sa dumating siya kanina. Are you really sure she's in love with you? O ikaw lang ang in love sa kanya?" tanong pa nito.
In fairness, may puntos ang mommy ni Julius. Oo nga naman. Patlang na. Baka napaisip din si Julius sa sinabi ng ina. Para lang bang kaibigan kung ituring niya ang lalaki?
Muntik na siya mapalundag sa kinatatayuan nang may bumati sa kanya mula sa kanyang likod. "Excuse me po, ma'm, susunduin na po ang pasyente."
Paglingon niya ay nakita niya ang isang orderly na may tulak na wheelchair at isang nurse na may hawak na chart. Tumabi siya para makapasok ang mga ito sa silid. Kumatok muna ang orderly bago tuluyang itinulak pabukas ang pintuan.
Sumunod siya sa loob. Imagination lang ba niya iyon pero ramdam niya ang tensyon sa loob ng silid. Lumapit siya tabi ni Julius at nginitian ito ng matipid. Mukhang magaling itong artista ah, ang ganda ng ngiti sa kanya na para bang hindi ito nakipagtalo sa ina.
Tumingin siya sa ginang at nakita niyang kinakausap ito ng nurse na gagawin na ang CT scan kay Julius. Naisip niyang magpaalam na rin. Ayaw na niyang manatili pa roon.
"Julius, may diagnostic test pala na gagawin sa iyo. Puwede ba magpapaalam na lang din ako sa iyo? Kasi tumawag nga si Kristine at pinapauwi na siya ng ate niya. Eh siya ang nakabantay sa boutique ngayon," pagsisinungaling niya.
Kumunot ang noo ng kasintahan. "Akala ko isasara mo ang boutique kasi wala kang kahalili?"
Ayan, na-gi-guilty na siya sa pagsisinungaling niya. "Tumawag kagabi si Kris at sinabing puwede na siya. Kaso nga, heto at kailangan na niyang umuwi kaya kailangan ko na rin umalis ngayon. Sorry ha."
Magsasalita pa sana ito pero tinawag na ng ginang ang atensyon nito at sinabing kailangan na siyang dalhin sa CT scan. Inulit niya ang pagpapaalam sa mommy ni Julius at sinabihan pa siyang mag-ingat sa pag-uwi. Magaling din na artista, ano?
Muli siyang bumaling sa kasintahan at nagpaalam na. Kita niya ang lungkot sa mga mata nito at kung tutuusin ay naaawa siya rito. Pero pagkatapos ng mga narinig niya kanina, gustong-gusto na niya lumayo sa lugar na iyon.
"SIGURADO ka ba talaga na magpapaiwan ka rito?" tanong ni Michelle kay Kristine.
"Ano ka ba? Ngayon mo pa ba itatanong iyan eh nakaalis na ang sasakyan ni ate Chona? Okay lang ako, 'no. Tambay muna ako habang wala pang pasok sa teatro," tugon nito with matching taas pa ng dalawang paa sa ibabaw ng kanyang desk.
Sa dulo ng kanyang boutique ay may parang mini-office na ang harang ay ang estante na nagsisilbing cashier's area. May isang kuwarto doon na ginagamit din niyang opisina kung nasaan naka file ang mga importanteng papeles, safe, at nakaayos ang stocks ng mga paninda.
Minabuti niyang may desk din siya na matatanaw pa rin ang main door at mga paninda para kahit nag aasikaso siya ng online orders ay makakapagbantay pa rin. Ito iyong area na may lamesita noon para kainan. Nagsisilbi na rin na kainan itong desk niya na kanina lang ay pinatungan ng bff niya ng paa nito.
After lunch ay dumating ang magkapatid sa kanyang boutique. Hindi nagtagal si ate Chona dahil iyong cheongsam lang naman talaga ang pakay nito. Under renovation ang theatre kung saan pumapasok si Kristine, work from home ito na ang gawain ay magsulat ng script o mag design ng costume. O 'di ba, multitasking pala sila sa teatro?
"Okay. Sige mamaya ay bibili ako ng pansit palabok at ilocos empanada diyan sa kanto para meryenda natin. Thank you ha," sabi niya pero halata sa tinig niya ang kalumbayan.
Umayos ng upo si Kristine at hindi inaalis ang tingin sa kanya. Tinapik nito ang lamesa bago nagsabi ng, "Magkuwento ka na."
Napailing siya bago sumandal at humalukipkip. "Paano mo natunugan?"
"Ibibili mo ako ng meryenda tapos ay nag thank you ka. Nagpapasalamat ka na nandito ako, ibig sabihin ay may dinaramdam ka. Ano iyon?" seryosong tanong nito.
Hindi na siya naglihim pa sa bff#1 niya, at ikinuwento niya ang lahat ng nangyari kahapon. Pati iyong paggamit niyang excuse dito para makaalis na sa ospital.
Hindi agad ito nag react pagkatapos niyang magkuwento. Tahimik lang itong nakatingin sa kanya.
"O? Naging bato ka na?" tanong niya.
"Shocked ako eh, shocked," walang emosyon na sabi nito.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Dahil nagsinungaling ako at ginamit kitang excuse?"
