Chereads / Falling for my Gay Housemate! / Chapter 23 - Moving on

Chapter 23 - Moving on

"SIGURADO ka gusto mong ibenta itong unit mo?" tanong ni Julius kay Michelle.

Dalawang buwan na ang lumipas nang sugurin sila ni Einar sa kanyang tahanan. Mula noon, hindi na siya pinabalik ng kapatid at magulang niya sa unit na ito. Sumunod naman siya dahil natatakot siyang baka bumalik ang mga goons at maghiganti muli.

Isang buwan siya nanirahan sa bahay ng magulang niya. Bumalik din siya pagkatapos dahil inaalala niya na walang naglilinis at na-mi-miss din niya ang pagtira dito.

Subalit lahat ng sulok ng unit na ito ay ipinapaalala sa kanya ang panahon na nagkasama sila ni Diego. And memories do hurt. Hindi naman niya agad makakalimutan ang pagmamahal niya para sa lalaki. Hindi iyon ganoon kadali, lalo na at first love niya ang lalaki.

Matagal niyang pinag-isipan kung ibebenta nga niya ang unit o hindi. Kung pauupahan niya, baka masalaula lang at marami rin siyang aasikasuhin pa. Mas mabuti pa na ibenta na lang niya para wala na siyang sakit ng ulo sa mga paper works kapag kumuha ng tenant.

"Oo. Gusto ko na talaga itong ibenta. Mas mabuti rin na bumalik muna ako sa bahay ng magulang ko habang wala si kuya Mike," tugon niya.

Malaking tulong si Julius mula noong nawalan siya ng housemate at bumalik na si kuya Mike sa Singapore. Lagi itong nakaalalay sa kanya. Kaya ngayong napag-desisyunan niya na ibenta ang unit, sinabi niya rito para malaman niya kung ano ang mga dapat niyang gawin.

Sinabi ni Michelle na ay ayos lang sa kanya na sa labas sila magkita. Pero nagpumilit itong puntahan siya sa unit para hindi na siya lumabas pa. Nagdala ito ng meryenda, na kinakain nila habang nag-uusap. Nasa komedor sila ngayon at nilalantakan ang burgers at fries.

"Kung talagang desedido ka na, may kakilala ako na real estate agent, puwede natin ipa-ahente sa kanya ang unit na 'to. I-consider mo rin ang presyo nung nabili mo ito at ang market value sa kasalukuyan. Kasi may mga taxes na babayaran din kapag na-ibenta mo na. Sasabihin naman lahat iyon nung ahente sa iyo kung sakali," anito. "Tutulungan na lang kita sa paper works."

Natutuwang napatingin siya kay Julius. Kung tutuusin, ilang buwan lang ang itinanda nito sa kanilang magkapatid, pero madalas ang tingin niya ay mas marami itong alam sa mga bagay-bagay.

"What?" untag nito sa kanya.

Ano ba 'yan? Nahuli ba siya nitong nakatunganga rito? Nakakahiya! Teka, dapat maka-kiyambo… ng suwabe lang. Huminga muna siya ng malalim.

"Natutuwa lang ako kasi nandiyan ka. Wala man si kuya Mike, parang may isa pa rin akong kuya. Salamat sa mga tulong mo ha. Tapos dinalhan mo pa ako ng meryenda ngayon," aniya.

Ngumiti si Julius. "Ikaw naman, parang others. Bawi ka na lang sa susunod. Libre mo 'ko sa labas," anito. "Saka hindi mo ako kuya ha, huwag mo 'kong tawaging kuya."

Eh? Naku, napasubo pa yata siya. Alangan naman mag-kuripot siya ngayon? Sa dami na ng na-i-tulong sa kanya nito, kulang pa nga ang isang treat dito.

Bukod sa ito ang naghakot ng mga gamit ni Diego at tumulong sa huli hanggang sa makalabas ito sa ospital at ng bansa, lagi siya nitong kinu-kumusta.

Binawalan na siya ng kapatid at magulang na magkaroon pa ng kaugnayan kay Diego. Kaya kahit minsan na kating-kati na siya mikabalita tungkol sa lalaki, ang tanging natatanong lang niya ay itong si Julius.

Hindi na siya nabigla nang sabihin ni Julius sa kanya na umalis na ng bansa si Diego ilang linggo pagkalabas nito ng ospital. Nagpagaling lang daw ito bago umalis ng bansa.

Ni-respeto naman ni Diego ang kahilingan niya na huwag na siya nito gambalain pa. Pero sa totoo lang, umaasa siya na kahit paano ay mangungulit ito na magpakita sa kanya o kausapin siya… iyong mga katulad sa teleserye na hahabulin talaga nung lalaki iyong babae kahit na ipagtabuyan pa ng bonggang-bongga. Asa pa siya, ano?

Ngumisi siya. "Sige ba! Pero huwag ka magtuturo sa mga mahal ha. Average lang ang kaya ng budget ko," aniya. "Baka mamaya magturo ka sa mga buffet resto ng mga hotel."

