"CONGRATULATIONS, Michie, may bagong property ka na ulit."
"Thank you, Julius," tugon niya.
Nag-desisyon siyang bilhin ang property ng tita-ninang Marlyn niya. Mas binabaan pa nito ang presyo para siya na ang bumili. Pumasok ang halaga sa naipon at kinita niya mula sa bentahan nung condo unit.
Hindi naging mahirap ang transaksyon lalo na at inalalayan siya ni Julius sa mga gagawin at asikasuhin. Ngayon ay kabibigay lang nito ng titulo ng bahay at lupa na pangalan na niya ang nakalagay.
Inabot din sila ng halos dalawang buwan sa pag aasikaso ng mga papeles. "O, magkano ang professional fee mo?"
Kumunot ang noo ni Julius. "May ganoon? Binayaran mo naman lahat ng fees at taxes, sisingilin pa ba kita eh ilang beses mo na nga ako pinakain. Tuwing nagpupunta rin ako dito eh pinapakain din ako nila tito at tita."
"Siyempre naman. Iba iyong pagpapakain sa iyo at iyong pf mo. Kapag hindi mo pinabayaran, magiging utang na loob pa iyon," dahilan niya.
"O, meryenda ninyo," sabi ni mama Amanda na galing sa kusina.
Magkaharap na naka upo sila ni Julius sa salas. Inihatid nito sa bahay ang titulo kahit ilang beses na niyang sinabi na siya na lang ang kukuha. Mas mabilis raw kasi kung isasabay sa inaasikaso ng opisina nito ang pag claim kaya ipinasabay na.
Pumayag na rin siya kasi kapag siya nga naman ang nag-asikaso, galing pa siya sa trabaho. Kapag inabutan siya ng siyam-siyam sa pag-claim, baka ilang oras na lang ang itutulog niya bago pumasok ulit sa trabaho.
Pero siya na sana ang kukuha sa opisina nito, eh dinala naman ni Julius ngayon. Ang kulit talaga kahit ano'ng saway niya.
Inilapag ng mama niya ang tray na bitbit nito. May palitaw doon at dalawang baso ng buko juice. Hindi niya inaasahan na gagawa pa ng merienda ang ina.
"Kayo po?" tanong niya kay mama Amanda.
"Sa komedor na lang muna kami ni Papa," nakangiting tugon ni Amanda. "Kain ka lang mabuti, Julius. Dito ka na lang din maghapunan kung may oras ka."
Napatingin siya sa ina kung sincere ito sa pag-aalok. Mukha naman. Bihira kasi ito mag-alok ng ganoon sa ibang nagiging bisita nila sa bahay. Pero pagdating kay Julius ay lagi na lang itong inaalok. Malamang ay naaaliw ito sa best friend ng kanyang kuya.
"Thank you pero hindi na po. Inaasahan din po kasi nila mommy na sa bahay ako maghahapunan," tugon ng binata.
"Ganun ba? Sige, sa susunod na lang. Maiwan ko muna kayo ha," sabi ni mama Amanda bago ngumiti ng matamis at naglakad na pabalik sa komedor.
Naku ha, mukhang kakaiba ang pagkagiliw ng mama niya kay Julius. Sabagay, malapit naman na talaga si Julius sa kanila kahit noon pa man.
"Kain na tayo," yaya niya at nagsimula na maghain. Ini-abot niya ang isang platito at tinidor sa lalaki bago nilagyan iyon ng palitaw at asukal. Ganoon din ang ginawa niya sa platito na para sa kanya.
"Ano na ang balak mo sa bagong property mo?" maya-maya ay tanong ni Julius sa kanya.
Tumingin siya sa kausap bago sinabi ang plano na matagal na niyang pinag-iisipan. "Kaya ko binili iyong property ay may magandang suggestion kasi si Kristine sa 'kin."
"Na?"
"Sundin ko ang pangarap ko," tugon niya at saka ikinuwento ang tungkol sa pag-travel at ang suggestion ni Kristine tungkol sa pag buy and sell ng mga damit at accessories.
Tumango-tango ang kausap niya at hinintay muna siyang matapos sa pagkukuwento bago ito nag komento. "I think Kristine made a good suggestion. It's like mixing business with pleasure, or vice versa. Kailangan mo lang nga ng capital kahit paano."
"Iyon na nga. Gusto sana nila mama at papa na tulungan ako sa puhunan, pero pinigilan sila ni kuya Mike. Siya na lang daw ang tutulong kasi ayaw din naman niya na magalaw ng parents namin ang savings nila. Sabi rin ni kuya Mike, kahit paunti-unti ko na lang siya bayaran kapag kumikita na ako," aniya.
"Subukan mo nga. Gumawa ka muna ng feasibility study bago ka magsimula. Kung tingin mo ay maganda talaga ang kikitain mo sa pagbebenta, simulan mo na."
