IN a relationship โ pinalitan na ni Michelle ang status niyang single sa kanyang FB account. Nakangiti siya nang ma-display iyon sa kanyang newsfeed. Ayan, matitigil na ang kakatanong ng iba kung kailan siya mag bo-boyfriend.
Pinalitan din niya ang kanyang profile pic nung selfie nila ni Julius habang pinapanood ang sunset sa dalampasigan ng Ha Pak Nai. The shot was sort of magical, and they look beautiful together.
Pagkauwi nila mula Hong Kong ay inihatid siya ni Julius sa kanyang bahay. Nagkasundo sila na sasabihin nila agad sa mga magulang nila na "sila" na.
Kaya nang nasa bahay na niya sila, ay agad nilang sinabi sa mama niya. Pero ang bilin ng mama niya, pag-uwi nito ay tumawag siya sa Skype para masabi sa papa niya.
Nakipag Skype siya sa magulang at ikinuwento ang mga naganap sa Hong Kong. Nang sabihin niya na sinagot na niya si Julius, ngumiti lamang at nagkatinginan ang kanyang mama at papa. Kahit alam na ng mama niya, mukhang hindi nito agad sinabi sa papa niya dahil hinihintay nito na siya talaga ang magsasabi.
Ang sabi pa nga ng papa niya, "It's about time." Hindi tuloy niya alam kung masaya talaga ang mga ito para sa kanya, o itinataboy na siya. Tawa lamang ang itinugon niya.
Tinawagan din niya si Kristine sa messenger at nagkuwento. Dinig sa tinig nito na totoong masaya para sa kanya.
"O, hindi ka pa ba niyayayang magpakasal ni Julius?" tanong ng kanyang kaibigan.
"Kasal agad? Grabe ka naman. Ikaw ang nagsabi na test muna ang waters 'di ba? Hindi ko pa nga nararanasan ng bonggang-bongga ang mayroong boyfriend, magpapakasal na? 'Wag muna," aniya.
"Gusto ko maranasan iyong monthsary, anniversary, saka tampuhan o selosan," dugtong pa niya.
Humagikgik si Kristine. "Naku, baka biglang tumanda ang hitsura mo kapag nagkakatampuhan kayo, ha. At baka maging Hulk ka niyan kapag nagselos ka. 'Wag mong ipagdasal na mangyari 'yon," tatawa-tawang sabi nito.
Inirapan niya ang kaibigan. "Gusto ko lang maranasan ang lahat ng iyon. First boyfriend ko eh."
"Sana first and last mo na," nakangiting sabi nito.
"Wait and see lang tayo," aniya. Masaya ang naging kuwentuhan nila hanggang sa nagpaalam na sila.
Akala ni Michie na kagaya nung nanliligaw pa lang si Julius, ganoon pa rin ang schedule nila. Kaya nagugulat pa siya na gabi-gabi ay nag-vi-video call sila sa messenger. Tumatawag din ang lalaki kapag break time nito. At kung minsan ay may deliveries ng pagkain o flowers sa kanyang shop.
"O, AKALA ko may meeting ka ngayon?" tanong ni Michelle kay Julius nang dumating ito sa boutique niya isang Sabado ng hapon. May dala pa itong meryenda. 'Di ba extra sweet?
"Na-postpone. Nag-cancel iyong isang client kasi may family emergency daw. Kaya naisipan kong puntahan ka na lang. Tulungan na lang kita magbantay dito sa boutique mo para maasikaso mo iyong inquiries at orders online," tugon nito. Hinubad na nito ang suot na coat at neck tie.
"Sige, asikasuhin ko pagkatapos natin mag-meryenda," pagsang-ayon niya habang inaayos sa lamesita sa likod ng cashier area, ang pagkain na binili nito.
Bigla siyang natakam nang makita ang pansit palabok, puto, at kamote cue. "Saan mo 'to binili?" nakangiting tanong niya sa kasintahan. Wow, ang sarap pakinggan, may kasintahan na talaga siya.
