Chereads / Falling for my Gay Housemate! / Chapter 31 - Usapang mag-asawa

Chapter 31 - Usapang mag-asawa

PAGTINGIN ni Michelle kay Diego ay ngumiti ito ng matipid sa kanya. Lumapit ito sa kanya.

Nang tingin niya ay sapat na ang pagkakalapit nito, ay ikinuyom niya ang kamao at buong lakas na sinuntok ito. Pagkatapos niyang masuntok ito sa mukha ay dalawang beses niya itong sinuntok sa braso.

Nakita niyang nasaktan at nagulat si Diego sa ginawa niya. Pero hindi ito nagtanong kung bakit. Hinimas lang nito ang pisngi na namula.

Kahit siya ay bahagyang nagulat sa ginawa niya. Alam niyang ipinangako niya sa sarili na susuntukin niya ito kapag nagkita sila, pero nagulat siya na ginawa nga niya. Kinagat niya ang dila para pigilan ang sarili na mag-sorry.

"If it will make you feel better, puwede mo pa ako suntukin," sabi ng lalaki. "Alam ko na kulang pa ito para maalis ang galit mo. I'm really sorry about this mess."

Mukhang sincere naman ang magaling na paminta, este, lalaki sa paghingi ng tawad. Siya naman ang humimas ng kanyang kamao, masakit din pala manuntok. Dapat yata ay may punching bag siya sa bahay nang makapag practice.

Umupo siya sa isang single seat sofa na inupuan niya kanina at umupo naman si Diego sa mahabang sofa kung saan naka puwesto kanina si kuya Mike.

"Akala mo ba sapat na kabayaran ang pag-so-sorry mo at mga suntok na ibinigay ko sa panloloko mo noon, at ang balitang totoo palang kasal tayo? Bakit ngayon mo lang sinabi?" gigil na gigil niyang tanong.

Umayos ng upo si Diego bago sumagot. "Several months ago, na kontak ko si Julius sa law firm niya. Sa kanya ako nakiusap na sabihin sa'yo na kailangan kitang makausap. Hindi ko kasi kayo mahanap ni Mike sa FB o sa iba pang social media. Pero sabi niya, ayaw mo raw makipag-usap. Iyon sana ang panahon na sasabihin ko sa'yo na registered pala ang kasal natin."

Natahimik siya. Iyon pala ang dahilan kaya gusto siyang makausap ni Diego noong panahon na iyon. Deleted na kasi ang dati niyang account dahil ayaw niya na mahanap siya nito. Nung mag-open siya ng bagong account, KMIX ang ginamit niya.

"Hindi mo naman kasi ako masisisi kung ayaw man kita makausap," matigas na sabi niya.

"I know. Hindi lang nga kasi ako makauwi dati dahil nga ongoing pa ang hearing nung kaso against Einar. Hindi ako basta makaalis kasi malaki ang percentage na panalo sa lahat ng isinampang kaso laban sa kanya.

"Napa-amin si Anneliese ng prosecutor na gusto lang niya akong pikutin at wala talagang nangyari sa amin. At malaki-laki ang halagang ibabayad ni Einar na damyos sa akin. Nang umpisahan ko magsampa ng kaso, naisampa na rin ang tungkol sa smuggling at illegal activities niya.

"Nagkalakas ng loob ang mga witness at nadagdagan ang mga ebidensya na dati ay napakailap makuha. Iyon ang pinaka-kailangan sa akin nila Ivan, ang masampahan muna ng kaso si Einar para magkalakas din ng loob ang iba na mag-testify."

Nang matapos ang kuwento ni Diego ay saka siya nagtanong. "Nanalo ka na sa kaso kaya umuwi ka dito?"

"Oo," maigsing tugon nito.

"Eh itong condo, ano'ng ginagawa mo dito?" isa ang tanong na 'to na kanina pa siya kating-kati na itanong.