Nginitian niya si Julius sa sinabi nito. Naisip din niya na kung sakali ay puwede rin siya maghanap ng local supplier na mura lang niya mabibili subalit maganda pa rin ang quality.
Pagkatapos nilang kumain ng meryenda ay nagpaalam na rin si Julius sa kanya at sa magulang niya. Sinamahan niya ito sa labasan para ihatid sa sasakyan nito.
"Salamat ulit, ha," sabi niya kay Julius bago ito sumakay ng kotse nito.
Tumango lamang ito at ngumiti bago ibinukas ang pintuan ng sasakyan nito. "Ahm, Michie…"
"O?"
"Okay lang ba na liligawan kita?"
Hala! Ano sabi nito? Liligawan siya? Naumid ang dila niya at saglit na nalito kung ano ang isasagot dito.
Bigla siyang naawa kay Julius nang makita na pinamulahan ito ng mukha. Siguro ay kinabahan ito dahil hindi siya nakasagot at baka i-friendzone na niya.
"Ahm, puwede bang pag-isipan ko muna?" Safe na sagot iyon, 'di ba? O siya lang ba nakakaisip na safe ang sagot na iyon? Ay naku, paano ba 'to?
Pero tila ay nakahinga ng maluwang si Julius. Okay na nga siguro ang sagot niya.
"Take your time. I have to go," anito bago sumakay nang tuluyan.
"Ingat ka," mahinang sabi niya na alam naman niyang hindi nito maririnig kasi umandar na ang sasakyan.
Pagpasok niya ng bahay ay nakita niyang wala na sa center table ang tray at pinagkainan nila ni Julius. Malamang ay iniligpit na ng mama niya. Pumunta siya sa kusina at tama nga ang kutob niya, iniligpit na nga ni mama Amanda.
"Thank you, Ma. Sana iniwan mo na lang, kaunti lang iyan eh," sabi niya.
"Okay lang, Michie. Iyon na nga, kaunti lang naman kaya kinuha ko na. Magpahinga ka muna," anito.
Nagpasalamat siya sa ina bago umakyat sa kuwarto niya at nagkulong doon. Hindi niya maramdaman ang kilig sa gusto siyang ligawan ni Julius dahil inaalala niya si bff#1. Hindi naman niya agad matanggihan si Julius kasi malaki na nga ang naitulong sa kanya ng lalaki, at hindi niya alam kung paano gagawin iyon.
Umupo siya sa kama at niyakap ang isang unan niya. Isinubsob niya ang mukha sa unan. Si Diego kasi! Kung hindi sana siya niloko nito, sana ay mag-jowa sana sila ngayon at hindi maiiisip ni Julius na ligawan siya.
Talaga bang dapat niyang sisihin ang ex-housemate?
ITINULOY ni Michie ang pagpunta sa ibang bansa. Inuna muna niya ang Hong Kong at namili ng mga damit at accessories na puwede niyang ibenta. Buti na lang may passport na siya, na isinabay ni kuya Mike ipagawa bago pa ito ipinadala sa Singapore ng kompanyang pinapasukan.
Naiwan ang passport sa mama niya at ibinigay sa kanya nang sisimulan na niya ang KMIX o Kasuotan by Michie & Xtra boutique shop. Online muna siya nagbenta.
At nagulat siya na iyong paisa-isa na umo-order sa kanya ay dumadami habang lumilipas ang mga araw. Bumili na siya ng magandang Android phone para kapag break time niya sa trabaho ay nakakapag check pa rin siya sa mga messages or inquiries, o nag-che-check through online banking kung nabayaran na nga ang orders sa kanya.
Pag-uwi niya ng bahay ay saka niya inaayos ang mga nabayaran na orders, pagkatapos ay matutulog, at paggising sa hapon ay pupunta sa courier na pinakamalapit sa kanila at doon ipapadala ang mga packages.
Pero dahil lumalakas ang benta niya, kinailangan din niya mamili kapag weekend sa mga local suppliers, isa na doon ang pagbili sa Taytay, Rizal ng mga RTW. Every month ay may bansa siyang pinupuntahan para mabilhan ng kanyang mga paninda.
Backpacker style lang ang mga gamit niya kapag pupunta sa ibang bansa. Pero nag ba-baon siya ng mga bag kung saan niya inilalagay ang mga paninda. Napuntahan na niya ang Thailand, Taiwan, Singapore (na isinabay niya ang pagbisita sa kapatid), Vietnam, at Indonesia bukod pa sa Hong Kong.
Sa kasalukuyan ay ipinapa-renovate na niya ang nabiling property kay tita-ninang Marlyn na nasa bandang Manila ang lokasyon. Iyong ibaba ay ipinapaayos niya na parang boutique, kung saan niya ilalagak ang mga paninda na may stockroom at opisina. May isang banyo na sa ground floor.