"Sa resto nung building kung nasaan iyong law firm."
Naisalin na niya sa plato ang palabok at puto. Nakalagay sa paper bag ang kamote cue at iniwan lang niya doon. Kukuha na lang sila kapag may gusto. Kumuha siya ng juice sa ref niya sa second floor.
Masarap nga ang mga iyon at masaya rin ang kanilang kuwentuhan. Kamote cue na lang ang kinakain nila nang may naalala siyang itanong kay Julius.
"Napansin ko lang, mula pagkagaling natin ng Hong Kong, extra sweet ka na. Lagi ka na tumatawag, tapos ngayon kahit wala sa schedule ay pumunta ka," nakangiting sabi niya.
Mabuti na lang kapag nagbabantay siya ng boutique ay maayos ang suot niya. Sinisiguro rin niyang presentable ang kanyang hitsura. Basta iyong hindi naman nangingintab ang kanyang mukha o namumutla.
Hinawakan ni Julius ang isa niyang kamay at masuyong pinisil iyon. "It's different now, girlfriend na kita. Syempre nung nanliligaw pa lang ako, dapat may preno pa rin kasi ayoko naman na parang hindi ka na makahinga sa akin."
Nakangiting nagtaas siya ng isang kilay. Gusto sana niyang haplusin ang buhok ng lalaki at humilig sa balikat nito. Kaya lang ay nahihiya siya. Baka isipin nito na ang easy naman niya.
"Ganiyan ka rin ba sa mga naging ex mo?"
Kunwari ay nag-iisip ito ng malalim bago ikinunot ang noo at tinignan siya. "Sila ang nanligaw sa akin eh. Sila rin ang makulit na tumatawag at mino-monitor ang mga kilos ko."
Tumawa siya ng malakas sa isinagot nito. "Hindi ka rin mayabang, 'no?"
Nakakalokong ngumisi ito. "Hindi ako nagyayabang, nagsasabi lang ako ng totoo."
"Sige na nga, naniniwala na ako." Napa-iling na lang siya bago tumayo at iniligpit ang kanilang pinagkainan.
Pero sa totoo lang, naniniwala naman siya sa kuwento nito. Kasi nabanggit dati ng kakambal niya na habulin talaga ng babae itong si Julius at hindi na kailangan manligaw. Kinilig naman siya, kasi ibig sabihin ay matindi na ang pinagdaanan nitong paghihintay na sagutin niya.
Iyong sa kanila ni Diego, ano ang tawag doon? Hindi naman naging "sila" pero nagkagustuhan sila. Iyon ba ang tinatawag na MU? Mag-un (umasa't naniwala) o mutual understanding?
Ipinilig niya ang ulo, kung anu-ano ang nasa isip niya.
May tatlo pa siyang kostumer na bumili ng anik-anik bago siya nagsara ng shop. Kaysa magluto pa siya ay nagyaya si Julius na mag dinner na lang sila sa labas. Pagod na rin daw kasi siya. O 'di ba ang thoughtful?
Nasasanay na siya na may ka-holding hands. Kagaya ni Diego, may mga babae na napapabaling at napapatingin kay Julius kapag dumadaan sila. Siyempre ay proud naman siya na kamay niya ang hawak ng lalaki, at nasa kanya lang ang buong atensyon nito.
Sa sumunod na Linggo ay bumisita sila ni Julius sa magulang niya. Pagkatapos magsimba ay bumil sila ng roasted pork at pansit malabon.
"O, kumusta kayo? May balak na ba kayong magpakasal para magka-apo na kami?" tanong ni papa Ramon habang nakaupo sila ng magkakaharap sa salas.
Hinihintay pa ni mama Amanda na mapalambot ng husto ang niluluto nitong nilagang baka kaya nasa salas muna sila. Inilagay niya ang dala nilang pasalubong sa hapag kainan na nakaayos na rin. Sayang lang at wala pa si kuya Mike. Sa susunod na buwan pa ang uwi nito.