"My aunt bought it on my behalf, binigyan ko siya ng SPA (Special Power of Attorney). When my parents learned what happened to me, pinaki-usapan ng daddy ko ang kapatid niya para may mag asikaso sa akin. Mula nang binisita nila ako sa ospital, lagi na silang nakaalalay sa akin.

"Nagpatulong ako sa pinsan ko na i-monitor itong condo kasi may pakiramdam ako na kung hindi mo pa-re-rentahan ay ibebenta mo. Kinutuban lang ako, kasi alam kong nakaka-trauma iyong naranasan mo noong sinugod tayo ni Einar," paliwanag nito.

"Pero bakit pinabili mo?" she pressed on.

He softly and fondly looked at her. "Because this place holds memories of us together. Kung ako ang tatanungin mo, hindi ko gusto pang ipa-null and void ang kasal natin. Actually, gusto kong ligawan ka, ang mga magulang mo at kuya, hanggang sa pumayag kang magpakasal sa akin sa simbahan. I'm still in love with you, Michie," pagtatapat ni Diego.

Naumid ang dila ni Michelle sa narinig. Bakit ganoon? Pumitlag-pitlag ang puso niya? Hindi puwede! Boyfriend na niya si Julius. He cares for him, at alam niya kahit paano ay may pagmamahal siya sa binata. Sinabihan lang siya na mahal pa rin siya ni Diego eh gusto na magtatalon ng puso niya. Pasaway!

Patagong kinurot niya ang sarili. Hoy gising! Ano na ang nangyayari sa kanya?

"Palagay mo maniniwala pa 'ko sa'yo eh nagawa mo nga akong lokohin? Tapos malaking kalokohan pa ngayon na totoong kasal pala iyong naganap dati! May boyfriend na ako, Diego," mariing sabi niya.

Ilang sandali na nakatitig lang sa kanya ang lalaki, na tila ay inaarok kung totoo ang kanyang sinasabi. "Are you really in love with him?"

Sampalin kaya niya? Huwag na, baka masaktan na naman ang kamay niya. "What makes you think otherwise?" balik-tanong niya. O, ha! Two can play this game!

Tumango-tango si Diego. Pero nakita niya ang malalim na lungkot sa mga mata nito. Pero hindi siya dapat maawa sa lalaking 'to. Hindi rin naman ito naawa sa kanya nung gamitin siya noon.

"Magpapatulong ako kay Julius kung paano ang proseso para sa pagpapa null and void ng kasal natin. Please, huwag mo na guluhin ang buhay ko. Okay na ako eh. Tahimik na ang buhay ko at naka plano na lahat," sabi niya. Pero bakit ganoon, nasasaktan siya habang sinasabi iyon?

Malungkot pa rin ang mga mata nitong tumingin sa kanya bago tumango. At naiinis siya sa sarili kasi naaapektuhan siya sa lungkot na nakikita sa kanyang "asawa."

Tumungo si Diego "I'm really sorry for everything, Michie. Hindi naman ako masamang tao. Hindi ko gustong lokohin ka o gamitin ka, nagkataon lang na kailangan kong gawin ang mga ginawa ko noon dahil sa pagtatago ko.

"Siguro ang pinakamalaki kong pagkakamali ay iyong pagpapanggap kong bakla at pag-iiba ng pangalan ko. Pero si Jamie na nakilala mo, ako talaga iyon. Ako iyong nag-wo-work from home, iyong kahalili mong maglinis dito sa bahay, iyong nagluluto, at iyong naging housemate mo.

"Iyong sa kasal, akala ko talaga ay peke ang lahat. I just really need the pictures before, kasi akala ko ay makukumbinsi na noon si Einar na tigilan na ako. Iyong panahon na iyon, kung talagang pakakasalan kita, hindi sapat iyong simpleng selebrasyon lang dito sa condo.

"I'll give you your dream wedding. I was already in love with you then, and I'm still am. Kahit naman nagpaalam ka noon sa ospital, hindi kita basta pakakawalan. Wala lang ako talaga magawa that time dahil nga kailangan ko magsampa ng kaso kay Einar.