Iyong pangalawang palapag ang gagawin niyang living quarters. Mayroon iyon dalawang kuwarto, iyong isa ay sa kanya habang iyong isa ay gagawin niyang guest room. Bawat kuwarto ay may sarili ng banyo. Nandoon na rin ang living room at kitchen. Para kapag dadalaw ang kanyang mga magulang o si kuya Mike ay may tutuluyan ang mga ito.
At si Julius? Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapagpasya kung papayag siyang manligaw ito o hindi. Kinausap lang niya ito na huwag siyang kukulitin sa sagot, magsasabi siya kapag handa na siyang sumagot. Naging pasensyoso naman sa kanya ang lalaki. Ayun lang nga, inabot na ito ng ilang buwan sa kahihintay. Unfair niya, ano?
Kasi naman, magiging komplikado ang lahat. Paano kung masira ang pagkakaibigan nila? O kaya ay magalit sa kanya si Kristine? Paano na?
"Miss Dimapalad, okay na po," sabi ni Vina, ang isa sa tatlong clerk ng suki niyang courier. Lumapit siya sa counter.
Pinirmahan niya ang mga resibo pero isa-isa niya iyon kina-counter check sa kanyang listahan. Pagkatapos, ibinalik niya ang mga iyon kay Vina. Ibinigay sa kanya ang customer's receipt. "Thank you. Next time ulit," aniya.
"Sige po, ma'm. Bukas ulit," tugon nito. Pamilyar na ang tatlong clerk sa kanya kasi halos araw-araw siya nagpapadala eh. Pero sa totoo lang, napapagod na siya sa araw-araw niyang routine.
Lumabas siya ng courier office at naghintay ng tricycle na masasakyan pabalik sa bahay. Kagaya ni Kristine, mas malaki ang kinikita niya sa sideline kaysa sa trabaho niya sa call center. Pero natatakot pa siya mag resign, paano kung nasa phase lang siya ng beginner's luck? At darating ang araw na hihina ang kanyang benta?
Teka, puro puno yata ang tricycle na dumadaan ah. Nagpasya siyang maglakad na lang, ten minutes lang ay mararating na niya ang bahay nila.
Ilang metro pa lang siyang naglalakad ay may bumubusinang sasakyan sa likod niya. Hindi nga niya pinansin, baka kung sino ang binubusinahan niyon.
"Michie!"
Napalingon siya. Si Julius pala iyon na nakasilip sa bintana na nasa passenger's side. Inihinto nito ang sasakyan sa tapat niya.
"Sakay na."
"Papunta ka ba sa bahay?" tanong muna niya.
"Oo, may usapan kami ni Mike kaya susunduin ko siya sa inyo," tugon nito pagkatapos bumaba ng sasakyan at ipinagbukas siya ng pintuan.
Sumakay na siya. Bumuntunghininga siya habang pinagmamasdan ang pag-ikot ng lalaki sa sasakyan papunta sa driver's seat. Sabado ng hapon iyon kaya naiintindihan niya kung gigimik ang dalawa.
Nung isang araw lang dumating ang kuya niya para sa bakasyon nito. Pagkatapos ng isang linggo ay babalik na ito sa Singapore. Niyayaya nga siya ng kapatid na sabay sila bumiyahe, kaya lang mas gusto niya bumalik sa Vietnam dahil iyong mga paninda niya na galing doon ang naubos na.
"Galing ka ba sa courier shop?" tanong ni Julius nang umaandar na sila.
"Oo. Hindi ko alam na may lakad kayo ni kuya Mike," aniya.
"Biglaan lang ang lakad. Nagyaya kasi iyong isa naming kabarkada. Si Jonathan, naaalala mo?"
Tumango siya.
"Ikakasal na kasi si Jon-jon, kaya magpapainom muna," nakangising sabi ni Julius. Tumango-tango lang siya sa sinabi nito.
Hindi nagtagal ay dumating na sila sa bahay niya. Pero bago siya bumaba ay hinawakan siya ng lalaki sa braso kaya napatingin siya dito.
"Bakit?"
"Michie, may sagot ka na ba sa tanong ko dati kung okay lang ba na ligawan kita?"
Nabigla siya na parang hindi naman, alam naman niya na hindi niya ito mapipigilan sa pagtatanong. Pero tila ay naumid ang dila niya. "Bakit ngayon mo ako tinatanong niyan?" Wala naman sigurong masama kung sagutin din niya ng tanong ang tanong nito.
Binitiwan ni Julius ang pagkakahawak sa kanya at dumiretso ang mukha nito. "I've been waiting for a few months now. At saka kinontak ako ni Diego a few days ago…"