"Pa!" saway niya sa ama. Naramdaman ni Michie ang pamumula ng kanyang mukha.
Mabilis siyang napasulyap kay Julius na katabi niya sa mahabang sofa, at nakita niyang nagpipigil itong tumawa. Pero nakangisi ang loko. Ano ba ang nakakatawa sa tanong ng ama niya?
"O, bakit? Masama ba ang tanong ko? Nung panahon ng lola ko kapag sinagot ng babae ang lalaki eh kasalan na ang kasunod," katuwiran pa nito.
Napatingin siya sa ina, at ang tingin nito ay nagsasabi na binibiro sila ng papa niya.
"Pa, panahon pa ng nineteen kopong-kopong iyon. Sa panahon ngayon, iyong iba nga ay inaabot ng sampung taon na mag-nobyo bago magpakasal. Saka bago pa lang kami, hindi pa namin kilala ng husto ang isa't isa," pangangatuwiran niya.
Tumango-tango ang mama niya bago ito nagsalita. At least meron siyang kakampi. "Tama lang na kilalanin ninyo ng husto ang isa't isa. Pero pagkalipas ng dalawang taon, kung kaya na ninyong mag settle down ay gawin na ninyo. Tutal ay stable na kayo pareho at habang lumilipas ang panahon ay patanda na rin kayo ng patanda. Saka itong si Julius ay hindi na rin bago sa pamilya natin. At kung tutuusin ay matagal na kayong magkakilala, high school pa lang."
Itinakip na niya ang parehong kamay sa mukha bago umiling. Bakit ba siya ipinapahiya ng magulang niya ng ganito? Wala naman siyang kasalanan sa mga itoโฆ Maliban sa pagpayag niya sa pekeng kasal nila ni Jamie, este, Diego noon.
Naramdaman niya ang paghawak ni Julius sa kanyang pupulsuhan at tinanggal ang kanyang kamay sa pagkakatakip sa mukha niya. Tinignan niya ang nobyo at nakita niyang nakangiti ito.
"Huwag po kayo mag-alala, tito, tita, darating din po kami diyan. Mas maganda rin po na makapagpagawa muna ako ng dream house namin bago kami magpakasal. Kaya aabutin din po ng ilang taon bago po ang kasal kung sakali," sabi ni Julius.
Tinignan niya ang katabi at nginitian ang nobyo. Buti pa ito, sinasalo siya lagi. Ang magulang niya, lagi siyang inilalaglag.
Napunta na kung saan-saan ang usapan hanggang sa nabanggit si kuya Mike. Kagabi daw ay ka-Skype ito ng magulang niya.
"Speaking of ilang taon, Michie, ang sabi ng kuya mo ay next year na ang expiration ng passport ninyo kaya mabuting a year before ay ipa-renew na ninyo. Lalo na at pareho kayong travel ng travel. Pagdating ng kuya mo ay ipaasikaso mo na," paalala ng papa niya.
Nag-excuse ang mama niya para tignan ang niluluto nito sa kusina.
Tumikhim si Julius kaya napatingin siya dito. "Kailan ba kayo nagka-passport?"
"More than three years ago yata," tugon niya. "Basta nung time na iyon ay tinatarget na ni kuya Mike makapunta ng Singapore."
Tumango ito. "Five years lang nga ang validity ng passport nung panahon na iyon. Kung 2018 kayo kumuha, ten years na sana ang validity," paliwanag nito.
"Okay lang. Sasabihin ko na lang kay kuya Mike na doon na lang sa suki kong travel agency ipapaayos para mas madali. Tutal ay renewal lang naman," aniya.
Bumalik ang mama niya galing sa kusina at sinabi, "Kakain na tayo." Nagtayuan na sila at sumunod sa mama niya papuntang komedor.