"Talaga bang wala ng chance, Michie? Sagad na ba sa buto ang galit mo sa akin?" madamdaming tanong ni Diego habang hindi inaalis ang tingin sa kanyang mukha.

Kinapa niya ang sariling damdamin, alam naman niya ang sagot doon eh. "Sa totoo lang, matagal na kitang napatawad. Pero ayoko na rin sana magkaroon pa ng kaugnayan sa iyo. Seeing you again just brings back the memories… and the pain."

Akala niya ay malungkot na ang hitsura ni Diego, pero gumuhit ang mas malalim na lungkot sa mukha nito, at sakit.

"I think I should go. Makipag-coordinate ka na lang kay Julius para sa pagpapa null and void ng kasal natin." Hindi na niya hinintay ang sagot ni Diego at tumayo na siya. Tumalikod na siya at naglakad papunta sa pintuan.

Pero nakaka ilang hakbang pa lang siya ay bigla siyang niyakap ni Diego mula sa likod. Sisigawan na sana niya ito at magpupumiglas nang matigilan siya sa sinabi nito.

"Michelle, let me hold you even just for a moment. Please," basag ang tinig nito nang magsalita.

Bigla siyang nanghina at hinayaan niyang nakayakap sa kanya ang lalaki. Nilukob ng sakit ang pagkatao niya nang yumugyog ang balikat ni Diego. Alam niyang tahimik na umiiyak ito. He's hurting, at ang masama, nasasaktan din siya.

Bakit ganoon? Bakit nasasaktan din siya? 'Di ba si Julius na ang mahal niya? 'Di ba hindi na siya dapat naaapektuhan ng ganito?

Hindi na niya kaya. "I'm sorry, Diego, I have to go."

Lumuwag naman ang yakap nito sa kanya hanggang sa tuluyan na siyang bitiwan. Hindi na siya nagtangka pang harapin ang lalaki, baka hindi niya kayanin.

Hindi siya lumilingon na lumabas ng pintuan. Imbes na mag-elevator ay pinuntahan niya ang fire exit. Ayaw niyang may makakita sa kanya na ibang tao sa oras na iyon. Pumasok siya sa fire exit at doon niya hinayaan kumawala ang mga luha niya. Pero hindi niya maintindihan kung ano talaga ang iniiyakan niya…

She took her time going down the stairs. Pagkalabas niya sa lobby ay nagpunta muna siya sa comfort room at inayos ang sarili. Sinigurado muna niyang hindi namumula o namumugto ang kanyang mga mata.

Pagkatapos ay saka niya tinawagan si Julius at tinanong kung nasaan ang mga ito.

"Dito lang kami sa kotse. Nakaparada kami sa gilid ng condo, right side," tugon nito.

"Sige, lalabas na ako," aniya at tinapos na ang tawag.

Agad naman niyang nakita ang sasakyan ng kasintahan. Sa passenger side sa harap nakaupo si kuya Mike kaya sa likod siya sumakay. Sabay pa lumingon ang mga ito pagkapasok niya.

"Ano napag-usapan ninyo?" agad na tanong ni Mike.

Imbes na tumugon dito, tumingin siya sa kasintahan, "Kailangan ko ng abogado para mapa null and void ang kasal namin."

Saglit na nakatitig sa kanya si Julius bago tumango ito. "Tignan ko kung puwedeng ako na lang din ang mag-represent sa iyo."

Tumango-tango lang siya. Napatingin siya sa kapatid at nakita niyang nanunuri ang tingin nito. Mukhang may malalim itong iniisip. Tumingin lang ito sa harap nang paandarin na ni Julius ang sasakyan.

Wala sa loob na napatingin siya sa labas ng bintana, sa itaas ng condominium. Awtomatikong hinanap ng mga mata niya ang bintana ng dati niyang unit. At muntik na siyang mapasinghap nang makita si Diego na nakatayo sa may bintana at nakatingin sa malayo.

Alam niya ang nararamdaman ng lalaki, nasasaktan ito… Kasi ay iyon din ang nararamdaman niya.