Natawa ito. "Hindi 'no! 'Di ka naman santa, syempre nagsisinungaling ka at ilang beses mo na rin ako ginamit," sawata nito sa kanya.
"Grabe ka!" nakaismid na sabi niya. Pero totoo rin naman ang sinabi nito.
Hinimas nito ang baba bago siya sinagot. "Shocked ako kasi hindi ko akalain na ganoon ang mommy ni Julius. Makipag break ka na kaya? Hindi magiging masaya ang buhay mag-asawa ninyo kung matapobre ang MIL mo."
"MIL?" tanong naman niya.
"Monster-in-law, este, mother-in-law," paglilinaw ni Kris. "Pero nasasa iyo iyan, kung talagang mahal mo naman si Julius, ipaglaban ninyo ag pag-iibigan ninyo!" mataas na energy na sabi nito.
Natigilan siya bago nangalumbaba. Alam niyang bakas sa hitsura niya na lalo siyang nalungkot.
"Huy! Ano ba ang nangyayari sa'yo?" tanong ng kanyang bff bago tinapik ang braso niya at hinihila paalis ang kanyang pangangalumbaba.
"Huwag!" saway niya rito sabay tapik sa kamay nito upang tigilan ang ginagawa. Tumigil naman ito. "Di ba naikuwento ko naman na sa'yo ang problema kay Diego, kaya ka nga tetestigo na ang alam mo ay pekeng kasal iyon?"
Tumango lamang ito.
"Nasasaktan ako, Kris. Kinausap na rin ako ni kuya Mike. I think I'm still in-love with Diego. Ayoko lang kasi aminin. Iyong sa amin ni Julius… Alam ko mahal ko siya. Pero…" nag-aapuhap pa siya ng mga salita dahil naghihirap na naman ang kanyang kalooban.
"Pero hindi ka in-love sa kanya," dugtong ng kanyang bff. "Kagaya ng sabi ng mommy niya. So may point si Mama!" eksaharadong sabi pa nito.
"Pero nakaramdam ako ng kilig, bff. Ano 'yon? 'Di ba parte ng pagka in-love iyong kinikilig ka? Naramdaman ko iyong kilig nung nandun kami sa Hong Kong ni Julius. Ibig sabihin ay kahit paano na in-love din ako sa kanya… Pero…" Bumuntunghininga siya.
"Pero mas in-love ka kay Diego. Posibe naman na talagang may naramdaman ka para kay Julius, bes. Nung bumalik si Diego, noon mo lang na realize na hindi pala talaga nawala ang feelings mo para sa kanya sa kabila ng lahat," muling dugtong ni Kristine. Madamdamin pa nitong kinanta ang chorus ng kantang 'First Love Never Die.'
Tumango siya bilang pagpapahayag ng pagsang-ayon. "Saka napaisip din ako doon sa sinabi ng mommy ni Julius, na napaka kalma ko eh naaksidente siya. Totoo naman sinabi niya. Kasi nung alam kong lumalaban noon mag isa si Diego kila Einar at goons niya, halos mag hysterical ako sa sobrang takot para sa buhay niya.
"Bes, sa aminin ko o hindi, tingin ko ay tama ang kutob ng nanay ni Julius. Hindi dapat ako naging kalmado lang, dapat sobra-sobra ang pag-aalala ko. At kahit ano pa man ang narinig ko dapat ay nanatili ako sa tabi ni Julius kahapon kung talagang in love ako sa kanya."
Isinubsob niya ang mukha sa dalawang palad. Naramdaman niya ang paghagod ni Kristine sa kanyang buhok at likod. Alam niyang nakiki simpatya ang bff niya sa paghihirap ng kanyang kalooban, at kaguluhan ng kanyang isip.
Natigil lang ang kanyang pag-e-emote nang may pumasok na customer sa kanyang shop. Medyo nagsunod-sunod ang mamimili kaya tinulungan na rin siya ni Kristine. Hanggang sa dumating ang oras ng meryenda.
Tutuparin niya ang ipinangakong meryenda sa kanyang kaibigan kaya lumabas siya ng boutique at naglakad papunta sa kanto. Bumili siya ng pansit palabok at ilocos empanada. Bibili na lang siya ng milk tea sa shop na malapit sa kanyang boutique.
Papunta na siya sa milk tea shop nang may nakasalubong siyang dalawang babaeng estudyante na mukhang kilig na kilig. Kagagaling lang ng mga ito sa milk tea shop.
"Ang guwapo nung mama, 'no? Trip ko jowain!" sabi nung mas matangkad.
"Lahat naman eh gusto mong jowain. Ako, pakakasalan ko 'yon!" hirit naman nung nakasalamin.
Nagtawanan lang ang mga ito bago nag high-five. Pagkalagpas sa kanya ay narinig pa niya ang sinabi nung isa, "Pumasok kasi doon sa tindahan eh. Sayang lang at 'di ko man lang nakunan ng picture o video."
Napa-iling na lamang siya. Pumila siya sa tindahan ng milk tea. Pagkatapos bumili ay bumalik na siya sa boutique. At napamaang siya nang makita kung sino ang nandoon at kausap si Kristine. Alam na niya kung sino ang tinutukoy nung dalawang estudyante… si Diego.