Lumawak ang ngiti ng kausap niya bago tumaas ang isang kilay nito. "Ano ang akala mo sa akin, sosyal? Hindi ah," kunwari ay mataray na sabi nito.

Ang lakas ng tawa niya. Bakit ba hindi niya napansin noon ang kakulitan nitong lalaking 'to? At kung tutuusin, wala siyang balak na tawagin itong kuya. Kahit na naaalala niya rito minsan ang kapatid, mas kuwela kasi ito kaysa sa strict niyang kuya Mike. Mas kabarkada tuloy ang turing niya rito.

IPINAKILALA sa kanya ni Julius ang ahente na kaibigan nito, si Paulo. Kagaya ng abogado, very accommodating ang ahente at ipinaliwanag sa kanya ang proseso ng pagbebenta, tamang pag-presyo, at kung anu-ano ang mga dapat niyang i-expect na gastusin at mga babayarang taxes.

At hindi pa nagtatagal ang pag-aalok nito ay may nag-offer na agad na bihin ang kanyang unit. Wala naman naging problema sa bentahan, naging maayos ang lahat. Ultimo ang balance sa amortization ay binayaran na ng buo ng buyer.

Ipinagpaalam naman niya ang pagbebenta ng unit sa pinsan at lola nila. Wala naman naging problema dahil ayon nga sa mga ito, siya na ang may-ari ng unit at puwede niya gawin kung anoman ang gusto niya.

At dahil sa matagumpay na pagbebenta ng kanyang unit, bukod sa mabilis pa at smooth, ay tinupad niya ang pangakong pag treat kay Julius. Merienda lang sana, kaya lang ay may meeting pa ito kaya nauwi sila sa dinner.

Nagpasya siya i-treat ang lalaki sa restaurant na nasa isang malaking mall sa Mandaluyong. Tinanong pa niya si kuya Mike sa Skype kung ano ang mga hilig ng bespren nito sa pagkain, Japanese daw.

"Sigurado ka ramen at gyoza lang ang gusto mo?" paninigurado ni Michie nang makaupo na rin siya sa katapat na silya.

Kanina pa niya kinukulit ang lalaki kung ano ang gusto nito na dagdag sa pagkain, iyon lang daw. Pinahanap niya ito ng mapu-puwestuhan nila, habang siya ay nakapila para mag-order at magbayad.

Nag-insist ito na ito na ang magbabayad dahil nagbibiro lang naman daw ito na magpapalibre sa kanya. But she stood by her decision, kaya walang nagawa si Julius kundi ang sumunod sa kanya.

"Oo, ganito lang naman kasi ako talaga kumain. Saka malaki ang serving dito, makikita mo mamaya kung gaano kalaki ang bowl ng ramen."

"Ah, okay. Si Jamie kasi ang lakas kumain. Nung unang kain namin sa labas, three-piece chicken at limang rice ang order. Ang lakas kumain pero puro muscles naman." Natigilan siya pagkatapos niyang sabihin iyon. Feeling niya ay pinamulahan siya ng pisngi.

"Si Diego pala. Iyong unang kain namin sa labas ay iyong unang gabi niya sa condo. Pumalpak ang niluto kong adobo kaya nag treat na lang siya sa labas," dugtong niya kahit mukhang hindi naman naghihintay ng paliwanag ang kausap.

Bahagya siyang na-conscious nang makitang titig na titig sa kanya si Julius. "Okay lang iyan. Hindi naman talaga agad nawawala ang feelings para sa isang tao."

Muntik na niyang makalimutan na abogado nga pala ito at magaling kumilatis ng tao. Kahit wala siyang sinasabi, mukhang alam nito na nagkagusto siya kay Diego. Sabagay, mukhang obvious naman.

"Paano mo nalaman?" hindi pa rin niya napigilan itanong.

"Unang-una, hindi ka papayag sa pekeng kasal kung wala kang gusto. Pangalawa, kitang-kita ang pag-aalala mo noong nabugbog si Diego. At pangatlo, hindi mo basta ibebenta ang condo unit mo kung hindi ka affected," anito.

Napasandal siya sa kanyang upuan at pinagmasdan si Julius. "Alam mo, puwede ka rin maging psychologist, ano?"

Natawa ito. Pogi rin pala ang loko. Sabagay, matagal naman niyang alam na may hitsura si Julius. Kung madalas niya itong nakikita na naka barong, polo, o coat, ngayon ay simpleng collar sports shirt lang ang suot nito at jeans. Subalit kitang-kita pa rin ang kakisigan nito.

Noong high school, madalas itong pumunta sa kanila para yayain si Mike mag basketball, pero ngayon lang sila nagkasama ng ganito. Ngayon lang din niya napagtuunan ng pansin ang lalaki.

"Siguro kapag abogado ka kasi, kailangan alam mo tumantiya ng tao kung nagsasabi ng totoo o hindi. O dapat marunong kang kumilatis," sabi nito na bahagya pang natatawa.

Nang dumating ang order nila ay saka niya nalaman na totoo nga ang sinabi ni Julius, na malaki nga ang serving ng ramen. Siya ay tendon lang ang in-order, shrimp tempura na nakapatong sa kanin at nakalagay sa mas maliit na bowl.

"Paano kaya kayo mag-usap niyan ng girlfriend mo? Parang nagbabasahan kayo lagi ng isip?" tanong niya bago siya nag-umpisa sa pagkain.

Ngumisi ang lalaki at bahagyang inilapit ang ulo para bumulong sa kanya. "Wala na akong girlfriend ngayon. Iyan kasi ang problema namin, nagbabasahan ng isip," anito.

Napamaang siya sa sinabi nito na binalikan naman ang pagkain. Pinagloloko ba siya nito? "Wala ka na palang girlfriend. Sabi ni kuya Mike ay abogado rin iyong girlfriend mo ah, ay, ex na nga pala. Paano naman naging problema iyong nagbabasahan ng isip? Ayaw mo nun, parang same wavelength ang isip ninyo? Compatible."

Nilunok muna ni Julius ang nginunguya bago sumagot. "Magkaibigan pa rin naman kami hanggang nayon. Napansin kasi namin na, oo, masarap ang usapan namin at nagkakasundo kami sa maraming bagay, pero parang magkaibigan lang kami. Alam mo iyon? Parang kulang sa romance," paliwanag naman nito na na-gets naman niya.

"Eh paano naging kayo kung walang romance na involved?" tanong niya. Sana ay huwag naman makulitan sa kanya si Julius.

"Well, we just dated, decided to try to have a relationship. Pero ayun nga, hindi nag work out," bale-walang sagot nito.

Tumango-tango na lamang siya. Baka sumobra naman ang pagtatanong niya kung may follow up pa siya. Binalingan na lang niya ang pagkain.

"Isang rason din, mahirap ibaling ang pagtingin sa ibang tao kung may iba ka talagang gusto."

Napa-angat ang tingin niya kay Julius na kumakain lang na para bang walang sinabi. Totoo ba ang narinig niya o imagination lang? Nagkibit-balikat na lang siya at ipinagpatuloy ang pagkain. Hindi na nito dinugtungan ang sinabi kaya dedma na lang din siya. Tsismosa to the highest level na siya kung tatanungin pa niya ito ng mga bagay na pribado.

Pagkatapos nilang kumain ay naglakad-lakad muna sila sa mall. Kanina ay sinundo siya ni Julius, at ihahatid din daw siya nito pauwi. Kahit ano'ng gawin niyang pagtanggi ay hindi ito pumayag. Nakita daw ng Mama at Papa niya ang pagsundo, tapos hahayaan siya umuwi mag-isa? Sige na nga.

"Gusto mo ba ng ice cream? Dessert?" tanong ni Julius nang may madaanan silang ice cream shop.

Tinignan niya ang lalaki. "Di ba kanina tinatanong kita kung may gusto kang dessert? Ngayon mukhang gusto mo," aniya.

Napakamot sa ulo ang lalaki. "Eh busog na ako kanina eh. Saka itong ice cream, ako naman ang taya."

Bago pa siya pumayag, may tumili ng pangalan niya, as in tili!

Lumingon siya sa direksyon na pinanggalingan ng tinig at nakita niya si Kristine. Impit na napatili siya at nagtatalon palapit sa kaibigan. Niyakap nila ang isa't isa.

"Para kayong isang dekada hindi nagkita ah," puna ni Julius sa kanila.

Sabay silang magkaibigan na napalingon sa lalaki. Naramdaman niya ang pagkurot ni Kristine sa kanyang braso. Alam niya ang ibig sabihin noon, kinikilig ito dahil nakita si Julius. Forever crush na yata ng kaibigan niya ang abogado.

Unang nagkita ang mga ito noong 16th birthday celebration nila ni Mike. Mula noon ay crush na ng bff niya ang lalaki. Hindi niya alam kung bakit kahit ano'ng set up sa dalawa ang gawin nilang magkapatid, walang epekto… Dedma lang lagi si Julius.

"Hi!" magiliw na bati ni Kristine sa binata. Tila ay may naalala ito at nagpalipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa. "Magkasama kayo?" Bumitaw ang kaibigan sa pagkakahawak sa kanya.

"Oo," agad niyang sagot. "Nilibre ko lang ng dinner si Julius para sa lahat ng na-i-tulong niya sa akin sa pagbebenta nung unit ko," paliwanag niya. Ayaw niyang isipin ng kaibigan na may namamagitan sa kanilang dalawa ng lalaki. Gusto pa rin niyang umasa na may chance ang mga ito.

"At papunta pa lang kami sa ice cream shop. Sama ka? My treat," nakangitin alok ni Julius.

Lumawak ang ngiti ni Kristine at nawala ang kung anomang paghihinala sa mukha nito. "Sure! Libre eh," mataas na tonong pagpayag ng kaibigan niya.

Natawa na lang siya bago nagpatianod sa paghila ng kaibigan sa kanyang kamay.